Chapter 27

TIDE

Sobrang weird na ni Axion, lintek. Simula nang kurutin ko ang pisngi niya, hindi na niya ako kinausap at panay pa ang pamumula ng kanyang tainga o kaya ng buong mukha niya. Hinipo ko kanina ang noo niya pero wala naman siyang lagnat para pamulahan nang gano’n. At nang hipuin ko ang noo niya, sobrang bilis niyang iniwas ‘yon pero mas mabilis ako sa kanya kaya nahipo ko ang noo niya.

Habang naglalakad pabalik sa cool place ay napatingin ako kay Axion na tahimik na naglalakad sa tabi ko. Sunod naman akong napatingin sa pagitan naming dalawa.

“Hoy, tol, ano bang problema mo at layo ka nang layo? Wala naman akong virus!” Singhal ko na ikinagulat niya. Para siyang nakakita ng multo kung magulat.

Napangiwi ako at inis siyang inilingan.

“Para kang tanga. Bwisit,” aniko sabay lakad nang mabilis para iwanan siya.

Nakakabwisit talaga ‘tong payatot na ‘to! Hindi ko malaman ang daloy ng ugali niya. Kanina lang ay katawanan ko siya sa resto tapos ngayon ay tumahimik siya at panay pa ang layo sa akin. Bahala siya sa buhay niya. Gawin niya kung ano ang gusto niya!

“Asul, sandali!” Dinig kong sigaw ni Axion na nasa likuran ko.

Hindi ako huminto at nagpatuloy ako sa pagpasok sa building. Bawat nakakasalubong kong tao ay sinasabihan ako ng ‘goodluck’. Hindi ko sila magawang ngitian dahil badtrip ako kaya bahala sila.

Nang makapasok ako sa loob ng building ay nanaig sa tainga ko ang hiyawan ng mga tao. Bumubulag na sa bawat tao rito ang makukulay na ilaw na paikot-ikot sa buong building. Ang musikang bumibingi naman ay patuloy ang pagtutog na kasabayan ang hiyawan ng mga taong nakapaligid.

Tumunog ang microphone, hudyat na magsasalita na ang may hawak nito.

“Magandang gabi sa inyong lahat!” Magiliw na bati ng mc.

Kaagad kong hinanap sa dagat ng tao sina Hertzler, Kayrra, Godwin, Mason, Patterson, at Alec. Nahanap ko naman sila sa pinakaunahang bahagi na malapit lang sa entablado.

“Sa wakas ay nandito ka na!” Bungad kaagad sa akin ni Kayrra nang makita niya akong palapit sa kanila.

Agad naman akong inakbayan ni Godwin.

“Kanina pa kami kating-kati na makita kang humataw!” Nakangiting sinabi ni Godwin.

“Kaya nga! Excited na kaming makita ang panlalampaso mo sa mga dayo!” Singit naman ni Mason.

Napangiti ako at unti-unting naiiibsan ang kabadtrip-an ko. Basta talaga tungkol sa pagsasayaw ang usapan, nawawala ang kabadtrip-an ko.

Napangiti ako sa kanilang lahat saka bumulong kahit malakas ang tugtog sa paligid.

“Gusto ko na kaagad sumayaw…” bulong ko na ikinangiti rin nila.

“‘Wag mong solohin ang excitement, Tide,” nakangiting sabi ni Hertzler saka pumunta sa pinakagitna sa entablado habang hawak ang microphone. “Dahil lahat kami rito, mas excited pa sa ’yo!” Anito sa microphone na hawak, dahilan para maghiyawan ulit ang mga tao.

“Dahil excited na tayong lahat dahil makikita na ulit nating humataw ang prinsesa, bakit hindi pa natin simulan?” Panimula ni Hertzler kaya naghiyawan ulit ang mga tao.

Nilibot ko ng tingin ang buong paligid saka ako napangiti nang matipid.

“Kailan?” Bulong ko habang nakatingala at nakatingin sa kalangitang pinalilibutan ng mga bituin.

Kailan, Kuya?

Napabuntong hininga ako bago tinuon ang pansin kay Hertzler na dumadaldal sa harapan.

“Round 1! Dito gaganapin ang unang hatawan ng magkabilang panig. Ang tugtog na gagamitin ay ang pinili mismo ng mananayaw.

Round 2, dito naman ay sasayawin ng mananayaw ang piniling tugtog mismo ng isang manonood na napiling pumili ng tugtog.” Huminga muna si Hertzler bago nagpatuloy sa pagsasalita.

“At sa final round… dito naman sasayawin ng magkabilang panig ang piling tugtog ng DJ na may limitadong oras lamang. Dancers, isang minuto lang ang nalalabi para pamanghain n'yo kami sa final round. Hindi na sosobra pa.”

“DJ HOBI, drop the beat! Dancers, break a leg!” Pahuling banat ni Hertzler.

Nagwala ulit ang mga manonood kaya napapikit ako.

Masakit sa tainga ang sigawan, oo. Pero sa kasuluk-sulukan ko, natutuwa pa rin ako dahil pakiramdam ko, sa kabila nang lahat ng nangyari, may nakakaappreciate pa rin sa talento ko. May nagtitiwala pa rin kahit papaano.

Sa pagdilat ng mata ko, nakita ko ang nakaraan ko. Kung paano totoong magsigawan ang mga tao habang humahataw kami. Kung paano magchant ang mga tao habang lumalaban kami. Pero ang nakikita ko ngayon, alaala na lang at nakaraan ng dating ako noon.

“Ang dayo na may lakas ng loob para hamunin ang ating prinsesa rito... Raven Cainto!” Pagpapakilala ni Hertzler sa humamon sa akin kaninang umaga.

Natatandaan kong tatlo silang nadatnan ko pero pinayagan lang na lider nila ang makipaglaban sa akin dahil nag-iisa lang naman ako at wala akong mga alipores kagaya niya. Pero kahit lima o sampu pa sila, ayus lang sa akin, kayang-kaya ko pa rin silang patumbahin!

“Tide, boost your confidence! Ayos lang kahit medyo lumagpas, kaysa naman nandiyan ka sa sulok at nagmumukmok!”

“At ang prinsesa ng ating entablado... Tide Valencia!” Pakilala rin ni Hertzler kaya tumapak na ako sa harapan at tinahak ko ang pinakasentro nito.

“Jelly ba? Jelly ba? Kung manginig naman ‘yang tuhod mo, dinaig mo pa ang jelly’ng nilalaro! Tol, lumakad ka naman nang maayos! Hindi sila nangangagat, nanlalamon lang! 'Di, biro lang!”

Huminga ako nang malamin at hinarap ko ang mga taong naghihiyawan at sinisigaw ang pangalan ko.

“Sinong nagsabing talunan ka? Ano naman kung i-boo ka nila? Edi i-boo mo rin, gantihan lang ‘yan, tol!”

Humarap na ako sa kalaban ko at nakangisi ito sa akin kaya napangisi rin ako.

“Ayos lang naman sa akin kung umurong ka, baby girl,” mayabang nitong sabi habang nakangisi sa akin.

Napataas ang kilay ko.

“Sa 'yo mo sabihin 'yan,” nakangisi kong ganti sa kanya bago talikuran ito at pumunta sa pwesto ko.

Nilagay ko sa loob ng bulsa ang mga kamay ko dahil sa kaba. Hindi ako kinakabahan dahil natatakot ako sa kalaban ko, sus, sa Raven na ‘to, kakabahan ako? Pang kantong labanan nga lang siya!

Kinakabahan ako dahil sa kusang pagbabalik-tanaw ng sarili ko.

Bakit ngayon pa!

Nagsimulang sumayaw si Raven. At mas lalo akong kinabahan dahil sa nakita ko sa kanyang likuran.

Kuya…”

Nilabas ko ang kamay ko sa bulsa at hinawakan ko nang mahigpit ang laylayan ng damit ko.

Bumilis lalo ang tibok ng puso ko. Naalala ko ang lahat. Lahat-lahat ay bigla kong naalala. Bawat detalye. Maliit o malaki mang bagay... lahat! Lahat ay naalala ko na mas lalong kinabilis ng tibok ng puso ko.

Napangiwi ako nang makaramdam ako ng pagsakit sa aking dibdib.

Ayan na... Nagsisimula na.

Nanlabo ang paningin ko kaya pumikit ako nang mariin. Sa pagpikit na ginawa ko ay nagbalik lahat-lahat ng nangyari noon. Mabilis ito, sobra! Pero pagdating sa mukha ni Kuya, bumagal ang lahat.

“Kaya mo ‘yan, Tide. Ikaw pa? Mana ka yata sa akin!” Sumilay ang matamis na ngiti nito sa labi.

Dinilat ko ang mata ko at medyo umayos na ang paningin ko, sakto naman at pagkakataon ko na para magpakitang gilas.

Huminga muna ako nang malalim para medyo maibsan ang kirot sa dibdib ko. Nang medyo maayos na ito ay roon na ako humataw sa abot ng makakaya ko.

“Galingan mo pa!”

Nakita ko ulit siya sa likod ni Raven habang nakangiti sa akin. Bumilis na naman ang pagtambol ng dibdib ko.

“Itodo mo!”

Pinagpawisan ako nang mga malalamig na pawis. Pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko. Pakiramdam ko ay kakawala na ito sa dibdib ko! Binging-bingi na ako! Ang sakit-sakit na... sobra!

“Isayaw mo gaya nang sinisigaw ng puso mo!”

Sa huling indak ko ay roon ako nakaramdam nang matinding pagod at hingal. Dinaig ko pa ang tumakbo sa fun run na walang pahinga.

Mabuti na lang at nalagpasan ko ang round 1.

Pumikit ako at pilit kong pinapakalma ang dibdib kong hindi magkamayaw. Pero sa gitna nang mabilis na pagtibok nito ay ang biglaang pagbagal nito na ikinagulat ko. Biglang nahirapan ako sa paghinga. Pakiramdam ko ay ninakaw ang lahat ng hangin na dapat ay sisinghutin ko!

Dumiin ang pagkapikit ko dahil sa matinding nararamdaman na sakit sa dibdib ko.

“H'wag naman ngayon… pakiusap…” bulong ko sa aking sarili.

“Nakita n'yo naman! Sa bawat indak pinataob tayong lahat!” Magiliw na sinabi ni Hertzler sa mikropono.

Unti-unting nanlambot ang tuhod ko dahil sa biglaang pagod na naramdaman.

“Ngayon naman ay ang pangalawang round!”

Napaluhod ako habang nakatulala sa sahig na kinagisnan ko.

Inangat ko ang paningin ko sa isang babaeng pinili ni Hertzler sa dagat ng mga tao. Pinapili nila ito ng tugtog at iyon ang aming sasayawing dalawa ni Raven.

Napalunok ako nang makita ko na naman si Kuya sa likod ni Raven.

Natapos na si Raven sa pagsasayaw at pagkakataon ko na naman.

Nangilid na ang luha ko. Gusto kong tapusin muna ito bago ang lahat. Gusto kong makasayaw muna bilang pagtatapos ko. Kahit hindi nila alam na pagtatapos ko na iyon. Ayokong malaman nila ang plano ko.

Ngumiti ako kay Kuya na nakangiti rin sa akin at dahan-dahan akong tumayo. Kahit nanginginig ang tuhod at kahit iba na ang tibok ng puso ko, sumayaw pa rin ako gaya ng sinabi ni Kuya sa akin noon.

“Masakit ba? Mahirap? Masikip? Ano naman? Balewalain mo kapag sumasayaw ka na! Mawawala ‘yan sa isip mo kapag sumasayaw ka na!”

“Lakasan mo ang loob mo! Tutol man sina Miko, Mommy at Daddy, sumayaw ka pa rin! Ipakita mo kung ano ang kaya mo! Lumaban ka!”

Masikip ang dibdib ko hanggang sa humantong sa round 3. Todo pigil ang ginawa ko para lang magawa ang gusto ko.

Biglang bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Binibingi nito ang tainga ko. Winawasak nito ang mga buto na pumoprotekta rito.

Kinuyom ko ang mga kamao ko at napaawang ang labi ko.

“Tide…”

Napatingin ulit ako kay Kuya na nasa likod ni Raven. Nakangiti ito sa akin na mas lalong nagpanginig sa puso ko. Napakasakit, sobra…

Pero sa ngiti ng Kuya ko, nahagip ko si Axion na nasa likod niya na nakatingin sa akin nang seryoso na parang sinusuri ang pinapakita ko.

Napahawak na ako sa dibdib ko at mahigpit ang kapit ko rito.

Unti-unti na akong kinakapos ng hininga kaya kahit labag man sa loob ko. Pagkatapos na pagkatapos kong ibigay ang lahat ng kaya ko, pagkatapos kong isayaw ang lahat ng kaya ko, tumakbo ako palayo sa lugar na ‘yon. Tumakbo ako palayo sa kanilang lahat.

Tumulo nang patuluy-tuloy ang luha ko. Tumulo ito padausdos sa mukha kong matagal kong pineke sa harap ng maraming tao.

Tumigil ako nang hingalin na ako nang sobra. Napatingin ako sa posteng may ilaw at mas lalong nanginig ang labi ko nang maalala ko ang eksena naming dalawa ni Kuya habang sumasayaw sa ilalim ng ilaw na katulad ng nasa harapan ko ngayon.

Dahan-dahang bumaba ang paningin ko sa taong nasa harapan ko ngayon na mas lalo kong ikinaiyak.

“Kuya Hans…” banggit ko sa pangalan ng taong kasama ko lagi noon. Partners in crime pa kung tawagin ng iba.

Nakangiti ito sa akin pero unti-unti itong naglaho at nang tuluyang maglaho ito, nakita kong parating ang lalaking may kabaklaang taglay rin.

“Sumama ka sa taong kaya kang unawain at ‘yung pinahahalagahan ka. ‘Yung susundan ka kahit gabing-gabi na, masigurado lang na maayos ka,” nakangiting bulong sa akin ni Kuya Hans. Ang komedyante sa pamilya namin; Ang komedyante kong Kuya; Hans Timothy Valencia.

Axion… bakit?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top