Kabanata XXVIII

Pumungas-pungas ako ng makarinig ako ng ilang katok. Magagaan iyon subalit sapat ang lakas para magising kaming dalawa ni Lucas.

"Sino yan?" Tanong ni Lucas, habang nagsusuot ng korto papunta sa pinto.

Pumapasok na ang liwanag mula sa labas. Ang nag-iisang bintana ng kwarto'y nagsisilbing lagusan ng ilaw para paliguan ang bawat sulok ng mga ito. Nagsuot na rin ako ng salawal at nang hindi mahanap ang sariling t-shirt ay sinuot ko yung kay Lucas. Amoy na amoy ang kanyang pabango sa kanyang damit, kaya kahit na maluwag iyon saakin ay 'di ko na pinalitan.

Bago tuluyang ikutin ang busol ay nagtanong muli si Lucas. "Sino ka?" Urirat niya, inaayos ang gusot ng suot na pang-ibaba.

Subalit, bilang sagot ay dalawang kalmadong katok lang muli ang umulit.

Siguro'y nainip na ay pinagbuksan na iyon ni Lucas. Sa pintuan ay nakatayo ang isang babae. Nakabistida itong bulaklakan at ang kamay ay nakahalukipkip sa kanyang harapan. Hindi na niya hinintay na imbitahan siya. Bagkus ay nagtuloy-tuloy siya sa kwarto at dumiretso saakin.

Hindi ko alam kung saang punto ko napagtanto kung sino siya. Maaaring sa gulat na mukha ni Lucas; sa kanyang pagkatigagal; o 'di kaya sa kung paanong nagsalubong ang mga kilay ng babae. Subalit, alinman doon sa mga puntong iyon, kilala ko na kung sino siya. Siya ang nawawalang litrato sa dingding. Siya ang may-ari ng ikalawang pares ng kubyertos. At siya ang paulit-ulit na nagmumulto sa ilang araw na pagsasama namin ni Lucas.

"Hi, I'm Janine," inabot nito ang kanyang kamay. "The girlfriend, and you are?"

Walang indignasyon sa kanyang boses. Walang bahid ng galit, o 'di kaya'y bahid ng pag-e-eskandalo. Subalit, alam kong kilala niya kung sino ako, alam ko dahil saakin siya dumiretso. Hindi ko na inabot ang kanyang kamay. Sa halip ay isa-isa kong pinulot ang aking mga damit sa sahig at nagmamadaling tinungo ang pinto. 'Di ko magawang tumingin kay Janine. Wala akong sapat na lakas ng loob upang salubungin ang kanyang mga matang ubod ng tapang. Kung ako siguro ang nasa kanyang pwesto, maaaring pinanghinaan na ako ng loob, at naglupasay sa loob ng kwarto. Pero nanatili siyang kalmado't handang makipag-usap.

Bago tuluyang malakabas ay tinignan ko si Lucas. Pinipigilan ko ang aking sariling umiyak pero nang makita ko ang pagmamakaawa at paghihingi ng paumanhin sa kanyang mga mata, alam kong hindi ako nagkakamali ng aking hinala. "Don't go, Ken," wika niya, halos nagmamakaawa. "I can explain. I'll get this settled."

Yumuko ako't humakbang papalayo, pero agad niya akong napigilan. Parehong kamay na humawak sa aking braso noong unang gabi kaming nagkita ang humawak saakin ngayon. At parehong kamay na pinapahamak ako. Pinalis ko ang kanyang palad, hindi ko na magawang tignan pa siya dahil alam kong sa oras na magsalubong ang aming tingin ay manghihina ako. Alam kong 'di ko mapipigilan ang aking mga luhang nagbabadyang bumuhos na.

"Ken, don't go, please," pagmamakaawa niya.

"Lucas, let go. Bitiwan mo ako," may galit sa tono ng aking boses.

Pero hindi siya bumitaw. "Ayaw mo man lang bang pakinggan ang sasabihin ko?"

Sumunod sa eksena namin si Janine. Nakatingin siya sa kung paano ako hawakan ni Lucas. May pait sa kanyang mga tingin. At mukhang nakita rin iyon ni Lucas dahil lumuwag ang kanyang pagkakahawak.

"Sige nga, Lucas. Tell us what you want to say?"

Humarap si Lucas sa kanya. "Huwag ka ngang makisali rito Janine."

May dumaang pahiwatig ng sakit sa mata ni Janine, pero agad iyong nawala. Tiim bagang siyang nagpalipas ng galit. Kalmadong kalmado ay nagsalita siya. "Anong huwag makisali?" tinuro niya ang kanyang dibdib at ang aking direksyon. "Sa aming dalawa, mukhang hindi ako ang nakikisali rito."

"Janine, please lang." Inis na si Lucas. Hindi niya matukoy kung paano babalansehin ang iskala.

"Lucas," ako naman ang nagsalita. Kahit na ang puso ko'y unti-unti nang nadudurog. "Aalis na ako."

"Hear me out."

"Lucas, ano ba!" Pasigaw kong sambit. Ang pagsabog ng aking galit ay ang tanging paraan ko upang itago ang aking mga luha.

"Yeah, Lucas, ano ba!" Ito ata ang unang pagkakataon na narinig kong tumaas ang boses ni Janine. Ang dating kalmado niyang pagdala ng sarili ay unti-unting nababahiran ng eksasperasyon. "Mabuti pa siya, pinipigilan mong umalis." Inis nitong pinunas ang kanyang luha sa pisngi, hindi nais na makitaan ng kahinaan sa sitwasyong kinasasangkutan.

Sa oras na nakita ko ang sunod-sunod na mga luha ni Janine ay agad akong pinanghinaan ng tuhod. "Lucas, please," pagmamakaawa ko na. "I'm sorry, Janine. I didn’t know." Pagtuon ko ng tingin sa kanya, nahihiya. Kahit na hindi ko alam ang totoong namamagitan sa kanila, pakiramdam ko'y nagsisinungaling ako. Hindi ko man alam kung anong mayroon, subalit, alam kong may Janine. Kaya mas nahihiya ako ngayon dahil sa halip na siya ang kausapin ni Lucas, ako ang binibigyang pansin. Hindi ako karapat-dapat na bigyang pansin.

"Of course, you don't," punong puno ng nakalalasong pait ang boses ni Janine nang sabihin niya iyon. "Lucas, hates confrontations. He avoids every possible conversations where negative feelings are involved. So, how will you know? Pa'no mo ba malalaman na may ako, na may isang babaeng naghihintay sa lalaking kinakalaguyo mo."

"Janine, we broke up! The second that phone call ended, we were over!" Si Lucas naman. Ang kanyang buong atensyon ay na kay Janine.

Nais ko nang umalis, dahil sa puntong ito ay alam kong tama si Janine. Mas naramdaman ko ang kanyang sinabing sa aming dalawa ako ang nakikisali, dahil ako naman talaga. Iyon siguro ang pinakamasakit sa lahat ng ito. Buong buhay ko, pakiramdam ko ay kailanman hindi ako naging sapat. Pero sa ilang araw na nagsama kami ni Lucas ay pinaramdam niya saaking hindi ko kailangang patunayan ang sarili ko; na hindi ako kulang. Subalit, eto kami ngayon, ako bilang taga-labas sa buhay ng isang taong akala ko'y malugod na akong pinapasok sa loob.

"Lucas, we had a fight! People fight Lucas. Relationships normally end with conversation, with an understanding. Hindi itong malalaman ko na lang sa kaibigan mong may nilalandi ka nang iba." Si Janine.

Mas gumuho ang aking mundo. Ang makita si Janine na tuluyan nang bumibigay sa kanyang mga emosyon ay mas lalong nagpapahina rin sa akin. Mali ba talagang maging masaya ako kahit paminsan-minsan lang? Mali bang makaramdam ako ng pagmamahal? Bakit kailangang may masaktan at bakit kailangan may manakit?

"Kaibigan? Sinong kaibigan?" Nangigitgit ang tono ni Lucas.

"That's not the point, Lucas!" Punong puno ng galit na wika ni Janine.

"Si Simon ba? Ang putang inang!" Napasapo ng noo ni Lucas, sinusubukang ang galit ay sarilihin.

"Here you are again, Lucas. You're changing the conversation. You're hijacking it into something it isn't and isn't supposed to be!" Lumapit na si Janine sa aming pwesto. "For once in your life! Harapin mo naman ang mga consequences ng mga ginagawa mo!"

At saka ko lang napagtanto na totoo nga, gan'to nga si Lucas. Oo, nakakausap ko siya sa mga bagay bagay. Subalit, naalala ko rin kung paano niya ako pinagtabuyan ng ilang ulit dahil ayaw niya ang ganitong pag-uusap. Unti-unti ay mas nauunawaan ko ang pinanggagalingan ni Janine, at kung may lakas lang ako ng loob ay hinila ko ang katotohanan sa dila ni Lucas. Naalala ko kung paanong nung unang mga araw ay halos hindi ko maintindihan ang lugar ko sa kanya, siguro ay gan'to rin ang nararamdaman ni Janine.

"What the fuck are you talking about Janine?" Tinatapatan na ni Lucas ang galit ng kaharap, siguro nga ay mas malala pa. "What consequences? Dahil I chose to move on? Hindi ba't ikaw ang tumawag saakin ng gabing iyon, looking to end things because you believe rumors?"

"Rumors of you seeing other people?" Dinuro-duro ni Janine si Lucas. "Yes, Lucas. I wanted to have a conversation about it but you inflated it into a fight! And you're making me look like a crazy woman for wanting clarity! How typically male of you. You projected all your insecurities at me. You are so insecure about your supposed bisexuality, you're always defensive!"

"Hindi ko kailangan ng psychoanalysis mo, Janine."

Patlang. Tila umalingawngaw ang katahimikan sa pagitan naming tatlo, halos nakabibingi. Naabot na naming lahat ang rurok ng aming mga emosyon, at ramdam ko ang pagod sa pagpoproseso ng mga iyon. Gusto kong uminom. Gusto kong magpakalasing at magpakalayo-layo.

"Alright," hinila ni Janine ang hulihan ng kanyang damit, inaayos at sarili. "Ganito na lang, choose. Pumili ka saaming dalawa."

Napa-awáng ang aking bibig nang marinig ko iyon. At kahit si Lucas ay tila nagulat.

"This isn't necessary," nanghihina kong sabi. "Hindi mo kailangang pumili." Humarap ako kay Lucas. "I'll get myself out of the equation. Aalis ako."

Hindi hinihintay ang kahit na anong sagot o sasabihin mula sa kanilang dalawa ay nagsimula akong maglakad. Sa unang hakbang ay halos wala na akong maramdaman, pero nang nakakailan na ako't nakalalayo na sa kanila, ay naramdaman ko ang pagbuhos ng aking mga luha. Parang pisikal na pinipisil ang aking puso, dinudurog sa kahigpitan. At bago ko pa man mapigilan ay humihikbi na ako habang binabagtas ang daan papalayo sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top