Kabanata VII

Mabigat man sa dibdib ay hindi ko mahanap sa sarili ang tumanggi sa alok ng mga kaibigan ni Lucas. Lalo na't nahimasmasan na rin ito sa kanyang pagkabalisa at bumalik sa pagiging palabiro. Kung anuman ang nangyari kanina ay wala na 'yon sa kanya.

Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin maalis sa isip ko ang pagkataranta ng kanyang mukha nang makita ang kaibigan. Hindi nakatutulong ang pagwawalang-kibo niya sa mga tumatakbo sa aking isipan. Walang sapat na salita para ilarawan ang naramdaman kong pagkahiya nang makita ko ang takot sa kanyang mga mata.

Kung saan ko man hinuhugot ang mga ganitong konklusyon ay kailangan kong pigilan ang sarili ko bago pa lumaki nang lumaki ang sitwasyon sa aking isip. Kung magpapatuloy ako ng pag-iisip ng kung ano-ano, ang dapat sana'y simple't maliit na bagay ay nagiging isang dambuhalang problema. Isabay pang mistulang hindi naman 'yon malaking bagay para kay Lucas ngayon.

"Sana okay lang sa'yo 'to." Inabot saakin ni George ang isang bukas na bote ng serbesa. Sinuklian ko siya ng ngiti at pasasalamat.

"So, anong year mo na, dude?" Kaswal na tanong ni Simon.

"Second year na."

"Hala! Ibig sabihin prof mo ngayon si Torres," inalok ako ni Simon ng yosing tinataktak mula sa kanyang kaha. Umiling ako. "Wala akong subject na pinasa d'yan!"

"Boploks ka kasi!" Sabat naman ni Charlie.

Agad namang dumepensa si Simon, "Gago! Sabat ka naman nang sabat, wala ka namang alam. 'Di ko nga maintindihan kung ba't ang baba magbigay ng mga prof d'yan."

Kasalukuyan ay katabi ko sa loob ng tolda si Lucas, habang ang mga kaibigan niya ay nasa labas, nagsiupuan kaharap namin. Sa kanilang apat, si Lucas lang naman ang kilala ko. Pero kung papipiliin ako, mas gugustuhin kong lumayo sa kanya dahil sa pagkailang. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang mukha niyang tila ba'y ikinahiya ako sa mga kaibigan.

"'Di ba, dude?" Balik ni Simon saakin.

Tumango na lang ako bilang sagot.

"No, seriously," Tinaas ni Simon ang kamay bilang diin. "I'll never get the purpose of failing students at a large scale. Para saan? Para pang-ego boost? Para ipakita ang isang iron clad na culture, e p'wede namang matuto ang isang tao sa isang empowering na paraan!"

"Pare, masyado ka na namang seryoso. Inuman lang!" Si George naman. Tinaas niya ang bote't sumigaw ng, "Tagay!"

Sabay-sabay ay tinaas rin nina Simon at Charlie ang kanilang mga bote't uminom. Ganoon din si Lucas na pailing-iling at patawa-tawa pa. Sumunod na rin ako bilang pakikisama.

Ilang tungga pa ay unti-unti na ring natunaw ang yelo sa pagitan namin ni Lucas. Ilang sigaw pa ng tagay! ay nagsimula na akong mag-kuwestiyon ng sarili kung nagkaroon nga ba talaga ng yelo sa pagitan namin. Sa sobrang gaan na ng usapan at tawanan, pakiramdam ko'y imahinasyon ko lang ang mga naging reaksyon ni Lucas kanina. Na ako lang talaga ang nag-iisip ng pagkataranta niya't pagkailang. Na ako lang talaga ang nag-iisip na mayroong kakaiba.

Makalipas ang tag-iisang bote ay dumadampi nang muli ang balat namin ni Lucas. Dahan-dahan, maingat na hindi makita ng iba, ay dumidikit na rin ang aming mga tuhod. Inosenteng ipinatong niya rin ang palad sa aking hita. Ang mala-kuryenteng sensasyon na dumadaloy sa kanyang palad ay tinatago ng kawalang malisya sa kanyang mukha at sa kanyang galaw. Sinubukan kong hanapin sa mga mata niya ang nais niyang ipahiwatig pero hindi ko 'yon mahanap.

"Inom ka lang," sabi saakin ni Lucas, mahina't pabulong. Ang kanyang tingin ay nakapukol saaking mukha.

"Kung gusto mo akong lasingin, sabihin mo lang," bulong ko sa kanya.

Napatawa naman siya. Mukhang ako lang talaga ang nag-iisip ng kung ano-ano kanina.

Sa paglipas pa ng ilang oras at ilang bote ay nawawala rin ang espasyo sa pagitan namin ni Lucas. Pero hindi ko pa rin mahinuha kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip. Ang mga kaibigan niya rin ay nagkanya-kanyang usapan na. May panaka-nakang pagtatalo, pero 'yong normal lang sa magkakaibigan.

"Mabuti na lang talaga't 'di nakasama yung Janine na 'yon," walang anu-anong sambit ni George.

Sa unang pagkakataon ay napalitan ang usapan ng grupo ng panandaliang katahimikan. Kapansin-pansin rin ang pagkabato ng kanilang mga mukha, lalo na si Lucas na tiim-bagang tumingin sa kaibigan.

Tinaas ni George ang kamay, "Chill lang, pare. Sinabi ko lang. Kung andito kasi siya baka 'di na naman tayo mag-enjoy."

Ramdam ang puyos sa pagitan ng dalawa'y nagsalita si Charlie, "Wala na bang pulutan? Samahan mo nga ako George kumuha sa tsekot!"

Tumayo si Charlie't sumama si George. Walang ibang magawa ay nagpaalam din si Simon at sinundan ang mga kaibigan. "May naiwan rin pala ako sa car," ani nito sabay karipas ng takbo.

Naiwan kaming dalawa ni Lucas na wala ni isang nagsasalita. Tila ba nagbago bigla ang hangin sa dalampasigang ito at biglang nangasim ang mukha ni Lucas. Ang dating masayang paligid ay napalitan ng pagtatantya ng isa't-isa.

"Sino si Janine?" Tanong ko.

Ang kamay ay humihigpit sa leeg ng bote ay tumingin si Lucas, "Wala 'yon. H'wag mong pansinin si George."

"Wala raw," pang-aasar ko na may kasamang pagbangga ng kanyang balikat. "Wala pero ganyan ka ka-affected."

Sa unang pagkakataon ay ramdam ko ang pagkagalit ni Lucas saaking direksyon. Kung sino man si Janine ay ayaw nitong pag-usapan 'yon. Pero hindi lahat ng tao rasyunal mag-isip kaya nag-urirat akong muli, "Siguro, dyowa mo, 'no?"

"P'wede ba, Ken!" Singhal niya.

"Nagtatanong lang, high-blood ka naman agad."

"Ba't mo ba pinipilit!" Hinarap niya ko nang hindi tinatago ang pagkapikon. "Tsaka ano naman sa'yo kung sino si Janine ha!"

Ano naman nga ba saakin? Ba't ba ako nangingialam kung hindi naman talaga ako sangkot sa sitwasyon?

"Chill, Lucas," saad ko nang iwás ang tingin. "Hindi mo naman kailangang maging ganyan ka agresibo, nagtatanong lang."

"Sabi ko namang hayaan na 'di ba?"

"Okay." Patawa-tawa kong sagot.

Siguro'y naalaska sa tono ko'y pabagsak niyang binaba ang bote sa buhangin. Naagaw nito ang atensyon ng ilan sa mga tao sa paligid namin. Nakaharap sa kanya ay bigla akong nahiya sa inaasal ko, ni hindi ko nga alam kung saan nanggagaling ang kagustuhang asarin siya, lalo na't kahit ako'y hindi rin naaaliw sa nangyayari. Pero gusto ko siyang galitin, kanina pa. Subali't ngayong nakikita ko na ang panlilisik ng kanyang mga mata'y alam kong wala ako sa lugar at hindi tama ang aking tirada. I am crossing the line, ika nga.

Maghihingi na sana ako ng paumanhin pero nauhan niya ako sa aking sasabihin.

"Ba't ba kasi sumama ka pa dito!"

Natigilan ako sa sinabi niya. Mukhang masyado akong lumagpas sa hangganan ng pasensya ni Lucas. Nakatanga ay narinig ko ang mahihina't kalkuladong yabag ng mga tao mula sa likuran.

Kinailangan kong tatagan ang sarili ko dahil nanginginit na ang aking pisngi. Pati ang mga mata ko'y nagsisimula na ring lumabo. Baka nga umasa talaga akong mayroong namamagitan saamin. O, 'di kaya'y mayroong posibilidad na magkaroon. Dahil hindi naman ganito ang mararamdaman kong pagkabigo kung sa una pa lang ay hindi ako nag-akalang mayroong kakaiba sa kanyang mga galaw.

"Dapat nga 'di na ako sumama."

Ang nakakatawa siguro saakin ay sa tagal ng panahong 'di ako pumasok sa relasyon ay akala ko'y nakumbinsi ko na ang sariling 'di ako naniniwala sa pag-ibig. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili na hindi ko kailangang umibig dahil buo na ako bilang isang tao. Ngunit, sa oras na may magpakita saakin ng katiting na interes, o 'di kaya'y pagmamalasakit, pakiramdam ko'y may tsansang magkaroon ng pag-asa para sa isang romantikong koneksyon. Ganoon talaga siguro kapag lumaking salat sa pagmamahal, kung saan saan ka naghahanap ng pag-ibig. At ngayong nakikita ko ang galit na mukha ni Lucas, alam kong umasa na naman ako sa wala.

Masyado akong hopeless romantic, na umaabot sa puntong nasasaktan ako ng dahil lang sa wala.

Tumayo ako sa aking pagkakaupo't liningon ang tatlong kaibigan ni Lucas na nagsihinto sa kanilang paglalakad. Pilit akong ngumiti sa kanilang direksyon.

"Kailangan ko na sigurong bumalik, maaga pa ako bukas."

"Wait, Aiken!" Pagpipigil saakin ni Charlie.

"Ano 'yon, dude?" Naguguluhan ngunit may galit namang tanong ni Simon sa kaibigan.

Hindi ako nagpapigil sa aking pagpapaalam. Hindi rin talaga ako dapat sumama sa una pa lang. Nagsimula akong maglakad papuntang dalampasigan — salungat sa direksyon ng headquarters na aking tutuluyan. Nagbabakasali kasi akong nasa sayawan pa si Matty, kahit na malabong mangyari 'yon dahil wala na ring tugtugan.

Hindi na ako natuto. Parati na lang gan'to ang nangyayari saakin.

Naabot ko ang malamig na buhangin nang wala nang gaanong taong natitira. Malungkot ring nakasara na ang mga ilaw sa entablado at tanging hampas ng alon na lamang ang maririnig. Maliban sa panaka-nakang sigaw ng isang lasing, ang tanging buhay na lamang sa oras na 'to ay ang madilim na karagatan.

Nanghihina ang mga tuhod ay napaupo ako sa mga buhangin. Hinayaan kong yakapin ako ng malamig na hangin habang pinagmamasdan ang 'di na matukoy na linyang naghihiwalay sa langit at karagatan. Hindi na makita ang pagtatapos ng asul at ang pagsisimula ng itim.

"Hey!" Tawag ng isang boses sa akin.

Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Pagka-masokista na sigurong umasa akong ibang mukha ang makikita ko. "Oh, Simon ah ... ikaw pala. Ba— ba't ka ... sumunod?"

Pabagsak siyang umupo sa tabi ko, na kahit na patag ang buhangin ay ramdam ko ang pag-lipat ng bigat ng lupa sa kanyang direksyon. "I'm sorry about, Luke. Kupal lang talaga 'yon."

"Don't worry about it." Kibit-balikat ko, akala mo'y hindi nag-isip ng kung ano-ano. "Wala 'yon."

Patlang. Tanging tunog lamang ng alon ang namagitan sa amin sa loob ng ilang minuto. Nang siguro'y nagsimula nang mailang sa humaba't bumigat na katahimikan ay tumikhim si Simon.

"Gusto mo bang makarinig ng joke?" Tanong niya sa aking direksyon.

Naguguluhan ay tinignan ko lang siya na parang nawawala na siya sa katinuan.

"Ayaw mo ba o gusto?" Pangungulit niya.

"Oh sige," sabi ko na lang.

"Knock! Knock!"

"Who's there?"

"Lady Gaga!"

"Oh Lady Gaga who!"

Umayos siya ng kanyang pagkakaupo at humarap saakin. Gamit ang kunyaring mikropong gawa sa hangin klinaro niya ang kanyang lalamunan. "Game?" Nauunahan ng tawa niyang tanong.

"Ikaw lang naman hinihintay ko," natatawa ko na ring sabi.

"Eto na! Game! Kung Lady Gaga ka sa piling ng iba, at kung ang nais mo ay ang pag-ibig niya," kanta niya sa tono ng sikat na kanta ni Imelda Papin.

Sa 'di malamang dahilan ay humagalpak ako sa tawa. Pinalo-palo ko pa ang buhangin. Hindi naman sa natatawa ako sa mismong biro pero kitang kita ang dedikasyon niya sa paghahatid ng kanyang joke.

"Gago! Ang korni mo!" Naghahabol hininga kong wika.

"At least, 'di ka na malungkot."

Patlang uli. Natigilan ako sa kanyang sinabi.

"Imbento! 'Di ako malungkot."

Kumibit-balikat lamang si Simon bilang sagot. "Sabi mo eh." Tumayo siya sa pagkakaupo, pinagpagan ang sarili't inabot ang palad saakin  "Tara, balik na tayo d'on."

Napatingin ako sa kanyang nakalahad na kamay at sa tinutukoy niyang d'on. "Siguro, mauna na muna ako, Simon." Nakangiti kong saad.

"Are you sure?" Malungkot niyang tanong.

Tumango ako, "Sure!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top