Chapter 23
AXION
Hindi na ako makahinga nang maayos dahil sa kaba. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko! Hindi ko na alam ang gagawin ko simula nang umamin ako.
Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ngayon dahil nanatili lang siyang tahimik. Natatakot naman akong lingunin siya dahil baka galit ang kanyang itsura.
Alam kong hindi ako ang mga tipo niyang lalaki. Hindi ako 'yung macho, gwapo, at mayaman na tipo niya. Pero umamin lang naman ako, kaya bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang reaksyon?
Ilang minuto na siyang tahimik at ako ay nakatitig lang sa kisame, pinakikiramdaman siya at ang mabilis na pagtibok ng puso ko.
Gustung-gusto ko na siyang lingunin para malaman ang reaksyon niya pero natatakot ako...
Pumikit ako nang mariin at humugot muna ako nang malalim na hininga bago dumilat at nilingon siya.
Kahit hindi niya ako gusto, sana kahit tanggapin niya man lang 'yung nararamdaman ko para sa kanya. Sana hayaan niya 'yung nararamdaman kong magpatuloy. Ayos lang naman sa akin kahit hindi niya ibalik, hindi ko rin naman hinihiling. Basta gusto ko siya at hinahayaan lang niya, ayos na ako roon.
Halos hindi magkamayaw ang kaba ko, ang takot ko, at kung anu-ano pang nararamdaman ko. Pero lahat ng nararamdaman ko ay kaagad na naglaho nang makita ko siyang natutulog sa tabi ko.
Dahil medyo may kaliitan ang higaan ko at dahil magkadikit halos kami, sa paglingon na ginawa ko ay nagsagi ang tungki ng aming ilong.
Natikom ang bibig ko at natigil ako sa paghinga.
Makita siyang natutulog nang payapa, nakapikit nang mataimtim ay maganda ng panoorin para sa akin. Pero nakakainis din!
Ilang pag-aalinlangan ang inabot ko. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko alam ang gagawin ko para makaamin. Ilang hibla ng katapangan ang hinugot ko para makaamin pero heto siya at natutulog?
Nakaramdam ako ng inis pero kahit papaano ay nakahinga rin naman ako nang maluwag.
Ligtas pa ang sikreto ko...
Pumikit ako at hinarap ko na ulit ang kisame ng kwarto ko.
"Tide, gusto kita..." pag-uulit ko bago tuluyang nagpalamon sa antok.
Nagising ako sa pagtulog nang maramdaman ko ang pagkaluskos sa tabi ko.
Wala akong nakitang Tide sa gilid. Pilit kong inabot ang cell phone ko at halos masilaw ako nang buksan ko ito.
Ang aga pa. Alas singko pa lang ng umaga. Humikab ako at inaantok na naglakad palabas ng kwarto ko.
Pumunta ako ng kusina at naabutan ko roon si Tide na kausap si Godwin. Napahinto ako at nagising ang aking buong diwa nang makita ko silang magkasama.
At bakit nandito si Godwin?
Nakatalikod sa gawi ko si Tide at si Godwin naman ay nakaharap sa gawi ko. Nagbubulungan pa silang dalawa na tila nagtatalo pa.
Kaagad akong nagtago sa dilim nang mapalingon sa gawi ko si Godwin. Nakaramdam ako ng kaba, lalo na nang medyo tumaas ang boses ni Tide. Galit yata.
"Isikreto mo na lang kasi!" Galit na singhal sa kanya si Tide. Natahimik si Godwin at nakabuntong hininga niyang binuksan ang ref.
May kinuha siyang maliit na bote roon at may hawak din siyang syringe.
"Sumama ka sa akin. Itatakas kita." Napataas ang kilay ko nang sabihin ni Godwin iyon kay Tide.
"Dito lang ako. Kahit anong mangyari, dito ako," pagtanggi ni Tide na nagpangiti sa akin.
Tama 'yan, Tide. Ako ang piliin mo.
"Kahit pa sabihin kong alam na ng mga magulang mo ang bahay na ito?" Ani Godwin na nagpatahimik kay Tide.
Sandali. Binablack mail ba niya si Tide?
"Paano?" Tanong ni Tide.
"Hindi ko alam. Nabalitaan ko lang. Kilala mo ang magulang mo, Tide, lalo na ang Kuya mo. Hindi ka niya hahayaang makatakas," seryosong sagot ni Godwin at mahinang nagmura si Tide.
"Kaya nga sumama ka na sa akin," pamimilit ulit ni Godwin. "Ilalayo kita," dugtong ni Godwin na nagpatigil lalo sa akin.
Hindi pwede.
Nanatiling tahimik si Tide. Siguro ay pinag-iisipan niyang mabuti ang isasagot.
Napahigpit ang kapit ko sa laylayan ng damit ko. Kinakabahan ako dahil alam na ng mga magulang ni Tide ang bahay namin. At mas lalo akong kinakabahan dahil sa isasagot ni Tide.
Tanggihan mo, Tide.
Kahit mahuli kami ng magulang niya, ayos lang basta kasama ko siya. Anak ng butiki.
"Soon, Godwin. Soon..." Bumagsak ang balikat ko sa narinig.
Soon...
Kailan kaya 'yon at para mapigilan ko? Bakit ba kasi sasama siya kay Godwin? Kaya ko naman siyang itakbo palayo, ah? Nagawa ko noon, kayang-kaya ko ngayon!
Saka bakit ba kasi pilit nang pilit 'tong si Godwin? Nakakainis na talaga siya!
Kaagad akong bumalik sa kwarto, lalo na nang magkaliwanag na sa labas. Baka mahuli pa nila akong dalawa.
Humiga ako sa kama at pumikit nang mariin.
Naalala ko 'yung maliit na bote at syringe na hawak ni Godwin na inabot niya kanina kay Tide.
Para saan 'yon? Saan 'yon ginagamit ni Tide? At kailan 'yung soon na sinasabi niya?
Unti-unting gumaan ang pagkapikit ko nang marinig ko ang pagkabukas ng pinto ng kwarto.
Nakarinig ako ng yapak palapit sa pwesto ko. Tumigil ang yapak at unti-unting lumalim ang higaan sa gilid ko.
Nakarinig ako ng buntong hininga at naramdaman ko ang kamay na malamig na dumadampi sa pisngi ko.
"Soon..." bulong ni Tide at unti-unti kong idinilat ang mga mata ko.
Nagkatitigan kaming dalawa at tila nawalan ako ng hangin na lalanghapin.
Ngumiti siya na mas lalong ikinatigil ng aking paghinga.
"Bangon na, tol, umaga na," nakangiti niyang bulong na mas lalong nagpatalbog sa puso ko.
Nakaramdam ako ng saya. Tila yinayakap ang puso ko dahil sa saya.
"Sige," nakangiti kong pagpayag at bumangon na ako at bumangon na rin siya.
Nagkangitian kaming dalawa bago lumabas ng kwarto.
Anak ng butiki. Lalo kitang hindi pakakawalan. Itaga mo man 'yan sa butiki, Tide.
~*~
Sabay kaming pumunta ni Tide sa hapag at nanlaki naman ang mata ko sa nakita.
Nang dumating si Tide rito sa bahay, iba-iba na lagi ang aming ulam. Hindi na umiikot sa tuyo, de lata, o itlog ang ulam namin na nakakapagtaka.
Saan kumukuha lagi si Nanay ng pera?
"'Nay, ang bango po!" Maligayang puri ni Ashlon sa tahong na nasa malaking mangkok.
Napangiti naman si Nanay sa puri ni Ashlon.
"Ang galing-galing talaga ni Tita magluto! The best!" Nakangiti ring sabi ni Godwin habang nginunguya ang pagkaing sinubo.
At bakit nandito pa 'to?
Nakasimangot akong umupo sa pwesto ko sa hapag at walang gana akong kumuha ng ulam at kanin na nakalatag sa lamesa.
Napansin naman ni Nanay ang walang gana kong pagkuha sa pagkain.
"Oh, Ramulo, masama ba ang gising mo?" Sobrang sama, Nanay. Nakita ko kasi 'yung pagmumukha ni Godwin.
Napatingin naman silang lahat sa akin. Umiling lang ako at sumubo na ng pagkain. Hindi naman na nila ako pinansin kaya nagpatuloy na lang ako sa pagkain.
"Naku, Tita, kapag ako yumaman, ipagtatayo kita ng resto!" Pagmamayabang ni Godwin.
Napairap na lang ako sa kanina pa niyang pagmamayabang. Simula nang kumain siya, hindi na siya natigil sa kadadaldal. Masamid sana siya.
Mayamaya lang, habang kumakain siya at sa kanina ko pang pananalangin na sana'y masamid siya ay ang siyang pagtupad ng itaas sa aking panalangin!
"T-Tol, t-t-tub... ig!" Hindi magkamayaw na sabi ni Godwin kay Tide na nakatingin lang sa kanya.
"Ano?" Tanong ni Tide, hindi niya yata naintindihan.
Namumula na ang mukha ni Godwin. Hawak-hawak na niya ang leeg niya at paubu-ubo pa siya. Umaksyon siya ng parang may hawak na baso at tinutungga niya. Pinapahiwatig na kailangan niya ng tubig.
Napangiti ako nang nakakaloko nang hindi makuha ni Tide 'yung ginagawa ni Godwin. Mas lalo akong napangiti nang nakakaloko nang makita kong kaunti na lang ang tubig sa pitsel.
Kaagad kong sinalin sa baso ko 'yung natitirang tubig at kaagad ko itong tinungga.
Gusto kong matawa dahil sa ginawa ko. Wala ng tubig!
Napailing si Godwin kay Tide at siya na mismo ang tumakbo papunta sa aming gripo sa lababo. Sinindihan niya iyon at doon siya uminom.
Unti-unti namang napatango si Tide. "Ahhh. Nasamid ka pala?" Nakanguso at inosenteng tanong ni Tide na nagpatawa sa akin nang marahan.
Napakaslow niya rin pala minsan.
Nang mahimasmasan na si Godwin ay masama niyang tinignan si Tide.
"King ina, tol! Napakaslow mong gaga ka!" Singhal niya kay Tide. "King ina talaga! Paano kung mamamatay na ako, titignan mo lang ako nang inosente at hindi makuha ang ibig kong sabihin? Putspa, tol!" Dugtong pa ni Godwin.
"Putspa, sige magmura ka pa! Parang walang bata sa harap mo, 'no?" Bulyaw naman sa kanya ni Tide.
Natahimik si Godwin at napatingin siya kay Ashlon na patuloy lang na kumakain.
"Hindi naman siya nakikinig..." Si Godwin na nakanguso.
"Kahit na!" Tumayo si Tide, nilapitan si Godwin at piningot ito. "Naku, ikaw talagang urat ka! Manahimik ka na nga lang!" Sigaw niya sa tainga ni Godwin kaya napapikit ito sa sigaw niya.
"Aray naman! Kung makasigaw ka akala mo nasa kabilang kanto ako! At talagang sa tainga ko pa itinapat!" Angil ni Godwin.
"Aba't nagrereklamo ka pang loko ka!" Sigaw ulit sa kanya ni Tide kaya napapikit ulit siya.
Napangiti ako nang tipid.
"Sino naman ang hindi magrereklamo?" Sabay tanggal ni Godwin sa kamay ni Tide na nasa tainga niya.
"Tignan mo, ang sakit na ng tainga ko!" Reklamo sa kanya ni Godwin.
"Ano ngayon?" Mataray na tugon ni Tide.
"Ano ngayon mo pagmumukha mo! 'Lul!" Sabay labas ng dila ni Godwin kay Tide habang mapanukso naman ang mukha. Ginaya naman siya ni Tide. Nagbelatan silang dalawa na ikinaiwas ko ng tingin.
Kaunti na lang.
"Naku, kayong dalawa, napakakulit ninyo! Bagay na bagay kayo!" Nakangiting sinabi ni Nanay sa kanilang dalawa.
Napalunok ako.
"Ako, bagay sa lalaking 'to? Aba naman!" Sabay irap ni Tide kay Godwin.
"Parehas lang tayo ng nararamdaman! Bleh!" Sabay irap din ni Godwin kay Tide.
"Hahahaha! Ang cute n'yong tignanㅡ" napahinto si Nanay nang makita niya akong tumayo habang dala-dala ang aking pinagkainan.
"Saan ka pupunta?" Tanong ni Tide na hindi ko pinansin.
Lumunok ako at nilagpasan lang sila. Nilagay ko ang pinggan sa lababo at nilisan na ang kusinang iyon.
Nang makalayo ako sa kanila, roon lang ako nakaramdam nang maluwag na paghinga. Pakiramdam ko kanina ay sa bawat sagutan nilang dalawa, unti-unting binibiyak 'yung inosente kong puso. Parang unti-unting nadudurog.
Anak ng butiki. Ang hirap pa lang magselos.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top