Kabanata XXIII
"Dapat siguro, sundan ko ang mga yon," tinulak ni Charlie ang kanyang sarili patayo, mukhang nahihilo na rin. Inilibot niya ang kanyang tingin sa aamin nang may paghihingi ng paumanhin.
"Samahan ko muna siya," sabi naman ni Matty. Ang kunot ng noo ay puno ng pag-aalala sa kasamang mukhang tinatamaan na rin ng serbesang ininom.
Hindi na nila hinintay pa ang sagot namin, bagkus ay naglakad na sila palabas ng pintuan. Si Charlie ay nasa unahan at si Matty naman ay sinusubukang alalayan ang kasama sa paglalakad. Naiwan kaming dalawa ni Lucas na pinagmamasdan lang ang kanilang likod, hanggang sa lamunin na sila ng mga anino ng mga tao sa labas. Nakatulala lang ay alam kong hindi lang ako ang nakadama ng pagkahiwalay ng aming mundo sa loob ng cottage sa kaingayan ng mundo sa labas.
Ipinatong ni Lucas ang kanyang mainit na palad sa aking kamay. May taglay iyong pag-iingat, o pagpapadaloy ng gulat dahil sa bilis ng mga pangyayari. "Yaan na natin sila," wala sa sariling sabi niya.
Tumango-tango ako, at dahan-dahang humarap sa kanya nang may biro ang mga ngiti. Sinusubukang pagaanin ang bigat ng ere sa loob ng kubol namin. "I guess, it's you and me against the world," wika ko gamit ang isang satirikal na tono.
"Didn't know you were a romantic." Hinigpitan niya ang hawak saaking kamay, nakangiti't sinasakyan ang aking biro.
"Ako pa! I am a huge hopeless romantic. You should know that about me. Romeo and Juliet. Jack and Rose. Popoy at Basya. Kenji at Athena. Wally at Jose."
Tumawa si Lucas. Ang mga daliri'y pinaglalaruan ang aking palad. "Sira! E 'di naman love team sina Wally."
Tumawa rin ako. "If they were, siguro ang love team nila walanjo."
Napalakas ang tawa ni Lucas nang sabihin ko yon. Sa sobrang lakas ay napatingin saamin ang ilang taong dumadaan sa may pintuan. "Aldub who?"
"See? I'm a romantic. Kaya kong makaisip agad ng love team para sa kanila. Alam ko nga rin ang Aldub e."
Nagpalatak siya ng dila. Paulit-ulit, pero 'di maalis ang tawa. "Kung gan'on pala, e di ibig sabihin naniniwala ka rin sa ultimate hopeless romantic moves: ang tanan."
"Tanan? Ba't mo naman natanong? Gusto mo bang mag-tanan na tayo?"
Kumibit balikat siya. "Kung gusto mo."
Pinagmasdan ko lang ang magkahawak naming mga kamay. Nagtatago sa intensidad ng kanyang tingin. Dala na siguro ito ng kalasingan. "E pano naman tayo magtatanan? Bawal mag-drive ang lasing."
"Kaya yan!"
"Naku! 'Wag na. Ipagpabukas na lang natin."
Dumampi ang labi ni Lucas sa likuran ng aking kamay. "Sabagay, don't drink and drive."
"Oo, better safe than sorry. Ayoko namang magtanan tayo kasama na si San Pedro, ano?"
"Oo na nga po. Your wish is my command."
Napangiti ako.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Dumating na ako sa punto na kahit gaano pa kawalang kwenta ang aming pinag-uusapan ay napapangiti na ako. Hindi ko naman masisi ang alak, dahil ilang beses na rin akong nalasing. At sa ilang beses na yon, ngayon ko lang naramdaman itong tila lumulobong tuwa sa dibdib. At dahil iyon kay Lucas. Para bang sapat na ang kanyang presensya upang masiyahan ako.
"Kung magtatanan tayo, saan mo gusto?" Tanong niya, nakangiti rin.
Nag-isip ako. "Siargao. O 'di kaya, Palawan. Oh wait, Batanes, maganda rin."
Tinimbang ni Lucas ang aking sinabi. "Pwede rin Batanes. Pero kahit saan naman, basta kasama ka, okay na 'ko."
Hindi na napigilan ay nahuli ko ang sarili kong nakangiti na pala agad. Para iyong boluntaryong reaksyon sa tuwing magsasalita si Lucas. Ang aking mga pisngi ay kusang hinihinat ang aking mga labi. "Such a romantic."
"E pa'no ba yan? Romantic ka rin. Ibig sabihin niyan, bagay tayo."
"Bagay na bagay, Lucas. Bagay na bagay."
Nagustuhan ang aking sagot ay napakurot si Lucas sa aking pisngi. Gan'to siguro kapag kinikilig, nababawasan ang inhibisyon sa sarili. Nakakalimutan ang hiya, at hinahayaang katawan na ang magdikta ng mga gagawin, dahil ano pa nga ba? Abala ang isip sa pagpapakalma ng puso.
"Gumagaling ka na sa pagpapakilig a," sambit bigla ni Lucas.
"Magaling ang guro e."
Lumabi siya. Pinalambot niya rin ang kanyang mga mata, nagkukunyaring inosente't 'di alam kung ano ang ibig kong sabihin. Kung hindi lang siguro gaanong malaki ang aming bintana, at kung 'di lang nakabukas ang pinto, baka ay hinalikan ko siyang muli.
"Magaling ding magpa-cute," pang-aasar ko.
"So, cute nga ako."
Ngumiwi ako. "Ayan ka na naman."
"Pero sa tingin mo nga, cute ako?"
"Cute, tulad ng baboy."
Pabiro niyang binitawan ang kamay ko. Ngunit, binawi naman agad. "Ano ba naman yan!" Mas humaba ang kanyang labi, at ang mga balikat ay bumagsak. Pabirong nagtatampo.
"Tampo naman agad ang baby na 'to. Papalambing ba?"
Tumango-tango siya.
"Anong gusto ng baby na yan?"
"Sayaw tayo."
"Saan? D'on?" Tinuro ko ang sayawan, kung saan nagtitipon-tipon ang mga tao. Kasalukuyan ay wala munang tumutugtog, mukhang set up para sa susunod na banda. At kung hindi ako nagkakamali ay maaaring Franco na nga ang sunod.
"Masyadong maraming tao, don't you think?"
"Malamang sa malamang. Music fest 'to."
"Gusto ko, yung tayo lang. Sa ilalim ng mga bituin. Para mas romantic."
"So, don ulit sa malayo?" Tanong ko.
"Ba't pa lalayo? E naandyan naman ang parking lot. Mas rinig pa ang boses ni Franco."
Daglia'y lumabas kami ng cottage. Parehong may amats, at parehong hindi na napag-iisipan ang bawat desisyon. Mas niliksihan namin ang aming mga hakbang nang marinig na namin ang pagpapakilala ng banda. Magkahawak lang ang aming mga kamay sa pagsalubong namin sa agos ng mga tao. At nang marating namin ang punong-punong parkehan ay naghanap kami ng espasyo. Iyong 'di gaanong madadaanan ng mga tao, pero maririnig pa rin ang tugtog.
At tila ba'y kinukunsinte ng santinakpan ay natagpuan namin ang aming mga sarili sa isang parisukat na lote. Ang nasa ilalim ng aming mga tsinelas ay buhangin; ang tanging nasa taas namin ay ang kumukutikutitap na mga bituin, at ang tanging kasama namin ay ang yakap ng musika. At tama nga si Lucas. Romantic nga ang aming pwesto, pero hindi dahil sa walang maaaring makakita saamin, kundi dahil sa mga sandaling ito ay alam naming amin ang gabi. Nasa sarili naming mundo. At doon ko lang napansin, sa unang pagkakataon, na ang pag-iisa namin ay may taglay na pamilyaridad na ngayon ko lang masasabing kumportable at ligtas.
Nagsimulang tumugtog ang Franco. Kahit na 'di kami kasama sa siksikang mga katawan ay rinig pa rin namin ang hiyawan. Ramdam. Para iyong kuryente sa hangin na may dalang dagdag na kagalakan. Excitement.
Ang unang kinanta ng banda ay ang Aurora Sunrise. At sinimulan ni Lucas sundan ng kanyang mga galaw ang tugtog. Dahan-dahan lang sa una, bahagyang patalon-talon, hanggang sa lumakas ang tunog ng gitara. Sumasabay rin siya sa kanta, dumidipa na para bang inaabangang yakapin siya ng hangin. At naisip ko, ano kaya ang pakiramdam na pakawalan ang sarili at hayaan ang katawang gumalaw.
"Sumabay ka!" Wika ni Lucas.
At bumalik ako sa una naming sayaw. Sa unang gabing nakita ko siyang gan'to kalaya. Noong tila ba'y dinadala ang kanyang katawan ng alon ng musika. At alam ko, noon pa lang, na siya ang una't huling taong gusto kong makasayaw.
Tumalon-talon na rin ako. Nahihiya pa ako sa una, pero nang makita ko ang kanyang perpektong ngiti ay pinagpatuloy ko. Lumapit ako sa kanya at sabay kaming tumalon-talon na para bang ang totoong kasiyahan ay nasa amin lamang. Hinayaan naming dumaloy ang bawat pintig ng tugtigan sa aming mga galamay.
Natapos ang tugtog at huminto rin kaming nakatawa. Ang bawat halakhak namin ay sumasabay sa hangin patungo sa kadiliman ng gabi.
Napatingin ako kay Lucas. Ang hila ng kanyang balani ay 'di mo mababalewala lang ng basta. Bagkus ay mapapasama ka at mapapasabay sa kanyang kasiyahan. Ang kanyang mga matang singkintab ng mga bituin at ang ngiti niyang walang kasingtamis.
Isa siyang kabalintunaang nagkatawang tao. Isang guryong matayog ang lipad. Ang hangin sa mga talulot ay aakalain mong tagahatid ng kalayaan, katulad ng kanyang mga ngiti at tawa. Subalit, nananatili siyang konektado sa lupa. Anumang oras ay maaaring sumadsad, o 'di kaya'y mahuli sa mga sanga ng kahoy. Kahit kailan ay 'di makakalaya, maliban na lamang kung mabitawan siya. Hangad ko ang lumaya si Lucas. Sa pagkakahawak ng isang mundong, hindi siya hinahayaang lumigaya at yakapin nang buo ang sarili. Hangad ko na dumating ang araw na hindi namin kakailanganing magtago o 'di kaya'y igilid ang mga sarili upang iilan lang ang makakita. O, 'di kaya'y pumagitna lamang nang sandali, upang bumalik lang sa pagtatago.
At tamang tama ay tumugtog muli ang banda. Ang bawat nota'y sumasayaw sa hangin. Ang kanta'y tinutukoy ang hangarin ng isang taong mawala sa sansinukob ng kanyang minamahal.
Inialay niya ang kanyang kamay upang sabay kaming sumayaw. Iniabot ko iyon at hinayaan ko ang aking sariling mawala sa kanyang mga yakap. Kasabay ng mga kaibig-ibig na mga liriko ay sumunod kami sa himig ng kanta. At alam ko, kahit sa mga sandaling ito, ay malaya kaming sumayaw sa ilalim ng mga bituin. Wala saamin ang takot na makita kami at mahinto ng kung sinuman.
Mas lumubog ako sa init ng kanyang mga bisig. Pinahintulutan ko ang aking sariling bumitaw saglit sa aking mga iniisip. At nakaramdam ako ng kakaibang kapayapaan — kapayapaang matagal kong 'di naramdaman.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top