Kabanata I
Ang kalungkutan ay isang alon, at ngayong gabi ako ay nalulunod.
Pumasok ako ng college na iisa lamang ang gusto: at 'yon ay ang maibalik ang dating ako. Nais kong patunayang hindi nawala ang golden kid na nakilala ng mga tao. Na ako pa rin 'yong batang anim na sunod-sunod na taóng naging first honor noong elementarya. Na ako pa rin 'yong hayskul student na nagdala ng karangalan saaming mumunting barangay. Na andito pa rin ako, at ako pa rin ang Aiken na maipagmamalaki ng aking mga magulang.
Ngunit, tila malabo nang mangyari ang pangarap na 'yon.
Dalawang taon sa kolehiyo ngunit wala pa rin ang dating Aiken. Puro kapalpakan pa rin. Puro mabababang grado, at puro pasang-awa. Ang totoo nga niyan ay naibagsak ko pa ang isang subject, at sa sobrang hiya ko ay hindi ko pa rin masabi sa aking mga magulang. Kaya kahit na semestral break na ay hindi pa rin ako makauwi, walang mukhang maihaharap sa kanila, dahil alam kong kayod kalabaw sila para lang mapatapos ako ng pag-aaral.
Sa loob ng dalawang taong pagkalugmok ay nadiskubre ko ang alak. Sabi nila natural na raw ang alak sa College of Engineering. Pero hindi ko 'yon nadiskubre dahil sa kultura sa loob ng aming departamento. Nakilala ko ang alak dahil sa taglay nitong pakikisama.
Katulad ngayon. Habang nasa pasamano ng bubungan, ang tanging karamay ko ay mga bote ng serbesa. Bibihira namang umakyat ang mga kasama ko sa apartment kung kaya't malaya akong mapag-isa rito sa rooftop.
Siguro kung normal na araw ay maingay ang eskinitang 'to. Noong hindi pa kasi nagsiuwian ang ibang estudyante para magbakasyon, buhay na buhay ang nakapalibot na mga apartment at boarding house dito. Naandyan ang mga nagkakantahan (jamming), mga tambay sa labas, at lalong lalo na ang mga nag-aaral nang magdamag. Ngunit dahil bakasyon, wala ang mga nasabing ingay at ang tanging maririnig lamang ay huni ng mga kuliglig.
Pero mabuti na rin sigurong hindi ngayon normal na araw, dahil hindi ko sana makikita ang mga bituin. Dahil halos lahat ay nagsiuwian, iilan lamang ang kwartong may ilaw na nakikipag-agawan sa mga kumukutikutitap na tala sa kalangitan.
Masaya ako sa piling ng mga bituin. Mayroong taglay na alwan ang isiping isa lamang ang planeta natin sa bilyong bilyong mga bato sa kalawakan. At lahat ng ginagawa natin ay maaaring wala naman talagang saysay, na lahat ng kakulangan ko ay hindi talaga gaanong kalaki.
Ubos na ang kasalukuyang iniinom ay inabot kong muli ang isa pang bote ng alak at binuksan 'yon. Pangatlo ko na ata ito ngayong gabi. Ibig sabihin, dalawa pa nito, mahimbing na akong makatutulog. Tatlo pa ay baka sabihin ko na ang lahat ng sikreto ko sa isang estranghero. At apat pa ay matutulog akong yakap-yakap ang inidoro.
Hihigop na sana ako mula sa kabubukas lang na bote nang paliguan ang likod ko ng ilaw mula sa loob ng bahay. Bumukas ang pinto ng rooftop at napapikit na lamang ako sa pagkadismaya. Akala ko'y solo ko ngayon ang bubungan buong gabi. Akmang aalis na sana ako upang lumipat ng lugar nang biglang magsisigaw ang lalaking kalalabas lang mula sa pintuan.
"For christ's sake!" Galit ang tono nito. "So, that's it then?"
"Over some fucking rumors! 'Tang ina naman!"
"Sige. Ibaba mo na, tutal ano pa naman ang silbi ng pag-uusap na 'to!"
"Have a good life, Janine!"
Hindi siguro ako napansin ng lalaki dahil patuloy ang kanyang naging litanya. Sunod-sunod iyon at mukhang malala ang pinag-aawayan nila ng kausap sa telepono. Love life, siguro. Hindi ko na sana siya susubukang aninagin pa, pero bigla akong may narinig na kalabog.
Sa sahig ng rooftop ay tumbado ang isang plastik na silyang malamang ay iniwan ng ibang kasama namin sa apartment. Kung anuman ang ikinagagalit niya ay walang labang tinatanggap 'yon ng monobloc na sinisipa niya pa rin hanggang ngayon.
Hindi pa rin niya ako napapansin. Mabuti naman dahil kung malalaman niyang may nakakakita sa kanya, malamang ay mahihiya siya. At kung mahihiya siya, malaki ang tsansang mahihiya rin ako para sa kanya. Kung mangyayari iyon, hindi ko alam kung anong dapat gawin. Sa aming dalawa baka ako pa ang makaramdam na dapat ako ang umalis.
Sana umalis na siya agad, total nauna naman ako rito.
Tumigil ang tunog ng pagsipa sa plastik na upuan. Huminga ako nang malalim at nagpasalamat sa hangin. Lumingon ako sa kinaroroonan ng lalaki, hinihiling na sana'y pabalik na siya sa loob, subalit sa halip na paalis ay nakatayo lang siya sa parehong pwesto at nakaharap saakin. Sapat ang ilaw mula sa bituin at buwan para malaman kong nakatingin siya sa direksyon ko.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Ilang segundo pa kaming nagtinginan bago niya basagin ang katahimikan.
"P'wede bang bumaba ka d'yan?" Dahan-dahan siyang naglakad papunta saakin, ang mga yabag ay maingat. Ito ang unang pagkakataong narinig ko ang boses niya nang hindi pasigaw, at naramdaman ko ang lalim nitong maglakbay mula sa aking mga kalamnan papunta sa aking dibdib.
"Hindi ako tatalon," biro ko. Siguro ay iniisip niyang magpapakamatay ako dahil sa pwesto ko.
"You're inches away from death." Patuloy siya sa paglalakad papunta saakin, dahan-dahan pa rin. Ngayong malapit na siya, kitang-kita ko na ang kanyang mukha. Pogi siya, mestizo, at parang marami na ang napaibig at napaiyak. Ito 'yong tipo ng gwapo na mahirap lapitan dahil alam mong parati siyang napapalibutan ng sing-gwapo at sing-gandang mga tao. May iilang hikaw siya sa tenga at isa sa ilong. Dumi sa katawan kung sa iba, pero 'pag dating sa kanya ay dagdag pang-akit lang.
Ngumiti ako, "Kalmahan mo lang, kuya. Kung oras ko na e di oras ko na."
"Gago," Tinaas niya ang kanyang palad, mistulang sumusuko. "Bumaba ka na lang kaya."
Lintik naman na lalaking 'to, naisip ko. Ang kulit. Upang hindi na humaba pa ang usapan ay aalis na lang ako. Hindi pa man ako nakagagalaw ay naramdaman kong may kamay na pumulupot sa pulso ko, humila, at tuluyan akong kinalabit papunta sa ibang direksyon. Kasabay ng paglipad ko papunta sa sahig ay ang pagkabasag rin ng bote ng alak sa aspalto sa baba.
Umikot ang paningin ko nang maramdaman ko ang pagtamà ng likod ng ulo ko sa semento.
"Pucha!" Sigaw ko habang hawak-hawak ang nakatamàng parte ng ulo ko. Tumayo ako, at sandaling nagpagewang-gewang. Nang makahanap ng balanse ay sinugod ko ang lalaki't tinulak siya nang bahagya. "Ano bang problema mo?"
Napaatras siya. "Kung magpapakamatay ka huwag dito, bali-baling buto lang makukuha mo."
"E sa hindi nga ako magpapakamatay! Sa lakas ng hila mo e mukhang ikaw pa ang papatay sa'kin."
Natigilan siya. Ibig niya bang sabihin, talagang naniniwala siyang tatalon ako mula sa pasamano? Unti-unting naplantsa ang mga kunot sa kanyang noo, marahil ay naiintindihan na ang kanyang ginawa. Ang kanina'y pag-áalalá ay napalitan ng hiya. Ngumiti siya't tinaas ang dalawang kamay. Surrender.
Sa ganda ng hugis ng kanyang ngiti, at sa sobrang pantay-pantay ng kanyang ngipin, napawi ang lahat ng galit ko. Nakakahiyang magalit sa mga taong ganito ka-perpekto. Naubosan na rin ako ng sasabihin dahil alam kong mula naman sa mabuting hangarin ang ginawa niyang iyon.
"Sorry," paghihingi niya ng despensa.
"Palitan mo na lang beer ko," asar kong pagpapatawad sa kanya.
Diyos nga'y marunong magpatawad, ako pa kaya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top