Kabanata III

Sumisigaw ang liwanag mula sa bintana ng kwarto nang magising ako. Umaga na naman.

Iniinda ang hílo't sakit ng ulo dulot ng hangover ay nagmadali akong mag-ayos upang makapunta agad ng trabaho. Mabuti na lang at wala akong kaagaw sa tubig at CR, kaya madali lang ang aking paghahanda ng sarili.

Tatlong buwan na rin akong pumapasok bilang kahero sa isang sikat na doughnut shop upang may pang-gastos ako sa pag-aaral. Kailangan ko rin kasi ng pandagdag sa babayaran kong summer class kung gusto kong makahabol at makapag-martsa sa graduation. Hindi 'to alam ng mga magulang ko dahil hindi ko rin sa kanila sinasabi. Bukod sa malalaman nilang may hahabulin akong subject, kung malalaman nila 'to ay tiyak na hindi sila sasang-ayon at makikita nila 'to bilang pagkukulang sa kanilang parte (kahit ang totoo'y hindi naman). Mas madali ring ilihim na lang ang mga gan'tong bagay kaysa magpaliwanag ako sa kanila. Mahirap ang magpaliwanag lalo na't hindi rin marunong makinig ang matatanda.

Sa loob ng dalawampung taon, iilang beses lang akong nagsinungaling sa mga magulang ko. Madalas nagsisinungaling lang ako kapag gumagala kasama ang mga kaibigan at hindi nakapagpaalam. At ang ilang beses ay kapag kinúkupitan ko sila ng pera. Itong trabaho lang siguro ang ikalawang pinakamalaking kasinungaling ko, ang una'y ang mga naibagsak kong asignatura.

Bago ako makaalis ng kwarto ay naramdaman ko ang pag-hugong ng aking cellphone sa bulsa. Si mama.

"Hello, Aiken!" Bulyaw niya sa kabilang linya. Tumatanda na rin siya't hindi na naririnig kung gaano kalakas ang sariling boses.

"Oh, ma," sagot ko. Sinara ko ang pinto ng kwarto't sinimulan na ang paglalakad papuntang trabaho.

"Tawag ako nang tawag kagabi." Malakas pa rin ang boses niya.

"Oo nga ho, eh. Sorry, ma. Thesis kasi," pagsisinungaling ko. Sa susunod pang taon magsisimula ang thesis namin. Subali't, madaling gamiting palusot ang kahit anong akademiko dahil hanggang ngayon ang tingin saakin ng mga magulang ko ay ang parehong anak na babad sa pag-aaral. Ang problema nga lang sa álibáy na 'to ay dinadagdagan nito ang patong-patong na inaasam nila mula saakin.

"Ah, mahirap talaga ang Engineering, ano?" Wika ng nanay ko, mas patanóng kaysa paturol.

"Opo."

"E 'yong anak ni Mareng Cora, si Pauline ba 'yon? Anong kurso nga nón?"

"Paula ho, ma." Lumiko ako ng daan. Limang minutong paglalakad na lang ay maaabot ko na ang panaderyang pinagtatrabahuhan. Malapit lang 'yon sa apartment kaya kahit papano'y tipid rin ako sa paglalakad. "Comm arts ho."

"Comm arts," pag-uulit ni mama. Hindi nakapagtapos ang nanay ko ng pag-aaral – ni hindi nga nakatuntong ng kolehiyo at kinailangang huminto nang hayskul – kaya alam kong banyaga ang mga salitang 'yon sa kanyang bibig. "Pero pareho kayo ng paaralan, 'di ba?"

Tumigil ako saglit sa paglalakad. "Opo."

Matagal ang sumunod na katahimikan saamin ng nanay ko. Ramdam ko ang pagdadalawang isip niya base sa magkakaibang agwat ng kanyang paghinga. May gusto siyang sabihin o linawin pero hindi niya alam kung paano, o kung dapat.

"E sabi kasi nitong Pauline,"

"Ma, Paula ho."

"Este Paula ..." Hindi ko man nakikita ay alam kong umiling siya ng ulo. Madalas niya 'yong gawin tuwing nagkakamali siya. "... sabi niya buong Unibersidad daw ninyo'y bakasyon dahil sem break."

Napapikit ako't napahinga nang malalim. "Ah, sinabi niya 'yon?" Kapag nakailàng beses ka ng nagsisinungaling sa mga magulang mo, aakalaing mong mas dadali iyon sa bawat kasinungaling, pero hindi pa rin. "Sila ho kasi wala pang thesis."

"Yan nga rin sinabi ko sa kanya. Pinagtawanan ba naman ako," naiinis niyang kwento. Ang bawat patinig ay bilog na bilog sa kanyang bibig. "E 'di tulad sa'yong nag-aaral nang maayos, bulakbol din yung anak ni Cora na yon e."

Isang kalsada na lang ang layo saakin ng doughnut shop ngunit hindi ko iyon matawid. Nakakaparalisa rin minsan ang konsensya.

"Ma, kailangan ko na ibaba. Thesismate ko kasi, tumatawag," paalam ko sa kanya. May ibang bigat ang magsinungaling sa nanay, at sa mga sandaling ito ay hindi ko na 'yon kayang buhatin.

"O s'ya, sige na. Galingan mo ha. Make us proud."

Make us proud, inulit ko sa sarili ko. Alam kong sinabi 'yon ng nanay ko nang hindi pautos, bagkus ay isang natural na panapos lang ng tawag. Subalit hindi ko maiwasang makaramdam ng pressure. Kung alam lang ng mga magulang kong sinusubukan ko naman. Ngunit kahit anong pagod at kahit anong pagsusumikap ko'y hindi ko magawang ibalik ang Aiken na dating kinukwento nila sa mga kumare't kumpare nila.

Mula sa aking bituka papunta sa aking bibig ay naramdaman ko ang pagtaas ng isang pamilyar na pangangailangan. Sa loob ng dalawang taon ay nakilala ko nang lubusan ang pangangailangang ito. Kailangan kong uminom.

Sa halip na tawirin na ang aspaltong kalsada ay natagpuan ko ang sariling mga paang tinutungo ang bilihan ng alak. Isang serbesa lang naman. Walang pakundangang kumuha ako ng beer, binayaran iyon, binuksan, at linagok ang laman na tila wala ng bukas. Isa. Dalawa. Tatlo. Kumalat ang pinaghalong lamig at init ng inumin sa aking lalamunan, pababa sa aking dibdib, hanggang sa maabot ang aking t'yan.

Ibinalik ko ang bibig ng bote sa aking mga labi. Lumalabo ang mga paningin ko dahil sa mga nagbabadyang mga luha. Uminom akong muli, hindi na pinapansin ang pagpintig ng utak ko ng dahil sa hangover. Nais kong lunurin ang lahat ng kalungkutan at konsensyang aking nararamdaman.

Paano ba humahantong ang isang tao sa gan'to? Tanong ko sa sarili. Totoo nga ang sinasabi nilang kung ano ang itinaas ng 'yong akyat, 'yon din ang ikalulugmok ng 'yong pagkahulog.

Pumasok ako ng trabahong nangangamoy alak. Pagpapawisan lang naman ako maya-maya, kaya't mailalabas ko rin 'yon sa aking sistema. Sinimulan kong ayusin ang mga upuan at lamesa kahit na ang simpleng pagyuko ay nagpapaikot na ng aking paningin.

"'Buti naman at napagdesisyunan mong pumasok pa." Nangunguna ang t'yan ay lumabas ang boss ko galing sa kusina. Dala-dala niya ang mga doughnut at ibang tinapay para sa display.

Pasikreto akong napairap sa kanyang sarkastikong komento. Ilang minuto lang akong nahuli pero putok na putok na ang butse niya. Nang humarap ako ay halos mapunit na ang pisngi ko sa lawak ng ngiti ko. Itinaas ko rin ang dalawa kong daliri bilang peace sign. "Sorry ho, madam. Masakit ho kasi t'yan ko kaninang umaga."

"Kaiinom mo yan," mapangmataas niyang sambit.

Hindi ko na sana balak pang palawigin ang usapan pero nangati ang aking dila. "Huwag ho tayong nagpapaniwala sa tsismis, madam," may ngiti sa labi kong bigkas.

Hindi siguro nagustuhan ang biro ko'y nangasim ang kanyang mukha. "Ayusin mo nga ang pagsagot mo." Salubong ang mga kilay niyang nilapag ang mga doughnut sa lalagyan. "Wala kang modo."

Alam ang sariling tabas ng dila ay tinikom ko na lang ang aking bibig. Kung sumama siguro ako doon kay Lucas ay hindi ko kailangang tiisin ang babaeng 'to. Siguro'y sa halip na mga angil, ang naririnig ko ay ang paghalik ng alon sa mga buhangin. At sa halip na amoy ng masa ay maalat na hangin ang natitikman ko.

"At ano ba yang nasa may kwelyo mo ha?" Pagbabalik saakin ng āmo ko sa realidad.

Tinignan ko ang uniporme ko't nakita ang sinasabi niya. Hindi ko siguro napansin kaninang nabasa pala ito ng inumin ko. "Wala ho ito, nabasa lang."

Lumapit siya saakin at sinuri ang kwelyo ko. Sa sobrang lapit ng mukha niya'y kinailangan kong ibaling ang mukha ko't pigilan ang sariling huminga. "Lasing ka ba?"

Sabay na namilog ang aming mga mata sa sinabi niya. Nalintikan na. Napaatras ako nang bahagya palayo sa kanya. "Naku, madam. Sinasabi ko ho sainyo, ang tsismis ay nakamamatay."

Lumapit siyang muli at inamoy ako. "Santísima! Pumasok ka nang nakainom? Amoy na amoy ang alak sa'yo!"

Hindi ako sumagot.

"Lumayas ka!" Nanlilisik ang mga matang itinuro niya ang pinto. "Lumayas ka rito!"

Sa halip na makiusap para sa trabaho na 'to ay napalaták na lang ako ng dila. "Buti naman. Ang baba naman nga ng pasahod mo! Wala pang Philhealth at SSS!"

Umalis akong hindi nililingon ang pagbubunganga ng boss ko – dati kong boss. Manigas siya!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top