Chapter 5

AXION

Hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam 'yung dapat kong gawin. Nandito kami ngayon sa bukid at kaharap ko 'yung mga tambay kanina at sina Tide naman ay nasa likuran, binabantayan ako.

Lumingon ako sa kanila na may takot sa mata.

"G-Guys..." Tawag ko pero binalewala lang nila ako.

Humarap naman ako ulit sa mga tambay at halos maihi ako sa takot dahil sa mga nakangising mukha nila.

Kanina ay inaya sila ni Tide ng gulo pero laking gulat ko nang tinuro ako ni Tide at sinabing ako raw 'yung makikipaglaban sa mga tambay.

"Kaya mo 'yan, Axion!" Pagc-cheer nila sa akin kaya mas lalo akong kinabahan.

Hindi ako sanay sa ganito! Hindi ako marunong makipagbasagan ng ulo. Kahit nga sumuntok ay hindi ako marunong, makipagbugbugan pa kaya? Hanep naman kasi si Tide. Hindi naman kasi ako makapalag dahil baka mabugbog niya lang ako. Napaka-gangster pa naman no'n.

"Axion, talunin mo sila! Alam kong kaya mo 'yan! Tama naman ako, hindi ba? Kayang talunin ni Axion 'yung mga walanghiyang mga 'yan?" Tanong ni Tide at sumang-ayon naman sila.

"Tama! Kaya ni Axion 'yan!"

"Go, Axion!"

"Baby, kaya mo 'yan!"

Natawa 'yung mga tambay sa pagc-cheer sa akin at laking gulat ko nang sugudin ako ng isa sa kanila. Sinuntok niya ako sa mukha pero nakailag ako at tumakbo palayo sa kanya.

"Hala! Boss, hindi po ako papatol!" Pagmamakaawa ko sa kanya kaya mas lalo siyang natawa, pati na rin iyung mga kasama niya.

Pagtingin ko naman sa mga kasama ko ay nakita ko sa mukha nila ang hindi makapaniwalang ekspresyon. Lalung-lalo na 'yung kay Tide na kulang na lang ay ibalibag ako sa pagka-irita niya.

"Axion, tinawag mong boss? Ulol ka ba?!" Galit na sigaw sa akin ni Tide at mukhang susugurin niya ako kaya tumakbo na ako pero mabuti na lang ay pinigilan siya agad nina Mason.

"Pare, ayos pala 'to. Tinawag kang boss!" Malakas na halakhak ng isa sa kanila at nakipag-apiran pa sa taong sumugod sa akin kanina.

"Dapat lang! Boss talaga ako, 'no," nakangisi niyang pagsang-ayon at tumingin siya sa akin. "Hoy!"

Napaturo ako sa sarili ko at tumango naman siya. "Oo, ikaw! Bobo, amputa." Tumawa pa siya.

Napakamot ako sa ulo ko.

"Halika rito, pare," tawag niya sa akin. Napakagat ako sa labi ko at sinunod ko siya.

Pumunta ako sa kanya at gumuhit ang ngisi sa labi niya. Nang ilang pulgada na lang ang layo namin ay nagulat ako nang may humila sa akin at sinapak 'yung lalaking tumawag sa akin.

"Axion, alis!" Sigaw ni Patterson at sumugod din siya kagaya ng ginawa ni Tide.

Sandali. Si Tide 'yung unang sumugod at 'yung humila sa akin?

Nalaglag ang panga ko nang makitang nakikipagsuntukan siya sa isang lalaki at nang dahil sa gulat ko ay hindi kaagad ako nakakilos sa kinatatayuan ko kaya naman nasuntok ako ng isang lalaki sa mukha.

Napadaing ako dahil sa sobrang hapdi. Gulat akong napahawak sa labi ko at nakitang may dugo iyon. Nataranta ako at nakitang susuntukin na naman ako ng lalaki nang may humila ulit sa akin at siya ang sumuntok sa lalaki.

"H'wag mong sinasaktan ang baby ko, ugly duckling!" Sigaw ni Alec pagkasuntok niya sa lalaki. Napaupo iyung lalaki dahil sa lakas ng suntok ni Alec.

Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang makita ang nangyayari. Nakikipagsuntukan sila sa mga tambay habang si Alec ay nasa gilid ko at binabantayan ako.

Umamba ng suntok ang kalaban ni Tide pero naunahan na siya ni Tide. Sinipa ni Tide 'yung kamao niya at sinipa niya pa ulit 'yung kalaban niya kaso sa mukha naman. Inis na pinahid ng lalaki 'yung labi niya at sinugod si Tide. Pinaulanan niya ng suntok si Tide at panay naman ang iwas ni Tide pero may pagkakataon na tinatamaan siya na lalo kong ikinataranta.

"A-Alec, tulungan natin s-sila!"

Napatingin sa akin si Alec at napailing siya. Dinala niya ako sa pwesto na may kalayuan sa bugbugan.

"Baby, 'wag kang aalis dito. Tutulungan ko lang sila. Okay?" Hindi ako nakasagot kaya nginitian niya lang ako at iniwan na roon.

Sanay naman na akong maiwan...

Hindi ko kayang panoorin silang nakikipagsuntukan. Nakakabwisit ka, Axion. Bakit ba naman kasi hindi ka marunong sumuntok?

Napatingin ulit ako kay Tide na nakaupo na sa lupa habang hawak-hawak ang panga niyang nasipa. Bigla na naman akong kinabahan nang makitang may hawak na kahoy 'yung lalaki na nasa likod niya. Napatingin ako sa paligid niya at wala akong nakita na makakatulong sa kanya.

Ano nang gagawin ko?

Hindi ako mapakali sa kinatatayuan ko, lalo na nu'ng makalapit na talaga 'yung lalaking may hawak na kahoy kay Tide. Napahigpit ang kapit ko sa manggas ng damit ko at napapikit ako nang mariin.

Bahala na.

Pumadyak muna ako dahil sa kaba bago ko takbuhin 'yung pwesto ni Tide. Nang itaas na nu'ng lalaki 'yung kahoy ay mas lalo kong binilisan 'yung pagtakbo ko. Kaso nang dahil sa pagmamadali ko ay natisod ako sa butas sa lupa at nadapa ako. Tumama ang mukha ko roon at napadaing ako sa sakit. Nanlaki naman ang mata ko dahil sa nangyari sa akin at inangat ko ang tingin ko kay Tide.

"Tide..." Mahina kong tawag sa pangalan niya nang ihampas na nu'ng lalaki sa kanya 'yung kahoy pero laking gulat ko na lang nang iharang ni Hertzler ang katawan niya kay Tide kaya sa halip na si Tide ang tamaan ay siya ang tinamaan no'n.

Dapat ako 'yun, eh... kung hindi lang sana ako nadapa.

Napadaing si Hertzler at gulat na napatingin si Tide sa kanya. Nanlisik ang mata ni Tide at umikot siya patayo at sinipa niya 'yung lalaki sa tiyan.

Galit na binugbog ni Tide 'yung lalaki. Ang damit ni Tide ay may mantsa na ng mga dugo.

Inawat nina Kayrra at Mason si Tide na galit na galit.

"Tide, baka mapatay mo!" Sigaw sa kanya ni Kayrra.

Hinila naman ni Patterson 'yung lalaking binubugbog ni Tide palayo roon. Samantalang si Alec ay pinuntahan si Hertzler na tinamaan ng kahoy sa likod. At nang makawala naman na 'yung mga tambay ay nagtakbuhan sila palayo sa amin.

Tumayo na ako sa pagkakadapa at pinagpagpag ko 'yung damit ko. Nang masalubong ko 'yung mata ni Tide ay nanlumo ako dahil sa talim no'n.

Nagtatagis ang kanyang mga ngipin at nagmartsa siya papunta sa akin.

"Tide!" Bawal sa kanya ni Mason pero binalewala niya lang iyon.

"Tide, stop!" Ngayon ay si Hertzler naman ang sumigaw pero hindi niya rin iyon pinakinggan at patuloy lang siya sa paglapit sa akin.

Unti-unti akong napaatras dahil sa takot at nanginginig na ang mga tuhod ko. Tinaas niya ang kanyang kamao at isusuntok niya na sana iyon sa akin pero nang ilang pulgada na lang ang layo ng kamao niya sa mukha ko ay tumigil siya at inis na sumigaw.

"'Langya!" At naglakad na siya palayo sa amin.

Napaawang ang bibig ko at ngayon ko lang napansin na kanina pa pala ako hindi humihinga kaya nagpakawala ako ng isang malalim na paghinga para gumaan 'yung pakiramdam ko. Napahawak ako sa dibdib ko na sobrang lakas ng tibok. Para akong mahihimatay dahil sa kaba. Sa sobrang panlalambot ng tuhod ko ay napaupo ako sa lupa at napatulala.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top