Chapter 34
TIDE
Mas hinigpitan ko ang kapit sa kumot dahil sa sobrang lamig na nararamdaman. Nanginginig na ang buong katawan ko at hindi lang ako, pati na rin si Axion na katabi ko lang din. Magkadikit na magkadikit na kaming dalawa na tila hindi mapaghihiwalay.
Kinagat ko ang ibabang labi ko at pilit na tinignan ang bintana. Madilim pa sa labas. Wala pa ang araw na maaaring makatulong sa aming dalawa ni Axion para medyo mainitan.
“Ahhh... Napakalamig!” Bulong ni Axion.
Tumingin ako sa kanya at tumango.
“Tang ina, sobrang lamig, tol,” tugon ko sa kanya habang nanginginig dahil sa lamig.
Kahit hirap siyang gumalaw dahil sa panginginig at dahil sa mataas na lagnat, nagawa pa niyang tapikin ang labi ko. Kinunutan ko siya ng noo.
“‘Wag ka ngang nagmumura,” anito sa nahihirapang pananalita.
Niyakap ko nang mabuti ang katawan ko at halos isubsob ko na ito sa buong kama. Sobrang lamig pero sobrang init naman ng pakiramdam ko. Para akong nilelechon!
“Hindi ko magawang hindi magmura. Matagal nang nakatanim sa bibig ko ang mga mura,” pagsasabi ko ng katotohanan.
Noon pa man ay nagmumura na ako. Marami akong murang nasasabi pero kahit ganoon, hindi naman ako masamang tao. Nakasanayan lang at saka dahil na rin iyon ang totoong ako: palamurang tao.
“Pigilan mo,” bulong niya.
Dama ko ang hininga niyang dumadampi sa noo ko. Gaya ng hininga ko, mainit na mainit din iyon.
“Hindi ko nga kayang pigilan,” sagot ko.
Mas lumapit pa ako sa kanya kahit mukhang wala naman nang mailalapit. Sinubsob ko ang mukha ko sa dibdib niya.
“Tol, yakap ulit,” bulong ko na ginawa niya rin naman.
Sobrang init naming dalawa. Kaya na yatang magprito sa katawan namin!
Kung parehas kaming may lagnat na dalawa, sino ang maaaring mag-alaga sa amin? Si Tita Arabelle? Mukhang tulog na tulog pa ‘yun, eh.
“Hay, grabe! Ang lamig tapos ay sobrang init ng pakiramdam ko!” Sigaw ko kahit alam kong may natutulog pa rito sa bahay.
“Tide, manahimik ka nga! Nambubulabog ka,” bawal sa akin ni Axion.
Umirap ako at kahit hirap ay pinilit kong tumayo. Nahilo ako at umikot ang paningin sa biglaang pagtayong ginawa. Mabuti na lang at napahawak kaagad ako sa kama. Pumikit ako nang mariin para mawala ang pagkahilo.
Dumilat ako at pumungay lalo ang mga mata ko. Ang hirap talaga kapag may lagnat. Para kang nilalamig pero sobrang init naman ng pakiramdam mo na tila gusto mong pasukin 'yung loob ng ref.
“Saan ka… pupunta?” Tinignan ko si Axion na nanginginig sa kama.
“Aba, hindi tayo gagaling kung magyayakapan lang tayong dalawa riyan sa kama,” aniko at naglakad palabas ng kwarto.
Mabagal ang bawat lakad ko dahil sa hilong nararamdaman pa rin. Sobrang sakit pa ng ulo ko. Para itong binibiyak!
Nagpakawala ako ng hininga at sobrang init no’n. Big time!
Pumunta akong kusina at kahit hilo ay nagawa kong magsalin ng malamig na tubig sa isang planggana. Nilublob ko ang bimpo roon at pagkatapos ay pinahid ko sa buong katawan ko.
Humugot ako ng isang upuan at umupo ako roon. Nilublob ko ulit 'yung bimpo sa malamig na tubig at pinunas ito sa aking mukha.
Dahil sa sobrang init ng pakiramdam ko na tila ako ang pinaka-hot na tao sa buong mundo ay nagawa kong ilublob ang buong mukha ko sa plangganang may malamig na tubig.
Nagulantang naman ako nang may humila sa ulo ko palayo sa planggana.
“Tide!” Singhal ni Axion sa akin.
Hindi ko siya pinansin at nilublob ko naman ang magkabilang braso ko sa planggana. Hindi na uso ang pagpupunas ngayon, lubluban na.
“Mas madali kapag ganito. Hindi mo na kailangang mag manu-mano sa pagpupunas,” nakangiti kong sabi habang nakapikit. Ang bibigat ng talukap ko!
Narinig ko siyang napabuntong hininga kaya napatingin ako sa kanya. Nakita ko siyang kumuha ng dalawang banyerang plastik at nilapag iyon dito mismo sa kusina. Nilagyan niya ng tubig ang banyera. Lumabas siya ng bahay at pagkabalik niya ay may bitbit-bitbit na siyang mga yelo na binili yata sa kapitbahay. Mukhang nambulabog pa siya ng kapitbahay para lang makabili no'n
Napangiti ako at tinulungan na siyang maglagay ng yelo sa banyerang may tubig.
“Swimming sa madaling araw,” nakangisi kong sabi at nang lumamig na ang tubig ay kaagad akong sumampa sa banyera.
Napapikit ako dahil sa lamig na naramdaman. Kanina ay halos hindi kami mapakali ni payatot dahil sobrang lamig. Pero ngayong sobrang init ng pakiramdam namin, kami pa mismo ang gumawa ng paraan para makaramdam ng lamig.
Nakabaluktot akong nakahiga sa banyera para magkasya at ganoon din si Axion. Napangiti ako kahit nanginginig dahil sa lamig. Ang weird talaga kapag may lagnat ka. Gustung-gusto kong magkumot dahil sa lamig pero sobrang init naman ng pakiramdam ko.
“Ang lamig,” hagikhik ko.
Kinaumagahan ay nagulantang na lang si Tita Arabelle nang makita niya kaming dalawa ni Axion na nakababad sa tubig na nasa banyera. Sinigawan niya kami at kaagad na pinabangon.
“Kayo talagang dalawa, kung anu-anong bagay pumapasok sa isip ninyo! Magbabad ba naman sa malamig na tubig? Hay naku!” Hindi makapaniwalang sinabi ni Tita habang nilalapag sa hapag ang lugaw na kanyang niluto.
Ayon sa usok ay mainit pa ang lugaw.
“Sobrang init po kasi ng pakiramdam namin,” sagot ko naman.
Napailing na lamang si Tita at umupo sa upuan na kaharap namin. Bakas sa mukha ni Tita na gusto niya akong tanungin kung bakit ako nandito ngayon pero hindi niya iyon itinuloy. Naiintindihan ko naman, siguro ay ayaw niya lang masira ang atmospera na meron kami ngayon.
“Kayo lang yata ang gumawa nang ganoon. Talagang kinaya n'yo pa ang lamig na ginawa ninyo. Ibang klase,” naiiling na sinabi ni Tita na ikinatawa ko nang marahan.
“Ang unique ba namin, Tita?” Nakangiti kong tanong sa kanya.
“Manahimik kang bata ka. Kumain na lang kayo ng lugaw riyan at pagkatapos n'yong kumain, inumin n'yo itong gamot. Pagkatapos ay magpahinga na muna kayong dalawa sa kwarto. Huwag na huwag n'yo nang gagawin ‘yung ginawa ninyo kanina, ah?”
Ngumiti kami ni Axion at marahang tumango bago kumain.
Umalis na si Tita Arabelle para magtrabaho kaya naiwan na lang kaming dalawa ni Axion. Si Ashlon naman ay tulog pa rin hanggang ngayon.
Tumayo na ako pagkatapos kong uminom ng gamot. Naglakad ako papuntang sala dahil gusto ko sanang manood, kaso natatakot akong makita sa TV na baka binobroadcast ang pangalan ko. Malakas ang koneksyon nila Mommy kaya alam kong kaya nilang gawin iyon pero naisip kaya nilang gawin ang ganu’n? Ang ibroadcast ang pangalan ko?
Napagpasyahan kong huwag na lang manood. Naupo ako sa sofa at sinandal ko ang aking likod sa sandalan nito. Pumikit ako at sinubukang matulog.
Naramdaman kong may umupo sa tabi ko. Hindi ko dinilat ang mata ko dahil ayon pa lamang sa temperatura na dala nito, alam ko na kaagad kung sino iyon.
Marami kayang pumapasok sa isip ni payatot patungkol sa problema ko at sa pamilya ko? Kahit tinakas niya ako, may balak pa rin kaya siyang isuko ako? Syempre hindi naman ako sobrang espesyal sa kanya para itago habang buhay.
“Bakit nakakunot ‘yang noo mo?” Dinig kong tanong ni Axion.
Hindi ko pa rin dinidilat ang mga mata ko. Pinabayaan ko lang na magpahinga muna ang mga ito.
“Maraming iniisip,” pag-amin ko.
“Kaya lumalaki ‘yang noo mo, eh.” Napadilat ako kaagad dahil sa sinabi niya.
“Wow naman. Ganu’n ba ‘yon?” Sarkastiko kong tanong.
Tumawa siya at pumikit habang nakasandal din sa sandalan ng sofa.
“Oo, ganu’n ‘yon,” anito habang nakapikit.
Tinitigan ko siya. Hindi naman niya malalaman na nakatitig ako sa kanya dahil nakapikit siya kaya sinulit-sulit ko na.
Masasabi kong... Ang pangit talaga ni Axion.
“Tol,” tawag ko sa kanya kaya dumilat siya.
Nagulat pa siya nang makita akong nakatitig sa kanya.
“B-Bakit?”
“Rule number one?”
Napakunot ang noo niya sa tinanong ko at makalaon ay napangiti siya na tila may naalala.
“‘Wag kang hihingi ng sorry sa bawat oras,” taas noo nitong sagot sa akin.
Ngumiti ako at ibinaling ko ang tingin ko sa telebisyong nakapatay.
“Rule number two?”
“‘Wag masyadong seryoso. Matutong maniraulo.”
Masaya ako dahil hindi na siya ‘yung dating Axion na sobrang seryoso. Hindi na siya ‘yung sobra ring KJ.
“Rule number three?”
“‘Wag mahihiyang tumanggi sa bagay na ayaw mo naman talaga,” sagot niya.
Nagagawa mo na akong tanggihan na ikinatutuwa ko kahit papaano. Pero sana, kapag kailangan ko ‘yung tulong mo, labag man sa ’yo, pakiusap... tulungan mo pa rin ako. Kailangan kita, tol.
“Rule number four?”
“Be a man not a boy.”
Patuloy pa rin ang pagngiti ko dahil kahit medyo matagal na ang lumipas nang magawa ko ang mga rules, hanggang ngayon ay saulo niya pa rin.
“Rule number five?”
“Act cool,” natatawa niyang sagot kaya napatingin ako sa kanya.
“Kailan man ay hindi ko magagawa ang rule na ‘yan,” kibit-balikat niyang sabi.
“Rule number six?”
“Lagpasan mo mga kinatatakutan mo.”
Napahinto ako. Hindi ako kaagad nakapagsalita dahil sa biglaang naramdaman.
“R-Rule number s-seven?” Napalunok ako dahil sa biglaang pag-utal.
“Ito ang pinaka-the best. Tulungan ka sa pag-aaral mo,” natatawang tugon ni Axion pero hindi ko magawang makisabay sa tawa niya.
Lumunok ako dahil sa kaba. Hinigpitan ko ang hawak sa isang papel na marami ang tiklop para hindi kaagad makita ang nakasulat sa loob sa isang buklatan lang.
“Rule number eight.” Hindi na ito patanong na ikinatigil ni Axion.
Napatingin ito sa akin at nilabanan ko ang kanyang tingin.
“Wala namang rule number eight?” Meron.
Nginitian ko siya at gamit ang nanginginig na kamay, hinawakan ko ang isa niyang kamay at inilagay ko roon ang papel na kanina ko pa hawak.
Marami ang pagkakatiklop ng papel na ito. Pinilit kong makahinga nang maayos kahit abot na ang hampas ng dibdib ko dahil sa sobrang kaba.
Tumingin siya sa papel gamit ang nakakunot na noo. Ang kanyang mga mata ay puno ng katanungan.
“Tol, buksan mo ‘yan kapag wala na ako sa tabi mo,” nakangiti ko pa ring sabi sa kanya.
Kunot pa rin ang kanyang noo kaya pabiro ko siyang hinampas sa braso.
“Huwag mong bubuksan ‘yan kapag nandito pa ako, ah? Bubuksan mo lang ‘yan kapag wala na ako.” Sabay ngiti ko ulit bago tumayo.
“Pipingutin kita nang sandamakmak kapag binuksan mo ‘yan nang nandito pa ako.” Umalis ako kaagad sa tabi niya at pumasok ako nang agaran sa kwarto.
Ayokong makita niya ang kabang nanunuot sa mukha ko. Natatakot din akong marinig niya ang dagundong ng puso ko. Ang nginig ng boses ko ay sana hindi niya napansin dahil putakte, may double meaning ang lahat ng sinabi ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top