Dama De Noche
Ilang beses ko nang nasaksihan kung paano ito nagbigay buhay, at sa tuwing nasasaksihan ko kung paano ito magmilagro, hindi ko maiwasang hindi mamangha.
Muling lumipad ang aking alaala mula nung una ko itong nakita.
Naglalaro ako sa isang parke nang makaamoy ako ng isang napakahalimuyak na amoy. Hinanap ko kung saan ito nagmumula, hanggang sa mapadpad ako sa isang burol na may kapansin-pansin na isang matayog na puno.
Napakaganda. Isang Dama De Noche. Lumapit ako at sa isang iglap unti-unting nahulog ang mga dahon nito kasabay nang paghalimuyak ng napakabangong amoy mula dito.
Tumingala ako at ako'y nasilaw sa liwanag na nagmumula sa puno. Mas maliwanag pa ito sa sikat ng araw.
Labis akong nagtaka nang unti-unting lumalayo ang liwanag mula sa puno, para itong tao na naglalakad palayo. Sinundan ko ito hanggang sa huminto ito sa madamong parte ng parke.
Tumapat ito sa isang naghihingalong kuting. Lumapit ako upang mas lalo ko itong makita.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang maamoy ko ang bango ng puno ng Dama De Noche. Nakakapagtaka, masyadong malayo ang bahagi ng parkeng ito mula sa puno. Napakaimposible na umabot pa rito ang halimuyak ng puno.
Umihip ang malakas na hangin at mas lalo itong nagliwanag. Nakakasilaw. Pumikit ako at sa muli kong pagdilat wala na ang liwanag.
Napatingin ako sa kuting. Mahina akong suminghap nang makita ko na malaya na itong tumatakbo at masiglang-masigla. Nakakamangha.
Hindi ko inintindi ang aking nasaksihan. Marahil gawa lang 'yon ng malikot kong imahinasyon.
Pagtuntong ko sa edad na pitong taong gulang, muli ko itong nakita sa hindi inaasahang pagkakataon.
Nagkaroon ng malubhang sakit ang aking kapatid. Hindi na raw siya tatagal kaya naman halos mawalan na kami ng pag-asa.
''Masyado pa siyang bata. Hindi ko kakayanin kung sakaling mawala siya sa'tin.''
Naghina ako bigla. Ayokong makitang nahihirapan ang magulang ko.
Lumakad ako patungong kapilya.
"Panginoon, pakiusap huwag niyo po muna kuhain ang kapatid ko, pakiusap." Umihip ang malakas na hangin at labis akong nagtaka kung paano ito nangyari.
Napasinghap ako nang maamoy ko ang isang pamilyar na amoy. Hindi maaari.
Sinundan ko kung saan nanggagaling ang mahalimuyak na amoy hanggang sa makarating ako sa silid ng kapatid ko. Pumasok ako sa loob. Napasinghap ako nang muli kong makita ang nakasisilaw na liwanag at ito'y nakatapat sa nakahigang katawan ng kapatid ko. Lalong lumakas ang hangin at sa isang iglap, naglaho ang liwanag. Napatingin ako sa kapatid ko na bigla na lang umupo at labis na hinihingal. Isa lang ang alam ko sa oras na 'yon, ligtas na ang kapatid ko.
Nagdiwang ang buong pamilya namin. Nagtipon-tipon ang lahat ng kamag-anak namin sa isang bundok. Habang sila'y nagsasaya, naisipan kong maglibot. Hindi na ako nagpaalam, umalis ako't naglakad-lakad hanggang sa mapadpad ako sa isang hindi kaaya-ayang bahagi ng bundok.
May mahabang ilog na punong-puno ng basura at may mga puno na wala ng sanga. Halos lahat ng aking nakikita ay sira na. Anong nangyari?
Pumikit ako at hinayaan kong lumandas ang luha sa aking mata. Kung may magagawa lang sana ako.
Napadilat ako nang maamoy ko na naman ang isang pamilyar na amoy, at sa aking pagdilat labis akong nasilaw. Wala akong makita. Sadyang nakasisilaw ang liwanag na nanggagaling sa langit. Muli kong pinikit ang aking mata at paglipas ng ilang segundo, muli kong binuksan ito.
Hindi ako makapaniwala sa aking nakita.
Malayang umaagos ang ilog na sobrang kintab sa linis. Naaamoy ko rin ang mabangong hangin na humahaplos sa dahon ng bawat puno. Pinagmasdan ko ang kapaligiran. Napakagandang tanawin. May mga paru-paro na lumilipad at dumadapo sa mga nagagandahang bulaklak. Ang kanina'y isang hindi kaaya-ayang tanawin, isa na ngayong paraiso.
"Hemera, kakain na tayo." Naputol ang pagbabalik-tanaw ko sa nakaran nang tawagin ako ni Mama.
Huminga ako ng malalim. Labing dalawang taon na ang nakalipas mula nang huli ko itong nakita, sa sobrang tagal na'y hindi ko na alam kung parte ba ito ng imahinasyon ko o talagang totoo ito.
"Nabalitaan niyo na ba ang nangyari sa bundok Amenthrys? Nasunog ang bundok sa hindi malamang dahilan," seryosong wika ni Papa.
Nagkibit balikat ako. Siguro dahil sa init ng panahon kaya ito nasunog.
Mabilis kong inubos ang pagkain ko. Mahuhuli na naman ako sa aking klase.
"May mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya. May mga bagay na hindi kayang sagutin kung bakit ito nangyari. Tulad na lang ng pagkasunog ng bundok Amenthrys, hanggang ngayon hindi pa natin alam kung paano ito nangyari. Siguro mananatili itong misteryo," nakangiting wika ng aming guro." Iyon lang sa araw na ito at maaari na kayong umalis."
Niligpit ko na ang mga gamit ko. Pinilig ko ang ulo ko. Tumatak sa'kin ang mga sinabi niya ngayong araw.
"Kamusta ang araw mo Hemera?" tanong ni Mama pagkauwi ko.
"Maayos naman po."
"Isa na namang misteryo ang bumalot sa mga tao. Nasunog ang bundok Hale at halos wala ng natira sa bundok sa hindi malamang kadahilanan. Ang nakakapagtaka pa rito ay parehas na parehas ang pagkasunog nito sa bundok Amenthrys. Ano kaya ang nangyari sa dalawang bundok?" Suminghap ako sa narinig ko mula sa radyo. Pinatay ko ito kaagad.
"Ginagawa nilang malaking bagay 'yan. Siguro kaya iyan nangyari dahil sa init ng panahon, o baka naman... 'yan na ang ganti ni Inang kalikasan?"
Ganti ni Inang kalikasan?
Mabilis lumipas ang araw, mabilis din nawala sa isipan ng mga tao ang misteryo na nangyari sa dalawang bundok.
"Ang ganda rito grabe. Ang presko ng hangin!"
Pinagmasdan ko ang bawat nakangiting mukha ng mga kaklase ko. Andito kami sa bundok Cristal. Naisipan namin na maglibot at tumuklas ng iba't-ibang hayop sa bundok na 'to.
"Halika na't maglibot tayo," anyaya ko sa kanila.
Habang inaakyat namin ang pinakamataas na parte ng bundok, biglang yumanig ang lupa.
"Anong nangyayari?" kinakabahang tanong ng isa kong kaklase.
"Ah!"
Lalong lumakas ang pagyanig ng lupa. Nawalan kami ng balanse. Rumihistro ang takot sa aming mukha nang nahati sa dalawa ang lupa.
"Hemera!" Ang boses ng natatakot kong mga kaklase ang huli kong narinig bago ako nahulog sa lupa.
Ang init. Minulat ko ang aking mata. Sobrang sakit ng buong katawan ko. Pinagmasdan ko ang buong paligid. Nahigit ko ang aking hininga nang makita ko na nasusunog ang buong kapaligiran.
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang may maamoy ako. Ang amoy na 'yon.
Napapikit ako nang may tumamang nakakasilaw na liwanag sa aking mukha ngunit agad ko din itong binuksan paglipas lamang ng ilang segundo.
Bawat matamaan ng liwanag ay nasusunog.
Bakit ganito? Bakit sinisira ng liwanag ang buong bundok? Ibig sabihin ang liwanag din ang nagsira sa bundok Amenthrys at Hale?
"Ah!" Hindi ko maiwasang hindi sumigaw nang tamaan ako ng liwanag. Nasusunog ang buong katawan ko!
"Ah!" Pinikit ko ang aking mata. Ito na ba ang katapusan ko?
Humahangos akong umupo. Isa ba 'yong panaginip? Tiningnan ko ang buong katawan ko, walang bakas ng pagkasunog.
Naramdaman kong humaplos ang napakabangong hangin sa balat ko.
Teka nasaan ako?
Umawang ang labi ko nang makita ko ang puno ng Dama De Noche sa harap ko.
"Hemera." Labis akong nagulat nang lumiwanag ang buong puno kasabay nito ang paglagas ng bawat dahon mula sa dito.
Isa sana itong magandang senaryo ngunit may mali, nagsasalita ang puno. Isa ba itong panaginip?
"Bakit mo 'yon ginawa?" matapang kong tanong.
"Dahil ito'y nararapat sa tao. Masyado silang makasarili, dapat lang silang parusahan!" Napakalambing ngunit napakatigas ng boses niya.
"Ngunit sa iyong ginawa mas lalo mo lang sinira ang kalikasan."
"Ito lang ang paraan upang bigyan ng leksiyon ang mga tao. Naging mabait ako sa kanila, alam mo 'yan, Hemera. Maraming beses mong nasaksihan kung paano ako nagbigay pag-asa, ngunit anong ginawa nila?"
Tumulo ang luha ko. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari.
"Kung ganun sisirain mo ang buong mundo?"
"Hindi. Binigyan ko lang ng pagsubok ang tao. Ito na ang huli." Tumulo ang luha ko. Isang pagsubok lang 'yon?
"Nilikha ang tao para alagaan ang bawat nilikha ng Maykapal, ngunit kabaliktaran ang ginawa ng tao. Sana magtanda na ang lahat ng tao sa ginawa ko. Dahil sa susunod wala na akong ititira." Napangiti ako. Lumapit ako sa puno at hinaplos ito.
"Maraming salamat."
"Oras na para bumalik ka sa lugar mo, Hemera."
Sa isang iglap, pumalibot sa akin ang mga dahon ng Dama De Noche. Lalong lumakas ang hangin at inangat ako nito sa lupa. Pumikit ako. Ganito pala ang pakiramdam ng lumulipad?
"Hemera gumising ka na."
Puting kapaligiran ang unang bumungad sa'kin pagmulat ko. Walang duda, nasa ospital ako.
"Anong nangyari?" tanong ko kay Mama.
"Nasunog ang bundok Cristal, at tulad ng mga naunang bundok hindi rin alam ng nakakarami kung paano ito nangyari," huminga ng malalim si Mama. "Ang mahalaga ligtas kayo."
Ibig sabihin totoo ang lahat ng aking nasaksihan? Hindi ito isang panaginip.
Niyakap ako ni Ina. Huminga ako ng malalim.
"Mama, nasaan ang mga kaibigan ko?"
"Ligtas sila, anak. 'Wag ka na mag-alala."
Napatingin ako sa bintana malapit sa higaan ko. Umuulan. Napangiti ako.
Alam kong pagkatapos ng malakas na ulan may isang napakagandang bahaghari na lilitaw. Isang pag-asa pagkatapos ng kalamidad.
Siguro ganun talaga, may mga bagay na mahirap intindihin. May mga bagay na dapat hinahayaan na lamang. Dahil sa bawat pangyayari sa buhay ng tao, magbibigay ito ng aral sa bawat isa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top