Kabanata XVII
Hindi na ako nag-abala pang itago ang pananabik na makita si Lucas. Ang totoo nga niyan ay matapos kong asar-asarin si Matty ay dumiretso ako sa tent at naghalungkat ng mga maaari kong isuot para mamaya. Hamóng mag-isip si Matty ng kung ano-ano basta ang gusto ko'y maging presentable man lang pag nagkita kami ni Lucas.
"Mukhang excited ka a," bungad ni Matty sa pagpasok sa aming tent.
Hindi ko siya nilingon at 'di rin ako sumagot. Alam kong ang gan'ong mga banat niya, kadalasan ay nanghihingi lang ng sagot. Kumbaga binanat niya lang para makita kung ano ang magiging reaksyon ko. Sa halip na patulan siya ay pinakita ko na lang sa kanya ang isang dilaw na t-shirt at itinapat sa aking katawan.
"Tingin mo?"
"Para ka naman niyang streetlight. Glow in the dark teh?"
Umirap ako't ibinalik agad sa bag iyong damit. "E kung gan'to?" Itinapat kong muli ang isa pang t-shirt.
"Wala ka bang summer polo d'yan?"
Naghalungkat ako. Naghanap. "Meron. Pero 'di kaya magmukha akong Lito Atienza nito?"
"Patingin nga," sambit ni Matty sabay hablot ng aking bag. Nang mahanap ang sinasabi kong polo ay itinaas niya iyon at ipinuwesto sa aking dibdib. Iyong bulaklakang polo ay nakabitin lang sa hangin habang sinusuri niya kung babagay ba saakin. "Mukhang masyadong pinaghandaan."
"E kung 'yong sando na lang kaya?" Tukoy ko sa sandong nakalabas na rin sa bag.
"Mukha namang 'di naghanda kung 'yon."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Ang labo mo rin minsan, Matty. Ayaw mo ng mukhang pinaghandaan, pero ayaw mo rin ng mukhang 'di pinaghandaan. Ano ba talagang gusto mo?"
"Bawal pumagitna? Yung tama lang. Yung laid back tignan. Teka," ibinalik niya saakin yong polo at pati na rin yung iba ko pang damit. Kinuha niya 'yong bag niya at doon naghanap. Kung gaano kagulo ang kotse niya, ganoon rin kagulo ang bag niya. Kung saan saan nakasuksok ang mga gamit, kaya nang ilabas ang isang kulay maputlang tsokolateng polo, gusot gusot na yon.
"Wala na bang mas gusot pa d'yan?"
"Gago! Kapag sinuot mo na yan, maayos na yan."
"Mukha naman akong hahabulin ng plantsa nito, Matty."
"Hindi! Magtiwala ka. I-pares mo yung itim mong short. 'Yong medyo maikli, bagay yon."
Wala nang magawa ay sumunod na lang ako. Lumabas si Matty ng tent upang bigyan ako ng espasyong magbihis. Habang mag-isa sa loob ay sinikap kong mag-ayos ng sarili. Sinuot ko ang pinahiram na polo ni Matty at tama nga siya. Nang maisuot ko na ay naging maayos naman iyon tignan, idagdag pang presko ito sa katawan. May ilang lukot na parte pero nadadala naman ng init ng palad. Maluwang saakin iyong polo, pero tama lang para magmukhang relax lang yung pagkakasuot. Nagpalit na rin ako ng short at nang matapos ay lumabas ako ng tent kung saan nag-aabang si Matty.
"Nice! O diba? Sabi ko naman sa'yong okay siya," kontento ang ngiting wika ng kaharap ko.
Hindi naniniwala ay pumasok kami ng cottage para makita kung totoo nga bang maayos ang itsura ko. Sa aking pagharap sa salamin ay naiintindihan ko na ang ibig sabihin ni Matty. Tamang tama nga lang ang itsura ko, hindi gaanong sabik na sabik makipagkita pero hindi naman gan'on ka wapakels. Saktong sakto rin ang kulay ng polo sa kutis ko. Pinapalitaw nito ang natural na pagka-kayumanggi ko at ang maitim na kulay ng aking mga mata.
Lumapit si Matty saakin para ibaba ang isa pang butones sa taas upang lumabas ng kaunti ang balat ko sa dibdib.
"Dagdag sex appeal," sabi niya habang pinagmamasdan ako nang buo.
"Bukambibig mo lagi sex."
"Ano naman sa'yo," pinalatak niya ang kanyang dila. "Why act as if sex is such a crime? At isa pa, makapagsabi ka naman, kala mo naman 'di mo iniisip kapag kasama mo si Lucas!"
Depensib akong napadilat ng mga mata sa kanya, "Hindi noh!"
"Talaga lang ha, kitang kita ko kaya kung gaano kalagkit ang mga tingin mo sa kanya."
Kahit gusto kong pabulaanan ang sinasabi ni Matty, alam kong totoo ang kanyang binibintang. Pero nakipagtalo pa rin ako, "Tulad ba kung paano mo tignan si Charlie?"
"Ayan ka na naman! E pano kung sabihin kong, oo?"
"Ikaw ha! Charlie ka pala!"
"Ikaw ha! Lucas ka pala! Kapag andyan si Lucas ang rupok-rupok mo friend."
"Ay nangengealam? Pala-desisyon?"
Nagpatuloy ang asaran namin ni Matty. Ilang banat. Ilang pang-aalaska. Ilang 'di konektadong pakikipagtalo. Hanggang sa wala na kaming maibala sa isa't-isa na ang natira na lamang ay katahimikan at mga nakangiti naming mga mukha. Hindi sana magiging nakakailang ang katahimikan, kun'di ko naramdaman ang pag-aalinlangan ni Matty. Kapansin-pansin iyon dahil bibihira lang magkaroon ng nakakailang na mga sandali sa pagitan namin. At kapag gan'to, alam kong may gusto siyang sabihin.
"Okay, sabihin mo na. Kung ano man yang mga agam-agam mo," udyok ko sa kanya.
"Wala!"
"Anong wala! Halos marinig na dito ang pag-ikot ng mga turnilyo sa utak mo."
"Wala nga!"
"Aysus, nahiya ka pa! Kung kailan naman tayo tumanda't nagsilandi na. Kilala kita Matty, may gusto kang sabihin."
Bumigay. Sumagot siya, "Alam kong sabi ko sa'yo, na you should give it a shot. Sinabi ko sa'yo noong huwag kang matatakot sa disappointment. Ayaw ko lang talagang tapusin mo ang isang bagay nang hindi man lang 'yon binibigyan ng pagkakataong makapagsimula. Gusto kong maging masaya ka, at gusto kong piliin mong maging masaya."
"Pero?" Tanong ko agad, rinig sa boses niya ang kap'ringgit na pag-aalala, kaya inunahan ko na siya.
Napangiti siya, tipong natutuwa sa pamilyaridad sa pagitan namin, "Pero gusto ko rin namang maging maingat ka. Gusto kong huwag mong ubusin ang sarili mo para sa iisang tao. Gusto kong limitahan mo rin ang mga pagkakataong ibinibigay mo. Ayokong, paulit-ulit kang masaktan."
"Wow, Matty ha!" Pabiro kong bulalas. "Anong nakain mo? Ito ata ang unang pagkakataon na narinig kong hindi ka sobrang pro-Lucas ha."
"Gago!" Lumipad ang kanyang palad sa batok ko. "Hindi ako pro-Lucas, no! Pro-Aiken ako. Pro kasiyahan mo, kahit anong anyo man nito, basta 'di nakakatapak ng ibang tao!"
Ibinalik ko sa kanya iyong batok na natanggap ko. "Pro-Aiken pero nananakit. Gago ka rin!"
"Pero seryoso nga, Aiken!"
"Ano?!"
"Seryoso nga! Gusto kong piliin mo lagi ang mga bagay na makapagpapasaya sa'yo. Pero, dapat hanapin mo pa rin ang gitna ng mga bagay-bagay. Wala namang mali kung lalayo ka kung sa tingin mo, 'di na dapat bigyan pa ng pagkakataon, lalo na kung nakapagbigay ka na ng marami."
Sumeryoso na rin ako. Hinarap ko siya't sinalubong ang kanyang mga tingin, "I understand, Matty. Kapag nasaktan ako, iinom na lang tayo."
"Aba, ayan ka na naman! Iniisip mo lagi iyong masamang maaaring mangyayari. Bigyan mo kasi ng chance!"
Napakamot ako ng ulo, "Eto na nga! Binibigyan na ng chance."
"Ah basta! Matanda ka na, alam mo na kung ano ang dapat at 'di dapat sa'yo. Kapagod mong kausap!"
Lumabas si Matty ng cottage nang hindi na nagpaalam pa. Alam kong galing sa lugar ng pag-aalala ang mga sinabi niya. Alam kong gusto lang talaga ni Matty na maging masaya ako, at gusto niyang piliin kong maging masaya. Pero gusto niya ring mag-ingat pa rin ako.
Hanapin ang gitna ng mga bagay-bagay.
Sinong mag-aakala na sa bawat pagdagdag ng ating mga edad doon din tayo mas nahihirapang maging masaya? Yong totoong masaya. Para bang, noong mga paslit pa lamang tayo, lahat ng bagay ay simple. Laruan lang ay masaya na tayo, pero ngayong matanda na tayo, tila ba lahat ng bagay ay komplikado. Sinong mag-aakalang ang simpleng pagpili ng sariling kasiyahan ay magiging mahirap?
Lumabas na ako ng cottage at saktong sakto'y naghihintay na pala saakin si Lucas. Ang buong atensyon niya'y nakatuon kay Matty habang magkausap sila. Hindi siya nakatingin saakin, pero alam kong gwapong gwapo siya sa kanyang suot. Kapansin-pansin na rin ang tila pag-lalim ng kulay ng kanyang balat, hindi na iyon pantay na puti lang. At mas dumagdag iyon sa taglay niyang appeal.
Pinagmasdan ko lang sila ni Matty habang nag-uusap. Naghintay akong may makapansin sa kanilang dalawa, at dumating lang 'yon ng makita ako ni Matty'ng nakatayo sa may pintuan. Kumaway siya para lumapit ako, na agad ko namang sinunod.
Sinundan ang mga tingin ni Matty, napatingin na rin saakin si Lucas. "Hey," ani niya, tila tinatago ang pananabik.
"Hey," sagot ko rin.
At alam kong 'di nga nagkamali si Matty sa maraming bagay, lalo na sa katotohanang marupok nga ako pag dating kay Lucas. At sa mga sandaling ito, alam ko, alam kong nahuli na naman ako sa kanyang ipo-ipo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top