Kabanata IV

Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan habang naglalakad papalayo sa rumaratrat na bibig ng boss ko — dati kong boss. Kung gusto kong talakan, e di sana'y umuwi na lang ako sa nanay ko. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ako ng kakaibang kaginhawaan na para bang sa wakas ay nakahihinga na ako nang maluwag.

Subali't agad naman 'yong napalitan ng pagkatigagal. Ang kaninang nabunot na tinik ay nanumbalik, ngunit ngayon ay mas malaki at mas madiin ang pagkakabaon.

Kung wala akong trabaho paano ako makapag-iipon para sa summer class ko. At kung hindi ako makakabayad para sa summer class, baka mapag-iwanan ako sa klase. Malaki ang tsansang hindi na ako makapag-martsa't maging Octoberian na lang. Malaking kahihiyan 'yon sa pamilya ko, kung sakali. Lalo na't hindi naman alam ng mga magulang ko ang kasalukuyan kong estado.

Ayoko namang mapagkaitan ang mga magulang kong makita akong magmartsa pataas ng entablado.

Sa mga gan'tong pagkakataon, wala akong ibang magawa kundi ang mag-isip. Mahirap ang gumalaw lalo na kung ang sarili mong utak ang kalaban. Gustuhin ko mang uminom pa ng alak, mukhang hindi na rin 'to kaya ng katawan ko. Hanggang ngayon kasi'y pumipintig pa rin ang utak ko't nanúnuyô na ang lalamunan ko.

Bumalik ako ng kwarto kong balisa. Saan ako huhugot ng pera at saan ako hahanap ng trabahong tumatanggap ng walang diploma.

Ilang oras din akong nanatiling nakahiga sa kama't nakatitig lang sa puting dingding ng aking kwarto. Hinihintay na may kung anong milagrong dumating. Hindi ako maka-Diyos na tao, mahirap 'yon kung lumaki kang sinasabihang pupunta ka ng impyerno dahil sa 'yong kasarian. Pero sa mga sandaling 'yon wala akong magawa kundi ang tawagin ang Maykapal.

"Tulong naman ho," sambit ko habang buhol buhol ang sariling utak. "Promise 'di na ako iinom kailanman, basta makahanap lang ako agad ng trabaho. Promise ko 'yan, sa'yo. Peksman!"

At katulad nga ng kasabihan sa ingles, be careful what you wish for. Hindi pa man ako natatapos sa aking panalangin, nadama ko ang walang pakundangang panginginig ng cellphone ko.

"Oh," sagot ko nang makita ang tumatawag.

"Ang aga-aga parang sinakluban ka na ng langit at lupa," bati pabalik ng nasa kabilang linya.

"Wala akong panahon para matalakan, Matty."

Si Matty, Matthew sa iba, ay ang kababata't matalik kong kaibigan. Galing kami sa parehong elementarya't madalas na pinagsasabong ng aming mga guro. Siya lang naman kasi ang nakakalaban ko noon pagdating sa klase at iba pang bagay. Nakabuti saaming nagkahiwalay kami ng hayskul dahil nang hindi na kompetisyon ang tingin namin sa isa't-isa'y 'saka kami naging magkaibigan.

"Salutatorian tatalakan ang Valedictorian?" Natatawa niyang biro. "Parang ang pangit namang pakinggan."

Kap'ringgit akong napangiti sa sinabi niya. "Sira ulo! Ano nga? Ba't ka napatawag?"

"Libre ka ba ngayon?"

Kung bakit ako natigilan sa tanong ay hindi ko rin lubos maintindihan. Ibang lebel na siguro ng kakapalan ng mukha ang isiping may iba ako ngayong gagawin. Bukod sa titigan ang dingding at magkunyaring mag-aaral, wala naman akong mapagkakaabalahan.

"Depende sa nagtatanong," sagot ko na lang.

Hindi ko man nakikita ay rinig ko ang pag-irap ni Matty, "Bigla kasing nag-back out isa naming kasamahan dito sa event, ta's naisip kita. Sayang naman, bakasyon ta's dagdag income. Iyan ay kung G ka."

Para bang nagliwanag ang buong kalangitan sa sinabi niyang 'yon. Lord, thank you! Hindi man yon siguro trabahong may regular na kita, kahit papano'y magkakaroon ako ng pampalipas oras habang naghahanap ng panibagong trabaho.

"Anong event ba yan?"

"Surfing competition, dito sa Sorsogon."

Walang pag-aatubili'y binigyan ko siya ng matamis kong oo.

"Great!" Masayang bulalas ni Matty. "Susunduin kita d'yan sa apartment mo. Be there in, siguro, less than thirty minutes, ayos ba?"

Sa loob humigit kumulang sampung minuto ay nakapaghanda na ako ng lahat ng dadalhin ko. At isa pang sampung minuto ay kaharap ko na ang Sedan ni Matty'ng marami rami na ang pinagdaanan sa paglipas ng panahon.

"Pasensya ka na sa kalat." Inalis ni Matty ang ilang mga gamit sa shotgun at inilipat sa likuran.

"Para ka namang others," pagpapanatag ko ng loob niya. "Kaakibat na ng pagkatao mo ang pagiging makalat, Matty. At tanggap ko 'yon."

"'Tang 'na ka."

Sa pagsisimula ng aming byahe ay nagsimula ring magpaliwanag si Matty ng pupuntahan namin. Ang mata niya'y nakapatda sa kalsada pero ang bibig ay malinaw na pinaliliwanag na ang destinasyon namin. Ayon sa kanya, taon taong nagkakaroon ng surfing competition sa Sorsogon, p'wede rin 'yong tawaging festival dahil sa gabi'y may tugtugan at party sa dalampasigan. Tinatawag 'yong Lunad sa Balod at simula nang maging matunog ito, marami na ang naging parokyano. Katunayan nga niyan ay hindi pa nakaka-isang linggo ang pagbebenta ng ticket online ay dinumog na 'yon at nagkaubusan.

"'Di naman gaanong mabigat ang gagawin natin," sandaling napatingin sakin si Matty, naninigurado. "Ang totoo niyan ay baka sa umpisa lang tayo mapapagod."

"E ano ba talagang gagawin?"

"Sa entrance booth tayo." Nagsisimula nang mapalitan ng mga nagtatangkarang mga puno't damuhan ang mga kabahayaan sa labas ng aming sasakyan. "Taga assist sa mga papasok. Taga bigay ticket, taga tali ng wrist band, taga masid kung may papasok na cute."

Namuti nga ang mga mata ko sa huli niyang sinabi. "Haliparot!"

"Seryoso nga!" Natatawa niyang sabi. "Maraming cute don, kung naghahanap ka ng dyowa, naku marami-rami d'on. Sa dami ba naman ng papasok sa entrance, malay mo this time ikaw na ang mapasukan."

Kung hindi lang siguro nagmamaneho'y pinagtatampal ko na siya. Si Matty ang kauna-unahang kaibigang sinabihan kong bakla ako. Sinabi ko sa kanya 'yon sa harap ng pitsel ng pinaghalong gin at pomelo na tinimpla niya. Buong akala ko'y magbabago ang pagkakaibigan namin dahil doon, pero kabaligtaran ang nangyari. Mas naging close kami't naging mas bukas ang aming pag-uusap. Katunayan nga niyan ay madalas siya pa ang nagtutulak sa mga lalaking kilala niyang nagkakagusto rin sa kapwa lalaki.

Umabot ng tatlong oras ang naging byahe namin. Sa loob ng durasyong iyon ay napalitan ng kalikasan ang kahit anong bahid ng kalungsuran sa labas ng aming sasakyan. Ang dating abuhang kulay ng mga gusali ng Legazpi ay pawang luntiang kulay na lamang ng kabundukan. Maging sa loob ng van, ang asaran namin ni Matty ay naging katahimikan, iyong katahimikan ng isang mainit at nakakatamad na hapon.

Nakatulog ako. At nagising na nasa aming paroroanan na.

Bumaba kami sa isang malawak na paradahang hindi matukoy kung alin ang damuhan at alin ang simula ng dalampasigan. Sa unahan ng paradahang ito ay ang mismong resort na punong puno ng mga kahoy ng niyog, at sa ilalim ng mga 'yon ay mga kubo't iba't-ibang klase ng tolda. Ilang hakbang pa paunahan ay makikita na ang maputing buhangin ng Buena Vista Surf Camp beach at ang naghahampasang mga alon nito.

"Hi, guys!" Pagbati ni Matty sa mga taong nasa entrada. "Eto si Aiken, kapalit ni Marie."

Si Marie 'yong babaeng nag-back out last minute.

Mainit naman akong tinanggap ng aming mga kasama at itinuro nila saakin ang mga dapat gawin. May taga bantay sa listahan ng mga pangalan, may taga tanggap ng bayad, taga sukli, taga tingin sa online reservation, at may taga tali ng mga wrist band. Kami ni Matty sa listahan.

Hindi pa nagtagal ay nagsidatingan na ang mga bisita ng lugar. Iba't-ibang pinanggalingan. May ilan ngang galing pa sa Kamaynilaan. At tama nga si Matty, marami ang magaganda't gwapong nagsisidatingan.

"Next!" Sigaw ko, ang tingin ay nasa listahan, sinisiguradong maayos ang mga nakasulat. Saktong ituturo ka na sa taong kasunod sa pila ang patlang na susulatan nang matigilan ako.

"Mukhang nakakita ka ng multo ah," biro niya.

Ang mamasa-masang labi ng lalaki ay nakangiti saakin habang pinagmamasdan ako. Ang mga titig niya'y bumabaon saaking pagkatao, isabay pa ang tila kapilyuhang tinatago sa likod ng kanyang maamong mukha. Bumalik ako sa pinto ng kanyang kwarto't inaanyayahan ako. Kung ganito ang itsura ng mga multo, handa akong sumakabilang buhay ngayon na.

"It's you." Ang dapat sanang bulong lamang ay naging isang malakas na singhap.

"It's me," Natatawa niyang pagkumpirma. "Must be destiny."

Tadhana nga naman.

Yumuko siya upang lumebel saakin kung kaya't mumuntikan nang dumikit ang aming mga mukha. Nagsulat siya sa patlang at hindi ko napigilang pagmasdan ang maputing balat ng kanyang dibdib. Ang Hawaiin shirt niyang ang dalawang butones sa itaas ay nakabukas ay pinaiisip ka kung ano ang maaaring histura kung wala ito.

Siniko ako ni Matty upang ibalik ako sa kasalukuyan. Ang iba ring tao sa pila'y nagmamaktol na dahil sa kabagalan ko. Tinanggap ko ang raket na 'to na hindi man lang naisip na posible nga palang dito ang beach na sinasabi niya kagabi. Kung alam ko lang, siguro'y nag-ayos rin ako.

Sana'y nagsuot rin ako ng mas maayos kaysa sa isang tie dye shirt at maikling korto lang.

"You can get your wrist band there." Tinuro ko ang babae sa sunod na estasyon nang may ngiti sa mga labi. "Enjoy your stay!"

"Will I see you later?" Tanong niya, kahit na minamadali na siya ng mga nasa likuran niya.

Natawa ako sa pagkalito ng kanyang katawan, kung didiretso na ba, o makikipag-usap pa sa'kin. "Tignan natin kung pumayag si destiny."

Habang naglalakad siya palayo naramdaman ko ang kilig na kanina ko pa sinusubukang itago. At mas lalong umigting ito nang bumulong si Matty sa direksyon ko, "Sabi ko naman sa'yo, malay mo this time ikaw na ang mapasukan."

Napalo ko tuloy siya nang malakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top