Kabanata XXXII
Nakalabas ako ng ospital matapos ang dalawang araw. Hindi kami gaanong ayos ng aking mga magulang, pero naiintindihan ko sila. Ako man ay 'di pa rin napapatawad ang sarili matapos ang lahat ng nangyari. Labis na pagwawalang bahala ng sariling kapakanan ang nangyari, at kawalan ng kontrol.
Mabuti na lang nga't naibigay na ang sweldo mula sa raket namin ni Matty, kung kaya't nakatulong kahit papano sa mga gastusin at bayarin sa ospital. 'Di nga lang sapat, kung kaya't kinailangan pang mangutang. Bakit nga ba mahal ang pagpapagamot kung pangunahing pangangailangan iyon ng tao? Paanong sa ibang bansa ay na-su-subsida ng gobyerno ang pangkalusugang gastusin ng mga mamamayan, pero hindi magawa sa Pilipinas? Hindi na sapat ang sabihing walang pera, dahil sa limpak limpak na salaping ninanakaw ng mga opisyal ng gobyerno, hindi maaaring sabihing walang pera. Naandyan din ang ill-gotten wealth na hanggang ngayon ay 'di pa rin maibalik.
Bakit ganoon? Bakit tayo ang nagpapakasakit, habang itong mga nagnanakaw mula sa kaban ng bayan ay malayang nakakapamuhay sa ating bansa?
Dala na rin ng nangyari, at upang makapagpahinga ay 'di na muna ako pinaghanap pa ng trabaho ng aking mga magulang. Ngayong alam na nila ang katotohanan, may 'di maipaliwanag na gaan akong nararamdaman. Oo nga't mabigat pa rin ang kanilang pagkadismaya, pero hindi iyon sinbigat ng ilang taong pagpapasan ng mundo. Kahit papano ay nabawasan ang bigat ng aking mga kasinungalingan, pati na rin ang pangangailangang sarilihin ang aking laban.
Ilang araw pa ang lumipas bago ako kinausap ng aking tatay. Sa loob ng halos isang linggo ay 'di niya ako kinibo, at kahit na nasasaktan, alam ko ang kanyang pinanggagalingan. Subalit, ngayon ay iba ang ihip ng hangin.
"Aiken, bumangon ka na dyan at mag-almusal," tawag niya saakin mula sa hapagkainan.
Natuwa na marinig ang kanyang boses na tinatawag ang aking pangalan ay nag-atubili akong bumangon at pumunta sa kanila. Paglabas na paglabas ko mula sa aking mumunting kwarto, ang tumanbad saakin ay ang simple naming agahan. Ang aking nanay ay nakaupo na rin doon, nagkakape habang nanonood ng balita.
"Magtataas na naman ang presyo ng krudo," komento niya.
Hindi kumikibo ay umupo ako sa kanyang tabi. Maging ang nanay ko ay 'di ako gaanong pinapansin. Hindi tulad ng dating nangungulit siya, ngayon ay malamig kung tumingin siya saaking direksyon. Pero tulad kay papa, para bang maging siya ay nagising sa maaliwalas na parte ng kanyang kama.
"Naku, Amanda! 'Di ka pa nasanay!" Kumahig mula sa kanin ang aking tatay, nakatingin din aa telebisyon. "Ano pa nga ba, tataas na naman pati ang mga bilihin sa palengke!"
Inabot ko ang kanin mula sa kanya, na malugod niya namang ibinigay. Sa ilang araw na 'di pagpapansinan, masaya na ako sa maliliit na pagbibigay nila ng pansin saakin.
"Ba't naman kasi 'di pa alisin ang excise tax na iyan?" Tanong ni mama.
"Kailangan ng gobyerno ng pera."
"Pera? Eh ba't 'di nila patawan ng tax ang pinakamayayaman sa bansa? Aber, Raul? O kahit singilin man lang ang mga kawatan sa gobyernong 'di nagbabayad ng kanilang tax. Kapag sa atin, ayos lang, pero kapag sila, wala lang."
"Ang aga, Amanda, ang dami mong tanong."
Sa sinabing iyon ni papa ay napatawa ako nang malakas, kahit na sinubukan ko mang pigilan. Sa sobrang lakas ay nagtuloy-tuloy na iyon hanggang sa 'di na lang ako ang tumatawa sa amin. Maging si mama at si papa ay sumasabay sa halakhakan, hanggang sa ang aming hapagkainan ay 'di na singlamig ng nagdaang mga araw.
Matapos ang aming tawanan ay napahinga ako nang malalim, para bang nabunutan ako ng tinik sa aking lalamunan.
"Namiss ko po kayo," bigla ko na lang sabi. Dahil totoo. Namiss ko nga sila.
"E sino ba ang ayaw umuwi rito?" Biro ni mama.
"Paanong uuwi yan, tinakot mo masyado," sabat ni papa.
"Anong tinakot ka dyan!?"
"Simula pagkabata, pinudpod mo na sa pag-aaral. Malamang matatakot sa'yo kapag bumagsak."
Sa kanilang pagtatalo ay napapangiti na lang ako. Ganito kami araw-araw, bago ang lahat ng nangyari. Masaya akong makitang gan'to ulit.
"Gan'on ba yun, nak?" Tumingin sa direksyon ko si mama.
"Hindi naman po, siguro. Hindi ko lang po talaga matanggap sa sarili ko, at syempre ayaw ko po kayong ma-disappoint," sagot ko naman. Kung mayroon mang pagbabago saakin, iyon ay ang pagkakaroon ng tapang na sabihin ang aking saloobin. Hindi pa man ganoon katapang, pero papunta na roon.
Napatango si mama, nag-iisip. Mukhang mas tumanda siya. Gaano na nga ba ako katagal hindi bumisita?
Taimtim ay hinawakan niya ako sa kamay. Ang mga ugat sa likod ng kanyang palad ay senyales ng ilang taong pagkakayod. "Nak, alam ko na nahihirapan ka na. At siguro nga dahil din talaga saakin. Saamin." Tinapunan niya nang matalim na tingin si papa. "Siguro, hindi ko lang napagtantong masyado nang mabigat ang mga inaasam namin para sa'yo. Na naging patong-patong. Siguro, ang akin lang ay wala tayong ibang mapanghahawakan kundi ang iyong pag-aaral. Ayoko namang sabihing ikaw ang aangat saatin sa kahirapan, 'di mo yon responsibilidad, pero nais ko sanang 'di ka mahirapan sa buhay mo. Ayokong maranasan mo yung hirap na naranasan namin ng papa Raul mo, kaya siguro ganito kita pinalaki. Edukasyon lang ang maibibigay namin, ang maipapamana."
Mangiyak-ngiyak kaming dalawa ng sabihin iyon ng aking nanay. Syempre tama siya. Sa sistema ng bansa, kailangang may tinapos ka para magkaroon ng tsansang mabuhay. Pero sa tulad naming naghihikahos na upang mapag-aral lamang ako, idagdag pa ang 'di makataong sistema sa pag-grado sa paaralan, halos inaalis na kami ng pagkakataong makakita man lang ng liwanag.
Tama nga siguro si Simon, unfair ang pag-grado sa college namin.
Sa tuwing naaalala ko ang kung sinuman sa kanila, si Simon, si Charlie, si George, lalo na si Lucas, sinusubukan kong iwaksi agad iyon. Ang maalala sila ay ang bumalik sa sakit, at sa ngayon ay marami pa akong kailangang problemahin.
"Ang aga naman ng drama mo, Amanda," saway saamin ni papa.
"Ang aga rin ng pang-aasar mo."
Alam kong 'di pa ako lubos na napapatawad ng aking mga magulang, at sa totoo lang, ayos lang iyon saakin. Sabi nga ni Matty bago kami naghiwalay nung isang araw, "Kailangan ng pagkilala at paglalagom ng kasalanan upang magkaroon ng pagpapatawad. Kailangang may pagsisisi, at hindi dapat idaan sa limot na lang."
Natapos ang aming almusal sa masayang tuldok. At habang nag-liligpit na ng aming pinagkainan ay naglakas loob na akong magpaalam.
"Ma, Pa," 'di pa man sinasabi ang nais sabihin ay dama ko na ang kalabog ng aking dibdib. "Magpapaalam lang po sana ako. Pupunta lang po ako ng apartment para kunin ang mga gamit ko."
Natigilan silang dalawa. Nagtinginan. Kitang kita ang nagpira-pirasong tiwala sa kanilang mga mata.
"Kasama ko naman po si Matty, kaya makakauwi po ako nang maaga."
"Mga anong oras?" Isang hingahang tanong ni mama.
"Pagkakuha po, uwi po agad kami."
"Sige na, nak," pagpayag ni Papa. Tumingin siya saakin saglit pero agad na inilipat kay mama. "Hayaan mo na, Amanda. Alam na rin naman niya kung gaano kahalaga ang tiwala ng isang tao, depende na lang iyan sa kanya kung sisirain niya pa."
Wala ng magawa ay tumango na lang si mama.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top