Kabanata XIII

Lumipas ang maghapong ni anino ni Lucas ay 'di ko nasilayan. Umasa akong susundan niya ako, o 'di kaya'y magpapakita man lang siya para mapag-usapan namin ang mga bagay-bagay, parang katulad sa mga eksena sa pelikula kung saan nanunuyò ang lalaki sa babae matapos nilang magtampuhan. Pero kun'sabagay, paano nga naman sa kaso ng mga bakla? Sino ang susuyo kung parehong lalaki?

Hindi naman sa dapat na may kasarian ang panunuyò subali't napapaisip ako, mas madali siguro ang buhay kung lahat ng tao'y lumaki na may nakikitang positibong ehemplong pagbabasehan. Hindi katulad ng mga magkasintahang babae at lalaki, kaming nagmamahal ng kapwa lalaki, wala kaming kinagisnang mga modelong pagkukuhaan ng mga sagot sa tanong na paano. Wala saaming nagturo kung paanong magmahal at kung paanong maniubrahin ang pagiging magkasintahan. Wala sa pamilya, at mas lalong wala sa medya. Ang madalas lang naming makita sa mga telebisyon ay kung paanong kinukutya ang mga bakla. At halos lahat na ginagampanang mga role ay para lamang sa comedic relief. Supporting characters. Walang totoong plot movement. Kung mayroon mang nagpapakita ng mga kwentong pag-iibigang dalawang lalaki ay laging may masalimoot na pagtatapos.

Kung ganyan ang nakikita mo paglaki, hindi ba't sa baluktot na paniniwala rin mahuhubog ang 'yong isip?

Lumaki kaming pinapaniwalang hanggang doon na lang ang mga bakla. At dahil ganoon kalimitado ang tingin saamin, mas pipiliin talaga ng ibang magtago na lang. Dahil sa oras na ipaalam namin ang aming kasarian, wala ng maaari pang makita saamin kun'di itong bahagi ng aming pagkatao. Idagdag pa ang katotohanang hanggang ngayon ay hindi pa rin ligtas sa mga miyembro ng komunidad ang lipunan. Marami pa rin ang nakakatanggap ng panunupil, at ang malala'y marami pa rin ang pinapatay dahil sa kanilang kasarian. Halimbawa na lang sina Jennifer Laude, si Ebeng, at si Junjie, mga miyembro ng LGBTQIA+ na pinaslang dahil sa kanilang kasarian.

Kaya naiintindihan ko si Lucas.

Naiintindihan ko ang kanyang pag-aalinlangan at takot. Hindi 'yon banyagang damdamin saakin. Naranasan ko rin 'yon noon, at patuloy na nararanasan ngayon. At hindi ko gugustuhing lumabas siya sa kanyang kloseta nang hindi naaayon sa kanyang desisyon. Kung totoo mang nagtatago siya. Subali't nais ko lang sana ng kasiguraduhan. Nais kong may panghawakan, dahil nais kong malaman kung saan ako dapat lumugar.

Maaaring isa itong makasariling pananaw at rason, pero hindi ako handang masaktan lalo na kung maaari namang maiwasan.

Bumalik ako sa aming kuból na pilit na pilit ang mga ngiti. Alam ko kasing magtatanong na naman si Matty kapag nakita niya akong nakasimangot, o malungkot. Wala akong ganang magkwento at ayokong maging sagabal sa trabaho namin. Pero sa oras na makita ako ni Matty, alam kong nakita niya agad ang pagpapanggap ko.

"May nagsabi na ba sa'yong ang pangit mong magsinungaling?" Tanong niya saakin habang nag-aasisti sa isang kararating lang na parukyano.

"Wala bang nakakalampas sa mga mata mo?"

"Kuya Kim 'to no! Mapanuri, mapagmatyag, at mapangahas! Matanglawin!"

"Daming ebas, sasabihin lang na tsismoso."

Binatukan ako ni Matty bilang sagot, ang mga kamay niya'y singbigat ng kanyang pagdududa kanina. "Aray ko!" Sigaw ko.

"Kulang pa yan! Ilang araw ka nang nagtatago saakin! So, ano? 'Di ka pa rin ba magsasalita?"

"Matapos mo akong batukan? Gusto mo magkwento ako sa'yo? The audacity!"

"O'sige. Bahala ka. Sino ba naman ako para sabihan mo ng mga bagay-bagay, 'di ba? Best friend mo lang naman ako ng ilang taon."

Ako naman ngayon ang nambatok. "Gago! Nang-guilt trip pa."

Subali't dala na rin siguro ng kabigatan ng aking dibdib ay nagkwento na ako. Sinimulan ko sa simula hanggang sa pinakamaliliit na detalye, hanggang sa pakiramdam ko'y nasosobrahan na ako sa pagbabahagi ng kwento. 'Di ako sigurado kung bakit, ngunit pakiramdam ko'y kapag 'di ko sinabay ang lahat ng detalye ay magmumukhang maliit na bagay lang ang lahat. At baka isipin ni Matty na mababaw akong tao. Kahit na alam ko namang 'di niya yon gagawin, pakiramdam ko'y kailangan ko pa ring iparamdam na para saakin ay malaki ito, lalo na dahil maaaring 'di niya mauunawaan ang danas ng mga miyembro ng LGBTQIA+.

Isinabay ko rin ang lahat ng pag-aalangan ko. Maging ang kagustuhang bumitaw na dahil unti-unti na nitong kinokonsumo ang isip ko. Na baka kapag nagpatuloy ay tuluyan na ring mawalan ako ng pokus sa pag-aaral. Iyan pa rin ang pangunahin kong asam, at ang kalituhang idinudulot ni Lucas ay 'di magandang distraksyon.

Nang matapos akong magkwento ay 'di ko napansing may namumuo na palang luha sa mga mata ko. Maging ang lalamunan ko'y parang may nakaharang. Kung 'di hinawakan ni Matty ang mga kamay ko, 'di ko mapagtatantong paiyak na pala ako. Hindi ko akalaing gan'to pala 'to ka-big deal saakin.

"Ken," hinaplos haplos ni Matty ang kamay ko. "Gusto mo bang ipagpatuloy pa 'to?"

Natigilan ako. Napaisip. "Gusto kong tumigil na," simpleng sagot ko. "Pero, Matty ang malaking parte saakin ay gusto pa ring magpatuloy. Masokista nga talaga siguro ako."

Napangiti siya, mabait iyong ngiti at 'di nanghuhusga.

"Do you think that you did the right thing? 'Yong lumayo muna?"

Walang pag-aatubili ang pagdating ng sagot ko. "Oo, Matty. Masyadong mapupusok ang nagdaang mga araw e. Mas maigi nang lumayo. Para sa sarili ko, dahil ang pumasok sa isang relasyong walang kasiguraduhan ay 'di makakabuti para saakin. At ... at lumayo ako para kay Lucas."

"Tingin mo, bakit?"

"Dahil unfair naman sa kanyang mapilitang piliin ako, ta's at the end of the day pala, hindi naman niya ako gusto."

"So, that's it then? Hanggang dito na lang ba ang lahat ng 'to?"

"Apparently," malungkot kong saad.

Nanatili ang sinabi ko sa ere sa pagitan namin. Mabigat itong nagpalutang-lutang. Alam kong tama ang ginawa kong paglayo, subali't bakit ang sama sa pakiramdam? How can something so right feels so wrong?

"It's alright. Ayos lang yan!" Inakbayan ako ni Matty. "Malay mo sobrang baho pala ng utot n'on, at least you dodged a bullet!"

"Gago!" Natatawang tinulak ko siya palayo saakin. "Walang nang mas babaho pa sa utot mo, ulol."

"Wow ha! Nagsalita ang mabango ang utot."

"Wala akong sinasabing mabango ang utot ko! At least sa'kin, walang amoy!"

"Ew! Naaamoy mo ba ang utot mo?! Naalala mo nung time na nakila ano tayo? Hindi ba umutot ka n'on tapos buong kwarto naamoy ang kababuyan mo?"

"Matty naman! Ang dugyot ng bunganga mo!"

Nagpatuloy ang gan'tong kulitan namin ni Matty. At sa mga pagkakataong 'to, 'di ko maiwasang isipin, ang swerte ko sa kanya. Hindi ko alam kung anong ginawa ko sa nakaraang buhay ko't nakabingwit ako ng kaibigang gan'to. Pinapatawa niya ako sa tuwing nalulungkot ako, at pinapakinggan niya ang mga gusto kong ibahagi nang walang panghuhusga.

Hindi pa nagtagal ay pareho na kaming nagtutulakan ni Matty hanggang sa mahulog ako sa aming inuupuan. Inabot niya ang kanyang palad para tulungan akong makabalik ng silya, pero bago niya yon ginawa ay pinagtawanan niya muna ako nang sobra.

Mabuti na lang at andito siya. Kung hindi baka malunod ako sa daluyong na si Lucas.

"Pero p'wera biro, Ken. Gusto ko lang sa'yo sabihing I'll support whatever decision you'll make, dahil ikaw ang nakakaalam kung anong nararamdaman mo. Matanda ka na! Pero gusto ko sana piliin mo yung bagay na makapagpapasaya sa'yo. Kasi karapat-dapat ka namang sumaya."

Kahit na puno ng alikabok ang likod at tagiliran ko dahil sa pagtutulak niya kanina, wala akong ibang magawa kun'di ang mapangiti. "Alam ko, Matty. Alam ko. Pero pa'no ko ba malalaman kung tama ang ginagawa ko? Pa'no ko malalaman kung 'yong pinili ko ang magpapasaya saakin? Na ito yung tamang desisyon?"

"Masaya ka ba kay Lucas?"

Huminga ako ng malalim, hinuhugot ang lakas ng loob na aminin sa sarili ang mga bagay-bagay. "'Pag magkasama kaming dalawa, oo. Masaya ako. In fact, gusto ko ang sarili ko kapag naandyan siya."

"Kaso?"

"Kaso ... kaso, ibang iba siya kapag may kasama na kaming iba e. Gustuhin ko mang bigyan 'to ng chance, hindi ko naman alam kung tama ba siya para sa'kin. At pakiramdam ko, sinayang ko na rin naman ang chance na 'yon dahil sa paglayo, kaya wala na ring silbing pag-usapan pa."

"Ayan ka na naman. Pinangungunahan mo na naman ang mga bagay-bagay. Lagi mo yang ginagawa. Takot na takot ka sa disappointment, pinangungunahan mo na ang mundo."

Napipilan ako saglit. Inisip ko kung tama ba si Matty na takot nga ako sa pagkabigo. Kung tutuosin nama'y sa araw araw na ginawa ng Diyos, pagkabigo ang natatanggap ko. Paanong takot kung yan ang hinaharap ko sa araw-araw? "Hindi ako takot sa disappointment, Matty. I live with it everyday."

"Oo, you live with it, pero hinaharap mo ba? 'Di ba hindi? Lagi kang umiinom. Nagsisinungaling ka kila tita. At kapag nahihirapan ka sa isang sitwasyon, aalis ka. Tatakbo ka. Tatapusin mo na, bago ka pa masaktan."

"Matty, alam mong 'di yan totoo."

Malungkot ang ngiting tinapik ni Matty ang mga balikat ko. "Hindi ko yan sinasabi para husgahan ka, Ken. Sinasabi ko yan kasi mahal kita at gusto kong maging masaya ka. Sadyang, minsan ang tanging paraan para malaman kung mapapasaya ka nga ba ng isang bagay is by giving it a shot."

"Isang banat pang ganyan, iisipin kong si Lucas ang kinakampihan mo."

"Tanga!" Sinabayan ni Matty ng batok ang sinabi niya. "Sa tagal ba naman nating magkaibigan, ngayon ka pa talaga magdududa?"

"Wow ha! Maka-tanga! Paalala lang Matty, talo kita sa lahat ng school competition! First honor ako, second ka lang!"

Sa puntong 'to ay bumabalik na masiglang biruan namin. Sinasantabi na ang mabigat at nakapanlulumo, para mabigyang espasyo ang tawa at kasiyahan. Masyado pang maaga para maging malungkot.

"Matalino nga sa paaralan, bobo naman sa pag-ibig!"

"Nakakasakit ka na ha!"

At napuno ang kuból namin ng halakhakan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top