Kabanata XV

Natigil ang mundo sa pag-ikot. Maging ang kapaligiran ko ay naglaho at ang tanging naandon na lamang ay ang nakabinbing tanong ni Simon. Gusto ko nga bang mas magkakilala pa kami? Madaling sabihing oo, subali't alam kong hindi kami nasa iisang pahina. Iba ang pagkakakilalang nais niya sa pagkakakilalang nais ko.

Hindi agad ako nakasagot dala ng kawalang salita. Hindi ko mahanap ang dapat sabihin para masagot ang tanong niya. Kahit sa dulo ng dila ko ay walang matatagpuang pangungusap, bagkus ay pawang pagkatanga lamang sa 'di inaasahang urirat ni Simon. Humaba ang katahimikan sa pagitan namin. At sa bawat segundong lumilipas ay kumakapal din ang namumuong pagkailáng saaming dalawa.

Habang hinahanap ko sa sarili ang lakas ng loob na sumagot ay wala akong nagawa kundi ang pagmasdan ang kanyang mukha. Ibang-iba ang datíng niya kaysa kay Lucas. Kung si Lucas ay may taglay na malaya subalit matikas na hangin, si Simon naman ay natural ang charm at malambing. Parehong gwapo kung pagbabasehan ang kumbensyunal na mga pamantayan, pero lumalamang lang si Simon sa taglay nitong artistahing ere. Tipo ng artistang 'di kailangang paghirapan ang pagpasok sa industriya dahil pasok na pasok siya sa kanluraning paningin sa ganda (kagandahang lalaki).

"So? What do you think?" Tanong niyang muli.

"Simon," sa halip na sagot ang tangi kong nabigkas ay ang kanyang pangalan. Nahihiya na ako sa kanya, sa sobrang hiya ay 'di ko na masalubong ang kanyang mga mata. Kahit na madilim, alam kong nakikita niya ang sobrang pamumula ng aking mga pisngi.

"Aiken, we're adults. I can take no for an answer."

"Hindi naman sa gan'on, Simon," sambit ko habang nag-iisip ng kahit anong pampalubag loob, pero wala akong mahagilap.

Oo nga't matatanda na kami, pero wala sa sistema ko ang tumanggi. Paano ko matatanggihan ang isang taong tulad ni Simon. Sino ba naman ako? Dama kong mas namumula na ako ngayon. Mas mainit kasi ang pisngi ko at tenga, tanda ng kahihiyan ko. Hindi ko na alam kung anong dapat na sabihin para lang makaalis sa sitwasyon na 'to.

Tama nga siguro si Matty tungkol saakin. Tumatakbo ako at mahilig akong pangunahan ang mga bagay-bagay. Tama rin siya na takot ako sa pagkabigo — hindi lang para sa sarili, kun'di pati na rin sa ibang tao. Hindi ko magawang sabihan si Simon ng isang maikli't siguradong 'hindi' dahil 'di ako kumportable sa ideyang mabigo ko siya at mabigo siya saakin. At kani-kanila lang, hanggang ngayon, ay pinangungunahan ko siya sa kanyang emosyon. Iniisip ko na kapag tinanggihan ko siya ay 'di niya kakayanin, na para bang alam ko kung ano ang nasa isip niya.

"You know what, you don't have to answer that!" Pilit ang ngiting bulalas na lang ni Simon, nahihiya na rin. "In fact, forget that I asked."

Umangat ang kanyang katawan bahagya, paalis na sa tabi ko. Pero pinigilan ko siya. "Simon, hindi naman sa 'di kita gusto. Ang totoo niyan, I find you really attractive. Sadyang, 'di ko lang alam kung anong dapat na sabihin."

Sa isip ko'y naririnig ko si Matty na pinangangaralan ako. Ang bunganga niya'y 'di natitigil sa pagsasabi saaking, alam ko ang dapat kong sabihin, ayaw ko lang na lumabas ang mga iyon sa aking bibig.

"Aiken, it's not that hard. The question is answerable by yes or no."

"P'wede bang pag-isipan?" Nahihiya't pakamot-kamot sa ulong wika ko na lang.

Bumuntong hininga na lang si Simon at nagsabing, "I guess so."

Nang sabihin niya 'yon, akala ko'y makakahinga na ako nang maluwag. Subali't, kabaligtaran ang nangyari. Nang matahimik siya ay nawalan kami ng pag-uusapan. Kahit na maingay ang lugar, ang tanging naririnig ko ay ang katahimikan. Sobra iyong nakakabingi. Gusto ko mang magpanggap na hindi gaanong malaking bagay ang nangyari, 'di ko naman magawa dahil damang dama ko ang presensya niya saaking tabi.

"Simon, gusto mo bang makarinig ng joke?" Paglilihis ko ng atensyon namin palayo sa katahimikan.

Unti-unti ay nanumbalik ang sigla sa mga ngiti ni Simon, "Sure!"

"Okay," naiilang pa ring ani ko. "Knock! Knock!"

"Who's there?"

"Dina Bonnevie."

"Okay. Dina Bonnevie who?"

Bago pa man makasagot ay naunahan na ako ng tawa. Hindi ko alam kung magugustuhan niya ba ang biro ko, pero kakarerin ko ang pag-dedeliver. Tulad ng ginawa niya nung una, nagpanggap din akong may hawak akong mikropono. Inilagay ko sa bewang ang isang kamay ko at tinuro-turo siya, sa tono ng kanta ng Spice Girls ay kumanta ako, "Dina Bonnevie my lover, you got to get with my friends. Make it last forever, friendship never ends!"

Tulad ng naging reaksyon ko nang siya ang nagbibiro, tumawa rin si Simon. Malakas at may kasama pang palakpak. Mukhang limot na ang nakakaailang na pwesto namin kanina.

"And you called me corny?" Humahalakhak niyang wika.

"Tumatawa ka naman."

"Oh please mas natatawa ako sa delivery mo kaysa sa actual joke."

"Tawag d'yan commitment!"

"E kung sa'kin ka na lang kasi mag-commit," biro niya.

Napipilan ako saglit pero dahil sa tawa niya ay napasabay na rin ako. Iyon yung tawang sinasabing 'di gaano kalaking bagay ang nangyari sa'min at 'yong sinabi niya. Kaya sumabay ako. Tumawa na rin ako.

Gan'to ang naging palitan namin ni Simon sa loob ng ilang minuto. Nag-aasar at nagpapagalingan sa pagbibiro. Naging patimpalak sa pagitan namin ang iba't-ibang tito jokes, mula sa knock knock hanggang sa mga kwentong barbero na ang mga pangunahing karakter ay sina Juan at Pedro. Ang aming hiyaan kanina ay nawala nang parang bula.

"Simon, kailangan ko na sigurong bumalik ng tent namin." Sabi ko sa kanya makalipas ang ila pang sandali. Nakakaramdam na rin kasi ako ng antok, at maaaring marami kaming kailangang gawin bukas dahil iyon na ang huling araw.

"Hatid na kita," aniya.

Hindi na pinag-isipan pa ay tumango ako't pumayag. Mula sa pagkakaupo ay tumayo na siya't inilahad ang kanyang palad para tulungan ako sa pagtayo. Panandalian akong ibinalik ng kagandahang asal na 'yon sa unang gabing nagkakilala kami ni Simon. Kung noon ay 'di ko iyon inabot, ngayon ay malugod kong tinatanggap.

"Let's go?"

"Tara."

Naglakad kami papuntang headquarters nang magkasama at nag-uusap. 'Di gaanong kahaba ang aming paglalakad kaya sa 'di inaasahang pagkakataon ay nakaramdam ako ng pagkabitin sa aming pagsasama. Nang maabot namin ang daanan ng aming cottage ay naghintayan kaming may maunang magpaalam.

"Dito na ako," saad ko.

"Yup!" Nakatingin siyang ngumiti saakin.

"Salamat sa paghatid."

"Don't mention it."

Ibinalik ko sa kanya ang isang malawak na ngiti, "Oh sya, papasok na ako."

"Yeah. I better get going na rin," pagpapaalam niya. Bago siya makapaglakad palayo ay inilapit niya ang kanyang mukha sa aking pisngi. "Is it alright if I kiss you?" Tanong niya.

Mas lumawak ang mga ngiti ay binigyan ko siya ng pahintulot. Dumampi ang kanyang malambot na labi saaking pisngi, at tuluyan ng naglakad palayo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top