Kabanata XVI

Hindi nga ako nagkamali ng isiping magiging sobrang busy ang araw na ito. Hindi pa man alas dose ng tanghali ay halos hindi ko na makausap si Matty dahil bawat segundo'y kailangang ilaan sa pagpapasulat sa mga papasok na mga parukyano. Idagdag pang may iilang nasa loob na nga'y bumabalik pa rito para may itanong na kung ano ano.

Sa tabi ko ay ganoon din si Matty. Nakangiti subalit malalim na ang mga linya sa noo dala ng pagka-aligaga sa dami ng tao. Ito na ang huling araw ng Lunad Sa Balod. Ang buong araw ay ilalaan sa surfing competition at ang alas singko hanggang magdamag ay para naman sa tugtugan. Ngayon din darating ang bandang Franco kung kaya't marami sa mga dadalo ngayon ay para masilayan ang nasabing banda. Maging ako ma'y nananabik na masilayan sila at mapakinggan nang personal sa unang pagkakaton.

"Matty," tawag ng isa sa mga kasama namin. "Wala na talagang space sa loob. Ang iba, nagtotolda na sa mismong dalampasigan, e bawal yon."

"Anong sabi ng mga boss?"

"Yun na nga e. Pinapatigil na ang walk-in registration."

"Anong sasabihin natin sa mga paparating pa lang? Sila ba ang kakausap?" Mas lalong kumunot ang noo ni Matty.

Ngayong taon lang nagkaroon ng ganito kadaming mga bisita. Oo nga't napupuno pa rin ng mga nakaraang taon, pero iba ang dagsa ng mga tao ngayon. Dala na rin siguro ng kakaibang kahandaan ng pagpapakalap ng balita para taóng ito, kaya mas marami ang nakaalam at naenganyo.

"Ah basta! Sabi ay alas dose ng tanghali, cut-off na."

"Sige, basta ba aalisin kami dito. Ayokong mabigwasan ng mga byumahe pa nang pagkalayo-layo para lang masabihang bawal na."

"May mga marshals naman."

"E di ikaw mag-utos."

"May magagawa ba ako?"

"Wala."

Umirap ang kaharap ni Matty na agad naman niyang pinagtawanan. "Oo nga pala, darating mamaya si Congressman kasama asawa."

"Anong gusto mong gawin ko?"

"Umiyak! Gago!"

Kahit na malayo na ang nalakad ng kausap ni Matty, ramdam ko pa rin ang pagkaasar nito. Kung may makikipag-bangayan kay Matty ngayon, sigurado akong wala 'yong panalo. Kahit paaano ay naiintindihan ko ang pagkabagabag ni Matty. Bilang kami ang nasa entrada, kami ang unang maaaring mapagbalingan ng galit ng mga papasok kung sakaling sabihin naming wala ng espasyo. Ang kabilang resort pa naman ay napupuno na rin.

Base na rin sa mga pinanggalingan ng mga pumapasok, karamihan ay galing pa sa malalayo. Ang iilan pa nga ay maaaring inabot ng lima hanggang sampong oras ng byahe para lang makapunta rito. Kaya ang simpleng pag-aanunsyo sa facebook ay maaaring 'di gaanong makatulong.

Bandang alas dose ay ramdam ko na ang pag-aabang ng lahat ng mga kasama ko. Tatlong araw din kaming naging abala at alam kong 'di lang ako ang gusto ng makapagpahinga na. Pero kahit na lumagpas na ng ilang minuto ang oras ay 'di pa rin maubos-ubos ang mga nasa pila. Bilang suhestiyon ng isa sa mga kasama namin, pinauna naming pumasok ang mga maagang nagpa-register online kung kaya't kahit papaano'y nabawasan ang kumpulan ng tao sa may parte namin.

Ilang minuto pa ay nabawasan na rin ang mga tao, habang ang iba'y lumilipat na sa kabilang resort. Nag-anunsyo na rin si Matty ng cut-off kaya marami ang nagmaktol, at alam naming hindi sila ang huli.

"Ken, pakihatid muna nito dun sa headquarters, pwede? Baka kasi mawala pa." Inabot saakin ni Matty ang pinagpatong-patong na mga registration sheets. At agad naman akong sumunod.

Sa aking paglalakad ay marami akong nakasalubong. May iilan akong nakikilala mula sa paaralan, at ang ilan naman ay galing pa saaming lugar. Sa abot ng aking makakaya ay umiiwas akong makita ng mga kakilala ko dahil takot akong makaabot ang kwento saaking nanay. Ang balita pa nama'y may pakpak. Kung sakaling malaman ng mga magulang kong wala ako sa apartment at nakarating ako ng Sorsogon, maaaring interugahin nila ako hanggang sa maamin ko ang rason kung ba't ako naandito.

Para maalis ang kaba na biglang naramdaman ay inilibot ko na lang ang aking paningin. 'Di ko man maamin sa sarili ngunit may iilang tao sana akong gustong makita. Kahit nasa iisang lugar lang kami, 'di ko alam kung paanong inabot ng isang araw ang 'di namin pagkikita. Unti-unti ay naniniwala na akong kung ano man ang nabuo sa amin sa loob ng ilang araw (kung mayroon man) ay wala na talaga iyon.

Naabot ko ang headquarters na sunod-sunod ang buntong hininga.

Pabalik ng kubol ay may kap'ringgit pa ring parte saakin ang umaasang makasalubong ko pa 'yong taong inaasahan kong makita. Pero naabot ko na ang entrada'y wala pa rin. Sa aking pagdating, 'di pa man ako nakakalapit, ay naririnig ko na ang boses ni Matty at ng isang babae. Nagmadali ako dahil alam kong nagbabadya iyong away, at dahil na rin sobrang pamilyar ng isa pang boses.

"Matty! Matty!" Takbo ko papunta sa kanya na may kasabay na pag-aawat na tono sa boses.

"Ma'am, 'di na nga po pwedeng pumasok ang mga walk-in. Kailangan pong early registrant kayo online," dedma saakin ni Matty.

"Kaya nga sinasabi ko sa'yong 'di naman ako walk-in dito! Nung isang araw pa ako andito!" Ani naman ng kasagutan ni Matty.

"Kaya nga rin tinatanong ko kung asan ang event bracelet po ninyo."

"Nawala nga, hinahanap namin."

"Ang convenient naman po non na dahilan. Alangan naman po sauluhin namin ang lahat ng lalabas pasok sa event. Humanly impossible naman po 'yon!"

"Matty," singit ko sa kanilang away, naghahabol ng hininga dahil sa pagtakbo. "Kilala ko siya!"

"Aiken!" Lumiwanag ang mukha ng babae nang makita ako. "Good! You're here! Please tell this man na ilang araw na akong naandito."

Tumingin sa'kin si Matty, naghahanap ng kumpirmasyon.

"Oo, Matty." Tiyak ang sagot ko. "Si Charlie yan. Nung Biyernes pa sila naandito."

"Pa'no mo nalaman?" Inis ang boses ni Matty. Alam kong hindi ako ang kinaiinisan niya, at naaambunan lang ako ng tira-tirang pagka-agit simula kaninang umaga.

"Kasama siya ni Lucas."

At tila planadong planado ng santinakpan ay nakita kong tumatakbo na si Lucas papunta saamin. Ang direksyon niya ay galing sa punong-punong parkehan.

"Nahanap ko na! Charlie!"

Napahinto sa kanyang pagtakbo si Lucas nang makita ako. Sandaling napatda ang kanyang mga paa sa mabuhanging daanan. Nakapagpatuloy lang siya sa kanyang paglalakad ng tawagin na siya ni Charlie.

"Buti naman at nang mapatahimik ko na ang epal na 'to," tinutukoy si Matty'ng sambit ni Charlie.

Umirap na lang si Matty.

Agad na inabot ni Lucas ang naputol na wrist band kay Charlie nang mabagtas na ang agwat niya sa entrada.

"Ayan!" Winagayway ni Charlie ang wrist band sa harapan ni Matty. "Baka may angal ka pa, sabihin mo lang."

"Next time kasi 'wag po ninyong iwawala," matigas na paninindagan pa rin ni Matty.

Labas sa kanilang away ay nagkatinginan kami ni Lucas. Nauna akong tumango sa kanya, umaasang huwag niya akong dedmahin. Ibinalik naman niya agad ang tango at may kasabay pang ngiti. Naglakad siya palapit saakin upang isara ang espasyo sa pagitan namin. Sa kanyang paglapit ay damang dama ko ang pagwawala ng aking puso sa loob ng aking tadyang. Sa sobrang lakas nito'y pakiramdam ko'y makakawala ito't magtatakbo.

"Namiss mo ba ako?" Tanong niya.

Ngumiwi lang ako bilang sagot, tinatago ang 'di maipaliwanag na kasabikan sa aking dibdib. Tumawa naman siya. Ang kanyang perpektong mga ngipin at ang kanyang kumikinang na buhok ay mas dumagdag sa kanyang angking kapogian. Idagdag pa ang amoy ng kanyang pabango, matapang iyon ngunit hindi 'yong tipong inaatake ang iyong ilong.

"Sa'n ka ba mamaya?" Tanong niyang muli.

"Bakit?"

Tapos na ang away nina Charlie at Matty. Ramdam ko na ang tila alanganing pagmamasid ng dalawa.

"Baka gusto mong sumayaw."

"Tanong ba yan?"

"Imbitasyon. Yan ay kung gusto mo."

Sa likod ng isip ko'y sunod-sunod ang tanong ng isang boses. Ayokong sumama ulit kay Lucas kung mauulit lang naman ang nangyari. Alam kong kapag hinayaan ko ang sarili kong mahuli na naman sa kanyang ipo-ipo ay 'di na ako makakaalis. Parang isang pirata sa malawak na karagatan, sinubukan kong maghanap ng daan paikot sa mas ligtas na lugar.

"Depende," maikli kong sagot.

Nalungkot ang kanyang mga mata, siguro'y naiisip rin kung paano niya ako trinato. "Okay. Puntahan na lang kita mamaya sa tent mo."

Sa gilid namin ay nakatingin lang saamin ang tag-isa naming kaibigan. Naputol lang ang kanilang pangingilatis ng tumingin si Lucas kay Charlie at yinaya itong umalis na. Nagpaalam si Lucas saakin at kay Matty, at nakipagbeso naman si Charlie.

"I hope to see you later," bulong ni Charlie saakin.

Pinagmamasdan sila papalayo ay umakbay saakin si Matty. Ang mga braso niya'y mabigat sa aking balikat habang ang mga mata'y nakatingin din sa parehong direksyon.

"Yun pala yung Charlie," pabulong niyang wika.

Nung nakwento ko kasi sa kanya ang mga nangyari sa pagitan namin ni Lucas ay naisisingit ko rin ang tungkol sa kaibigan nito. Tumango-tango ako sa kanyang sinabi.

"Maganda sana kaso may saltik."

Dahan-dahan ay napaikot ako ng tingin, papunta kay Matty. "Maganda pala ha."

Rinig ang pagka-malisyoso sa aking boses ay napabaling ang tingin saakin ni Matty at agad akong itinulak. "Ulol! Malisyoso!"

"Ulol! Kilala kita, Matty! Pati mga karakas mo."

"Daming sinasabi!" Tumalikod na siya upang maglakad palayo.

"Type mo pala si Charlie ha!"

Sinundan ko naman siya agad para ipagpatuloy ang pang-aalaska, kahit na ang isip ay lumilipad patungo sa posibilidad na makitang muli si Lucas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top