Kabanata XVIII
Paano ba sabihin ang "breath of fresh air" sa tagalog? May direkta ba itong pagsasalin? Kung mayroon man, iyon ang saktong saktong paglalarawan kay Lucas. Isa siyang breath of fresh air. Ang ngiti niya; ang kislap ng kanyang mga mata; ang kanyang labi na hanggang ngayo'y nais kong malaman kung ano ang pakiramdam.
"Gusto mo bang maglakad-lakad?" Tanong niya saakin.
Tumango ako, takot sa kung anong posibleng lumabas sa bibig ko. Sa tuwing nakikita ko siya, pakiramdam ko'y nawawalan ako ng kontrol sa sariling emosyon. Hindi ko mapigilan ang aking mga nararamdaman, at nauunahan lagi ang utak ko ng sarili kong puso. Walang rasyunalisasyong natitira. Kahit na nananatili pa rin ang mga katanungan sa isip ko, tungkol sa napakaraming bagay tungkol sa kanya at ako, hindi pa rin nito napipigilan ang tibok ng aking puso.
Nagpaalam kami kay Matty na nakangiting pinagtabuyan kami. Hindi na gaanong mainit ngayon, takipsilim na rin kasi. Ang tanging natitira na lang mula sa araw ay ang liwanag nito na nag-iiwan ng iba't-ibang kulay. Punó ang kalangitan ng pinaghalo-halong lila, dilaw, kalimbahin, asul, at kahel. Ang lahat ng kulay na ito ay tila ba'y ipininta kasama ng mga alapaap bilang isang obra. Isa iyong pahinga matapos ang nakakapagod na araw.
"Lucas, sa'n tayo pupunta?" Tanong ko sa kanya habang naglalakad kami sa dalampasigan. Ang mga buhangin ay nagsisilbing gabay sa aming pinanggalingan at maaaring puntahan.
"Kung saan lang," sagot naman niya.
"Kung s'an tayo dalhin ng mga paa natin, gan'on ba?"
Tumawa siya, bahagya ngunit matamis sa pandinig. Maikli man ang panahon ng aming pagkakawalay, hindi ko maikakaila na na-miss ko ang tunog ng kanyang tawa. "Oo, kung saan lang tayo dalhin ng mga paa natin."
"Sus! Ang sabihin mo gusto mo lang akong solohin."
Malamya niya akong siniko sa tagiliran. Sa paglapit ng kanyang katawan, saka ko lang napansin ang espasyo sa pagitan naming dalawa. Kapansin-pansin ang pisikal na distansya na namuo saamin, at mukha iyong personipikasyon ng lamat na namagitan sa nabuo naming pagkakaibigan sa nagdaang araw.
"Pa'no kung gusto pala talaga kitang solohin?" Bigla niyang tanong. "Anong magagawa mo?"
Tumingin ako sa malayo, sinusubukang linawin kung ano ang dapat kong maramdaman. Sa isang panig, gusto kong magtatalon sa kilig, subalit sa kabila naman ay nais kong umalis na lang at kalimutang mayroong Lucas na nabubuhay sa mundo.
"Depende," sagot kong muli. Kung ako siguro si Lucas, mapapagod na ako sa mga gan'to sagutan ko.
"Depende saan?"
"Well, depende sa kung anong gagawin mo sa'kin kapag nag-solo na tayo."
"Gagawin natin," pagtatama niya.
"Okay, gagawin natin," hinayaan kong may makatakas na isang ngiti para sa kanya.
"Well, ano bang gusto mong gawin natin?"
Kasalukuyan ay nasa malayo-layo na kaming parte ng dalampasigan. Kung 'di ako nagkakamali ay maaaring 'di na rin dito pwede ang mga indibidwal. Malalakas ang alon ng Buenvista kung kaya't marami ang pinagbabawal na gawin. Bawal ang tolda sa dalampasigan, bawal ang lumangoy nang pagkalayo-layo, at bawal din ang lumayo sa maaabot ng tingin ng mga life guards. Pero dito lang din namin mahuhugot ang lakas na kailangan upang mapag-isa.
"Usap? Gusto ko sanang mag-usap." Sagot ko bigla.
Dama ang pagka-ilang ni Lucas sa sinabi kong iyon. Kitang kita ang paninigas ng kanyang mga balikat, na kanina nama'y malayang sumusunod sa kanyang mga galaw. Sa mga oras na ito, inaasahan kong ibahin niya ang direksyon ng aming usapan pero hindi iyon dumating. Kahit ang bagang ay nakatiim, sumagot siya, na hindi ko nahulaang isasagot niya. "Sige, anong gusto mong pag-usapan?"
Sa aking pagkagulat, nawala lahat ng katanungan ko sa aking isipan. Ang bawat isang isiping nag-nanais ng kalinawan ay isa-isang nagsitakbuhan sa likuran ng aking utak. Nangapa muna ako ng ilang saglit, hinanap ko sa sarili ang mga gusto kong talakayin sa kanya.
"Sa'n ka galing?" Urirat ko.
Nagugulahan, tanong din ang naging sagot niya. "Anong ibig mong sabihin?"
"Kahapon. Sa'n ka galing? Sabi sa'kin ni ..." Simon. Yan sana ang sasabihin ko pero agad kong napigilan ang sarili. Naiisip ang mga nangyari sa nagdaang araw, alam kong walang maidudulot na mabuting banggitin si Simon. "Sabi sakin ng mga kaibigan mo umalis ka raw."
May isang ngiting lumawak sa kanyang mga labi, "Ibig bang sabihin hinanap mo ako?"
"Lahat ba ng tanong ko sasagutin mo rin ng tanong?"
Tumawa siya. Napansin niya rin siguro ang kanyang pag-iwas kung kaya't halos pisikal niyang pinilit ang sariling sagutin ang nauna kong tanong. "Well, umalis ako saglit. Naglakad-lakad para makapag-isip. Lumayo muna, alam ko kasing 'di ko naman mapipigilang pumunta sa'yo agad kung mananatili ako sa resort."
Huminto ako sa paglalakad. "Bakit 'di mo ako pinuntahan agad?" Alam ko kung ano ang naging tunog ng aking boses, para akong batang nagtatampo at naghahangad ng konsolasyon, pero hindi na ko na nabawi pa ang nasabi kong iyon.
Huminto rin siya. Humarap saakin. Ngumiti. "Well, kinailangan ko lang linawin sa sarili ko kung saan ko gustong dalhin kung anong mayroon tayo."
"Nalinaw mo na ba?"
Tumawa siyang muli. "Hindi mo naman sinabing si Tito Boy Abunda pala ang idol mo."
Napatirik na lang ang aking mga mata. Inis man, kahit papano'y nakahinga ako nang maluwag ng marinig ko siya. Kahit papano, alam kong hindi lang produkto ng imahinasyon ko ang "anong" namamagitan saamin. At kahit papano, hindi lang ako ang nag-iisip ng kung saan namin ito maaaring dalhin. Sapat na iyong pruweba para saakin na totoong may namagitan saamin. Pero ngayon nama'y kailangan kong isipin kung ano nga ba ang nais niyang mangyari. Kung pareho ba ang gusto naming punatahan?
"Boy Abunda mo mukha mo!"
"Ayan, galit ka na naman."
"Ikaw ba naman kasi, seryoso tayong nag-uusap ta's bigla kang mag-bibiro ng ganyan."
Lumapit siya saakin, mabilis. Ang mga braso niya'y nahanap ang daan pa-ikot sa aking balikat. Sa isang mabilis pero maingat na paraan ay hinila ako ng kanyang pwersa palapit sa kanya. "E gusto ko lang namang pagaanin ang usapan."
Hindi na ako umimik. Kahit na marami pa sana akong gustong sabihin, pinili ko na lang na magpawalang kibo.
"Ayon, natahimik na."
"Lucas, naman kasi."
Gamit ang dalawang kamay, humawak siya sa magkabilaan kong braso't hinarap ako sa kanya. "Sorry. Okay? Sorry, naninibago lang ako. Hindi ako magaling magparating ng mga totoong nararamdaman ko. Obviously, communication is not my strongest suit. But I'm trying, Ken. I am."
Napipilan ako. Pakiramdam ko'y isang batis si Lucas. Tuloy-tuloy ang kanyang agos.
Napayuko ako. Malaki ba masyado ang hinihingi ko para kay Lucas? Tanong ko sa sarili. Ang totoo niyan ay hindi naman, pero hindi rin naman ako perpekto pagdating sa pakikipag-usap. Katulad niya'y tumatakbo rin ako kapag 'di ko gusto ang komprontasyon. Ang totoo nga niyan ay maaaring kay Lucas lang ako gan'to, dahil saaming dalawa, baka pakiramdam ko nasa akin ang responsibilidad na harapin ang mga 'di kanais-nais na mga emosyon.
Pero, sinusubukan niya. At kailangan ko ring tanggapin iyon at subukang mas maiging tagapag-usap. Communication, after all, is not only about talking, it is also about understanding.
"I'm sorry, Lucas," hinawakan ko ang kabilaan ng kanyang pisngi. "Bago rin ako sa gan'to. Sa bukas na pakikipag-usap, at maging ako ay sumusubok din."
Napangiti siya. Kinuha niya ang mga kamay ko at hinalikan iyon. Marahan at madiin. Hinanap niya ang aking mga mata at kahit na nakaramdam ng bahagyang pagkailang ay hinayaan kong makita niya ang aking kaluluwa.
"Ken," bumilis ang tibok ng puso ko. Ang pag-aabang sa susunod niyang sasabihin ang tanging nasa isip ko. "I know we've known each other for a short time. Pero Ken, gusto kita."
Hindi ako agad nakasagot. Para bang may bumara saaking lalamunan kasabay ng pagbadya ng aking mga luha. Hindi ko akalaing magiging emosyunal ako sa mga sandaling ito. Akala ko'y idadaan ko lang sa tawa pero heto ako't naghahanap ng angkop na mga salita para isabuod ang naramdaman ko sa loob ng maikling panahong nakilala ko siya. Pero ang tanging nasabi ko lamang ay, "Gusto rin kita, Lucas."
Sa isang mabilis na segundo ay natagpuan ko ang sarili kong umiikot sa ere. Ang mga braso ni Lucas ay nakapulupot saakin habang umiikot kami. Hindi ko napigilan ang pagkawala rin ng tawa kong sumasabay din sa kanyang tawa. Sa unang pagkakataon, parang wala lang sa kanyang maaaring may makakita saamin.
"I'm so relieved," sambit niya ng ibaba ako.
"Bakit naman?"
"Wala. Akala ko nawalan na ako ng chance, after everything that has happened. Pero naiintindihan ko, sa gwapo ko ba namang 'to, hindi malabong 'di mo ako magustuhan."
Sa sinabi niyang iyon ay napairap na lang ako. Tinulak ko siya palayo saakin. Kahit na nag-aaktong inis ay hindi ko naitago ang aking tawa. Sobrang saya ang nararamdaman ko.
"Tse! Ang hangin mo! Sinabi ko lang talagang gusto kita kasi ayaw kitang mapahiya."
Napatda siya sa kanyang kinatatayuan. Walang singlawak ang kanyang ngiti. "Ah ganon ha."
Tumakbo siya papalapit saakin. Ang mga kamay ay nasa tagiliran. Hindi na niya kailangan sabihin ang kanyang plano dahil sa pilyong tingin pa lang sa kanyang mukha, alam kong balak niya akong kilitiin. Pero bago pa man niya iyon magawa ay tumakbo na ako palayo sa kanya.
Parang mga bata, naghabulan kami sa dalampasigan hanggang sa mapunta ako sa mga alon. Tumalon si Lucas papunta saakin, kung kaya't sabay kaming bumagsak sa tubig. Ang maalat at mapwersang mga daluyong ay sinalo ang nag-isa naming katawan.
Di bale ng mabasa ang hiniram kong damit.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top