Chapter 11

AXION

Hindi ko alam kung anong gustong mangyari ni Tide. Kahapon ay tinext niya ako na pumunta sa bahay nila at hindi ko alam kung may anong okasyon at bakit kailangan kong magsuot ng formal na damit. At ngayon naman ay tinext niya ako na pumunta na ako sa mall kung saan kami magkikita. Abot pa ang text niya at minamadali niya ako. Alas diez pa lang ng umaga!

From: Tide

HOY! KANINA PA AKO DITO! DALIAN MO PUTSPA!

Text na naman niya. Kanina pa ako nakakatanggap ng mura sa babaeng 'to.

Sinuklay ko ang buhok kong medyo mahaba na habang nakatingin sa repleksyon ko sa salamin.

"Kailan kaya ako magpapagupit?" Tanong ko sa sarili ko.

Nagkibit ako ng balikat at inayos ko ang suot kong puting v-neck. Lumabas ako ng kwarto ko at pinuntahan ko si Nanay sa kusina.

"'Nay, aalis na po ako," pagpapaalam ko.

Humarap siya sa akin at nilapitan ako.

"Hala, hindi ka pa kumakain, ah?" Nag-aalala niyang tanong.

Nginitian ko si Nanay at sinabing ayos lang ako. Nagpaalam ulit ako sa kanya at tumango naman na siya. Pumunta na ako sa pinto ng apartment namin at nadaanan ko ang kapatid kong si Ashlon sa sala na nanonood ng cartoon.

Hindi ko na siya ginulo dahil paniguradong magwawala siya kapag ginulo ko siya sa pinapanood niyang cartoon.

Lumabas na ako sa apartment namin at nagmadali na akong pumunta sa mall dahil minura na naman ako ni Tide sa text.

Nang makarating ako sa mall at nang makita ako ni Tide ay tumakbo siya papunta sa akin at napatili ako sa pagpingot niya.

"Aray!" Reklamo ko at hinimas ko ang kanang tainga ko. Ang lakas ng pagpingot niya!

"Dalawang oras akong naghintay sa 'yo!" Galit niyang sigaw sa akin.

Napatingin ako sa paligid namin at nakita kong medyo napagtitinginan kami kaya nilagay ko 'yung kamay ko sa bibig niya pero malakas niya lang na hinampas 'yon at tinalikuran na ako.

"Sino ba kasing nagsabi sa 'yo na hintayin mo ako? Saka bakit ba ang aga ng call time?" Inis kong tanong sa kanya nang masabayan ko siya sa paglalakad.

Nilingon niya ako at matalim ang tingin niya kaya napahinto ako.

"'Wag mo akong sabayan. Ayokong may kasabay na payatot na bading, " aniya.

Napataas ang kilay ko.

"Edi sana ay hindi mo na lang ako tinawagan at pinapunta rito kung ayaw mo naman pala akong kasabay. Saka tanggap ko pa ang payatot pero 'yung bading, hindi. Hindi ako bakla. Okay?" Sabay tingin ko sa kanya na pinapamukha ko talaga na lalaki ako.

"Hindi ka pala bading? Kaya pala tumili ka kanina? Anyway, sinabi ko na ayaw kitang kasabay at hindi ko sinabi na ayaw kitang kasama. Magka-iba 'yon. Dumistansya ka. Isang metro," walang emosyon niyang sabi at tumalikod na sa akin. Naglakad na ulit siya.

Nagmake face ako at sinundan na siya. Kagaya nga ng sinabi niya, dumistansya ako ng isang metro. Ang arte niya.

"Ano ba kasing gagawin natin dito?" Tanong ko nang mabagot ako sa kakalakad namin.

"Makikipaglibing," tugon niya na ikinagulat ko.

"Dito? Libing?" Gulat kong tanong na medyo nalakasan ko pa.

Napahinto siya at irita akong tinignan.

"Malamang mamamasyal tayo rito! Ano ba kasi ang ginagawa sa mall? Bobo mo!" Sabay talikod niya ulit at naglakad.

Napatikom ang bibig ko. Sabagay tama siya. Bobo mo, Axion. Manahimik ka na nga lang, ang feeling close mo, eh. Hindi por que nagkakausap na kayo ay close na kaagad kayo. Malay mo ay may harang pang malaking pader sa inyong dalawa. Bobo mo talaga, Axion.

Pero sandali, bakit kaya ang sungit-sungit ni Tide? May regla kaya siya?

"Tide, pwedeng magtanong?" Tanong ko pero hindi siya huminto at nagpatuloy lang siya sa paglalakad.

"Paano kung ayoko?"

Napanguso ako at napakamot sa batok. Edi 'wag.

Tumahimik na lang ulit ako at hindi na siya inabala pa. Walang nagsalita sa aming dalawa at nang lumipas ang ilang minuto ay nagsalita na siya.

"Ano ba 'yung tanong mo?" Kuryuso niyang tanong.

Kaaya-aya kaya kung itanong ko? Hindi kaya mabugbog ako kapag tinanong ko?

"May... regla ka ba?" Tanong ko at napakamot ulit ako sa batok.

Napahinto siya at gulat siyang humarap sa akin. "Bakit? May dugo ba?" Sabay tingin niya sa likod niya.

Napakunot ang noo ko at umiling. "W-Wala. Ang ibig ko lang sabihin, may regla ka ba? Kasi ang sungit-sungit mo ngayon. 'Di ba kapag may regla ang babae, nag-iiba 'yung mood?" Medyo naiilang kong tanong.

Napatingin siya sa akin at napaatras ako nang tumalim ang tingin niya.

"Ewan ko sa'yo, payatot. Manahimik ka na nga lang!" Irita niyang reklamo at umirap muli sa akin.

"S-Sorry," pagpapaumanhin ko.

Naglakad na siya kaya naglakad na rin ako at sinundan siya. Saan kaya kami pupunta?

Tinitigan ko ang likod niya na nasa harapan ko. Nakablazer siya at nakaloob doon ang puting t-shirt. Nakasapatos siya ng puting vans at nakashorts din siya, hindi naman sobrang maikli pero sapat na para makita ang makinis at maputi niyang hita. Napalunok ako nang matitig ako roon.

Agad akong napaiwas ng tingin. Itinuon ko ang pansin ko sa loob ng mall at dahil hindi ako nakatingin kay Tide ay nagulat ako nang tumama ako sa likod niya dahil sa biglaang hinto niya. Agad akong dumistansya ng isang metro at baka masapak pa niya ako.

"Bakit?" Tanong ko nang hindi siya kumilos.

Nakatingin lang siya sa harapan namin kaya sinundan ko ang tinitignan niya. Hindi naman marami ang namamasyal ngayon kaya hindi mahirap hanapin 'yung tinitignan niya. Nakita ko na ang tinitignan niya ay 'yung apat na guwardiya na tila may hinahanap.

Unti-unting napaatras si Tide kaya bigla akong kinabahan.

"B-Bakit?" Tanong ko at hinawakan ko siya sa balikat niya. Pumunta ako sa harapan niya.

Napamura siya at tumingin siya sa akin. "'Yung mga guards, hinahanap ako. Patay ako kapag nahuli ako." Dama ko ang kaba niya roon kaya mas lalo akong kinabahan.

"A-Anong gagawin n-natin?" Napapunas ako sa noo ko nang pagpawisan ako. Bakit mukhang mas kabado pa ako kaysa sa kanya?

"E-Ewan." Tumingin siya sa likuran ko at napamura na naman siya. Napakapit ang kamay niya sa laylayan ng damit ko.

"M-Malapit na sila, A-Axion."

Hindi ko alam ang gagawin ko. Napatingala ako at nag-isip ako ng gagawin.

"Wala ka bang plano?" Hindi mapakaling tanong ko sa kanya.

Napakagat siya sa ibabang labi niya at umiling siya.

"Tol, jusme, nandiyan na sila. Nakatingin sila sa likod mo. Tol, ayan na. Jusme talaga." Halos hindi mapakaling sabi ni Tide at mas dumikit siya sa dibdib ko. Sinuksok niya ang mukha niya roon na ikinataka ko.

"Excuse me, Sir." Nanigas ako nang may humawak sa balikat ko.

Patay.

Napapikit ako at hinubad ko kay Tide 'yung blazer niya at nang matanggal ko iyon sa katawan niya ay inilagay ko iyon sa ulo niya at tinakpan ko ang kanyang mukha.

"Sunshine, u-u-umuulan. Baka mabasa ka!" Aniko at yinakap ko ang ulo ni Tide kahit may blazer na roon at tumakbo kaming dalawa.

Napatingin sa amin ang ibang tao na namamasyal dahil siguro sa sinabi ko. Medyo itinago ko ang mukha ko dahil sa kahihiyan.

Ulan? Sa Mall umuulan? Katangahan, Axion!

"H-Hala! Lumalakas n-na 'yung u-u-ulan!" Sabi ko pa at mas binilisan ang pagtakbo.

"Takbo pa, Tide!" Bulong ko sa kanya at ginawa naman niya 'yung inutos ko.

Nang makalayo kami sa mga guwardiya ay huminto na ako at tinanggal ko na sa mukha niya ang blazer.

Napaawang ang bibig ko nang makita ko siyang hingal na hingal. Hala?

"H-Hoy, ayos ka lang?" Kinakabahan kong tanong dahil napahawak pa siya sa dibdib niya.

Pumikit siya at pagkatapos ay tumingin sa akin. Umayos siya ng tayo at nginisian ako kaya napaiwas ako ng tingin.

"Ayos, tol, ah. Sa mall may ulan. Buti hindi bumagyo!" Sabay tawa niya kaya napayuko ako dahil sa kahihiyan.

"May bagong pangalan na ako. Hi, ako nga pala si Sunshine!" Magiliw niyang pagpapakilala at tumawa ulit.

Napahinto siya sa pagtawa at nakita kong napangiwi siya at napahawak ulit siya sa bandang puso niya.

Tinanong ko siya kung ayos lang ba siya at tumango lang siya. Sinuot na ulit niya ang blazer at tumingin siya sa akin. Lumapit siya at tinapik ako sa balikat ko.

"Nice act, tol. Salamat." Ngumiti muna siya bago ako nilagpasan.

"Kain muna tayo. Nagutom ako, eh!" Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ito nang marahan.

Napaawang ang bibig ko sa ginawa niya at napatingin ako sa kamay niyang nakahawak sa kamay ko.

Napahawak ako sa dibdib ko.

Pumunta kami sa Jollibee. Doon daw kami kumain dahil gusto raw niyang kumain ng spaghetti. Paborito niya raw kasi 'yun dito.

Humanap kami ng pwesto nang makabili kami. Nang makahanap ay umupo na kaming dalawa. Nagsimula kaming kumain at nanatiling tikom ang bibig ko dahil sa naramdaman ko kanina.

Tinignan ko siya at tahimik lang din siya na kumakain. Bakit ang misteryosa ng dating niya sa akin? Bakit parang wala siyang problema na dinadala sa buhay niya? Buti pa siya ay wala. Bukod sa mayaman na siya, buo pa ang pamilya niya. At dahil din sa yaman niya, kaya niyang bilhin ang lahat ng gusto niya. Ang swerte naman niya.

Uminom ako sa coke at nagpasya akong magtanong sa kanya.

"Bakit ka nga pala hinahanap ng mga guwardiyang 'yon?" Napahinto siya. Binaba niya ang tinidor at tumingin sa akin.

"Tumakas kasi ako." Sabay ngiti niya.

Nanlaki naman ang mata ko. "A-Ano? Tumakas ka lang? Bakit ka tumakas?" Gulat kong tanong sa kanya.

"Sus. Parang bago na sa'yo 'yung pagtakas ko, ah."

"Pero bakit ka nga tumakas kung bawal ka lumabas?" Tanong ko ulit kasi hindi naman niya sinagot 'yung una kong tanong.

Huminga siya nang malalim at inirapan ako bago nagpatuloy sa pagkain.

"Always break the rules, tol."

Napanguso ako. Talaga lang, ha?

Susubo na sana ako kaso nasamid agad ako dahil sa biglaang salita niya.

"Nabasa ko na 'yung kahuli-hulian," nakangisi niyang sabi. Kahit hindi niya sinabi na kung ano iyon ay kaagad ko nakuha.

Biglang namula ang mukha ko kaya napaiwas ako ng tingin sa kanya.

"Pag-ibig, huh?" Nakataas kilay niyang kantyaw habang nakangisi.

Nakakahiya. Grabe.

Natapos na kaming kumain at lumabas na kami ng mall. Sabi ni Tide ay may pupuntahan daw kaming dalawa kaya pumayag na lang ako.

Sumakay kami ng jeep. Pumara siya kaya bumaba na kami. Napatingin ako sa paligid ng binabaan namin.

"Nasaan tayo?"

Tumingin siya sa akin at nginisian ako. Hinawakan niya ulit ang kamay ko at hinila na ako. Nagpatianod lang ako sa hila niya at naramdaman ko na naman ang naramdaman ko kanina. Bigla akong hindi mapakali dahil sa hawak niya. Ano ba naman 'yan!

Nilibot ko ulit ng tingin 'yung mga buildings na puno ng mga spray paint na iba't ibang kulay. May doodle at may mga nakasulat na pangalan. At parang abandonado na ang mga buildings. Karamihan sa mga buildings ay warak-warak na. Parang dinaanan ng matinding lindol.

Habang hila-hila ni Tide ay nakakarinig ako ng ingay at papalapit kami nang papalapit doon.
N

ang tuluyan ko nang maaninag kung sino ang mga nag-uusap ay huminto na si Tide kaya napahinto na rin ako.

Napatingala ako at nakita ko ang kabuuan ng building na pinasukan namin. Mula sa pwesto namin ay butas ang bubong kaya nasisinagan kami ng araw. Nakapalibot sa amin ang mga pader ng building pero may pathway doon. At doon sa pathway na 'yon ay may mga tao na nakatingin sa amin kaya nataranta ako.

Tumingin ako kay Tide at nakangisi lang siya. Magtatanong pa lang sana ako kung nasaan kami nang makarinig na ako ng tugtog at naghiyawan ang mga tao na nakatingin dito sa gitna. Parang dancefloor itong pwesto namin.

May umakbay sa akin kaya nagulat ako pero nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang si Alec ito.
I

nilagay niya ako sa pathway at hinampas niya nang mahina ang pwetan ko.

"Baby, dito ka lang at panoorin mo ako." Sabay halik niya sa pisngi ko na nagpagulat sa akin.

Anong ibig niyang sabihin?

Bago pa ako makapagtanong ay nakaalis na siya sa harapan ko at pumunta na siya sa gitna kung nasaan si Tide. Nakita kong nandoon din sina Hertzler, Patterson, Mason, at Kayrra. At may iba pa.

Napatalon naman ako sa gulat nang may tumabi sa akin na si Godwin lang pala. Nilikot ko ang mga mata ko sa pathway at napapalunok ako sa itsura ng mga tao.

May mga tato sila at kakaiba ang kanilang mga kasuotan. Kung titignan mo ang suot nila, para silang mga dancers at gangsters.

Mas lalo silang naghiyawan kaya napatingin ako sa dancefloor. Nanlaki na naman ang mata ko sa gulat nang makita kong sumasayaw 'yung mga lalaki na parang kalaban nina Tide.

"H-Hanep," bulong ko dahil sa lupet ng mga galawan.

"Mga mananayaw sila," biglang sabi ni Godwin.

Napasang-ayon ako roon lalo na nang sina Tide na ang sumayaw. Napahanep ako nang malakas at kasama ko sa pagsigaw ang mga nanonood din dahil sa astig ng galawan ni Tide.

Hindi ko kinakaya 'yung mga hatawan niya! Ang lambot ng katawan niya at ang lakas ng pitik niya sa bawat galaw na ginagawa niya.

Napahigpit ang kapit ko sa railing ng pathway dahil sa napapanood ko.

Ang aastig nilang sumayaw! Lalo na si Tide. Ang galing-galing niyang sumayaw!

Nakakarinig pa ako ng mga bulungan at papuri iyon kay Tide. Narinig ko pa na tinawag nilang 'Princess of Dancefloor' si Tide. Aba, dapat lang!

Napatitig ako kay Tide at kitang-kita ko sa mukha niya ang lubos na saya at ang lubos na pagmamahal sa pagsasayaw.

Sa ngiting iyon, makikita mo ang pagmamahal niya sa pagsayaw. Sa bawat galaw niya, mararamdaman mo kung ano talaga ang tunay na passion niya.

Ngiting-ngiti siya habang sumasayaw. Minsan ay napapakagat labi pa siya na mas lalo niyang ikinaastig.

Nang umikot siya ay bigla siyang nagsplit pero baluktot ang isang binti kaya napahiyaw kaming lahat. Tumayo si Tide at tumawa nang tumawa saka yumuko.

Nagsigawan na naman ang mga manonood. Ang saya nilang lahat.

Umalis na sa dancefloor sina Tide at may pumalit naman sa kanila roon at sumayaw din ang mga ito.

Pumunta ako sa kanila na laglag ang panga ko dahil sa mangha. Palapit pa lang ako sa kanila nang may yumakap na kaagad sa akin.

"Baby Axion, nakita mo ba 'yung moves ko? Ang galing ko, 'no?" Nakangiting tanong ni Alec.

Napatigil ako at napakamot. Hala. Paano ko masasagot 'yon kung na kay Tide 'yung tingin ko kanina?

"Ahh... Oo, ang galing mo, Alec. Kakaiba!" Medyo ilang kong sagot.

Napahagikhik si Alec at mas hinigpitan niya ang yakap sa akin. May tumitingin sa amin at naririnig ko 'yung bulungan nila na kung kami raw ba ni Alec.

Naalala ko bigla 'yung rule number 3 at 'yung matalim na titig ni Tide kaya napahawak ako kay Alec at agad ko siyang inilayo sa akin na ikinagulat niya.

"B-Bakit? Ayaw m-mo ba sa akin?" Nakasimangot niyang tanong kaya nagbuhol-buhol ang dila ko.

"A-Ahh, a-ano. H-Hindi naman s-sa ganu'n..." Napakamot ako sa ulo ko at nagulat ako nang tumakbo siya papunta kina Tide habang umiiyak. Hala, umiiyak siya? Walang halong biro?

"Guys, hindi ako gusto ni Axion! Hindi niya ako gusto!" Umiiyak na sigaw ni Alec. Halos gusto kong magtago dahil sa pagsigaw niya ng pangalan ko.

Agad akong lumapit sa kanila at gusto ko sanang sabihin na gusto ko rin naman si Alec, kaso bilang kaibigan lang. Kaso baka...

"Bakit may sinabi ba kasi siyang gusto ka niya?" Mapaglarong tanong ni Hertzler kay Alec.

Ngumuso si Alec at sinamaan niya ng tingin si Hertzler.

"Kasi naman, eh! Akala ko may pag-asa ako dahil, duh! Hinahayaan niya ako rati na yakapin siya. Hinahayaan niya nga lang ako na halikan ko siya, eh!"

"Kasi nga nahihiyang tumanggi si tol!" Sigaw ni Patterson kay Alec na mas lalo nitong ikinanguso kaya nagtawanan sila.

"Ang landi mo kasi, gaga," natatawang giit ni Kayrra kay Alec.

"Shy type lang 'yung tao, eh," dagdag naman ni Mason.

Nag-asaran sila nang nag-asaran kaya nakikitawa na lang ako kahit medyo nahihiya na ako.

Napatingin naman ako kay Tide nang nakayuko ito at nakatukod sa magkabilang tuhod niya 'yung dalawa niyang kamay at mukhang hinihingal siya.

Napatingin ako sa nagbebenta ng tubig at bumili ako ng isa. Nilapitan ko si Tide at hinawakan ko siya sa kanyang balikat kaya napatingin siya sa akin.

"Tubig," alok ko sa kanya.

Tumayo siya nang maayos at tinanggap ito. Uminom siya at halos maubos niya ang tubig. Tinakpan niya 'yung bottled water at inabot sa akin. Kinuha ko ito.

"Ayos ka na?" Tanong ko.

Tumingin siya sa akin at umiling kaya naging alerto na ako dahil mukhang bibigay na siya dahil sa hingal. Aba, talaga namang hihingalin ka kung ganu'ng enerhiya ba naman ang binigay mo sa pagsayaw.

"Halika... nga rito..." Utos niya sa akin na sinunod ko naman pero laking gulat ko nang yakapin niya ako.

"Magpapahinga lang ako," bulong niya bago sinuksok ang mukha niya sa dibdib ko.

Wala sa sariling pinalupot ko ang mga braso ko sa balikat niya at yinakap ko rin siya.

"Sige, magpahinga ka lang," sabi ko at naramdaman ko ang init ng hininga niya sa dibdib ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top