Chapter 30

TIDE

Natigil ako panandalian dahil sa sinabi niya.

“Ano kamo ulit, Axion?” Seryoso kong tanong.

Nanlaki naman ang kanyang mata at bigla siyang nataranta na ikinakunot lalo ng aking noo.

“A-Ah, w-wala. Sige, a-alis na ako. Bye!” Dali-dali niyang binuksan ang pinto at mabilis na lumabas doon.

Napangiwi ako at umupo ako sa kama.

Dumadalas na ang pagiging weird ng payatot na ‘yon. Lagi pa siyang natataranta kapag tinitignan ko siya nang maigi. Hindi ba normal sa kanya ‘yon? Minsan talaga ang sarap niyang tapukin.

Napailing na lang ako at umayos ako ng upo. Sumandal ako sa sandalan ng kama.

Medyo madilim pa at ang liwanag ay unti-unti pa lang na lumilitaw. Tumingin ako sa bintana at natulala na lang ako bigla. Mayamaya lamang habang nagmumuni ay tumunog ang cell phone ko. Bagong sim ang gamit ko, sinira ko na ‘yung dati para hindi matrack.

Dinampot ko ang cell phone ko sa maliit na kabinet na katabi ng kama. Nakita kong tumatawag si Godwin kaya napakunot ang noo ko. Ano na naman kaya ang kailangan nito?

Sinagot ko ang tawag.

“Tide, mag-usap tayo mamayang tanghali. Mga ala una, sa parke na malapit lang sa bahay ni pareng Ramulo. Sige, bye.” Pinatay niya kaagad 'yung tawag pagkatapos niyang magsalita.

Tinignan ko ang cell phone ko at napangiwi ako.

“Hanep na taong ‘yun. Hindi yata uso sa kanya ang “Hello? Si sexy’ng Tide ba ‘to?”, ‘yung mga ganyang linyahan ba,” hindi ko makapaniwalang bulong habang nakatitig pa rin sa aking cell phone.

Tumayo ako at nag-inat.

“Walang patutunguhan ‘yung buhay ng panget na ‘yon. Tsk,” bulong ko bago hinagis ang aking cell phone sa kama saka ako lumabas ng kwarto.

Naabutan ko naman sa kusina si Tita Arabelle; Nanay ni Axion na nagluluto ng ulam.

Kaagad akong lumapit at sinilip ko ang kanyang niluluto. Nagulat naman siya dahil sa biglaang pagsulpot ko.

“Maryosep, hija!” Gulat nitong wika habang nakahawak sa kanyang dibdib.

Napangiti naman ako nang makita ko ang niluluto niyang ulam.

“Sinigang na lapu-lapu…” aniko habang nilalanghap ang aroma ng ulam.

Nang tumingin naman ako kay Tita Arabelle ay nakangiti ito habang nagpapatuloy sa pagluluto.

“Paborito mo ito, ‘di ba?” Nakangiting tanong ni Tita.

Ngumiti ako sa kanya at tumango. “Opo.”

Umalis na ako sa kusina at nadatnan ko naman sa sala si Axion at Ashlon na nanonood ng cartoon network.

Napatingin sa akin si Axion at napalunok pa ito. Kaagad siyang umiwas ng tingin at ibinalik niya na iyon sa kanilang pinapanood.

Lumapit ako sa kanilang dalawa at umupo ako sa tabi ni Axion. Napaayos siya ng upo at medyo lumayo sa akin.

Kunot noo ko siyang tinignan. Magsasalita sana ako kaso minabuti kong itikom na lang ang bibig ko.

Mayamaya lang, habang nanonood ay nakaramdam ako ng kakaiba. Napatingin ako sa pinto ng bahay habang nakakunot ang aking noo.

May nararamdaman ako. Pakiramdam ko ay may nagmamatyag sa bahay. Bigla akong hindi mapakali. Winasiwas ko na lang ang pakiramdam na ito.

“Mga bata, kain na!” Sigaw ni Tita Arabelle.

Tumayo ako at pupunta na sana ako sa hapag nang mapatingin ako sa bintana na kita ang labas ng bahay.

Napakunot ulit ang aking noo nang may mahagip ako sa labas. May tao.

Lumapit ako sa pinto at hahawakan na sana ang door knob nang may humawak sa balikat ko. Bigla akong nataranta dahil sa gulat na naramdaman. Kumabog ang dibdib ko at bumilis ang aking paghinga na ikinatakot ko.

“T-Tide, kain n-na,” utal na sinabi ni Axion.

Tumango ako at umalis naman na siya.

Inilapat ko ang aking kanang palad sa aking dibdib at damang-dama ko ang malakas na pagkabog nito. Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim.

Natapos na akong kumain lahat-lahat pero ang isip ko ay lumilipad pa rin. May kailangan akong kumpirmahin ngayong araw dahil kapag hindi ko ito nakumpirma, baka may mangyaring hindi kaasam-asam.

Tumayo ako at nagpresinta ako na ako na ang maghuhugas ng mga pinggan. Pagkatapos kong maghugas ng pinggan ay kaagad kong dinampot ang walis na tambo at naglinis ako ng bahay.

Pinagbawalan pa ako ni Tita Arabelle at Axion pero nagpatuloy pa rin ako.

“Okay lang talaga, Tita. Sanay naman ako sa mga ganitong bagay,” nakangiti kong sinabi sa kanya.

Napakamot siya sa kanyang batok at dahan-dahang tumango.

“O’sige… kung iyan talaga ang gusto mo. O’siya, aalis na ako, hinahanap na ako ng amo ko. Kanina pa text nang text,” naiiling nitong sabi.

Tumayo ako nang maayos at hinarap ko si Tita.

“I-block mo, Tita,” panloloko ko.

Napakunot ang noo niya.

“Ha? Ano naman ‘yung iitiman ko?” Inosente niyang tanong na nagpatigil sa akin.

Hindi ako makasagot dahil nabigla ako sa kanyang sinabi.

“Ikaw talagang bata ka, niloloko mo na naman ako. O’siya, sige, aalis na ako.” At lumabas na siya ng bahay.

Napabuntong hininga ako at lihim na napa-irap.

“Nanay nga talaga siya ni Axion,” naiiling kong bulong habang nagpapatuloy sa pagwawalis.

Nang matapos ako sa paglilinis ng bahay ay napaupo ako sa sofa at pumikit upang pakalmahin ang sarili.

Hinihingal ako.

Napangiwi ako at mahigpit kong hinawakan ang sofang inuupuan ko.

Lumakas lalo ang kabog ng dibdib ko. Ang aking paghinga ay hindi na normal. Napaigting ang aking panga nang tila maubusan ako ng hininga. Naninikip ang dibdib ko!  

Napadilat ako bigla nang may magsalita sa harapan ko. Bumungad sa aking harapan si Ashlon na nakatitig sa akin.

“Ate Blue, may masakit po ba sa inyo?” Tanong nito.

Pilit kong inayos ang aking sarili at nginitian ko siya.

“Wala. Walang masakit sa akin. Oh... bakit ang lungkot ng mukha mo?” Pag-iiba ko sa usapan.

Mas lalo siyang sumimangot at matalim ang ipinukol niyang tingin sa gilid ko. Lumingon ako sa gilid ko at napatalon ako sa gulat nang makitang si Axion ito. Mas lumakas tuloy ang kabog ng dibdib ko!

“Si Kuya po kasi tinulak ako papunta sa harapan n'yo! Pinilit pa po niya akong tanungin kayo!” Giit ni Ashlon.

Napalunok ako dahil sa maiging tingin ni Axion sa akin. Iniwas ko ang aking tingin at ibinalik ko ito kay Ashlon na nakanguso pa rin.

“Dapat tinulak mo rin, para kwits!” Nakangiti kong sinabi kay Ashlon.

Tumingin ito sa akin.

“Mahina pa kasi ako, Ate Blue, hindi ko pa po siya kaya.”

“Sus. Parang ang bigat ng Kuya mo. Eh, kasing hina’t payat mo lang naman ‘yan,” panunuya ko naman.

Unti-unti namang napangiti si Ashlon at palihim itong tumitingin kay Axion. Napakunot ang noo ko at tinignan ko ang katabi ko. Namumula ang tainga ni Axion at nakalobo ang magkabilang pisngi nito.

Anak ng tinapa. Ang pangit niya talaga.

Gulat itong napatingin sa akin at bigla na naman siyang nataranta. Bigla itong napatayo at mabilis na pumasok sa kwarto.

Hindi ako nakakibo dahil sa inakto ng impakto.

Napahagikhik si Ashlon kaya napatingin ako sa kanya.

“Ang lala na ni Kuya,” bulong ni Ashlon at siya naman ang pumalit sa pwesto ni Axion sa tabi ko.

Tumingin ito sa akin at humagikhik siya ulit. Napangiwi ako sa inaakto ng dalawang magkapatid na ito.

Tumayo ako at lumabas ng bahay.

“Grabe, mababaliw yata ako sa bahay na iyon...” nakangiwi kong sabi habang naglalakad palayo.

Tinignan ko ang aking relo at alas onse pa lang. Pumunta na ako sa parke at siguro ay hihintayin ko na lang na mag-ala una.

Umupo ako sa isang bench at nilinga ko ang buong paligid.

Isang simpleng parke. May mga batang naghahabulunan. Mga magjowang naghaharutan. Pamilya na nagtatawanan. At mga sorbeterong nagtitinda.

Masaya sanang panoorin silang lahat kaso may umepal na kaagad sa tanawin ko.

“Ang aga mo, ah! Excited kang makita ako, ‘no?” Mahanging sabi ni Godwin na ngiting-ngiti sa harapan ko.

Nginiwian ko siya at sinipa.

“‘Wag kang mahangin diyan, Aso.” Sabay irap ko sa kanya.

Napanguso naman siya dahil sa itinawag ko sa kanya.

“Ayan na naman ‘yang palayaw na ‘yan!” Nakanguso niyang reklamo sabay upo sa kaliwa ko.

“Bakit ka umaangal, mukhang aso ka naman talaga?” Panunukso ko sa kanya na lalo niyang ikinanguso.

“Kita mo? Aso ka talaga, lalo na kapag nakanguso.”

Bigla naman niyang tinanggal ang pagkanguso niya na ikinatawa ko. Uto-uto talaga ang asong ‘to.

“Ano nga pala ang dapat nating pag-usapan?” Panimula ko na ikinatigil niya panandalian.

Biglang nagseryoso ang mukha niya at umayos siya ng upo.

“Oo nga pala…” mahina niyang sabi.

“Pero bago ka magsalita at magpaliwanag, ako muna. Aso, natatakot na ako.” Mas lalo siyang natigilan dahil sa huli kong sinabi.

“Papayagan kitang tawagin akong aso sa ngayon pero bukas dapat ay hindi na, ah?” Aniya.

Tumingin ako sa kanya.

“Ang tanong, magkikita pa kaya tayo bukas?” Napakunot naman ang kanyang noo.

“Aso, lumalala ang sakit ko.”

Nang masabi ko sa kanya ang problema ko ay kumabog na naman nang mabilis at malakas ang dibdib ko. Sobra itong naninikip!

Napahawak ako nang matindi sa kanang braso ni Godwin. Napapikit ako nang mariin at kinagat ko ang aking ibabang labi.

Hinawakan ako ni Godwin sa aking likod gamit ang isa niyang kamay para alalayan ako.

“Tang ina, Tide! Bakit ngayon pa kung kailan nasa bahay na nila pareng Ramulo ‘yung mga magulang at guwardiya mo!” Singhal niya na nagpatigil sa akin.

Natulala ako panandalian at nang bumalik ang sarili ko sa wisyo ay pinilit kong makawala kay Godwin at kahit sobrang sikip na ng aking dibdib, ginawa ko pa rin ang makakaya ko para makatakbo pabalik sa bahay nina Axion.

"Sandali lang, Tide!" Malakas na tawag sa akin ni Godwin pero hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang ako sa aking pagtakbo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top