Chapter 1
TIDE
Sumilip ako sa pagkalaki-laking sala sa loob ng bahay namin at nadatnan ko roon sina Mommy Reyna at Daddy Hari na seryosong nag-uusap. Mommy Reyna at Daddy Hari ang tawag ko sa mga magulang ko dahil kung makaasta sila ay parang reyna't hari sa isang palasyo. Dinaig pa ang reyna at hari sa 'Love in the Moonlight', eh.
Dahan-dahan akong bumaba sa hagdanan at nagtatago ako sa bawat muwebles na nadadaanan ko.
Bakit ba naman kasi ang laki ng sala? Ang hirap tuloy tumakas! Pwede naman kaming mamuhay sa katamtamang bahay lang pero ewan ko ba sa mga magulang ko. Dinaig pa ang Pangulo sa kayamanan.
Napangiti ako nang malapit na ako sa main door ng bahay namin. Mabuti na lang talaga at nakatalikod sila sa akin.
Naku, Mommy Reyna at Daddy Hari, ipagpatuloy n'yo lang 'yang usapan ninyo, ha? H'wag n'yo akong alalahanin!
Napatingin ako sa isang kasambahay na gulat ang tingin sa akin. Inilagay ko ang hintuturo ko sa labi ko at sinabihang h'wag siyang maingay.
"Pero Miss, mahigpit pongㅡ" Kinuha ko 'yung tinapay na nasa tray na dala niya at sinalpak ko 'yun sa bibig niya. Ingay, eh.
"Shh! Kapag nahuli ako, ilalagay ko 'tong lahat sa bibig mo. Pati tray idadamay ko, sige ka!" Mariin kong pagbabanta sa kanya pero pabulong lang. Napalunok naman siya at takot na tumango.
Nginitian ko siya at binigyan siya ng thumbs-up. Madali naman pala siyang kausap, eh. Nagpaalam na ako sa kasambahay at nang hahawakan ko na sana ang pinto namin ay nakarinig ako ng pagtikhim.
"Saan ka pupunta, Tide?" Seryosong tanong ni Daddy Hari.
Napanguso ako pero hindi ko siya hinarap, sa halip ay agad kong binuksan ang pinto at mabilis na tumakbo palabas. Dinig na dinig ko naman ang sigaw ng Mommy Reyna at Daddy Hari sa pagtakas ko.
"Tide, bumalik ka rito! Tide!" Nang tignan ko si Daddy Hari ay napangisi ako. Naks naman, parang nilechon ang Tatay ko sa pamumula, ah?
"H'wag n'yo siyang hayaang makalabas!" Sigaw naman ni Mommy Reyna at pumunta sila ni Daddy Hari sa engrandeng hagdanan habang talak nang talak.
Huminto ako sa pagtakbo at kumaway ako sa kanilang dalawa.
"Babalik ako pagkatapos ng tatlong araw! Pangako!" Nakangiting malapad na sigaw ko sa kanila.
"Paalam!" Pagpapaalam ko na mas lalo nilang ikinamula sa galit. Natawa naman ako dahil doon.
"Hindi ko alam kung bakit ganyan ang ugali mo, Tide! At ayoko nang ganyan kaya bumalik ka rito!" Dinig kong sigaw ni Daddy Hari.
Nagsimula na ulit akong tumakbo at nakipagpatintero pa ako sa mga gwardiyang hinaharangan ako.
Hinawakan ko nang mahigpit ang straps ng bag ko at nginisian ko ang mga gwardiya. Anong akala nila, hindi ako handa?
Tumakbo ako papunta sa mga harang na nadadaanan ko at tumatalon ako roon. May pagkakataon pang humahalumbitin ako.
Marunong kaya ako ng parkour. Duh! Mahirap aralin pero masaya naman, 'no.
Mas lalong lumawak ang ngisi ko nang makasampa ako sa bakod namin. Sa huling pagkakataon ay humarap ako sa mga magulang kong natataranta na. Si Mommy Reyna ay kamuntikan pa yatang mahimatay.
Tumingin ako sa mga gwardiya at dinilaan ko nang mapang-asar ang mga ito.
"Ang babagal ninyo!" Malakas ko sa kanilang halakhak at tumalon na ako sa bakod. Tumakbo ako nang mabilis papunta sa kanto kung saan naghihintay ang mga kaibigan ko.
"Nako! Lagot tayo nito!"
"Paniguradong tanggal tayo sa trabaho!"
"Tigas naman kasi ng ulo ng batang 'yan, eh. Akala mo ay hindi mayaman kung makaasta."
Napatawa ako sa mga narinig ko.
Alam kong sinusundan pa rin ako ng mga gwardiya kaya niligaw ko muna sila sa mga eskinita. Kawawa lang sila, kabisado ko ang eskinita rito, sila hindi.
Nang sa wakas ay nagtagumpay ako sa pagligaw sa kanila ay tinungo ko na ang kanto kung saan ang tagpuan naming magkakaibigan.
Hindi ko na pinakialaman ang mukha kong pawisan. Para akong naligo dahil sa pawis na dumadaloy sa katawan. Ikaw ba naman ang tumakbo nang tumakbo ay hindi ka pagpapawisan nang ganito?
Sabay-sabay napalingon ang mga ulo nila sa pagdating ko. Agad na tumayo si Mason at tinakbo ang distansya namin.
"Hay nako, Tide! Akala namin ay hindi ka na makakatakas sa hawla mo!" Natatawang sabi ni Mason na may kulay tsokolateng buhok at kaputian ang balat. Maganda ang mata ng lokong 'to, eh. Para kang nilalambing sa bawat pagtitig sa 'yo.
Aakbayan niya na sana ako nang mapansin niya ang pawisang katawan ko.
"Ay, yuckies! Dugyot!" Sabay halakhak niya kaya natawa rin ang iba. Ako naman ay naglakad lang papunta sa kanila.
"Wala talaga kayong tiwala sa 'kin kapag ang usapan ay pagtakas. Kaiyak, mga tol!" At umakto pa akong umiiyak at may papunas luha epek pa.
"Drama mo, tol," salubong sa 'kin ni Patterson na blonde rin ang buhok. Ito naman ang pinakapogi sa lahat. May pamatay na ngiti ang lokong 'yan, kaya maraming nahihimatay sa simpleng pagngiti niya lang.
Itinaas nila ang kanyang kamao at ginaya ko sila pero napahinto ako nang matapat ako sa hindi pamilyar na lalaki.
"Ano, starstruck ka na niyan? Hoy, akin 'to, noh!" Sabay tabig sa 'kin ni Alec. Si Alec ay black slight beauty. Well, hindi naman siya sobrang itim and yeah, slight lang ang kagandahan niya.
Napataas ang kilay ko at ni-head to foot ko ang lalaking katabi niya.
"Wow! Uulan yata ng husga," natatawang saad ni Kayrra'ng nakadress pa. Fashionista ng tropa 'yan. Palibhasa maganda ang hubog ng katawan.
Napahinto naman ako sa pagtingin sa lalaki nang akbayan ako ni Hertzler. Si Hertzler ay kayumanggi rin katulad ko. Siya ay may mapupungay na mata, itim ang kanyang buhok at may malalim na dimple sa kaliwang pisngi. Walanghiyang dimple 'yan!
"Pinsan ko. Tide, si Axion nga pala. Insan, si Tide. Ang pinakacute sa balat ng Jupiter," pagpapakilala sa amin ni Hertzler. Napangiti naman ako sa huli niyang sinabi.
Alam ko naman sa sarili ko 'yon. Cute lang ako at hindi maganda. Mas gusto ko rin naman ang cute.
"H-Hello." Inilahad ni Axion ang kamay niya sa akin at inabot ko ito.
May itsura naman 'tong si Axion. Kaso ang payat, mahilig pa naman ako sa abs. Kalungkot naman ito! Pero mabuti na lang at nandito sina Patterson, Mason, at Hertzler na kahit papaano ay may abs na mahihipo.
Diniinan ko ang pagkakahawak ko sa kamay niya kaya napadaing siya na ikinatawa ng iba.
Hinigit ni Alec ang braso ni Axion paalis sa kamay ko at nakanguso akong sinumbatan.
"H'wag mong saktan ang baby ko, Tidy." Sabay irap niya sa 'kin kaya natawa ako.
"H'wag mo akong tawaging Tidy. Nakakadiri."
Napalingon naman kaming lahat sa puting van sa sulok. Bumaba ang bintana ng driver's seat at nakita namin doon si Patterson na mayabang ang ngiti sa akin.
"Ayos ba, Tide, ha? Ayos ba?" Taas-baba pa 'yung kilay niya. Napangiwi ako at hinusgahan ko 'yung van na dala niya.
"Pangit naman niyan. Kasing pangit ng driver! Wala na bang iba riyan?" Panghuhusga ko na ikinatawa nila.
"Ay, grabe 'to, oh!" Nakangiti namang sigaw sa akin ni Patterson.
Nagtawanan kami at nag-unahan na sa pagsakay ng van. Naunang pumasok si Axion at Alec dahil pinaghihila kaming lahat ni Alec sa damit paalis sa daanan. Abnormal talaga.
Pumasok na ako sa loob ng van pero bago pa makapasok ang iba ay sinara ko ang van na ikinagulat nila.
"Magbibihis lang ako! Pawisan na ako eh, nahiya naman kasi ako sa inyong mababango!" Sigaw ko.
Pumunta ako sa pinakalikod ng van at binuksan ko ang bag kong dala at kumuha ako roon ng damit na puti. Napatingin ako sa harapan at nadatnan kong nakatingin sa akin sina Patterson, Axion, at Alec kaya tinaasan ko sila ng kilay.
"Magbibihis ako, panonoorin n'yo 'ko?" Tanong ko at sabay-sabay naman silang napa-iwas ng tingin kaya sinimulan ko na ang paghubad ng damit.
Pagkatapos kong magbihis ay pinapasok ko na ang iba sa loob ng van. Sa pinakalikod ako pumwesto at katabi ko si Hertzler. Sa pinakaharapan naman ay si Patterson na driver at ang subdriver na si Mason. Sa gitnang bahagi naman ay sina Alec, Axion, at Kayrra. Nasa gitna pa nila si Axion na payatot at pareho pang nakasukbit ang braso nila sa braso ni payatot.
Tumingin si Patterson sa rear-view mirror at sa akin siya nakatingin kaya tinaasan ko siya ng kilay.
"Hindi ba magpapakalat ng mga gwardiya sa buong bansa 'yang pamilya mo para mahanap ka lang?" Dama ko ang panunuya niya roon kaya inirapan ko siya.
Humalukipkip ako at isinandal ko ang ulo ko sa balikat ni Hertzler.
"Edi magpakalat sila kung gusto nila. Ayaw n'yo nu'n, hide and seek? Magtatago tayo, hahanapin naman nila tayo. Astig kaya 'yon!" Giit ko habang nakapikit.
"Saka tatlong araw lang naman tayo sa Nueva Ecija," dugtong ko pa at nang humikab na ako ay inayos ko na ang pagkakalapat ng ulo ko sa balikat ni Hertzler.
"Perya lang yata ang habol n'yo sa probinsya namin, eh," sabi ni Mason.
Pwede naman din. Ang astig kasi ng perya sa probinsya, talagang gustung-gusto ko roon. Masarap ang simoy ng hangin sa mga bukirin sa mga probinsya. Kakaunti ang mga usok.
Saka hindi lang naman perya ang habol namin, pati na rin fiesta. Duh.
"Syempre! Saka papakainin mo pa kami nang marami sa fiesta, 'no!" Sabay tawa ni Kayrra at sumang-ayon kaming lahat sa kanya.
Narinig kong napabuntong hininga si Mason. Naramdaman kong umandar na ang kotse. Gusto ko pang matulog dahil hindi ako nakatulog kagabi kakaplano kung paano makatakas sa bahay. At ngayon ay may tatlong oras ako para makatulog dahil tatlong oras ang biyahe. Sinilip ko ang suot kong orasan sa braso at nakita kong alas nuwebe y medya na pala.
Patulog na sana ang diwa ko nang marinig ko na nag-uusap si Hertzler saka 'yung Axion.
"Insan, baka pagalitan ako ni Nanay. Tatlong araw akong mawawala sa bahay." Boses yata ni Axion 'yon.
"Insan, chill ka lang. Kaya walang kakulay-kulay 'yang buhay mo dahil puro pag-aalala 'yang bukam bibig mo, eh."
"'Di mo gayahin 'tong si Tide. Thug life 'to, Insan. Walang inaalala, puro kagagahan pa," natatawang sambit ni Hertzler kaya nasiko ko siya.
"Ay, gising pa pala." Sabay tawa niya.
Napatango na lang 'yung Axion at binalingan ko naman ng tingin si Hertzler. Napataas siya ng kilay sa akin.
"Bakit mo sinama 'yang payatot mong pinsan?" Walang paliguy-ligoy kong tanong sa kanya.
Natawa na naman siya sa sinabi ko at inakbayan ako bago kinurot ang tungki ng ilong ko.
"Tulungan mo nga ako," bulong niya sa akin.
Tinignan ko siya ng may kunot sa noo. "'Wag mo na akong bitinin, Hertzler."
Napatawa ulit siya kaya naman nainis na ako. Tawa 'to nang tawa. Gusto na yatang mag-asawa.
"Tulungan mo akong mabigyan ng kulay 'yung buhay ng pinsan ko. Naaawa na kasi ako. Kung hindi nag-aaral, nagtatrabaho. At minsan doble-doble pa ang trabaho."
"Ahh," tangi kong naisagot at pinatong ko na ulit 'yung ulo ko sa balikat niya.
Narinig ko siyang napamura dahil sa maikling sagot ko.
"Anong 'ahh' lang? Tide, naman!" Hindi ko alam kung ano 'yung magiging reaksyon ko dahil mukhang seryoso si Hertzler sa gusto niyang mangyari.
"Hertzler, tol, kapag nasama sa tropang 'to ang isang tao, malamang sa malamang ay magkakakulay na ang mundo nu'n! Basta nakikijoin sa rakrakan, rainbow na ang life no'n," nakapikit kong sabi sa kanya. Napadilat naman ako nang may umismid sa harapan namin.
"Naks, Hertzler. Nakat'yansing ka na nga't lahat-lahat, natol-zoned ka pa rin! Hina mo, 'pre!" Panunukso ni Patterson habang nagmamaneho.
"Tide, wala bang lebel ang akbayang nagaganap diyan, huh?" Mapanukso rin ang matang nakatingin sa akin ang mata nina Kayrra at Alec. Lahat sila ay nakatingin sa amin.
Umirap ako sa kanilang lahat. "Walang makakalandi sa 'kin," simple kong tugon sa panunukso nila.
Napa-'whoa' sila at nagtawanan. Si Hertzler naman ay tinanggal na niya ang pagkakaakbay sa akin at nagkibit-balikat.
Alam kong may gusto sa akin si Hertzler pero alam din naman niya na wala akong balak dagdagan ang expectations niya. Mas maayos na ang friends lang. Wala kang inaalala. Walang dapat ikaselos. Walang hiwalayan at tampuhan. Walang dramahan. At syempre, walang sakit sa puso kaya mas mabuti talagang friends lang.
Lumapit sa akin si Hertzler at bumulong, "tutulungan mo ako?"
Tumingin ako sa kanya at ngumiti. "Hindi lang ako dahil kami ang tutulong sa 'yo, tol." Ipinikit ko ang mga mata ko at tuluyan akong nilamon ng dilim.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top