Chapter 10

TIDE

Tahimik lang kami ni Kuya sa loob ng kotse niya. Tinignan ko ulit siya. Nagmamaneho siya at sobrang seryoso ng mukha niya. Napaiwas agad ako ng tingin. Nakakatakot ang Kuya ko!

Hindi ako takot kay Mommy Reyna at Daddy Hari pero kapag kasali si Kuya sa usapan, tiklop ako. Laki kaya ng katawan niya. Tapos kapag hinawakan mo 'yung jaw line niya, naku, paniguradong hiwa ang kamay mo dahil sa tulis ng jaw line niya. Tapos ang tangos pa niya. Minsan nga napaisip ako, eh. Ampon kaya ako?

Kasi naman ay ibang-iba ang mukha ko at ng mukha ni Kuya. May nakuha ako kay Mommy Reyna na nakuha niya rin at iyon ay ang pagkaputi ng aming balat. 'Yun lang at wala ng iba. Matangos din naman ako pero iba 'yung tangos nang kay Kuya, 'no.

Tapos ang labi niya ay mapupula. Sa akin ay pinkish lang. Lagi siyang seryoso, ako naman ay hindi. Minsan lang ako sumeryoso at kadalasan ay puno na ng kalokohan ang utak ko.

Tapos sobrang gwapo ni Kuya! Kung hindi ko nga 'to Kuya ay baka naligawan ko na 'to, eh. Unfair talaga ang genes ni Daddy Hari. Hindi man lang niya sa akin binahagi ang ibang kagandahang taglay ng ibang parte niya.

Si Kuya pang-Adonis ang mukha, samantalang 'yung akin ay pang Miss Universe lang? Unfair! Gusto ko ay girl version ako ni Adonis.

Pero teka nga lang. Bakit ko ba siya pinupuri? Dapat ay hindi ko siya pinupuri dahil paniguradong ig-grounded niya ako mamaya! Aba, gaganunin na nga ako tapos pupurihin ko pa siya? Aba, manigas ka, Kuya.

Nakarating na kami sa tapat ng gate ng aming bahay. Dahan-dahan itong bumukas at sumalubong sa amin ang apat na guwardiya na nagbabantay. Bakit ganu'n? Bakit hindi pamilyar sa akin 'yung apat na guwardiya? Nasaan na 'yung mga bantay na humabol sa akin nu'ng tumakas ako?

Baka naman hanggang ngayon ay hinahanap ako ng apat na 'yon? Aba, kaloka sila, ah.

"Pinatalsik sila ni Dad," sabi ni Kuya.

Napanguso ako. "Ang hard talaga ni Daddyㅡ" naputol ang sasabihin ko dahil tumingin bigla sa akin si Kuya.

"Sabi ko nga, shut up na lang ako." Umayos ako ng upo at umiwas ako sa kanya ng tingin. Itinuon ko na lang ang pansin ko sa nadadaanan naming mga halaman. Sa kaliwa't kanan ng daan na patungo sa aming bahay ay puno ng mga mahahalimuyak na bulaklak. May mga pahingahan sa garden at may malaki pang fountain sa tapat mismo ng aming bahay.

"Kailangan mong humingi ng paumanhin sa mga guwardiyang napatalsik dahil sa iyong pagtakas," matigas na utos ni Kuya. Napanguso ako bago tumango.

"Kuya, 2017 ngayon at wala na tayo sa 80s o 90s kaya pwede kang magtagalog nang hindi malalim."

"Manahimik ka, Tide. Lumabas ka na at kanina pa naghihintay sina Mom at Dad sa labas," utos na naman niya.

Pero bago ako makalabas ng kotse niya ay nauna na siyang lumabas sa akin. Napairap ako at lumabas na rin ako sa kotse ni Kuya. Pagtingin ko sa maluwang na hagdan ng aming bahay ay nakita ko sina Mommy Reyna at Daddy Hari na nakatingin sa akin nang seryoso.

Lumapit ako sa kanilang dalawa at kumaway ako nang pabebe.

"Hi, Mommy Kween. Hi, Daddy Qing," bati ko sa kanilang dalawa at ginamit ko pa ang real name nila.

Bumeso ako kay Mommy Reyna at kay Daddy Hari.

"Na-miss n'yo po ba ako? Welcome back sa akin?" Sabay ngiti ko nang malapad sa kanila pero napawi ito nang tinalikuran nila ako.

"Dining area," maikling sinabi ni Daddy Hari at pumasok na sila sa loob ng bahay.

Napanguso na naman ako. Ano ba naman 'yan! Hindi gumagana 'yung pagpapacute ko tapos abot pa ang talikod nila sa akin. Hindi ko kaya gusto 'yung mga likod nila. Ang gusto ko ay kalayaan dahil hindi ko gusto 'yung gusto nila para sa akin.

Inis akong sumunod. Nakasalubong ko ang ibang kasambahay at nagtaka na naman ako nang hindi ko makita 'yung kasambahay na nagparaya sa akin. Baka pinatalsik din ni Daddy Hari. Grabe talaga magalit sina Daddy't Mommy, lahat ay pinapatalsik nila. Baka pati ako ay mapatalsik na rito.

Nang marating ko ang hapag ay umupo na ako sa nakagawian kong upuan. At katulad nga nang nakagawian, si Daddy Hari ang nasa pinakadulo ng lamesa at sa kanan naman niya ay si Mommy Reyna. Sa kaliwa niya ay si Kuya at katabi ni Kuya ay ako.

"Tide, saan ka na naman nanggaling?" Agad na tanong ni Daddy Hari kaya naloka kaagad ako.

Tanong agad? Walang pakain muna dahil kanina pa ako nagugutom? Bumuga ako ng hangin at hinarap ko siya.

"Diyan-diyan lang, Daddy." Sabay ngiti ko.

"Manang Angge, pakihain nga po ang tanghalian. Gutom na po kasi ako," utos ko sa pinakahead ng mga kasambahay rito sa bahay. Yumuko siya kaya napairap ako.

"Huwag ka nang yumuko, Manang," utos ko.

"Kailangan namin, Miss," tugon niya sabay alis na upang kuhanin at utusan ang mga kasambahay na ihain ang mga pagkain.

"Tide, alam mo bang kung saan-saan ka namin pinaghahanap? Sobrang nag-alala sa 'yo ang Mommy mo! Halos himatayin na siya dahil sa ginawa mo!" Galit na singhal ni Daddy sa akin.

Gusto ko sanang sabihin na paano ko malalaman kung wala naman ako rito? Pero syempre ay may respeto ako sa kaluluwa kaya hindi ko sinabi.

"Pasensya na po," nakayuko kong pagpapa-umanhin.

Napasinghap si Daddy kaya napatingin ako sa kanya.

"Kailangan mong maparusahan nang matuto kang bata ka," mariing giit ni Daddy.

Napakapit ako sa laylayan ng damit ko nang magpantig ang tainga ko dahil sa sinabi niya. Alam ko na ang sunod niyang sasabihin.

Inihain na sa hapag ang mga pagkain pero wala akong lakas upang kumuha at ngumuya.

"Nakapagdesisyon na kami ng Mommy mo. Lilipad kang Korea at doon ka magpapagamot. Saka nandoon ang Tita mo kaya may tututok sa 'yo. Hindi ka uuwi hangga't hindi pa maayos ang kalagayan mo."

Napapikit ako sa sinabi ni Daddy. Nakakainis talaga. May mga Doktor naman dito sa Pilipinas, kaya bakit pa ako sa Korea magpapagamot? Nakakainis din dahil parang pinapahiwatig ni Daddy na hindi magagaling ang mga Doktor sa Pilipinas.

Bakit ba kasi nagkasakit pa ako? Itung-ito talaga ang pinakadahilan ko kung bakit hindi ko agad makamit ang gusto ko. Gustuhin ko mang sumayaw nang sumayaw, hindi pwede dahil mabilis akong mapapagod dahil sa puso ko.

"Hindi ko po matatanggap," magalang kong pagtanggi.

Napatingin sa akin si Kuya.

"Tide, tanggapin mo. Mas gagaling ka roon saka magagalit si Daddy kapag hindi ka sumunod," bulong ni Kuya.

Kahit nandito ako sa Pilipinas, alam kong gagaling ako rito.

"Ayoko. Dito lang ako sa Pilipinas. Gagaling ako rito." At ayokong maiwan ang mga tol ko rito.

Napatingin kaming parehas ni Kuya kay Daddy nang umismid ito at magsalita.

"Gagawin mo 'yon. Hindi para sa amin kung hindi para sa sarili mo mismo, " seryosong wika ni Daddy.

Nakita ko ang paggapang ng kamay ni Mommy sa kamay ni Daddy na nakapatong sa lamesa.

"Kapag hindi ka pa nagamot agad, baka mahuli na ang lahat, Tide. Kalusugan mo lang ang iniisip namin. 'Wag kang mag-alala dahil dadalawin ka naman namin doon paminsan-minsan," paliwanag ni Mommy.

"Gagaling ako rito!" Biglaan kong hiyaw.

Nagdilim ang mukha ni Daddy sa pagsigaw ko kaya napalunok ako at napaayos ng upo.

"Sorry."

"Tide, pakiusap, magpagaling ka sa Korea. Sasaya kami ng Daddy mo kapag nakita ka naming magaling na. Anak, lumipad ka sa Korea at magpagaling." Nakita ko na ang pagmamakaawa ni Mommy.

Bumuntong-hininga ako.

"Pag-iisipan ko po," sabi ko at tumayo na.

Aalis na sana ako nang magsalita muli si Daddy.

"Day after tomorrow is your birthday, right?"

"Opo," sagot ko.

"May gown na kaming binili para sa 'yo at nasa kwarto mo na 'yon. Sana magustuhan mo. Naipamigay na rin namin ang mga invitation. Advance Happy 18th Birthday, Tide." Ngumiti si Daddy.

Ngumiti rin ako pabalik at pinagpaliban na ang sarili sa hapag. Inis akong pumasok sa kwarto ko na ilang araw ko ring hindi nasulyapan. Ibinagsak ko ang katawan ko sa malambot kong kama at doon ako nakaramdam ng pagod at ngawit.

Bakit ba gustung-gusto nilang sa Korea ako magpaggamot, eh kaya naman ng mga Doktor dito sa Pilipinas na gamutin ako?

Nakakainis naman kasi! Bakit ba mahina ang puso ko?

Hoy, puso! Sarap mong bangasan!

Sabi nila ang swerte ko raw dahil ang yaman namin (aanhin ko ang yaman kung hindi strong ang relasyon naming pamilya?), ang swerte ko raw dahil marangya ang buhay ko. At ang swerte ko raw dahil buhay prinsesa ang nararanasan ko. Kung alam lang nila. Mahirap maging mayaman dahil maraming chuchubureche. Tapos may iba pang pinapafix marriage ang mga anak nila sa mga business partner.

Masyadong makasarili.

Hinawakan ko ang dibdib ko at umupo ako sa pagkakahiga. Nakita ko ang malaking kahon sa round table na katabi lang ang sliding glass door para makapunta sa terasa ng aking kwarto. Sa upuan naman sa gilid ng round table ay may kahon ulit at mukhang kahon ng sapatos.

Tumayo ako at nilapitan ko ang kahon ng gown na susuotin ko para sa debut ko. Binuksan ko ang kahon. Kinuha ko ang gown at parang gusto kong bumaba at sabihin kay Daddy na sobrang nagustuhan ko ito.

Ito ay asul na gown. Asul lahat pwera lang sa itim na ribbon sa baywang. May asul na mga istilo parosas ang design na nakadikit sa gown. At 'yung parang kulambo na tela, mayro'n din no'n at kulay asul din ito. May mga pa-glitters pa. Ang ganda talaga.

Napatigil ako sa pagpapantasya sa gown nang may kumatok sa pinto ng kwarto ko.

"Pasok," pagpapatuloy ko sa taong kumakatok.

Bumukas ang pinto at si Kuya pala ang umabala sa akin. Lumapit siya at umupo sa kama.

"Nagustuhan mo na?" Tanong ni Kuya.

Tumingin ako sa kanya saka tumango. "Nagustuhan ko pero nararamdaman kong parang magiging bongga ang party." Na ayokong mangyari. Ayoko nang magarbo.

"Magiging magarbo talaga ang iyong kaarawan dahil iyon ay 'yong araw na ganap ka na talagang dalaga." Tumayo si Kuya at lumapit siya sa akin.

Hinarap niya ako sa kanya at nakahawak siya sa magkabilang balikat ko.

"Ngumiti ka lang sa iyong kaarawan. Huwag kang sisimangot dahil iyon ay ang araw mo."

"At tungkol sa sakit mo. Sundin mo ang Dad, lumipad ka papuntang Korea at magpagaling ka," pag-iiba niya ng usapan kaya nag-iba rin agad ang mukha ko.

"Kuya, ayoko!" Pagmamaktol ko.

"Alam ko. Alam ko," sabi niya kaya napahinto ako.

"Alam ko ang pangarap mo. Alam ko kung ano ang gusto mong maging. Alam ko ang lahat, Tide.

Kaya para magawa mo ang gusto mong pagsayaw, pumunta kang Korea at magpagamot. Kaunting sandali lang ang ilalaan mo para magpagamot. Pagkatapos no'n, uuwi ka rito at tutuparin mo ang pangarap mo. Okay?" hindi ninyo ako maloloko, Kuya. Alam ninyo ang gusto ko at alam ko rin ang gusto ninyo.

"Peroㅡ"

"Wala ng pero-pero. Alam kong agad ka gagaling dahil alam kong susundin mo ang sasabihin sa 'yo ng mga Doktor doon. May tiwala ako sa 'yo, Tide," aniya. Yinakap ko na lang si Kuya kahit alam ko naman ang totoo.

Napangiti naman ako nang palihim nang maisip kong baka hindi niya ako pagbawalan. Humiwalay ako sa yakap at nginitian ko siya nang malapad.

"May invitation na 'yung mga tol mo kaya 'wag mo na rin silang isipin. Okay?" Nakangiti akong tumango sa kanya.

Naglakad na siya palabas ng kwarto ko pero bago niya isara ang pinto ay may pahabol pa siya na ikinanguso ko.

"Nga pala... grounded kang bata ka. Pagkatapos ng selebrasyon, mananatili ka lang sa bahay." Sabay sarado ni Kuya sa pinto.

Napasimangot ako at napaupo sa kama. Grounded ako. Hindi niya nakalimutan. Ang sama talaga ng Kuya ko!

Inilagay ko na ang gown sa closet ko. Tumungo ako sa kama at kinuha ko ang cell phone sa bag.

To: Payatot

Hoy. Sa makalawa pumunta ka dito sa bahay ko. Magdamit ka nang maayos. Yung formal ba, mga ganun.

Naghintay ako ng ilang minuto at nagreply na siya.

From: Payatot

May ano?

Baka lamay ko.

To: Payatot

Basta pumunta ka nalang! Saka kita tayo bukas. Samahan mo ko may gagawin lang ako somewhere. K. Bye!

Nang magsend na ang reply ko ay pinatay ko na ang cell phone ko. Ayokong masyadong maraming tanong. Baka masipa ko lang siya.

Hinagis ko ang phone ko sa kama at dumapa ako roon. Napahawak ako sa bulsa ko at may nakapa ako roong papel na ikinataka ko.

Hinugot ko ang papel at napagtantong ito 'yung papel ni Axion na may 'mga bagay na nagpapa-ilang sa kanya'.

At dahil sabi niya ay kapag nasa bahay na ako saka lang ako may karapatang basahin ang susunod. Nasa bahay naman na ako kaya binuklat ko na ang papel. Binasa ko ang kahuli-hulihan at napangiwi ako dahil doon.

Pangpito, pag-ibig. Pag-ibig sa Panginoon at pamilya, ayos pa. Pero 'yung pag-ibig sa magkaibang kasarian? 'Yung pag-ibig ng lalaki at babae? Wala pa ako roon. Saka panggulo lang 'yan sa pag-aaral. Aral muna bago pag-ibig sa iba.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top