Kabanata V

Hindi kami magkanda-ugaga dahil sa pagdagsa ng napakaraming parokyano. Nang sabihin ni Matty na mapapagod kami sa umpisa lang, hindi ko naman aakalaing ganitong klase ng pagod.

Hindi na mahulugan ng karayom ang camp site dahil wala na itong espasyo para sa isa pang tolda, ngunit hindi pa rin maubos-ubos ang tao sa pila. Halos dumugin na rin kami dito sa registration ng mga parokyanong inip na inip nang makapasok.

Humupa lang ang pagdatingan ng mga tao bandang ala siete na ng gabi. Tapos na rin ang first round ng kompetisyon at maya-maya pa'y magsisimula na ang paunang concert. Nag-imbita ng mga lokal na manunugtog at banda ang mga nag-organisa ng event, at sa huling araw ay ang bandang Franco naman, kung kaya't ang lahat ay naandito para mag-abang at aktibong makilahok sa mga kasiyahan.

Nang wala nang nagpapalista sa registration ay naisipan na ng mga kasama kong kumain kami, na saktong sakto naman dahil nagrereklamo na ang mga alaga ko sa t'yan.

Habang naglalakad papalayo sa entrada ay inilibot ko ang aking tingin. Ang kasalukuyan naming nilalakaran ay napapalamutian ng dilaw na mga ilaw mula sa hanay ng mga bumbilya. Sapat ang liwanag mula rito para makita ko ang kapaligiran. Ang daming tao sa paligid. Lahat nakasuot ng kani-kanilang pang-dagat. Nagpapa-bonggahan ng kanilang mga hitsura. At kapansin-pansin kung paanong ang lahat ng tao'y masaya.

Ramdam na ramdam sa hangin ang kakaibang sigasig ng lahat. Iba't-ibang klase ng taong nagmula sa iba't-ibang lugar, nagsama sa iisang dalampasigan. Iisipin mong magiging magulo ito, ngunit ito 'yong klase ng gulong masaya't masigla. Maingay ngunit hindi dahil sa nagsasabog na magkakaibang tunog. Maingay dahil pinahihintulutan ng lahat na ihayag ng bawat isa ang kanilang mga sarili mapa-musika man sa loob ng tent o mapa-tawanan kasama ang mga tropa.

Punong-puno rin ang lugar ng sining. Mula sa mga makukulay na surf boards, at mga disenyo ng lugar, hanggang sa mga pansariling mga palamuti sa katawan. May ilan akong nadadaanan na pinangangalandakan ang kanilang mga astig na tattoo. Mga kakaibang hikaw. At mga kolorete sa mukha.

Masaya ang lugar dahil tanggap ang lahat. Masaya ang lugar dahil walang panghuhusga sa kapaligiran.

Narating namin ang aming tutuluyan, headquarters kung tawagin ng iba. Isa 'yong cottage na up and down. Ang unang palapag ay isang bukas lang na kubo, may mesa't mga upuan. Samantalang, ang nasa taas naman ay dalawang kwartong tutulugan ng ibang mga kasama namin. Sa ibaba ng cottage na 'to ay ilang mga tent na tutulogan namin ni Matty, at iba pa.

"Lafang na!" Pagbubunyi ni Matty.

Sa gitna ng unang palapag ng cottage ay ang mesang hitik na hitik sa pagkain. Nasa ibabaw ng dalawang pinagtagping dahon ng saging ay ang iba't-ibang putahe ng karneng baboy, at ginataang gulay. Matapos ang pagbibigay pasasalamat ay sabay-sabay kaming nagsikahig ng pagkain.

Kumahig ako ng isang kumpol ng kanin at sinabayan ng mga ulam. Sa mga sandaling 'yon ay nakalimutan kong may ibang tao pala sa paligid. Sa sobrang gutom ko, ang nasa isip ko na lang ay ang lagyan ang sikmura ko ng pagkain sa lalong madaling panahon. Sa aking pagkatutok sa pagkain, parang lumabo ang lahat ng bagay maliban sa adobong karne sa harapan ko.

"Ang sarap mo namang sumubo," malisyosong bigkas ng isang tao sa bandang likuran. Nang una'y 'di ko pinansin, sa dami ba naman naming kumakain, ano ang tsansang ako ang tinutukoy niya. Ngunit, nang mapagtanto ko kung gaano kapamilyar 'yong baritonong lalim, agad akong napaigtad at napalingon.

"Tigil-tigilan mo nga ako!" Yan dapat ang sasabihin ko pero ang lumabas na lang sa bibig ko ay mga 'di maintindihang tunog at ilang butil ng kaning nagsisitalsikan.

Nakatayo't may mapang-asar na ngiti sa mga mata ay nakatingin saakin si Lucas. Nakahalukipkip ito habang pabirong iniiling-iling ang ulo at pinalalatak ang dila, "Don't talk when your mouth is full uy."

Nagsitawanan naman ang mga nasa mesa namin dahil sa sinabi niya, pati si Matty. Siniko ko nga sa tadyang. Wala akong nagawa kun'di ang maningkit ang mga mata at hintaying manguya ang nasa bibig ko't malunok ang lahat ng kinakain. Kung bakit ba namang sa lahat ng pagkakataon ay ngayon pa niya ako nakita.

"Ba't ka ba na'ndito!" Ani ko. Mas madaling itago sa pagkaasar ang hiyang nararamdaman ko.

"Sinusundo ka." Malawak ang ngiting lumapit siya sa mesa namin. "Ayoko na kasing iasa pa sa tadhana ang pagkikita natin!"

Napuno ang paligid namin ng hagikgik at pang-aasar. Nakatanggap pa ako ng tulak mula kay Matty. Rapunzel. Mahaba ang buhok. Pakitirintas. 'Yan ang ilan sa mga naririnig ko. Ito siguro ang tinatawag na karupukan. O, 'di kaya'y kolonyal na pag-iisip dala ng kanyang pagka-mestizo. Anuman ang tawag, isa lang ang sigurado, nadadala na rin ako sa kilig ng mga kasama ko.

Pero katulad ng hiya, mas madali ring itago ang kilig sa pagkaasar.

"Tadhana mo mukha! Kita mo namang kumakain pa ako." Tinuro ko ang mesa namin. "Shoo ka na muna."

"Ay! Hindi!" Pigil ni Matty sa pangtataboy ko. "Walang manners talaga 'tong kaibigan ko oh. Upo ka rito, uhm, ano, ano nga uli pangalan mo?"

"Ah Lucas"

"Ayon, Lucas. Upo ka muna rito! Kain ka."

Napatirik na lang ang mga mata ko nang sumunod si Lucas kay Matty. Ang mga tawanan nila ay nakaloloko't pinagkakaisahan ako. Wala na akong nagawa. Nagpatuloy ako sa pagkain na napagigitnaan ni Matty at ni Lucas. Si Lucas sa kanan at si Matty naman sa kaliwa.

Bagama't abala sa pagpapakabusog, hindi maalis sa isip ko ang distansya sa pagitan namin ni Lucas (na kasalukuyan ay nakikipagtawanan sa mga nasa mesa). Ang balat ng balikat at braso niya'y nakadikit na saakin, at para ba 'yong pinagdadaluyan ng mala-kuryenteng sensasyon. Hindi man totoong mainit ay tumatagtak na ang pawis ko sa likod at maging sa kilay.

Ano ba ang mayroon sa lalaking 'to?

Natapos kaming kumain na pakiramdam ko'y nakaukit na sa balat ko ang bawat guhit at bawat kurba ng kanyang braso. Hindi pa man nagkakahiwalay ay namimiss ko na agad ang pakiramdam ng pagkakadikit namin.

"Kami na lang dito, Ken." Palayaw sakin ni Matty. "Enjoy yourself! You deserve it!" Sabi niya na may kindat bilang panuldok.

"Naku, Matty, tutulong ako." Akma sanang itutupi ko na ang gamít na dahon ng saging pero pinigilan ako ng mga kasamahan namin.

"Ang plastik mo!"

At saka ako ipinagtabuyan ni Matty at ng mga kasama namin. Tanging tawa lang ang naririnig ko mula kay Lucas, na mukhang aliw na aliw naman sa kanyang nakikita. Sa paglalakad namin papuntang dalampasigan, kung nasaan ang kasiyahan, ay wala saaming umimik ni Lucas. Tahimik lamang kaming naglalakad, at nang bandang malapit na kami sa sentro ng tugtugan ay hindi na siguro nakapagpigil si Lucas.

"'Di mo naman sinabing dito pala ang trabaho mo," pagbabasag niya ng katahimikan.

Napatangá ako saglit, iniisip kung anong sinasabi niya. Nang maalala ang pag-uusap namin kaninang madaling araw ay napatango ako't napangiti. Hindi alam kung paano ikukwento ay napasabi na lang ako ng, "Suprise! I'm here!"

Tumawa siya nang malakas. Likas talaga sa kanya ang pagiging masayahin. Kung lumiwanag ang mukha niya'y aakalain mong 'di siya dinadapuan ng problema. Pero, kapag nagseryoso nama'y mahihiya kang lumapit.

Narating namin ang puting dalampasigan na ang mga tao'y nahahati sa kanila-kanilang grupo. May ilan ring dalawahan lamang, pero ang karamihan ay kasama ang kanilang mga kaibigan. Lahat sila'y nakaupo lang muna at nakaharap sa entablado kung saan malumayan ang tugtugan. Dahil maaga pa, hindi pa gaanong upbeat ang tugtog.

Umupo si Lucas sa bandang kaliwa ng entablado, malayo sa iba at nasa parteng hindi gaanong abot ng sumasayaw na mga ilaw. Ito ang kadalasang pinupwestuhan ng mga taong tinatago ang pagkakaibigan.

Tinapik tapik niya ang buhangin sa tabi niya at tinaas-taas ang mga kilay. "Upo na."

Tumabi ako sa kanya. Mismong nasa unahan na namin ang entablado, at naroon ang isang babaeng kumakanta kasama ang kanyang banda. Ang kwerdas ng mga gitara'y rinig na rinig at sinasabayan ng pag-ugoy ng mga ulo ng mga taong nakikinig.

"Ang ganda, 'no?" Tanong ni Lucas sa direksyon ko.

Tumango naman ako bilang sagot, ang mga mata'y nakatutok pa rin sa banda sa unahan. "Ano kayang kanta yan?" Tanong ko.

"Comfort in Your Strangeness."

'Di naintindihan ang sagot niya ay napatingin ako sa kanyang direksyon. Sa aking pagkabigla ay nakatingin rin pala siya saakin, ang mga mata'y taimtim na sinusuri ang aking mukha. Ang iba't-ibang kulay ng entablado ay tumatama sa kanyang pisngi sa paraang nagmumukha siyang misteryoso't 'di mabasa-basa ang iniisip.

"Baka matunaw ako," biro ko sa kanya kahit medyo naiilang na sa kanyang mga titig.

Tumawa siya't napakamot ng ulo. "Sorry, I didn't realize I was staring."

"Baka mahulog ka sa'kin."

"I'll try not to," tumatawang sambit niya. Ibinalik niya ang tingin sa entablado at saka mas lumapit saakin. Nang ang nararamdaman ko na lang ay ang init ng kanyang katawan ay nadama kong umangat ang kanyang braso. Ipinatong niya 'yon sa balikat ko na para bang matagal na niya 'yong ginagawa. Na para bang natural na saamin ang ganoong posiyon.

"Okay lang ba 'to?" Nahihiya niyang tanong.

"Oo," mas nahihiya ko namang sagot.

Ito na siguro ang punto ng pagtatanong at pagsisigurado. Sa pagsusugal nga'y kailangan pa rin kahit papano ng kasiguraduhan. Malabo ang linya ng pagkakaibigan at pagkakagusto. Maraming ginagawa ang isang tao dahil likas siyang mabait at mapagbiro, sa iilan walang ibig sabihin ang kanilang pagiging clingy. Maaaring nakikipagkaibigan lamang si Lucas at hindi niya talaga ako gusto.

Ngunit, hindi ko mailabas sa bibig ang mga katanungan. Ang pakiramdam ng kanyang katawan ay nagpapawi ng ibang emosyon, liban na lamang sa kilig. Sobrang lapit na namin ay nawawalan ako ng lakas ng loob para alamin kung ano ba ang ibig sabihin ng kanyang mga galaw.

Dala na rin siguro ng takot na maaaring wala lang ang lahat ng 'to.

Sumabay ang mga katawan namin sa pag-indayog sa kinakanta ng babae sa unahan. Marahan lamang ang aming mga galaw.

"Ken," bulong niya sa direksyon ko, ang init ng hininga'y aksidenteng napahaplos sa aking leeg. "Tama nga si Cynthia Alexander, there's comfort in your strangeness."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top