Kabanata XXIX
Agad kong tinawagan si Matty. Hindi ko alam kung ilang oras ako naghintay, napansin ko na lang na nasa harapan ko na ang kanyang kotse. Tila may sariling isip ang mga paa ay pumasok ako sa sasakyan. Agad-agad niya akong tinanong kung anong nangyari at ang tanging na sagot ko ay wala. Hindi ko alam kung iyong hangin ba sa pagitan namin ang nagpatahimik sa kanya, o may ibang dahilan. Madalas, kapag may nais malaman si Matty ay mangungulit siya, pero ngayon ay hindi niya iyon ginawa.
"Saan mo gustong pumunta?" Tanong na lang niya, sinisimulang paandarin ang sasakyan.
"Sa malayo," sagot ko.
Nagsimulang magmaneho si Matty papalayo sa pinaghintayan ko. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin, pero base sa pagliko at pagdiretso ng kanyang pagmamaneho, kampante akong may destinasyon na siyang naiisip. Maya't-maya pa ay pumasok sa ilang eskinita ang sasakyan hanggang sa magsimulang umangat ang kalsada. At unti-unti pa ay nasa isa na kaming burol. Ang kabuoan ng lungsod ng Legazpi ay kitang-kita mula sa pwestong ito. Ang mga ilaw ng kalsada't mga gusali ay nagmistulang mga bituin sa madilim na lupa.
Lumabas kami ni Matty ng sasakyan, at agad kaming sinalubong ng malamig na hangin. Walang gaanong tao sa paligid namin, at kung mayroon man ay nasa malalayong parte. Umupo kami ni Matty sa kalsada.
"Gusto mo bang pag-usapan?" Usisa niya sa aking direksyon.
Tumingin ako sa kanya saglit, hindi gaanong naaaninag ang kanyang mukha. Pero alam kong nag-aalala siya. Kahit kasi nasa sasakyan na ay patuloy pa rin ako sa paghikbi. Kahit na sinusubukan kong huwag ipahalata, alam kong napapansin niya ang aking pag-iyak. "Okay lang ako," pagsasantabi ko ng aking nararamdaman.
"Okay? Anong pinagsasabi mo?" May talim sa kanyang tono ng sabihin niya ito. Hindi si Matty mahilig sa mga pagpapanggap, lalo na sa pagitan namin. "May okay ba na tatawag dis oras ng gabi habang umiiyak?"
"Hindi ko alam kung kakayanin ko magkwento, Matty," sabi ko na lang. Pakiramdam ko, kapag sinimulan ko ay tutuloy-tuloy na ang sakit hanggang sa hindi ko na mapigilan pa ang aking sarili. Ngayon ngang hindi pa ako nagkukwento ay hindi na mapigilan pa ang buhos ng aking mga luha.
"Subukan mo lang," engganyo niya, mabait ang boses at umaapaw ang pag-unawa. Mas lumapit siya saakin at inakbayan ako, habang hinahaplos ang aking balikat.
Huminga ako nang malalim. Tama nga ang naging desisyon ko na tawagan muna si Matty bago pa ako magpakalasing. Mas maigi na ito, lalo na't napansin ko ring hindi ko hinahanap ang alak ng ilang araw, maliban na lamang ngayon. Ano kaya ang gagawin ko kung mawala sa akin si Matty? Siguro ay walang saysay ang buhay ko kung 'di ko siya naging kaibigan. Kahit sa susunod kong mga buhay, kung totoo man ang reinkarnasyon, siya ang hahanapin ko nang paulit-ulit.
"Ang nagdaang araw na siguro ang pinakamasaya kong araw, Matty. Buong buhay ko, akala ko hindi ko iyon mararanasan." Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Pinipigilan ang mga hikbi ay nagpatuloy ako, "Matty, Lucas brought out feelings out of me that I never knew existed. Naniwala ako na maaari ... na posibleng maranasan ko rin ang umibig at ibigin pabalik."
Pinisil ni Matty ang aking balikat, kanyang paraan nang pagpapahintulot na magpatuloy ako.
"I like Lucas, very much. Kung hindi pa iyon obvious," natawa ako saglit. "Gusto ko ang sarili ko kapag kasama ko siya. Para bang sapat ako, bilang ako, at bibihira ko lang iyon maranasan. Iyong hindi mo na kailangan pang mag-effort para lamang makatanggap ng approval. Pakiramdam ko ang ganda-ganda ko, ang haba-haba ng buhok ko kapag kasama ko siya. Handa siyang tanggapin ako sa kung sino ako."
"Naiintindihan ko," sambit ni Matty.
"Matty, all my life, I tried to be everything for everyone. With Lucas, hindi ko kinailangang gawin iyon. At for the first time, in a very long time, hindi ko kinamuhian ang sarili ko."
"Kaso?"
"Kaso, ayon! Totoo nga pala sigurong when it's too good to be true, it probably is."
Patlang. Hinayaan naming dalhin ng hangin ang huli kong mga salita. Ang ningning ng bawat bituin sa kalawakan ay nagsasanib sa liwanag ng mga ilaw sa 'di kalayuang lungsod. Wala muna saaming nagsalita, hinayaan naming ang aming kawalang imik ang mag-usap. Ang aking ulo ay nanatili sa kanyang balikat nang magsalita ako, "Ayokong nakakasakit ng tao, Matty. Sa lahat ng ayoko, iyong may masaktan ako dahil sa mga ginawa kong hindi ko pinag-isipan."
"Sinasadya mo ba?" Nang sabihin iyon ni Matty ay bigla kong naramdaman ang isang 'di matukoy na damdamin. Para bang alam niya ang dapat itanong, dahil alam niya ang sagot.
"Hindi."
"Then, you shouldn't punish yourself for something you didn't know."
Tumingin ako sa kanya, ang anino sa kanyang mukha ay tinatago ang kanyang emosyon. "Tama ka," sambit ko na lang, tumatango.
Marahil ay masyado kong binibigyang kahulugan ang maliliit na galaw ni Matty, subalit, napapansin ko ang kanyang pag-iingat. May taglay na katiting na pagdadahan-dahan sa kanyang paghaplos, at maging sa kanyang pagsasalita. Para bang may nais siyang sabihin, pero wala siyang lakas ng loob na bigyang boses iyon. Isinantabi ko na lang ang mga agam-agam na ito, posibleng dala lang iyon ng kapaguran.
"Matty," panimula ko, nag-iipon ng lakas ng loob. "Matty, may girlfriend si Lucas."
Matagal ang katahimikang namayani ngayon. Ngunit may taglay na karupukan iyon, at mabigat sa dibdib. Umalis ako sa pagkaka-sandal sa kanyang balikat at humarap sa kanya. Hindi ko alam kung narinig ba niya ako kaya inulit ko, "Matty, may Janine. May girlfriend." Rinig ko sa sarili kong boses ang pagkaawa ko sa aking sarili.
Patlang–mahaba, ngunit madaling mabasag.
"Alam ko," simple at nakagugulantang na bigkas ni Matty.
Sa gulat ay napatda ako sa aking pwesto. Napatingin ako sa kanyang direksyon, naghihintay ng paliwanag kung anong nais niyang ipahiwatig.
"Anong alam mo?" Tanong ko.
"Ken, alam kong may girlfriend si Lucas. At kaya siya naandon kanina sa apartment, dahil yon sa'kin."
Pumintig ang loob ng tainga ko. Pakiramdam ko ay nabingi ako bahagya nang sabihin niya iyon. Napatanga ako saglit, hinihintay na rumehistro sa isip ko ang sinabi niya. "Anong ibig mong sabihin?"
"Ako ang nagsabi kay Janine."
Napatayo ako, hindi ko magawang lumapit kay Matty. Naglakad ako papalayo, ngunit lumingon pa rin ako agad. "Hindi ko naiintindihan, Matty. Anong pinagsasabi mo?"
"Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa inyo ni Lucas. Nalaman ko kay Charlie ang tungkol sa kanya, and I know I had to let Janine know to save both of you from further hurt."
Napatda ako sa kinatatayuan ko. Sa sobrang 'di ako makapaniwala sa naririnig ay napapahilamos na lang ako sa aking mukha. "Sinabi mo sa kanya?"
"Oo, Ken! Kinuha ko ang kanyang contact kay Charlie. She has the right to know! Anong gusto mo? Magpatuloy ang panloloko sainyo ni Lucas?"
"Matty!" Napasigaw ako. "Matty, naman! Ba't sa kanya mo agad pinaalam? Ba't 'di ka dumiretso saakin?"
Natahimik siya. Matagal. Nang magsalita siya ay may tanda ng pagsisisi sa kanyang boses. "Dahil sobrang galit ako, Ken. Sobrang galit ako sa ginawa sa'yo ni Lucas, I lost control of the situation. Hindi ako nag-isip. And to be honest, hindi ko alam kung paniniwalaan mo ako."
"Oh please, Matty! How dare you insult our friendship!"
"Oh please, Ken!" Wika niya, may impit at may diin, para bang ginagaya ang sinabi ko kanina. "Maging totoo lang tayo, sa tingin mo ba paniniwalaan mo ako kung sasabihin ko sa'yong may jowa pala iyong taong nagpapasaya sa'yo? Would you really believed me easily kung nabubulag ka na sa pagmamahal mo sa manlolokong iyon?"
"Yes! Oo!" Sigaw ko, madiin. Pero sa likod ng isip ko, alam kong may punto ang kanyang sinasabi. Subalit, wala ako sa maayos na pag-iisip at estado ng emosyon upang bigyan siya ng papuri. "Mas prinotektahan mo pa ang isang taong 'di mo kilala kaysa saakin!"
Pakiramdam ko ay pinagtaksilan ako ni Matty, ang huling táong naisip kong gagawin iyon saakin. Ngayon ko lang naranasan ang kakaibang lungkot na ito, iyong lungkot na nararanasan kapag pakiramdam mo'y mag-isa ka na sa buhay mo. Sa mga sandaling ito ay masyadong malawak ang mundo, at nakatayo lamang ako sa gitna nito, naghihintay na may dumamay sa lalim ng pighating nararamdaman ko. Pagod na ako maging malungkot. Hindi na napigilan pa ay bumuhos muli ang aking mga luha, pero mas maagos ngayon kaysa noong una.
Nang mapansin ni Matty ang tuloy tuloy kong mga hikbi, ay biglang nanlambot ang kanyang boses. Tumayo siya sa pagkakaupo upang lumebel saakin. "Ken, naman." Naglakad siya papalapit, nais akong hawakan, pero umiwas ako. "Yan ang insult sa pagkakaibigan natin. Mahal na mahal kita, at alam nating parehong gagawin ko ang lahat para ilayo ka sa kahit anong sakit. Kung alam ko lang na niloloko ka ni Lucas, I would've stopped you then."
"Matty, you're missing the point." Binanggit ko ulit ang kanyang pangalan pero ngayon ay bilang pagsumbong sa hangin.
"Ken, nung nakwento saakin ni Charlie iyon, I lost my mind. Hindi ko alam kung paano ko sa'yo sasabihin, kaya siguro hindi ko nasabi. Naduwag ako. Hindi ko alam kung paano ko sa'yo ipapaalam ang katotohanan nang hindi ka nasasaktan. Ayokong nakikitang kang nasasaktan, Ken. Best friend kita. Ang sabihin kay Janine ang tungkol sainyo, it was much less difficult dahil hindi ko siya kilala. Hindi ko kailangang pasanin ang kanyang damdamin. With you, I had to. Naghanap lang talaga ako ng tiempo. Sasabihin ko naman talaga sana sa'yo, naunahan lang ako ng pagkakataon."
Tinigasan ko ang aking dibdib. "But here we are."
"But here we are," malungkot niyang pagsang-ayon. "For what it's worth, Ken. Kapakanan mo ang inisip ko sa naging desisyon ko, hindi ko nga lang iyon pinag-isipan, dahil inuna ko ang galit na naramdaman ko kay Lucas."
Lumapit muli sa akin si Matty, masyado na akong pagod para magpumiglas pa.
"I'm sorry, Ken for not thinking things through, and it's caused you so much pain. Akala ko tama yung ginawa ko, pero ngayon nakikita ko nang mali iyon. Please forgive me."
Ngayong si Matty na ang nasasaktan ay mas kumikirot ang aking damdamin. Hindi ko akalaing mas sasakit pa ang nararamdaman ko. Gusto ko mang patawarin siya agad, subalit masyadong masakit ang kanyang pagtataksil. Kaya mas nagmatigas ako ngayon, kahit na pati ako ay nasasaktan sa kawalan ko ng puso. "Iwan mo na muna ako, Matty."
"Pero, Ken."
"Matty, please. Masyado nang maraming nangyari, gusto ko lang mapag-isa."
"Hindi. Hindi kita iiwan!"
"Matty!" Napalakas muli ang boses ko. Inalis ko rin ang kanyang mga palad sa aking braso. "Please, just leave. Umalis ka na! Hayaan mo na ako!"
Nabigla sa aking reaksyon ay napaatras siya ng ilang hakbang. Hindi ko alam kung paano niya ako napapayag pero hinayaan ko siyang ibaba muna ako mula sa aming kinaroroonan, pabalik sa kabihasnan. Pero nang makita ko ang unang sensyales ng sibilisasyon ay bumaba ako sa kanyang sasakyan, at pabagsak na sinara ang pinto—hindi na nagpaalam.
Nang makita ko na ang paglayo ng kanyang sasakyan ay naglakad ako sa kadiliman ng kalsada. At hinayaan kong dalhin ako ng aking mga paa sa pinakamalapit na inuman.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top