Kabanata XXXI
Bumilis ang tibok ng puso ko nang ang tanging nakikita ko ay puti. Kinailangan kong ilang ulit na kumurap, bago ko mapansin ang ilang guhit sa kaputiang iyon. Kisame. Kisame ang nakikita ko, at ang nakabubulag na liwanag ay mula sa ilang bumbilya. Hindi pa nagtagal ay nasundan ko na rin iyong tubong konektado sa aking pulso. Ang takbo nito'y mula sa aking palad pataas at nakakabit sa isang swero.
Nasa ospital ako. Sapat na paliwanag na iyon sa kung gaano kabigat ang katawan ko. Para bang hinihila ako pababa ng pwersa ng lupa, at pinananatili sa aking pwesto. Kasabay ng kamalayang ito ay ang pag-ikot muli ng aking paningin. Wala akong maalala, at hindi ko alam kung paano ako napadpad dito. Ang alam ko lang ay parang binibiyak ang aking ulo, at nanunuyo ang aking lalamunan. Gusto ko ng tubig.
Mukhang na-dehydrate ako. Sobrang dehydration.
Nahihilo man, ay inikot ko ang aking paningin. Isa itong ward. Hindi pribado kaya marami-rami ang mga kasama ko. Ang ilan sa kanila ay may mga bantay, habang ako ay nag-iisa. Nakaramdam ako ng kakaibang kapanglawan sa kaalamang ito, pero sa parehong hininga ay napuno rin ako ng aligagang mga katanungan.
Sino ang naghatid saakin?
At tila isang sagot ay narinig ko ang papalapit na yabag papunta sa aking direksyon. Inikot ang tingin ay kinailangan kong maningkit saglit upang hayaan ang aking paninging umangkop sa kapaligiran. Ang sakit ng ulo ko. Para iyong humuhugong mula sa loob at napapapikit ako sa sakit.
"Buti naman gising ka na," wika ng boses.
Sa pagdilat ko ay nabawasan ang nararamdaman kong sakit sa katawan, pero agad iyong napalitan ng konsensya. Kumirot ang loob ko at 'di ko mapigilan ang pamamasa ng gilid ng aking mata. "Matty," tangi kong nasabi.
Umupo siya sa aking tabi, ang likuran ng palad ay inilagay sa aking ulo, at pababa sa aking leeg. "Pinakaba mo ako, Ken."
"Anong nangyari?" Nahihiya kong tanong.
"Natagpuan ka sa C.R. ng inuman kagabi, walang malay at punong-puno ng suka. Mabuti na lang at laman ng I.D. mo ang contact number ko for emergency kaya natawagan ako agad." Diretso ang kanyang tingin sa akin. May katiting na inis sa pagkakasalubong ng kanyang mga kilay. "Alcohol poisoning."
Napasinghap ako. Ito na siguro ang pinaka-iresponsable kong aksyon sa buong buhay ko. Hinang hina ay napasapo ako ng aking noo, iniisip ang lahat ng nangyari kagabi. Subalit, ang tanging naalala ko na lang ay ang pagsandal sa pader ng C.R. Hindi ko nga maalala kung kailan ako pumikit, at saang punto ako nawalan ng malay.
"You could've died, Aiken." Napapikit si Matty nang sabihin niya iyon, pinipigilan ang sariling maging emosyonal. "Ang iresponsable mo," may impit sa hulihan ng kanyang boses nang sabihin niya iyon.
Bihira kami maging emosyunal sa harapan ng isa't-isa ni Matty. At ang makita siyang nasa bingit ng pag-iyak ay nagpapaluha na rin saakin. "I'm sorry," mahina kong wika.
Nagulat sa sinabi ko ay napatingin sa akin si Matty. Nangingintab na ang kanyang mga mata. "No, Ken. No. I'm sorry." Pinunas niya ang nakawalang butil ng luha. "I should be the one saying sorry. Dapat hindi ko ginawa iyong ginawa ko. Dapat hindi kita hinayaang mag-isa. Anong silbi ng best friend kung 'di mo makakasama sa pag-iyak? Sorry, Ken."
Bumuhos na rin ang mga luha ko. Masyado pang nanghihina ang katawan ko, pero 'di ko mapigilan ang paghikbi ko. "Matty naman, ba't ka umiiyak?" Hinawakan ko ang kanyang kamay.
"Putang ina mo kasi," paliwanag niya. "Tinakot mo akong gago ka!"
Napatawa ako nang bahagya. Pero sa kalagitnaan ng aking tawa ay natigilan ako dahil sa pagsakit ng aking tagiliran. "Sorry na. Hindi na mauulit."
Nahinto kaming dalawa sa pag-iyak. Hinigpitan ni Matty ang pagkakahawak sa aking kamay. Nag-ipon muna siya ng ilang hininga at pati na rin lakas ng loob. Kitang kita sa kanyang mga mata ang pagdadalawang-isip, pero nang tumingin siya, alam kong mabigat ang kanyang sasabihin. At alam kong mabibigatan din akong dalhin. "Para hindi na ito maulit, kailangan mong makitang mali ang pag-inom mo, Ken. Ang sobra-sobrang pag-inom ay hindi na nakakatulong sa'yo."
Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang inis ko, pero sinubukan ko iyong ibaon sa aking dibdib. "Alam ko. Hindi tayo mapupunta rito, kung 'di dahil sa pag-inom ko."
Tumango siya, nag-iisip pa. "Alam kong may tendency akong manghimasok sa buhay mo. Hindi lang sa mga desisyon, kun'di pati sa mga sinasabi ko. Pero Ken, andito lang ako para tulungan ka."
Agad na bumalik sa isip ko ang away namin kahapon. Ganito na ang dinamiko namin. Sa pagkilala ng katotohanang ito ay nakaramdam ako ng paggaan ng aking dibdib. Para ba akong nabunutan ng tinik. Ilang taon na ang aming pagkakaibigan ni Matty, subalit marami pa rin kaming kailangang pagtrabahuhan at ayusin sa aming relasyon. At ang pag-amin niyang ito sa sarili ay nagbibigay saakin ng loob na aminin din ang problema sa personal na pagtingin.
Lumuwag-luwag ang aking paghinga. Kung kaya ni Matty aminin ito, kaya ko rin. "Thank you, Matty. Salamat."
Hindi ako bata upang hindi makitang problema na nga ang aking pag-inom. At hindi ako bulag upang hindi mapansin kung paano nito naaapektuhan ang aking sarili at ang aking buhay. Mula sa pagpasok ng lasing sa trabaho, hanggang sa mga mapupusok na desisyong hindi pinag-iisipan. Kailangan kong makita itong pangyayaring ito upang mamulat sa aking sitwasyon.
"Alcoholic ako," matapang kong sabi. "At kailangan ko ng tulong."
Nagpatuloy kami ni Matty ng aming pag-uusap. Mukhang nakalimutan na ang 'di pagkakaunawaan kagabi lamang. Ang totoo niyan ay alam ko ang kanyang pinanggagalingan, at para iyon sa aking kapakanan. 'Di pa man buo ang aking loob sa pagtanggap ng kanyang rason, ang tanging iniisip ko na lang ay kung paanong sa lahat ng oras ay kakampi ko si Matty.
"Ken, hindi ko alam kung dapat ko sa'yong sabihin." Huminto siya saglit. "Papunta rito si Tita."
Gulat na gulat ay napalakas ang aking boses. "Ano?!"
"Magkaiba ang nilagay mong emergency contacts sa mga I.D. mo. Isa ay akin, at isa kay tita. Kaya pati siya ay nasabihan ding nang nangyari sa'yo."
Napatameme ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat isagot. Paano ko ipapaliwanag sa nanay ko kung bakit dis oras ng gabi ay may tumatawag sa kanya, sinasabing ang anak niya'y natagpuang walang malay sa loob ng banyo ng inuman? At paano ko ipapaliwanag ang rason kung bakit humantong sa puntong ito?
"Sinabi ko lang sa'yo kasi gusto kong ihanda mo ang sarili mo," pagpapaliwanag ni Matty. "Alam kong mahirap, pero parte rin ng paghilom ay ang ilang conscious na desisyong baguhin ang ibang mga bagay. At baka pwedeng simulan sa relasyon mo sa iyong pamilya."
"Hindi ko alam kung kakayanin ko, Matty." Sabi ko sa kanya. Dumaan pa lang ako sa isang nakapanlulumong pagkabigo, hindi ko alam kung kakayanin ko pa.
"Hindi kita iiwan," paninigurado ni Matty.
Tumingin ako sa kanya at alam kong isa iyon sa mga katotohanang hinding hindi maaalis saamin. Kaya kahit na natatakot sa maaaring mangyari sa pagdating ng nanay ko, at sa kung anong sasabihin niya, alam kong hindi ko kailangang pagdaanan ang lahat ng iyon ng mag-isa.
Lumipas pa ang ilang oras at sinibukan naming magkwentuhan ni Matty. Alam niya kung gaano ka-komplikado ang relasyon ko sa aking mga magulang, at alam niya kung gaano ako nito naaapektuhan. Kaya kahit hindi niya sabihin, ramdam ko ang pag-lilihis niya ng usapan, sinusubukang i-baling ang aking atensyon. At labis ang pasasalamat ko doon.
Hindi pa nagtagal ay narinig ko na ang papalapit na yabag ng aking nanay. May taglay iyong pagmamadali at pagkataranta. 'Di ko pa man nakikita, ramdam ko na ang pagbabadya ng mga luha sa aking mata.
"Anak, anak ko," punong puno ng pag-aalala sa kanyang boses. Ang tumatanda niya ng kagandahan ay punong-puno ng pagkabahala.
Sinubukan kong umupo sa aking kinahihigaan. Sinusubukang magpakita ng lakas, kahit na ang katawa'y hinang hina pa. Makita lang ang nanay ko na labis ang takot ay dumudurog na sa babasagin kong puso. Hindi ko gustong nagkakagan'to ang nanay ko nang dahil saakin. Iniisip pa lang ang mga gusto kong sabihin bilang pampalubag loob ay namamasa na ang gilid ng aking mga mata.
"Okay na po ako, ma," wika ko. Pampagaan ng loob.
Nagmano sa kanya si Matty bilang pag-bati.
"Bakit sinasabi nung doctor na alcohol poisoning? Ibig sabihin ba nag-iinom ka?" Pagbaling niya ng atensyon saakin.
Nakaramdam ako nang kakaibang hiya, iyong sobrang lalim, 'di ko lubos makita ang pinakailalim. Naramdaman ko ang pampalakas ng loob na pisil ni Matty sa aking balikat. Handa na ba akong harapin ang katotohanan?
"Oo, ma. Nasobrahan ako sa alak kaya ako andito ngayon."
Patlang. Tinignan ako ni mama, sinusubukang alamin kung nagsisinungaling ba ako. Pero nang mapansing hindi ito biro ay nandilim ang kanyang mukha. "Bakit, nak? May problema ka ba?"
Pinag-isipan ko ang isasagot ko. "Marami po."
At tila ba isang dam na nagpakawala ng tubig ay tuloy-tuloy na umagos ang aking luha. Ramdam ko ang pagkabagsak ng aking katawan habang umiiyak ako; napapatanong uli, kung paano ko naabot ang gan'tong pagkalugmok. Nagluluksa ako sa pagkamatay ng dating ako, at sa pagkawala ng napakaraming panahon. Pero kailangan kong tanggapin ang ilang mga katotohanan, hindi lamang para sa akin, kundi para sa paghilom ng relasyon ko sa aking nanay.
Kaya, tinapangan ko.
Hinayaan kong lumabas sa aking bibig ang mga bagay na matagal ko nang hindi sinasabi. Sinimulan ko sa problema ko sa pag-aaral, at ang 'di ko matanggap-tanggap na pagkabagsak sa aking mga asignatura. Sinabi ko kung paanong masyado akong nabibigatan sa kanilang mga inaasam mula saakin. Na dumating ako sa puntong nagsisinungaling na ako sa kanila dahil hindi ko kayang mabigo sila saakin. "Ma, mahirap saakin na ma-disappoint kaya ni papa dahil alam ko kung gaano ninyo ako gusto makapagtapos," humihikbi pa ring sabi ko. "Pero hirap na hirap na po talaga ako, at gusto ko mang sabihin sainyo, hindi ko magawa dahil 'di ko kayang makitang 'di kayo proud saakin."
Habang sinasabi ko ang lahat ng iyon, kita sa mukha ng nanay ko ang sakit. Sakit hindi lang mula sa mga pagsisinungaling ko, pero sakit na rin para sa anak na walang mapuntahan kundi alak. Kitang kita rin ang hirap sa kanyang mga mata, na tila ba ang lahat ng impormasyong ito ay hindi niya matatanggap, hindi pa.
Pero dahil isang nanay ay agad siyang nanlambot para sa anak. Agad na inuna ang paghihirap ng unico hijo kaysa sa kanyang paghihirap. Di bale nang siya ang makaramdam ng sakit, huwag lang ang binatang handa siyang ibigay ang kanyang buhay.
"Anak, sorry," ang tangi niyang nasabi, ang mga mata'y nangingislap sa luha.
"Ako dapat po ang nagsosorry sainyo," agad kong pagpapatigil sa kanyang umiyak. Ang puso ko ay mas nadudurog sa pagsusumamo sa boses ng aking ina.
"Hindi ko alam na gan'to pala ang nararamdaman mo. At hindi ko alam na nahihirapan kang lumapit saamin."
Hinawakan ko ang kanyang kamay, ang mga linya nito'y mas lumalalim sa pagdagdag ng mga taon. "Ma, hindi po. Wala po kayong pagkukulang. Sarili kong mga desisyon ang nagdala saakin dito, huwag niyo po sisihin ang inyong sarili."
"Anak, sana sinabi mo agad noon. Sana sinabi mong kailangan mo ako; na kailangan mo ng nanay." Mas lumakas ang kanyang mga hikbi, at mas nadurog pa ang aking puso, kung posible pa nga ba iyon.
Wala na nga talagang mas masasakit pa sa pag-iyak ng iyong ina.
"Kaya ba nagsinungaling ka rin nung nakaraang araw?"
Natigilan ako. Sa dami ng mga kasinungalingan ko, 'di ko na alam kung ano ang kanyang sinasabi. Hinintay ko ang kanyang paliwanag.
"Alam kong pumunta ka ng Sorsogon, narinig ko sa usapan ni kumare at ng anak niyang si Pauline, este Paula. Na nakita ka raw doon sa isang event, event ba yon?"
At dahil nakalabas na rin naman ang pusa sa kanyang lungga ay umamin na rin ako. Sinabi ko sa kanyang kinailangan ko ng pera para sa summer class, kaya ako naandon. Mabuti na lang at naandito rin si Matty upang patotohanan ang aking mga sinabi. Ang hindi ko lang sa kanya sinabi ay ang tungkol kay Lucas. May panahon para roon.
"Aiken, anak, hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman sa ngayon," malungkot pero tapat na wika ng nanay ko.
Hindi ako nakaimik.
"Nagtiwala ako sa'yo, nak." Mangiyak-ngiyak siya habang inilalayo ang kanyang palad sa aking pagkakahawak. "Pero, salamat at sinabi mo saakin lahat ng 'to."
"Opo, ma," pinipigilan pa rin ang pag-iyak kong sambit. "Opo."
Natapos ang gabing pareho kaming ubos na ubos na, pero kahit papaano'y nasisimulan na ang paghilom ng mga sugat ng nakaraan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top