Chapter 12

AXION

Habang nakayakap kay Tide ay narinig ko ang bulungan ng mga kasama namin.

"Alam ko na kung bakit hindi ka gusto ni Axion, Alec," natatawang bulong ni Kayrra.

"Parang nagselos yata ako," napalunok ako sa sinabi ni Hertzler.

"Edi si Tide kung si Tide! Hindi naman ako seryoso sa kanya, 'no. Inuurat ko lang naman siya," ani Alec at medyo nasaktan ako roon.

"Alec, hindi naman 'yon tama. Baka masaktan si Axion," nag-aalalang giit ni Mason.

Napahigpit nang kaunti ang yakap ko kay Tide dahil sa narinig ko kay Alec. Ninakaw niya 'yung first kiss ko tapos tinutukso niya lang pala ako. Ayos lang ako. Ayos lang talaga.

Napaangat ang tingin ko nang may naghiwalay sa amin ni Tide.

"Tama na 'yan. Lalabas na tayo, " seryosong awat ni Godwin at hinawakan niya si Tide. Hinila niya ito palabas.

Natuod ako sa ginawa niya. Hindi naman yata tama 'yung ginawa niya, 'di ba? Parang ang bastos naman... pero hayaan na nga. Nakakahiya naman kung mainis ako sa kanya.

Inaya na nila akong lumabas kaya lumabas na rin ako. Sinundan ko sila at gumawi sila sa gilid lang ng building. May mga ilang tao rin doon at may iba pang nakahubad ng pang-itaas habang pawis na pawis.

Nilapitan sila nina Patterson at naghigh five sila.

"Musta, tol?" Bati ng lalaki.

"Eto buhay pa," natatawang tugon ni Patterson.

Pumunta ako sa tabi ni Tide at sumandal ako sa railing ng hagdan.
I

nikot ko ang mata ko sa paligid at puro hagdan dito. May ibang pahingahang bato. May mga kumplikadong pader na hanggang leeg ang taas, ang iba naman ay hanggang baywang na parang ginawa talaga para sa kung ano mang gagawin doon.

Napatingin ako kay Tide dahil napansin kong tahimik siya pero napanguso ako nang makitang nakaakbay sa kanya si Godwin.

"Hoy, tol! Tara pagalingan tayo!" Biglang hamon ni Mason kay Hertzler na pinaunlakan naman ni Insan.

Napakunot ang noo ko at tinanong ko kay Kayrra kung ano 'yung gagawin ng dalawa.

"Makikita mo rin." Sabay ngisi niya.

Umalis kami sa pwesto namin at pumunta kami sa malapit lang na bench at doon kami pumwesto.

Pumwesto naman sina Hertzler at Mason sa tuktok ng hagdan. Umayos ako ng upo nang i-cheer sila nina Alec.

"Kay Hertzler ako!" Sigaw ni Alec.

"Mason tayo, tol! Go, Mason!" Sigaw ni Patterson.

Tumingin sa akin si Kayrra na katabi ko lang.

"Ikaw, kanino ka?" Tanong niya.

Nagkibit ako ng balikat. "Ewan ko. Hindi ko naman alam 'yung gagawin nila, eh." Sabay kamot ko sa ulo.

Natawa siya at sinabi sa akin na kay Mason daw siya boto.

"Payatot, si Hertzler suportahan mo. Pinsan mo 'yan, eh." Napatalon naman ako sa gulat nang tumabi sa akin si Tide.

"O-Okay."

Nakita ko naman si Godwin na tumabi kay Tide. Amoy ko 'yung totoong pakay ni Godwin kay Tide, eh. Lalaki rin ako kaya amoy na amoy ko.

Hinawakan ko si Tide sa braso niya at mas inilapit ko siya sa akin na ikinataka niya.

"Ayos na ba 'yung pakiramdam mo?" Tanong ko.

Tinignan ko si Godwin sa gilid niya at matalim ang tingin nito sa akin kaya napalunok ako.

"Ah, oo. Ayos na ako. Salamat, ha?" Sagot niya at nginitian ako kaya ngumiti rin ako pabalik sa kanya.

Umiwas na ako sa kanya ng tingin dahil bumalik na naman ang pagiging mahiyain ko nang yinakap ko siya pabalik kanina. Ewan ko ba, bigla na lang akong nahiya. Malay ko ba sa sarili ko.

Napatingin ako sa tuktok ng hagdanan nang biglang tumakbo si Hertzler pababa roon at nagulat na lang ako nang bigla itong umikot sa ere pababa. Iyung tumbling niya ay 'yung walang hawak sa lapag.

"Whoa!" Sabay-sabay naming sigaw dahil sa mangha.

Lumapag si Hertzler nang maayos sa ibaba ng hagdanan at nakahalukipkip pa ito habang nakangiti nang nakakaloko kay Mason sa itaas.

"Pangit naman ng pinakita mo, tol!" Tumatawang sigaw ni Mason.

"Sige nga, oh! Pakita mo galing mo!" Sigaw pabalik ni Hertzler. Nagpayabangan na.

Inangasan ni Mason si Hertzler at naghanda ito sa gagawin niya.

Pumunta siya sa gilid ng hagdanan at tumakbo siya papunta sa railing sa gitna nito. Humawak siya sa railing at tumalon doon. Pagkatapos no'n ay bigla rin siyang nagtumbling pababa na ikinasigaw ulit namin.

"Kudos!" Sigaw ni Kayrra habang tumatawa.

Napapanganga na lang ako sa ginagawa nilang dalawa. Hindi kaya ay maaksidente sila?

Napatingin ako kay Tide nang kinalabit niya ako.

"Alam mo ba ang parkour at freerunning?" Tanong niya habang pinapanood 'yung dalawa.

"Ano 'yon?" Inosente kong tanong.

Bigla siyang tumingin sa akin na gulat na gulat, hindi makapaniwala.

"Hindi mo alam 'yon? Tae 'to! Search mo na lang! O kaya ay manood ka sa youtube!" Sigaw niya sa akin.

Sabay naman kaming napatingin ni Tide sa harapan nang makarinig kami ng kalabog. Nadatnan na lang naming dalawa si Hertzler na nakadapa sa sahig.

"Hertzler!" Sabay-sabay naming sigaw at pinuntahan namin siya.

Dumudugo 'yung ilong at labi niya dahil siguro sa pagbagsak niya.

"Tanga mo, tol! Madulas sapatos mo tapos sa railing ka pa nagmayabang!" Tumatawang tukso ni Patterson.

Dinaluhan naman ni Alec si Hertzler. Umupo si Hertzler at tumawa siya.

Sa totoo lang, ang weird niya ngayon. Siya na nga ang nasaktan, siya na nga ang dinugo ang ilong at labi, siya pa 'tong tumatawa rin. Masaya pa siyang bumagsak siya.

"Pasensya naman!" Tumatawa pa ring wika ni Insan. Napailing na lang ako.

"Nanalo ako! Nanalo ako!" Napatingin naman kami kay Mason nang magtatalon ito dahil sa tuwa.

"Putspa, pare, kapag hindi mo binigay 'yung limang libo, bebetlogan kita!" Pananakot ni Mason kay Hertzler.

"Oo, kasi. Bukas, promise!" Sabay punas ni Hertzler sa labi niya.

Ginamot muna ni Alec 'yung sugat ni Hertzler bago nila mapagpasyahang lumipat ng lugar. Napag-alaman ko na maraming iba't ibang lugar dito. Puro bagay at espasyo para sa sinasabi nilang 'parkour at freerunning'. Pinundar daw nila iyon, syempre kasama nilang pumundar do'n 'yung iba pang tao na gusto rin ang pagpaparkour at freerunning.

Natanaw ko ang mga kahoy na iba-iba ang pwesto. May slide pa sa gilid.

Napahinto ako sa paglalakad nang magtakbuhan sina Mason, Patterson, at Kayrra papunta roon at nagtumbling-an at jumping sila. Napalingon ako sa kanan ko nang tumakbo naman papunta sa pader ng building si Tide.

Tumakbo siya papunta sa pader at nagulat na lang ako nang lumapat ang paa niya sa pader at nakatumbling siya roon.

Nanatili naman sa tabing pahingahan si Hertzler at Alec, kasama nila si Godwin na tahimik lang.

Napatingin ulit ako kina Mason. Enjoy na enjoy nila ang jumping, tumbling, at climbing sa mga obstacles.

Tumingin sila sa akin at nagngisian sila kaya napaatras ako.

"Tol, halika, turuan ka namin para hindi ka ma-out of place!" Sigaw ni Patterson kaya napalunok ako.

Nu'ng nakita ko nga lang si Hertzler na nakadapa sa sahig at duguan ang ilong at labi dahil sa maling pagslide sa railing ay natakot na ako. Tapos gagawin ko pa?

"H-Hindi! Ayos lang ako! O-Okay lang na ma-out of place ako rito!" Medyo kinakabahan kong tanggi sa kanila.

Nanginig na ang tuhod ko sa kaba dahil lumapit sa akin si Tide na may seryosong mukha.

"Ano, aayaw ka, ha?" Seryoso pero ramdam ko ang angas doon kaya napailing na lang ako.

"G-Gagawin k-ko po." Lumunok ako.

Napangisi siya at hinila ako. Habang tumatakbo ay binitawan niya ang kamay ko at nagulat na lang ako nang bigla siyang magtumbling nang sunud-sunod. Napahinto ako sa pagtakbo at lumaglag ang panga ko.

Maayos na lumagapak si Tide at nakangisi pa ito sa akin.

"Iyon muna ang gagawin mo," nakangisi niyang sabi sa akin.

Nanlaki ang mata ko at napaturo sa sarili ko at sa harapan kung saan niya ginawa 'yung sunud-sunod na tumbling.

"A-Ako? Iyon... gagawin ko?!" Gulat at hindi ko makapaniwalang tanong. Tumango naman siya.

"Hindi ko kaya 'yon! A-Ayoko! Hindi ako marunong magtumbling!"

Totoo naman, eh! Hindi talaga ako marunong magtumbling. Magmumukha lang akong tanga. Hindi na nga ako marunong magtumbling, 'yung pagtumbling na ginawa pa niya 'yung pinapagawa niya. Ayos din, 'no?

Tumalim ang tingin niya sa akin dahil sa sinabi ko kaya kinabahan na naman ako.

"Bakit ba sinasabi mong hindi mo kaya kung hindi mo pa naman sinusubukan? Subukan mo muna bago ka magsalita!" Irita niyang sita at nilapitan ako.

Nang nasa harapan ko na siya ay hinampas niya ang dibdib ko kaya napaubo ako.

"Kaya mo 'yon, tol. Kaya mo." Sabay ngiti niya sa akin kaya napatulala ako sa labi niya.

"T-Talaga?" Baka naman niloloko lang ako ng babaeng 'to.

Umirap siya sa akin. "Oo, kasi. Dali na! Tumbling na!" Utos niya.

Gumilid siya at napatingin ako sa mga kasama ko. Lahat sila ay nakatingin sa akin at nakangisi na mas lalo kong kinakaba. Parang pinapahiwatig pa nila na 'Go, Axion! Magtumbling ka kung ayaw mong malumpo!'

"Gagawin ko talaga?" Pagtatanong ko na ikinairap na naman ni Tide.

"Oo!" Malakas niyang sigaw sa akin kaya napanguso ako.

Hindi ko naman talaga kaya. Nakakainis naman!

Huminga ako nang malalim at tumalon-talon nang kaunti para makapaghanda. Tinitigan ko 'yung sahig nang ilang segundo at nang makapagpasya na ako ay tumakbo ako at nagtumbling pero iba ang nagawa ko. Ang dalawa kong kamay ay nasa sahig at diretso na lumagapak ang katawan ko sa sahig kaya napasigaw ako sa sakit.

"Aray ko po!" Sigaw ko habang hawak ang likod kong lumagapak sa sahig. Ang sakit!

Narinig kong nagtawanan sila kaya napahinto ako sa pagsigaw at umupo ako sa sahig at napakamot sa ulo.

Napatingin ako kay Tide na papalapit sa akin at nanlaki ang mata ko nang makita ko ang kanan niyang paa na palipad sa mukha ko. Hindi na ako nakakilos at pumikit na lang ako.

Dumilat ako nang wala akong maramdaman na sipa. Nakita kong hawak-hawak nina Mason at Godwin si Tide sa magkabilang braso para mapigilan ito.

"Bitiwan n'yo ako! Sisipain ko 'yung payatot na 'to!" Inis na sigaw ni Tide.

Napatayo ako at lumapit ako kay Hertzler at nagtago ako sa likod nito.

"Sabi ko tumbling, hindi katangahan!" Sigaw ni Tide sa akin.

Napaiwas ako ng tingin at hindi ko siya pinansin.

Mukhang babalatan niya ako ng buhay! Sa hindi ako marunong magtumbling, eh! Siya lang naman 'yung mapilit. Saka bakit ba kasi siya nagagalit? Napaka-ikli ng pasensya niya.

Humarap ako kay Tide, yumuko ako at nagsorry.

"S-Sorry! Sorry!" Paulit-ulit kong sabi na mas lalong ikinagalit ni Tide.

"Axiooooon!" Mahabang sigaw ni Tide sa pangalan ko kaya napatago na talaga ako sa likod ni Insan.

Nagtawanan 'yung mga kasama namin dahil sa pagkabeast mode ni Tide.

"Tide, naman. Syempre first timer si Axion, kaya katanggap-tanggap na 'yung ganu'n," natatawang sabi ni Kayrra kay Tide.

"First timer ka riyan! Tumbling lang tapos hindi siya marunong? Ginagago ba niya ako? Ngayon lang ako nakakita ng lalaking hindi marunong magtumbling!"

"Tide, kalma lang! 'Yung puso mo, baka malaglag!" Tumatawang sabi ni Patterson.

"Malay mo ay galing Jupiter si Axion kaya ganyan," singit ni Alec.

Napangiti-ngiti ako sa loob ko dahil sa sinabi ni Alec. Mabuti naman ay hindi na Baby ang tawag niya sa akin.

"Tide, kumalma ka na. Matututo rin si Axion," sabi naman ni Hertzler.

Sumilip ako at nakita kong taas-baba na ang dibdib ni Tide at namumula pa ang kanyang dibdib at mukha.

Kanina ko pa napapansin. Bakit parang lagi siyang hinihingal? May hika kaya siya?

Umayos ng tayo si Tide at binawi niya ang kanyang mga braso. Matalim niya akong tinignan saka inirapan.

"Aalis na ako. Hoy, Godwin, samahan mo ako kina Kuya Raze," sigaw ni Tide kay Godwin at sumunod naman ito sa kanya.

Bakit naman si Godwin 'yung isasama niya?

Nagkatinginan naman kaming mga natira nang makalayo na 'yung dalawa.

"Hala. Iniwan tayo?" Nakasimangot na puna ni Mason.

"Ewan ko sa babaeng 'yon! Ang sungit-sungit. Birthday pa naman no'n bukas!" Napahinto ako dahil sa sinabi ni Hertzler.

Birthday ni Tide bukas?

Nagkayayaan na silang umuwi. Inaya pa nila ako na sumabay na sa kanila pero tumanggi ako.

Habang naglalakad ay iniisip ko 'yung sinabi ni Hertzler.

Kaya siguro ako inimbitahan ni Tide kahapon ay dahil birthday niya pero bakit hindi niya sinabi sa akin na birthday niya pala? Dapat ba akong magregalo? Pero ano 'yung ireregalo ko? Nakakahiya naman siguro kung mumurahin 'yung ibigay ko.

Napatingin ako sa nadaanan kong karatula na 'Cyrus' Barber Shop'. Dapat medyo maayos ang dating ko kung pupunta ako ng birthday niya. Napahawak ako sa buhok ko at pumasok ako sa loob. Nagpagupit ako ng undercut sa barbero at naging maayos naman ang resulta.

Nakangiti akong lumabas ng shop pero napahinto ako at natulala dahil sa isang bagay na pumasok sa isip ko.

Pupunta ba ako?

'Di ba kapag birthday ng mga mayayaman, kapwa mayayaman lang ang mga pupunta? 'Yung mga kabusiness partner lang. Mga kumareng may kumikinang na porselas din. Parang hindi naman ako nababagay roon.

Saka 'di ba dapat ay may invitation card? Syempre mayaman siya, paniguradong may mga kukulekta ng card doon para malaman kung imbintado ka nga talaga. Paano 'yan? Wala naman akong invitation card na natanggap? At ang tanong, pupunta nga ba kasi ako?

At kung pupunta ako, dapat ay may regalo ako. Nakakahiya naman kung wala pero nakakahiya rin kung mumurahing regalo ang ibibigay ko. Nakakasura naman 'to. Hindi talaga ako nababagay roon.

Napasimangot ako. Kaya siguro hindi niya sinabing birthday niya ay para mapahiya ako roon. 'Di ba ganu'n naman siya, hilig niya akong ipahiya. Katulad kanina. Ako kasama niyang maggala pero iniwan niya lang ako at pinagpalit kay Godwin. Napahiya ako nu'n dahil iniwan niya ako. Tapos nu'ng nagtumbling ako, napahiya na nga ako, sinigawan pa niya ako, edi mas lalo akong napahiya.

Talaga bang ganu'n siya? Ang angas-angas niya. Lagi niya akong nakukurot, nasusuntok, at nasasaktan. Tama pa bang sumama ako sa kanilang magbabarkada? At lalung-lalo na... sa kanya?

Malungkot akong naglakad pabalik ng apartment namin. Hindi na ako makasakay ng sasakyan dahil wala na akong pera. Hindi ako nakapagdala ng medyo malaki dahil akala ko ay sa mall lang ang gala namin. Tapos nagpalibre pa siya kanina sa sinakyan namin ng pamasahe kaya ayun, simot ang wallet ko. Tapos nagpagupit pa ako.

Nakarating ako ng bahay at pakagat na ang dilim. Naabutan ko sa loob ng bahay si Ashlon na natutulog sa maliit naming sofa. Tumingin ako sa kusina at nakita ko si Nanay na naghahain sa lamesa.

"Nandito na po ako," sabi ko kaya napatingin sa akin si Nanay.

"Oh, anak, nandiyan ka na pala. Sakto luto na 'yung ulam. Nak, pakigising na nga 'yang si Ashlon para makakain na 'yan," utos ni Nanay.

Pinuntahan ko si Ashlon at ginising ito. Gumising naman siya at tumakbo pa papunta sa hapag dahil kanina pa raw siya nagugutom.

Pagod akong umupo sa upuan sa hapag na napansin naman ni Nanay.

"Napagod ka yata nang sobra?" Tanong ni Nanay.

"Hindi naman po gaano." Sabay ngiti ko.

Tumingin ako sa plato na may ulam.

"Nay, itlog na naman?" Nakangusong tanong ni Ashlon habang nakatingin sa piniritong itlog.

Tinignan ko si Ashlon at pinagsabihan siya.

"Ashlon, buti nga ay may ulam pa tayo. Niluto pa 'yan ni Nanay kaya magpasalamat ka na lang. Magpasalamat na buti ay may nakakain pa tayo ngayon," parangal ko sa kanya na mas lalo niyang ikinanguso.

"Pasensya na, mga anak. Sadyang nagigipit lang tayo ngayon dahil nagbayad ako ng renta rito sa apartment. Pero 'wag kayong mag-alala, kapag nakasuweldo na si Nanay, mag-uulam tayo ng manok." Sabay ngiti ni Nanay at nagalak naman si Ashlon dahil doon.

Napabuntong hininga ako at nagsimula na akong kumain. Nang matapos kaming kumain ay nagpresinta ako na ako na ang maghuhugas ng mga pinggan.

Pumasok ako sa kwarto ko nang matapos ako sa paghuhugas ng mga pinggan. Nahiga ako sa kama kaagad dahil sa pagod.

"Ang sakit ng likod ko," bulong ko habang nakatitig sa kisame.

Naalala ko naman si Tide bigla. Bigla ko rin tuloy naramdaman 'yung yakap niya kanina. Pati na rin 'yung hininga niya sa dibdib ko. Ano kaya ang height niya? Hanggang dibdib ko lang kasi siya. Hindi rin naman siya mukhang pandak.

Wala sa sariling napakapa ako sa bulsa ko at napataas ang kilay ko nang may mahawakan akong papel doon. Bumangon ako sa pagkakahiga at hinugot ko ang papel. Nanlaki ang mata ko nang mabuklat ko ang sobre at nakasulat doon ang birthday party bukas ni Tide. Debut na niya bukas.

Imbitado ako!

Bigla akong napangiti nang malawak. Tumayo ako at tumingin ako sa aparador ko ng susuotin para bukas.

"Wala akong makitang maayos na damit," inis kong bulong habang naghahalungkat sa aparador.

Napahinto ako nang makita ko ang asul kong polo. Kinuha ko ito at tinitigan. Ayos na ito. Asul naman ang motif ng party.

Napatitig ako sa polo at sa invitation card na hawak ko.

Pupunta ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top