Chapter 25

TIDE

Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay ni Axion kaya napangiwi ito. Natawa ako nang marahan dahil sa reaksyon niya. Ang hina-hina talaga ni payatot.

“Tide, hindi ako marunong sumayaw,” bulong niya sa akin na ikinairap ko.

“Ano naman ngayon? Sinabi ko ba kasing marunong ka?” Mataray kong sabi sa kanya.

Napalunok siya, lalo na nang makita niyang nagsayawan nang freestyle sina Ate Plert.

“Anak ng mga butiki… Ang galing…” napangisi ako nang marinig ko ang binulong niya habang nanonood kina Ate Plert na nagsasayaw.

“Sus. Mas magaling ako riyan!” Pagmamayabang ko.

Napatingin sa akin sina Ate Plert at humiling ito ng sample. Nakisali naman sa kanya sina Kuya Defcdee.

“Sample! Sample!” Sigaw nila habang nakangiti nang malapad.

Napangisi ako at tumingin ako kay Axion.

“Panoorin mo, payatot. Papakitaan kita ng totoong sayaw,” aniko sabay kindat sa kanya.

Napansin ko naman ang pagkataranta niya dahil sa simpleng pagkindat ko. Napangisi ako lalo dahil doon.

Binitiwan ko ang kamay niya at humarap ako sa malaking salamin na nakadikit sa dingding. Tinitigan ko ang repleksyon ko at nang pumikit ako ay naalala ko ‘yung mga panahong kasama ko pa siya habang sumasayaw.

Bumilis at lumakas ang kabog ng dibdib ko. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko nang maalala ko ang eksena naming dalawa noon.

Putspa. Miss na miss na kita.

Dumilat ako nang humantong na sa chorus 'yung kantang pinatugtog ko. Sumayaw ako gamit ang freestyle. Kung ano ang maigalaw kong step, iyon ang ginagawa ko.

Ito ang gawain naming dalawa noon. Ang sumayaw na hindi permanente ang steps. Ang sumayaw na biglaan lang at pagalingan pa kaming dalawa.

Umikot ako habang nakapikit at nang dumilat ako, nakita ko siya sa aking harapan. Nakangiti ito nang malapad at kitang-kita ko na proud na proud ito sa pinaggagawa ko.

Kumirot muli ang dibdib ko kaya umiwas ako ng tingin. Tumingala ako at umindak pa ako hanggang sa matapos ang kanta. Narinig ko naman ang palakpakan nila at papuri.

Huminto ako nang unti-unti akong kinakapos sa paghinga. Tila ninanakaw sa akin ang hangin na para sa akin. Tila pinagdadamot nila ang hangin sa katawan ko.

Napahawak ako sa dibdib ko nang kumirot ulit ito.

Samu’t saring emosyon, nagsama-sama. Ang sakit, putspa.

Nakita ko sa mukha nina Ate Shanelle ang lubos na pag-aalala. Lalapitan sana nila ako kaso pinigilan ko na kaagad sila. Pinakita kong ayos lang ako.

Ayokong malaman ni payatot ang lahat dahil ang kagustuhan ko sa umpisa pa lang ay gawing rainbow ang buhay niya at hindi bigyan ng problema dahil may sakit at may matinding problema ang tumutulong sa kanya.

Lumunok muna ako at huminga nang malalim bago hinarap si Axion na malungkot ang mukha habang nakatulala sa pinagsayawan ko kanina. Nilapitan ko siya at pinitik ko siya sa kanyang noo.

“Ang galing talaga. Ang astig mong panoorin!” Aniya. Idolo na yata ako ni payatot.

“Sabihin mo kasi kung gusto mo ng autograph. Pagbibigyan naman kita!” Panloloko ko sa kanya na ikinatawa ko.

Sariling biro, sariling tawa. Sige lang.

“Totoong usapan, ang galing n'yo talagang sumayaw! Sana ganyan din ako kagaling. Kaso… ang hirap kasing sumayaw. Lalo na kung hindi ka marunong.”

Kahit naman hindi ka marunong sumayaw, kung passion mo ang pagsasayaw, hahanap ka ng paraan para mag-improve ang pagsasayaw mo.

Nagkatinginan sina Kuya Paulo, Kuya Defcdee, Ate Shanelle, at Ate Plert sa isa’t-isa.

Napangisi ako nang mapakla.

Ako, aanhin ko pa ang kagalingan ko sa pagsasayaw kung magtatapos na rin naman ang buhay ko sa madaling panahon lang?

Inakbayan ko si Axion kaya napatingin ito sa akin.

“Alam mo, kung passion mo ang pagsasayaw, hindi mo ito masasabing mahirap. Bakit? Kasi kahit gaano karaming training o workshop ang gawin mo, lahat ng pagod at hirap ay hindi mo na maiisip. Passion mo, eh. Mahal mo kaya hindi mo iisiping mahirap ito. Walang negative ang papasok sa isip mo.” Seryosong sinabi ko.

"At kung hindi mo naman kagustuhan ang pagsayaw, syempre masasabi mo talagang mahirap 'yon lalo na at hindi ka naman gumagawa ng mga hakbang para mag-improve ka.

Baka nga maboring ka pa, eh. Hindi mo naman kasi passion, bakit gagawin mo ba? Edi sana sa ibang passion mo na lang ginawa. Nakatulong ka pa sa ekonomiya ng sarili mo.” Paliwanag ko sa kanya.

“Tama! Tamang-tama!” Tuwang-tuwa na pagsang-ayon ni Ate Plert.

“Idol ko ‘yan!” Natatawa namang sabi ni Kuya Defcdee.

“Pero, guys, sandali. May ekonomiya ba ang sarili?” Seryosong singit ni Kuya Paulo.

Napairap ako at inalis ko na ang pagkakaakbay kay Axion.

“Alam mo, Kuya Paulo, manahimik ka na lang,” panunuya ko sa kanya. Mismo ako kasi ay hindi ko alam kung may ekonomiya ba ang sarili. Ewan ko ba sa bibig ko kung bakit lumabas pa ‘yun.

“Ayaw!” Nakangusong sinabi ni Kuya Paulo.

“Sus. Pa-cute na naman ang asong ‘to!” Panunukso naman ni Ate Shanelle kay Kuya Paulo.

Ayan na naman silang dalawa.

“Ako, aso? Ikaw asong ulol!” Ganti ni Kuya Paulo. Hanggang sa nag-asaran na sila nang nag-asaran.

Nagtagal pa kami ni Axion nang ilang minuto sa studio at nang mapagdesisyunan kong umalis na ay nagpaalam na kami ni Axion sa kanila.

Habang naglalakad pabalik sa lugar ng mga cool ay napalingon ako kay payatot na kanina pa tahimik. Nang magsalita ako patungkol sa passion sa pagsasayaw ay natahimik na siya.

Ano kaya ang tumatakbo sa isipan ng payatot na ‘to?

Napansin niya sigurong nakatingin ako kaya lumingon siya sa akin habang nakataas ang dalawang kilay.

“Ano?” Tanong niya.

“Bakit natahimik ka?” Tanong ko rin pabalik.

“Wala lang. May naisip lang ako...” tugon niya at umiwas na siya ng tingin.

Bigla namang naalerto ang sistema ko. Parang gusto kong malaman kung ano ‘yung naisip niya at bakit iyon ang ikinatahimik ng payatot na ‘to.

“Ano naman ‘yung naisip mo?” Tanong ko.

Umiling siya. “Wala.”

Napangisi ako at kinalabit ko siya.

“Sasabihin mo o dadakutin ko ang totoy mo?” Pananakot ko sa kanya, dahilan kaya napatingin ito sa akin nang gulat.

“Grabe naman!” Gulat niyang sabi. Nanlalaki pa ang mga mata. Para siyang tarsier na nilamog sa kanto.

“Sabihin mo na kasi!” Pangungulit ko.

“Hays! Oo na, sasabihin ko na pero may itatanong muna ako sa ’yo.”

Napangiti ako at kaagad na tumango. Gustung-gusto ko talagang malaman kung ano ang mga natakbo sa isipan niya kaya gagawin ko ang lahat para malaman lang ito. Baka kasi mamaya ay pagpapakamatay na ang tumatakbo sa utak ni payatot. Mahirap na. Ako ang huling kasama nito, baka ako pa ang mapagbintangan. Aba, ang payat nito kaya baka sabihin ko na naubo lang naman si Axion kaya nadeads.

“Passion mo ba talaga ang pagsasayaw?” Seryoso niyang tanong habang patuloy pa rin sa paglalakad. Diretso pa ang tingin niya sa daan.

Ngumiti ako at tumango kahit hindi naman niya kita.

"Yep. Passion ko talaga ang pagsasayaw. Mahal ko ito. Mahal ko ang paghataw. Mahal ko ang lahat ng binubuo kong sayaw." At nagsimula akong mahalin ang pagsasayaw dahil sa isang tao na inidolo ko roon.

Inidolo ko siya dahil sa bawat indak niya, lahat ng tao na nanonood ay napapaindak din. Inidolo ko siya dahil sa bawat galaw niya, maski sa kanyang pagpitik lang ng katawan ay napapataob na kaagad ang kalaban.

“Okay…”

Nang makaraos na ako sa pag-aalala sa taong inidolo ko ay pumunta ako agad sa harapan ni Axion at pinigilan ko siya sa paglalakad. Ngayon ay magkaharap na kaming dalawa.

“Tinanong mo ako, sinagot kita. Pagkakataon ko naman ngayon,” aniko habang nakangisi.

Natawa siya. “Akala ko’y makakalimutan mo na ang tungkol doon.”

Umiling ako at tinuro ko ang gilid ng aking noo. “Hindi pa gurang ‘yan. Nakakatanda pa ‘yan nang bongga,” pagmamayabang ko.

Umayos ako ng tayo at pumunta na ulit ako sa gilid niya. Nagsimula na ulit kaming maglakad.

“Ano na nga ulit ‘yung inisip mo na nagpatahimik sa ’yo?” Paninimula ko. Walang preno, tanong kaagad!

Napahinto naman kami sa paglalakad nang makarating na kami sa destinasyon naming dalawa. Mas lalo kami napahinto nang makarinig kami nang malakas na sigawan sa loob ng building.

“Showdown! Showdown! Showdown!”

Nagkatinginan kaming dalawa ni Axion. Dahil parehas kaming nakuryuso dahil halos magwala na ang mga nanonood sa loob ng building ay tinakbo na namin ang distansya namin doon. Kaagad naming pinasok ang building at naabutan namin ang mga kapwa ko mananayaw at manonood na nagwawala.

Siksikan ang mga tao kaya naman pinaghahawi ko ang mga ito. Nang mapansin kong hindi makasunod sa akin si Axion ay hinawakan ko ang kamay niya at hinila ko siya.

“Tabi! Dadaan ang prinsesang dyosa!” Sigaw ko sa mga taong hinahawi ko.

Nang marating namin ang pinakaunahan ay naaninag ko na ang entablado. Binitiwan ko na si Axion dahil maayos naman na ang pwesto naming dalawa.

Nilapitan ko si Alec nang mahagip ko siya na nasa gilid ko lang pala.

“Mukhang may dayo, ah?” Tanong ko sa kanya kaya napatingin siya sa akin.

“Tide! Kanina ka pa namin hinahanap dahil ikaw ang ilalaban namin sa mayabang na tibo na ‘yan!” Sigaw ni Alec kaya napangiwi ako.

“King inang ‘to! Nasa harapan lang naman ako tapos kung makasigaw akala mo ay nasa kabilang building ako!” Sigaw ko rin pabalik sa kanya.

“Bakit sumisigaw ka rin?” Nakanguso niyang tanong.

“Para kwits lang!” Natatawa kong tugon.

“Loko ka talaga! O’sya, pumunta ka na sa gitna at pakiusap lang, itaob mo ang de putang mayabang na tibong ‘yan!” Nanggagalaiti niyang sigaw. Mukhang malaki ang galit nito sa tomboy na nagmamayabang sa entablado.

Habang nag-uusap kami ni Alec, nakarinig ako ng tinig ng isang tibo na abot ang pagmamayabang.

“Wala bang lalaban diyan? Sus! Mga weak pala dancers dito! Ay sandali, dancer pa ba ang tawag sa inyo?” Si tibo.

Ngumisi ako at nagpaalam muna ako sa kanila. Yabang naman ng tibong ‘to. Dayo lang naman dito!

Pumunta ako sa harapan at naghiyawan ang mga nanonood.

“Hoy tibong malaki ang susong hindi mo malaan kung melon ba o bola, king ina, ipitin mo pa kasi ng bra para hindi lumitaw. O’di kaya ay baby bra na ang gamitn mo para bongga ang pagka-ipit!” Natawa naman ako dahil sa sinabi ko.

“Ano bang pinagmamayabang mo rito, dayo ka lang naman? Weak mga dancers dito? Bakit nakita mo na ba kaming sumayaw? Hindi pa naman ‘di ba dahil wala namang nakikipaghatawan sa ’yo? Ayaw nilang makipagshowdown sa ’yo dahil hindi kami pumapatol sa mga tunay na weak!”

Napangisi ang tibo sa sinabi ko.

“Abo’t pa kasi ang daldal! Manong patunayan na lang sa akin kung dancer nga ba o nagmamayabang lang!” Nakangisi nitong tugon. “At ano naman ngayon kung malaki ang hinaharap ko? Diyan ba binabase kung weak o hindi ang dancer, huh?”

“Sinabi ko ba kasing doon ang basehan?! Manahimik ka na nga lang at baka sa isang indak ko pa lang ay umiyak ka na pauwi sa bahay mo!” Naiinis ko nang sigaw.

“Then, drop the beast!” Malakas nitong sigaw na ikinatawa ng mga nanonood.

Umirap ako ng 360 degrees dahil sa sobrang kairitahan.

“Tanga! De puta ka talagang tibo ka! Drop the beat ‘yon!” Irita kong sigaw sa kanya. "Ano, maghuhulog ka ng halimaw rito? Tumigil ka na nga sa paghithit ng sapatos!"

Natahimik ito at unti-unting namula, lalo na nang hindi pa rin humuhupa ang tawanan ng mga nanonood.

Ako’y binibwisit ng tibo na ‘to, eh. Sisigaw na lang, mali pa pinagsasabi!

Napasuklay ako sa buhok kong asul. Bigla na lang ako nairita. Ang bilis ko nang mairita kaagad! Kairita kasi ‘tong tibo na ‘to!

“G-Ganu’n na r-rin ‘yon! O’sya simulan na natin ang sayawan!” Sabi nito.

At nang may tumunog na tugtog ay nagsimula na itong gumiling. Mas lalo lang akong nairita nang makita ko siyang sumayaw.

“Ano bang pinagmamayabang mo, tuod ka naman pala kung sumayaw?!” Iritang-irita kong sigaw sa kanya.

“Ganyan ba ang pagsasayaw para sa ’yo? Kasi ‘yung mga tinawag mo na weak ay ibang-iba riyan ang pagsasayaw.” Ngumisi ako. Lumapit ako sa kanya at bumulong habang nakangisi. “At para sa akin, ang depinisyon ng pagsasayaw ay Tide Valencia. Ang babaeng tunay na halimaw sa hatawan kaya, utol, mag-ingat ka... baka matapakan kita.” Sabay kindat ko sa tibo saka ako naglakad palayo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top