✿SEASON FOUR✿
"Being deeply loved by someone gives you strength while loving someone deeply gives you courage."
― Lao Tzu
IKAAPAT
HINDI pa man sumisikat ang araw ay narinig ko nang tumilaok ang mga manok. Nanatili lang akong nakatitig sa kisame habang unti-unting sumilay ang liwanag mula sa bintana. Tatlong sunod-sunod na katok ang narinig ko sa pinto.
"Good morning, Ma'am. Nakahanda na po ang almusal." Boses 'yon ng isang babae sa labas, malamang ay isa sa mga kasambahay sa lugar na 'to.
Bumangon din ako pagkaraan at kaagad na nagtungo ng banyo para maligo. Nakahanda na rin kanina pa kung anong susuotin ko sa araw na 'yon, isang kulay asul na one piece dress na hanggang tuhod ang haba.
Umupo ako sa harapan ng tokador na walang salamin habang sinusuklay ang mahaba kong buhok. Pagkatapos ay hindi na ako nag-abala pa na maglagay ng kung anong kolorete sa mukha, lumabas na ako at nagtungo sa kumedor sa ibaba.
Hindi ko na mabilang kung ilang araw akong narito sa malakingg mansion. Siguro nga'y matagal na dahil kabisado na ng mga paa ko ang pasikot-sikot sa loob. Noon kasi'y kinailangan pa akong samahan ng isang kasambahay para lang magpunta sa banyo.
Katulad nang inaasahan ay masagana ang nasa hapag, amoy pa lang ng mga pagkain ay mabubusog ka na. Mukhang tama nga ang pakiramdam ko na matagal na akong narito dahil hindi na ako nahiya pa't kaagad kong nagsandok ng sinangag na umuusok pa.
Natigilan ako nang biglang umalalay ang isang kasambahay sa gilid, nilagyan niya ang plato ko ng mga pagkain. Lumapit ang isa pang kasambahay na naka-uniporme rin at siniko ang babaeng nagsandok.
"Sabi ni doktora huwag mo na raw siya tulungan para mas maging komportable siya." Bulong 'yon pero nakuha pa ring marinig ng tenga ko.
"Ay, pasensya na po," sabi naman ng babae at saka umatras, nanood na lang ito sa gilid at tila ba naghihintay na utusan ko siya ng kahit na ano.
Walang salitang kumain lang ako ng almusal. Pagkatapos ay automatic akong ginabayan ng isa sa kanila papunta sa susunod na dapat kong puntahan, ang silid kung saan maraming mga bintana, mga libro, at kung nasaan ang lumang piano.
"Good morning po, Madam, nandito na po si Ma'am Remison." Dinig kong sabi ng babaeng kasama ko na siyang nagbukas ng pinto para sa'kin. Pagkatapos ay sinara nito ang pinto bago kami iwanan.
Nang umapak ako sa loob ng silid ay nakita ko siya sa may sofa kung saan ako nakapwesto kapag nagsusulat. Parehas may gulat sa'ming mga mata—mas nauna akong nagulat nang makita siya, at siya naman ay nasurpresa sa naging reaksyon ko.
Kung gano'n... All this time, siya ang kausap ko rito?
"My dear, are you alright?" tumayo siya, nilapag muna sa lamesita ang mga papel, sa pagmamadali niyang lumapit sa'kin ay hindi niya pinansin na hinangin mga 'yon. Imbis na sumagot ay natulala lang ako sa mukha niya.
Naalala ko na siya matapos kong maalala 'yong nangyari noong college...
"M-Ms. Adel?"
Napaawang ang bibig niya nang marinig ang sinabi ko. Dahan-dahan siyang napatakip ng bibig na kaagad din niyang ibinaba, malinaw na pilit niyang kinukubling magkaroon ng reaksyon.
"Y-You finally recognized me," sabi niya na tila ba nakahinga nang maluwag. Napansin kong naging malikot ang kamay niya, parang gusto niya akong sunggaban pero iginiya niya na lang ako papunta sa sofa at saka pinaupo.
Pinanood ko siyang pulutan ang mga nagkalat na papel, 'yong mga sinulat ko kahapon. At saka ko napagtanto na siya ang nagpapagawa nito sa'kin, isulat ko raw ang lahat ng pwede kong maalala simula pagkabata ko.
Bakit? Bakit nga ba?
Dahil hindi mo maalala, sagot din ng isip ko sa akin.
Nang maayos niya muli ang mga papel ay umupo siya kaharap ko at taimtim na tumitig sa akin.
"Did you remember everything, Remi?" tanong niya. Imbis na sumagot ay dumukwang ako sa lamesita at hinanap doon ang huling pahina na sinulatan ko kahapon at saka inabot sa kanya. Saglit niya 'yong binasa at saka muling tumingin sa'kin. "Hanggang dito lang ba ang natatandaan mo?"
Hindi ako sumagot.
"It's alright, you can always take your time to recover your memories," sabi nito at saka humugot nang malalim na hininga. "I... thought this might help you somehow." Kinuha niya sa side table ang isang kahon at saka binuksan 'yon.
Tumambad ang isang cake.
"Happy birthday, Remi."
"Birthday... Birthday ko po ngayon?"
Dahan-dahan siyang tumango. "Yes, Remi. Today is your birthday. Do you want anything?"
Birthday...
Biglang may pumasok sa isip ko.
"Remi... Did you remember—"
"Dapat ipaghahanda ako nina Mamang at Auntie ng simpleng debut celebration sa duluhan," kusang lumabas 'yon sa bibig ko habang nakatingin sa kawalan. Malabo man ang maraming detalye sa isip ko pero sinikap kong alalahanin ang lahat.
"Then... what happened?"
"P-Pero nasira 'yon dahil... dahil kay Tito Miguel, sinabi niya na siya raw ang totoong ama ko." Nang makita niya na sunod-sunod na pumatak ang luha sa mata ko'y kaagad niyang tinabi ang cake at saka lumipat sa tabi ko. "At nang sabihin niya sa'kin ang totoo tungkol sa pamilya ko."
"What was it, Remi?" sunod-sunod akong umiling.
"H-Hindi ko maalala."
Habang pilit kong hinuhukay sa memorya ko ang mga nangyari'y biglang luminaw ang mukha ni Poknat.
"S-Si Poknat..."
"Anong nangyari?"
"N-Nagtanan kaming dalawa." Humarap ako sa kanya at napahawak sa kanya. Hindi siya nakapagsalita. "Si Poknat ang huli kong kasama—magkasama kaming dalawa! N-Nasaan si Poknat?"
Natigilan ako nang makita ko ang pagkabigla sa mga mata ni Ms. Adel... Na para bang sinasabi ng mga tingin niya na hindi ko pa dapat itanong ang bagay na 'yon.
Tumayo ako bigla.
"Ms. Adel, kailangan kong puntahan si Poknat, magkasama kami—"
"Calm down, Remi—"
"Bakit n'yo po ako kinukulong dito?"
"No, hindi kita kinukulong. I'm helping you to recover." Umiling ako na labis niyang ikinabahala. Tinabig ko siya at dali-dali akong tumakbo palabas. "Remi! Don't go!"
Kailangan kong makaalis dito. Kailangan kong makita si Poknat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top