Kabanata XXII
Sa pagdaloy ng lamig ng serbesa sa aking lalamunan, agad akong ibinalik nito sa sinabi ni Matty kamakailan lang. Nangibabaw sa aking isip ang aking konsensya, na nagbalat-kayo bilang boses ni Matty, pinapaalalahan ako ng mga bagay na matagal ko nang kinaliligtaan. Tama nga ang kaibigan ko. Tinatakbuhan ko nga ang mga negatibong emosyon. Tumatakbo ako sa pamamagitan ng pag-inom.
Huminga ako nang malalim.
At sa loob ng isang segundo ay isa ako muling dese otso años. Bago lang sa kolehiyo at hindi pa alam kung ano ang dapat asahan. Punong puno pa rin ako ng pag-asa't iba't ibang hangarin para sa susunod na limang taon sa aking kurso. Pinangako ko sa sarili na magtatapos akong cum laude at mag-uuwi ng maraming parangal para sa aking mga magulang. Babawi ako, dahil hindi ako nakasama sa honor roll nung hayskul, at ngayong kolehiyo ay babawi ako. Gagalingan ko.
Pero isang buwan sa loob ng pag-a-agsikap, bigla akong sinampal ng isang mapait na katotohanan. Hindi magiging madali ang pag-atim ko ng aking minimithi. At dalawang buwan pa nga ang lumipas ay nagsimula na ang mga pagsusulit na hindi ko maipasa-pasa. At sa pagpatong-patong ng bawat kabiguang ito ay nagsimula rin akong uminom. Sa halip na umiyak at makaramdam ng pagkabigo, sumama ako sa mga kaklase ko, na tulad ko'y pinalalabnaw rin ang nararamdamang pagkadismaya sa sarili.
Kinalaunan ay mas dumami pa ang aking pagkabigo. At ang pagdami ng mga ito ay pagdami rin ng aming boteng pinatutumba. Nung una, ang pag-iinom ay bilang pakikisama lamang. Paghahanap ng kaulayaw sa bawat bagsak na eksamin. Hanggang sa ang dating tikim lang ay naging araw-araw na gawi na. At unti-unti pa'y dumidepende na ang iyong katawan, hinahanap-hanap ang pagkamanhid na pinapangako ng alak. At unti-unti'y 'di mo na napigilan, serbesa na ang sentro ng iyong buhay.
Pinagmasdan kong muli ang bote sa aking harapan. Ang butil ng namuong tubig sa paligid nito'y tumatakbo sa kahabaan ng taas nito. Sa unang pagkakataon, tinignan ko ito, hindi bilang isang kakampi, kundi isang traydor na kaibigan.
"Mukhang maaga ang simula ng inuman ah!" Pagbabalik saakin ni Matty sa kasalukuyang panahon.
Mula sa 'di nakalahating alak ay iniangat ko ang tingin kay Matty, at sa mga taong nasa likuran niya. Marahil ay galing ang mga ito sa paglilibot sa buong dalampasigan.
"Mukhang gusto akong lasingin ng isang 'to," banat ni Lucas.
"Naku, Ken! Mukhang iba na yan ha!" Pagsakay naman ni Matty sa biro.
Umirap na lang ako nang may kasamang ngiti.
"Kung gusto mo, sabihin mo lang," muling sambit ni Lucas, ngayon ay may kasamang kindat sa hulihan.
'Di ko naiwasan ay naramdaman ko ang pag-angat ng dugo sa aking pisngi. Naalala ang mainit na palitan namin ng halik kanina ay napatikom na lamang ako ng bibig. Tinatago ang nararamdamang kilig ay inirapan ko na lang ang aking mga kasama. Nagtawanan naman ang lahat, na alam kong mas lalong nagpapula ng aking pisngi.
"Tigilan niyo nga ako!" Kunyari'y asar kong wika. "San ba kayo galing?"
"Naglibot-libot, naghanap ng yelo." Pumasok sila sa loob, nangunguna si Matty. Hindi gaano kalaki ang aming cottage, pero sapat ang laki ng iyon para hindi magsiksikan ang anim na tao, pito kung isasama si Lucas.
Umusog ako sa aking kinauupuan kaya't ang tanging pagitan na lamang namin ni Lucas ay gahiblang hangin. Naramdaman ko naman ang paggalaw ng kanyang kamay sa aking likuran, tago at kami lang ang nakakaalam.
"Lucas, asan pala yung mga kasama mo? Sina, sino nga yon? Yung babaeng pala-away?" Pabebeng tanong ni Matty sa kanyang pag-upo sa aming harapan.
"Sus! Kunyari ka pa! Si Charlie!" Agad ko namang sabat.
Tumawa si Lucas, malakas at kumportable. "Gusto mo bang papuntahin ko rito?"
"Gustong gusto niya yan!" Natatawa kong sigaw.
"Luh! Nakakahiya naman! Pero ikaw, 'di naman ako namimilit."
Nagsitawanan na lang kami ng mga kasama ko. Hindi ko pwedeng sabihing isang torpeng lalaki si Matty, dahil hindi naman talaga. Pero kadalasan, kung gan'to siya, ibig sabihin ay gusto niya talaga ang isang tao.
Siguro ay limang minuto lang ay nakita na namin sina Charlie na naglalakad palapit saamin. Sa likuran ng nag-iisang babae ay sina George at Simon na mukhang may pinag-uusapan. Agad naman silang sinalubong ni Lucas at Matty, habang ako'y kumakaway na lamang mula sa upuan.
"Pasok kayo," bati ni Matty nang may ngiti.
"Akalain mo nga naman," natatawang bati ni Charlie pabalik.
"We meet again, Ms. Sungit," pang-aalaska naman ni Matty.
"Nice to see you again, epal."
Sa pagtapak nilang tatlo papasok sa aming cottage ay nagsi-usog din kaming mga nasa loob. Nagpalit na rin ng kanyang-kanyang pwesto para ang magkakatabi ay magkakakilala. Hinintay ko si Lucas na bumalik sa aking tabi, pero sa kasamaang palad ay naunahan siya ni Simon.
"Is this seat taken?" Tanong ni Simon kahit na okupado na niya ang espasyo.
"Ah si Lucas, kanina."
"Oh, siya lang naman pala. He won't mind," malawak ang ngiting sabi ng bago kong katabi.
Nagpapalatak ng dila ay lumapit na saamin si Lucas. Nakahalukipkip ay nagsabi siya, "Mukhang may nang-aagaw ng pwesto a."
"Ikaw naman, bro. It's not like we're going to fight over a seat."
Tila ba'y bumigat ang hangin sa loob nang sabihin iyon ni Simon. At maging si George ay napatingin na saaming direksyon. Para iwas gulo ay hinablot ko na lang ang braso ni Matty't pinaupo sa kabilang tabi ko. At sa mismong sandaling ang pwet niya'y tumama sa upuan, nakita ko ang panandaliang pagsisimangot niya. Sa sobrang dali noon ay pakiramdam ko'y bunga lang iyon ng aking imahinasyon.
"Sige, sa'yo na yan," biro na lang ni Lucas sa kaibigan, at biglang umakbay sa aking balikat.
Walang kaalam-alam sa tila namumuong alitan ay pumalakpak si Matty upang tawagin ang aming atensyon. Nagpakilala siya sa mga bago naming kasama na malugod namang ipinakilala rin ang mga sarili. Si George ang nauna, na sinundan naman ni Charlie, at si Simon. At matapos ang mga pormalidad ay nagsuhestiyon si Matty na magkaroon kami ng laro. Isang drinking game. "King's cup!" Naglabas siy ng baraha.
"Game!" 'Di sabay-sabay pero iisa ang naging sagot namin.
"Uy! Maganda yan! Nakalalasing!" Sabi ni Charlie na agad namang kinuhang hudyat ng kaibigan ko para isa-isahin ang mga patakaran ng laro.
Habang binabalasa ang mga baraha ay sinasabi ni Matty kung ano ang katumbas na gagawin para sa mga mabubunot na baraha. Kapag alas, iinom lahat. Kapag dos, yung katabi. Nagpatuloy siya sa mga baraha hanggang sa natigil siya, limot kung ano ang katumbas ng otso.
"Eight, mate. Kapag nabunot mo ay eight, pipili ka ng mate mo. Kapag iinom ka, yung mate mo, iinom rin." Pag-papaalala ni Charlie sa katabi.
"Ayon. Tama si Miss Beautiful," nagpapakilig na bigkas ni Matty.
Nagtawanan naman ang aming mga kasama sa sinabi ni Matty, pati na rin si Charlie. Ang pinagkaiba lang ay may kasamang tulak ang tawa niya. "Epal!"
May iilang tawa pa ay ibinalik ni Matty ang aming atensyon sa mga baraha. Ang nueve ay mag-iisip ng mga salitang magkatunog. Nine, rhyme. Ang dyis ay mag-iisip ng kahit anong kategorya. At pareho sa nueve, kapag 'di nakaisip sa loob ng limang segundo ay iinom.
"Ang Jack naman, mag-iisip ng rules. At ang mag-bi-break ng rules, iinom."
"Kahit anong rules?" Tanong ni Simon.
"Kahit ano."
Nang matapos ang pag-iisa-isa ay nagsimula na rin ang lahat magsibunutan. Ang nauna ay si Matty, syempre. Ang napili niya ay kwarto, kaya lahat ng babaeng nasa mesa namin ay uminom. Si Charlie ang napili ay Queen. Hanggat sa wala pang nakakabunot ng isa pang Queen ay wala dapat na sasagot sa mga tanong niya. Queen is for question. Ang sasagot ay iinom. Si George naman ay alas ang nabunot.
Naglibot ang bunutan, at dumami rin ang naiinom ng bawat isa. Tawanan ang lahat kapag may nagkakamali. Lalo na kapag may sumasagot kay Charlie, na madalas ay si Matty.
Sa pangalawang ikot ng bunutan ay nabunot ni Lucas ang otso. Ang mga tingin ng mga kasama namin ay nakapukol sa kanya, inaabangan ang pangalang babanggitin. May pinaghalong pag-aabang pero may katuwaan pa rin.
"Oh sino ang mate mo?" Tanong ni Matty kay Lucas.
"Si Ken!" Sambit niya. Umakbay siyang muli na nag-ani ng hiyawan sa aming mesa.
"Ang possessive ha!" Siguro'y may amats na rin kahit papanong sigaw ni George.
Nag-ikot muli ang bunutan. Nabunot ko ay sais, kaya lahat ng lalaki ay uminom. Ilang ikot pa ay nakaramdam na ako ng pagkahilo, dala na rin siguro ng likot naming lahat. Nagtatawanan at nagkakatuwaan. At sa pag-uugat rin ng laro sa pagitan naming lahat, ay tila umuugat na rin ang braso ni Lucas sa aking balikat. Ang init ng kanyang katawan ay damang dama ko sa aking tagiliran, at ang tawa niya'y isang kumportableng awitin sa aking tainga.
"Jack!" Masiglang sigaw ni Simon sa pagbunot niya ng baraha. Pinapakita ang kabubunot lang na jack. "Any rule, right?"
"Any rule!" Si Matty.
"Alright. Ang rule ko is no one is allowed to touch each other."
Natahimik ang loob ng aming cottage. Nagtinginan ang lahat at nagsilayuan, ayaw uminom. Pero naiwan ang braso ni Lucas sa aking balikat. Nakatingin lang iyon kay Simon, at parang kulob ay naramdaman ko ang tinginan ng mga tao.
"You two are not allowed to touch," masayang turo ni Simon sa kamay ni Lucas sa bandang dibdib ko.
"E 'di iinom na lang ako," biglang sagot ni Lucas.
Naghiyawan ang aming cottage maliban kay Simon at George. Parehong natahimik ang dalawa pero sa magkaibang dahilan.
"E 'di iinom din niyan si Ken, since mate mo siya," paalala ni Simon.
Sa mga sandaling iyon ramdam na ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. Sobra iyong makapal, maaari nang mahiwa ng kutsilyo.
"Okay," inalis ni Lucas ang kanyang braso. Mabigat sa loob ang paglayo.
At 'di pa man matagal ang 'di namin pagkakadikit ay naramdaman kong tila may kulang sa aking tabi. Nagpatuloy ang laro. Lahat kami'y iwas na mahawakan ang isa't-isa. Dumami ang barahang nabunot, at lumalala na rin ang amats ng bawat isa. Sa kalagitnaan ng laro ay nakaramdam ako ng paa sa aking binti. Nung una, akala ko'y 'di sinasadya pero nang magsimula iyong umangat, ay napatingin ako kay Lucas. Inosente ang ngiti nito.
Napangiti rin ako. Ang tago niyang kapilyuhan ay tila dumadagdag sa kanyang appeal.
"Oops! I think people are touching each other!" May 'di maipaliwanag na pagkapikon sa boses ni Simon nang sabihin niya ito. "Under the table. Feet. Lucas's feet and Ken's legs. Drink up."
"The fuck, dude!" Bulalas ni Lucas. Nilayo ang kanyang paa.
"What?! It's the game!"
"Pinupulis mo ba ang bawat galaw ko?"
Akmang tatayo sana si Lucas, pero nahawakan ko ang braso niya.
"Chill, bro. It's a game!" Si Simon.
"Oo nga, Lucas. You're acting so defensive," si George naman.
"Shut up, George!"
Natahimik kaming lahat. Gulat ang karamihan saamin sa biglang pagsabog ni Lucas. Pero hindi gaanong gulat, dala na rin ng nakikitang namumuong tensyon sa pagitan ng dalawa.
"Well, drink up!" May nakalolokong ngiti sa labi ni Simon habang tinatagayan niya ang baso sa aming harapan. Nang mapuno ay inangat palapit sa kaibigan na galit pa rin.
"Ako na muna," agaw ko sa baso.
"Suit yourself, princess."
Nahinto ang labi ng baso sa aking bibig. Napatingin ako kay Simon na mukhang galit pati rin saakin. Binaba ko ang baso, 'di na pinapansin ang unti-unti'y naiilang na naming mga kasama.
"Para saan naman yon, Simon?"
"Oh, well. Knight in shining armor," tinuro ni Simon si Lucas. "Princess," tinuro niya ako.
"Is that supposed to be funny?" Singit ni Lucas.
Tumawa si Simon. Para bang kami na lang tatlo ang nasa mundo, at ang mga nasa palibot namin ay tagapanood na lang. "'Di ba, you find me funny Ken?"
Napakunot ang aking noo. "Ngayon? Sa inaasta mong yan?"
Mas uminit pa ang aming mga ulo, at nang siguro'y pasabog na ang lahat ay nagising na sa pagkatulala ang mga kasama namin, lalo na si Matty.
"Uy nagkakatuwaan lang tayo dito," saway niya.
"Oo nga! Awat na," dugtong ni Charlie.
"Mukhang nalasing tayo ng larong 'to a," sabi naman ng isa sa mga kasama namin. "Ikaw kasi Matty, promotor ka kahit kailan."
Sinubukan ng mga kasama naming pasiglahin ang usapan, at ibalik ang saya. Dahan dahan ay lumakas ang kanilang tawanan, kahit na may pagka-ilang na halo ang kanilang mga halakhak. Ngunit, nang tumayo si Simon ay natahimik ulit ang lahat. Ang mga tingin ay sumunod sa kanya.
"Iihi lang ako," paalam niya.
Pagewang-gewang ay naglakad siya papunta sa pintuan. Sinundan naman siya agad ni George, na nagsabing tutulungan niya lang daw. Siguro'y 'di na rin gusto ang timpla ng inumin at inuman ay nagpaalam na rin ang iba, nagsisitayuan, 'di sigurado kung babalik pa. Hanggang sa ang natira na lamang ay kami nina Lucas, Matty, at Charlie.
At katulad ng kahit anong inuman, hindi mo namalayan, natapos na pala.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top