Chapter 15
AXION
"Alam mo, kasing liit ng bahay ng langgam 'yung bahay namin." Natatawa na lang ako sa mga pinagsasabi ko.
Kanina ko pa sinasabihan ng mga negatibo 'yung bahay namin pero panay "ayos lang", "kaya kong manirahan doon" 'yung mga pinagsasabi niya. Sinusubukan ko lang naman kung aatras ba siya kapag sinabi kong maliit o ano 'yung bahay namin.
Napahinto ako sa paglalakad nang kurutin niya bigla 'yung tungki ng ilong ko.
"Kanina ka pa! Kanina ka pa! Kahit gaano kaliit at kapangit 'yang bahay n'yo, titira ako roon! Aba, wala na nga akong matutuluyan, mag-iinarte pa ba ako?"
Kinagat ko 'yung loob ng pisngi ko.
"Talaga? Paano kung sabihin ko sa 'yong maraming ipis at daga 'yung bahay namin? Tutuloy ka pa rin ba?" Nakangisi kong tanong.
Bigla naman siyang umalis sa pagkakapasan sa likod ko at sinipa niya ako sa pwet.
"Iskwater ba 'yung bahay ninyo?!" Irita niyang sigaw.
Ngumisi ako at tumango. Umirap siya sa akin at malakas niyang hinigit 'yung heels sa kamay ko. Tumalikod siya at naglakad palayo na ikinataas ng kilay ko.
"H-Hoy! Saan ka pupunta?" Malakas kong tanong sa kanya.
Muli siyang humarap sa akin at napalunok naman ako nang makita ko ang kawalan ng ekspresyon niya. Patay. Galit yata.
"Sabihin mo kasi kung ayaw mo akong patuluyin sa bahay mo! Hindi 'yung nagpapaligoy-ligoy ka pa. Madali naman kasi akong kausap. Tsk!" Sabay irap niya sa akin at naglakad ulit siya palayo.
Bigla akong hindi mapakali. Hala. Ano ba 'yung gagawin ko? Nagalit tuloy siya! Nakatitig lang ako sa likod niya at hindi ako kumikilos. Hindi ko alam 'yung gagawin ko!
Dapat ko ba siyang sundan? O dapat ko lang siyang hayaan?
Kinagat ko 'yung ibabang labi ko at sinundan ko siya. Nang makalapit ako sa kanya ay hinawakan ko siya sa kanyang buhok at hinila.
"Oo na... Welcome ka na sa bahay," aniko habang hinihila siya sa buhok.
"Sus. 'Di mo lang ako kayang tiisin, eh!" Panunukso naman niya na ikinangiti ko nang palihim.
Hindi ako nagsalita at mas hinila ko pa ang buhok niya.
"Bitiwan mo naman ang buhok ko!" Sigaw niya sabay tapik sa kamay ko.
Binitiwan ko naman ang buhok niya at naglakad lang ako nang kaunti at nasa harapan na ako ng bahay namin. Pagtingin ko sa kaliwa ko ay nakita ko roon si Tide na nag-aabang.
Tumingin siya sa akin habang nakataas 'yung dalawa niyang kilay. "Ano?"
"Kapag nagtanong si Nanay kung bakit kita kasama, sabihin mong kaibigan lang kita at nangangailangan ka lang ng matutuluyan. Okay?"
Delikado na, baka kung ano pa ang isipin kasi ni Nanay kapag nakita niyang may kasama akong babae. Praning pa naman 'yon.
Umirap muna siya sa akin bago tumugon. "K."
Ngumiti ako sa kanya.
Huminga ako nang malalim at binuksan ko na 'yung pinto. Nang makapasok ako sa bahay ay bumungad kaagad sa akin si Nanay na pabalik-balik ang lakad sa sala.
Napatingin siya sa akin at agad niya akong nilapitan.
"Anak, minaliit ka ba nila? Hinusgahan ka ba nila? Pinagtawanan ka ba nila? Sabihin mo sa akin, anak!" Sunud-sunod na tanong ni Nanay sa akin.
Napakunot ang noo ko at pinaupo ko muna siya sa medyo maliit naming sofa.
"Nay, ano ba 'yang pinagsasabi mo?" Naguguluhan kong tanong.
May kinuha siya sa kanyang bulsa at nanlaki ang mata ko nang makitang invitation card 'yun na nanggaling kay Tide.
"Anak, sa Valencia ka pumunta, 'di ba? 'Yung napapalabas sa T.V na pamilya, 'di ba?"
Agad kong kinuha 'yun kay Nanay.
"Nay, 'wag ka na ulit mangingialam ng gamit ko, ah?" Naiiling kong sabi.
"Nak, namanㅡ" naputol sa pagsasalita si Nanay nang mabaling ang mata niya sa likod ko.
Nakalimutan ko si Tide. Humarap ako sa kanya. Nakangiti siya nang malaki kay Nanay at balak ko sanang ipakilala siya kay Nanay kaso bigla nang sumigaw si nanay.
"Magtatanan ba kayo ng anak ko?!" Malakas na sigaw ni Nanay na ikinalaki ng mata ko.
Tumingin ako kay Nanay at dahil wala akong masabi dahil sa gulat ay umiling na lang ako nang umiling.
"Opo! Magtatanan po kami ni Axion! 'Yun eh, kung papayag ho kayo?" Napatingin naman ako kay Tide dahil sa sinagot niya.
Nakangiti siya nang malaki kay Nanay at hindi ko alam 'yung gagawin ko!
"Susmaryosep!" Sigaw ulit ni Nanay at nakita ko na lang na nakahiga na siya sa sofa, walang malay.
Sinamaan ko ng tingin si Tide na humahalakhak nang malakas habang nakaturo sa Nanay ko.
"Aba, tol, malakas din pala 'yung tama ng Nanay mo, 'no?" Sabay tawa niya ulit.
Masama pa rin ang tingin ko sa kanya.
"Tide! Nerbyosin ang Nanay ko! 'Di ba ang sinabi ko sa 'yo ay magkaibigan tayo? Wala akong sinabi na magtatanan tayo! Jusko po!" Irita kong sabi habang nakapamaywang ang kaliwang kamay, ang kanang kamay naman ay nakasapo sa aking noo.
"Heto naman. Nagbiro lang naman ako. Sinabayan ko lang naman 'yung trip ng Nanay mo. Malay ko bang hihimatayin 'yan?" Sabay libot niya ng tingin sa buong bahay namin.
"Ayos na 'to." Dinig kong bulong niya.
Napailing na lang ako. Binabaliw ako ng Tide na 'to!
Tumingin ako kay Nanay nang bumangon ito sa pagkakahiga. Sa wakas ay nakabangon na siya sa himatay kuno niya. Alam ko namang O.A rin masyado si Nanay pero nakakatakot din dahil nerbyosin nga siya. Kung magkape kasi ay tatlo sa isang araw. Ayaw namang magpapigil.
"Axion Ramulo Valdez!" Tila ako nanlumo sa sinigaw ng nanay ko.
Sa dinami-rami ba namang pwedeng isigaw, buong pangalan ko pa?
"Mag-uusap tayo!" Sigaw niya sabay martsa sa kusina.
Naramdaman ko ang pag-iinit ng buo kong mukha, lalo na nang marinig ko ang tawa ni Tide.
"Punyemas! Ramulo! Ang baho, ampupu!" Tumatawa niyang sabi.
Napayuko ako at hindi ko siya tinignan dahil na rin sa kahihiyan. Ewan ko ba kasi kay Nanay. Ang ganda-ganda na sana ng Axion, kaso dinugtungan pa ng Ramulo.
Umiling na lang ulit ako at sinundan si Nanay sa kusina.
~*~
"Axion, 'wag mo akong pinagloloko. Siguraduhin mo lang na hindi totoo 'yung tanan n'yo, naku kung hindi, isusunod talaga kita sa Tatay mo!" Pagbabanta na naman ni Nanay.
Napapabuntong hininga na lang ako. Ayaw niya no'n, maganda 'yung itatanan ko? Pero biro lang. Hindi naman kasi talaga kami magtatanan! Wala ngang kami tapos may gana pa kaming magtanan?
"Oo nga, Nay. 'Wag ka nang praning." Tumayo ako sa pagkakaupo at lumapit ako sa kanya. Inakbayan ko siya pagkatapos ay yinakap.
"Magtatapos muna ako bago 'yung mga gano'ng bagay, 'di ba?"
Tumingin siya sa akin at tumango. "Pero Valencia siya, 'di ba?" Tumango ako.
"Sabagay, mayaman na, maganda pa! Pwedeng-pwede, nak!" Hindi ko alam 'yung isasagot ko kay Nanay. Ang lakas masyado ng tama niya. Kanina ay galit dahil akala niya ay magtatanan kami, ngayon naman ay kulang na lang ay itulak ako kay Tide para ayaing magpakasal dahil nga 'mayaman at maganda' raw.
"Nay, hindi pwede. Hindi ko naman mahal 'yun. Alam mo na, ang dapat ikasal ay 'yung nagmamahalan talaga."
"Eh, bakit ba nandito 'yan?" Tanong niya.
Humiwalay ako sa yakap at sumilip ako sa sala. Nakita ko siyang nakahiga sa sofa at nakapikit ang mga mata. Nakatulog na yata.
"Basta, Nay, mahabang kwento. O'sya, matulog ka na at matutulog na rin kami."
"Magkatabi ba kayo sa kwarto mo?"
"Hindi ho. Sa kama ako, sa lapag siyaㅡAray, Nay!" Sabay himas ko sa taingang piningot niya.
"Magpakamaginoo ka naman, Ramulo! Ikaw sa lapag, siya sa kama!" Napanguso ako. Walanghiyang Ramulo'ng iyan.
"Nay, 'wag mo naman akong tawaging Ramulo. Lalo na kapag kaharap natin si Tide," nahihiyang bulong ko sa kanya.
Tinignan niya ako nang nakakaloko kaya napaiwas ako ng tingin.
"Bakit? Nahihiya ka sa kanya?" Halata sa boses niya ang panunuya.
"H-Hindi, ah! B-Basta, Nay!" Nakaiwas tingin na tugon ko sa kanya. Tumawa siya at nagpaalam na. Pumasok na siya sa kwarto nila ni Ashlon.
Bwisit talaga si Nanay. Tinutukso ako. Walanghiya talaga 'yung Ramulo na 'yan. Ibinaon ko na nga sa limot na may Ramulo ako sa pangalan pero itong si Nanay ay abot ang paalala.
Kumamot ako sa aking batok habang naiiling.
Pinuntahan ko na sa sala si Tide pero laking gulat ko nang makita ko siyang wala na roon.
"Hala. Saan naman pumunta 'yung babaeng 'yun?" Bulong ko habang hinahanap siya sa sulok ng sala. Akala mo naman ay sobrang laki ng sala namin para may mapagtaguan siya.
Tumingin ako sa kusina at CR pero wala akong nakitang Tide.
"Nasaan ka, Tide?" Bulong ko ulit at pumasok ako sa loob ng kwarto ko.
At ayun... naabutan ko siya sa kwarto ko na nakadapa sa kama at humihilik pa. Hindi na siya nakagown at wala na rin sa pagkatirintas ang kanyang maganda at kulay asul na buhok. Parang bagong ligo pa.
Napatingin ako sa kanyang suot. Suut-suot niya 'yung puti kong t-shirt at 'yung... nanlaki ang mata ko nang makita kong suot niya 'yung shorts ni Ashlon. Ginawa niyang cycling 'yung shorts ni Ashlon!
Pinasadahan ko ulit ng tingin si Tide na maganda ang pagkakadapa sa aking kama. Aba, feel at home na feel at home ang babae.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top