Chapter 17
AXION
Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod sa kanila. Naglakad ako papunta sa half court at naabutan ko sila roon na nags-shoot ng bola sa ring.
"Tol, salo!" Sigaw ni Tide kay Ashlon sabay hagis nito ng bola.
Nasapo naman ito ni Ashlon. Tumalon siya at hinagis ito sa ring pero kapos.
"Ayos lang 'yan!" Nakangiting wika ni Tide kay Ashlon habang hawak ang balikat nito.
Napangiti ako nang mapakla. Kapag si Ashlon ang nagkamali, ayos lang? Pero kapag ako, abot ang sigaw at tapok niya!
"Ramulo, sapo!" Napalingon naman ako kay Patterson nang isigaw nito ang pangalan ko.
Sinapo ko ang malakas niyang paghagis sa bola. Napaapak ako paatras dahil sa lakas ng bola.
"Shoot, tol!" Sigaw naman ni Hertzler.
"Sus! 'Di niya 'yan kaya! Bading 'yan, eh!" Nagpantig ang tainga ko sa sinabi ni Tide.
Nakangisi siya sa akin.
"Hindi nga ako bading!" Sigaw ko sa kanya.
"Sus! 'Di raw! Liit nga ng binti mo. Pang babae!" Sigaw niya naman pabalik.
Napatingin sila sa binti ko at napatingin din ako sa binti kong mapayat.
"Sige, tol! Patunayan mo kay Tide na hindi ka shokla!" Nakangising sigaw ni Kayrra.
"Oo nga! Shoot na 'yan, oh!" Ani rin ni Alec.
"Go, Kuya!"
Ngumuso ako at umiling. Kung alam lang nila. Hindi naman talaga ako bading. Napakamapilit at napakakulit lang talaga ni Tide. Ipilit ba naman nang ipilit.
Pumunta ako sa line para sa 3 points. Pumwesto ako roon. Inangat ko ang aking mga braso at hinagis ko nang maaliwalas ang bola.
Lumingon ako kay Tide at kinindatan ko ito nang pumasok ang bola.
"Aba, ayos!" Sigaw nilang lahat pwera lang kay Tide na nakanguso.
"Magaling po sa basketball si Kuya! Hindi lang po niya pinapakita kasi po nahihiya siya. Ako po lagi niyang kasama kaya po lagi kong nakikita 'yung galing niya!" Proud na proud na sabi ni Ashlon habang hindi magkamayaw ang ngiti sa kanyang labi.
"Shooter pala, eh!" Natatawang sabi ni Mason.
Umakbay naman sa akin si Godwin kaya napatingin ako sa kanya.
"Ano, laban tayo? One on one!" Dama ko roon ang pagyayabang. Mukhang hindi siya papatalo.
"Godwin, ayoko. Hindi kasi ako nakikipag one on one." Sabay kamot ko sa aking batok.
Kumunot naman ang noo niya.
"Bakit naman? Natatakot ka ba sa akin? Alam ko namang magaling ako pero 'wag kang matakot! 'Wag kang mag-alala, hindi ko gagalingan masyado para hindi ka mapahiya." Ngumisi siya. Narinig ko naman ang natatawang sigawan ng mga kasama namin.
Kumamot ulit ako sa batok ko. Paano ko ba sasabihin na hindi naman talaga ako magaling katulad ng sinabi ni Ashlon? Marunong lang naman ako.
"Laban na, Ramulo!" Nakanguso naman akong tumingin kay Mason nang isigaw niya ang pangalan ko.
"Ititigil n'yo na ang pagtawag sa akin ng Ramulo kapag nakipag one on one ako kay Godwin," aniko.
Nakangisi naman silang tumango. Pwera lang ulit kay Tide na nakanguso pa rin habang nakatingin sa akin.
"Sige!" Pagpayag nila kaya napangiti ako.
Sa wakas ay hindi ko na ulit maririnig ang mabantot na pangalan na 'yon!
"Game!" Nakangiti kong pagpayag din.
Pumwesto sa harapan ko si Godwin. Nakatalikod siya sa ring at ako naman ay nakaharap doon. Sa akin ang bola, pagbigyan daw ako.
Ni-dribble ko ang bola at pumustura ako nang maayos para makakilos din nang maayos.
Pinaghiwalay ni Godwin ang kamay niya sa magkabila niyang gilid at ngumisi siya sa akin.
"Simulan na ang laban!" Masaya nilang sigaw.
Ni-dribble ko muli ang bola at tumakbo ako papunta sa kanyang kaliwa habang dinidribble pa rin ang bola.
Mabilis siyang nakapunta sa harapan ko kaya napahinto ako. Mabilis ulit akong tumakbo papunta sa kanyang kanan naman at pumwesto ako ng pwesto na magsho-shoot.
"Go, Kuya!"
"Go, Ramulo!"
Napatigil ako sa pagshoot nang marinig ko ang panalan kong malakas na isinigaw.
Napatingin ako sa kanila at lahat sila'y nakangisi sa akin kaya napahinto ako. Nagbalik lang ulit ako sa wisyo nang maramdaman ko ang paghampas ni Godwin sa bola sa kamay ko kaya naagaw niya ito.
Nanlaki ang mata ko at mabilis ko siyang sinundan.
Nawala ako sa pokus!
Nakangisi lang sa akin si Godwin at nang hinagis niya ang bola ay tumunog ang ring at tumalbog doon ang bola. Tumalon ako upang makuha ito.
Yinakap ko ang bola nang pumunta sa pwesto ko si Godwin.
"Hindi ko po aagawin! Hindi ko po aagawin!" Tumatawang sabi ni Godwin habang nakataas ang magkabilang kamay. Kinuha ko ang pagkakataon na iyon para umikot at makapunta sa likod niya at nilay-up ko ang bola sa gilid ng ring.
Nahulog ito sa butas kaya nagsigawan sina Mason.
"Pinsan ko 'yan!" Natatawang sigaw ni Hertzler.
Nagpatuloy ang one on one namin ni Godwin pero ang nakakatawa ay puro sablay ang shoot niya. Napag-alaman ko na magaling lang pala siyang mang-agaw pero mahina siya sa shooting.
"Hindi naman kasi lahat ng basketbolista ay magaling sa shooting! May ibang magaling sa stealing at passing!" Nakangusong sigaw ni Godwin kina Patterson dahil tinutukso siya ng mga ito.
"Sus. Palusot pa! Ang sabihin mo, talo ka lang talaga ni tol!" Tumatawang tukso ni Patterson.
"Wala ka pala Godwin, eh!" Panunukso naman ni Kayrra.
"Insan ko 'yan, eh!" Natatawang sabi ni Hertzler.
Magsasalita pa sana si Godwin para ipagtanggol ang sarili niya nang mabaling ang atensyon niya kay Tide nang pumunta ito sa bola.
Napatingin kaming lahat kay Tide na bitbit-bitbit ang bola habang papunta sa akin.
"Godwin babes! Igaganti kita!" Nangunot naman ang noo ko sa isinigaw ni Tide.
Godwin babes?
"Sige, babes! Iganti mo ako!" Tuwang-tuwa na tugon ni Godwin.
Napakacheap naman ng babes! Ang jeje pakinggan.
Nagpatuloy sa paglalakad si Tide at nang nasa harapan ko na siya ay nakaramdam ako ng kaba. Tinaas niya ang kamay niyang hawak ang bola at nakangisi pa ito sa akin.
"Tol, one on one tayo," nakangisi niyang aya kaya napalunok ako.
~*~
"Habol, Axion. Habol!" Tumatawang sigaw ni Tide habang tumatakbo papunta sa ring.
Nang nasa ring na siya ay smooth niyang nilay-up ang bola na mas nagpapabilib talaga sa akin. Napanganga lang ako habang nakatingin sa kanya.
Kanina pa kami naglalaro at gusto ko mang maniwala o hindi, ang score ay 12-21. Lamang siya. Babae pa siya, ah! 'Yung totoo? Lalaki ba talaga 'to rati at nagpababae lang ng katawan? Ang galing sa basketball!
"Wala ka pala, eh!" Panunukso niya sa akin.
Umayos ako ng tayo at nginusuan siya. "Pagod na ako. Wala na akong ganang maglaro," pagdadahilan ko na ikinatawa nila.
Napasigaw naman ako nang tumama ang bola sa dibdib ko. Hinagis pala ni Tide.
"Palusot pa more!" Sabay belat niya sa akin kaya napangiti ako. Cute.
"Anong nginingiti-ngiti mo riyan? Para kang baliw!" Sigaw niya sa akin kaya mas lalo akong napangiti pero napawi iyon nang utusan niya akong lumusot sa magkahiwalay niyang hita.
"Lusot ka nang lima! Talo ka na, eh!" Utos niya na hindi ko sinunod.
"Hindi pa naman tapos 'yung laro, ah!" Saka pambata naman 'yung pinapagawa niya.
"Lusot, tol! Napakadaya!" Sigaw ni Alec sa akin.
"Walang takbuhan sa parusa, tol!" Sigaw rin ni Hertzler.
"Oo nga, lusot na. Nagugutom na kami! Saka masakit na sa balat ang sinag ng araw! Kapag ako umitim, ibibili mo ako ng sandamakmak na gluta!" Reklamo ni Godwin.
Binatukan naman siya ni Mason.
"
Dinaig mo pa sa kaartehan si Kayrra at Alec!" Sigaw ni Mason sa kanya.
"Bakit ba? Ayoko kayang umitim!"
"Wala ka ng iiitim, 'no! Asa ka pang maputi ka! Ulul!" Sabay hubo ni Patterson sa shorts ni Godwin na ikinalaki ng mata ko.
"Hoy! SPG!" Sigaw ni Alec sabay takip niya ng kanyang mata. Tinakpan naman ni Kayrra ang mata ni Ashlon.
Naghalakhakan naman sila nang lumitaw ang brief ni Godwin. Agad namang sinuot pabalik ni Godwin ang shorts niya at namumula ang kanyang mukha. Ikaw ba naman ang hubuan sa harap ng mga tao?
"Mga de puta kayo!" Namumulang sigaw ni Godwin habang kinakarate sina Mason at Patterson. Karate kuno lang naman.
Napailing na lang ako pero natigil ako nang kurutin ni Tide ang tagiliran ko.
"Aray!"
"Lulusot ka nang lima o lulusot ka nang sampo?" Maangas niyang tanong kaya napairap ako nang palihim.
"Oo na. Eto na nga! Napakasiga," aniko ko pero pabulong lang.
"Mainam naman kung ganoon," ngiting-ngiti niyang ani.
Lumusot ako nang lima at pagkatapos ay naglakad na kami papunta sa bahay. Sina Godwin, Mason, at Patterson naman ay panay ang karate kuno pa rin. Si Ashlon naman ay nakikipagdaldalan kina Kayrra at Alec.
Nang marating namin ang apartment ay kaagad silang nagpasukan na wala pang paalam sa akin. Nangunguna sina Godwin, Mason, at Patterson na kanina lang ay nagkakarate kuno.
Kumalampag ang pinto ng apartment namin nang isarado nila ito. Narinig ko pa ang sigaw ni Mason nang "Let's parteh!".
Hindi ako nakakilos at nanlaki pa ang mata ko sa narinig. Patay. Dadaanan yata ng Yolanda ang apartment namin mamaya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top