INTERLUDE CHAPTER: BINATA NA SI POKNAT
[POKNAT'S POV]
MINSAN nagtataka na rin ako sa sarili ko kung bakit—kung bakit ikaw ang pinili ng puso ko mula noon hanggang ngayon.
Kung kailan at paano ba nagsimula 'tong nararamdaman ko para sa'yo... hindi ko alam. Basta ang alam ko, simula nang magkahawak ang kamay natin sa paglalaro sa duluhan, may bumulong sa aking munting puso na ikaw, ikaw lang dapat.
Natatandaan ko pa nga, bawat araw ang dumating, maaga akong gumigising para maglaro sa duluhan. Kahit pinagagalitan ako ng nanay ko, okay lang. Umaakyat ako sa puno ng bayabas para matanaw ko 'yung bintana ng bahay n'yo. Ang totoo niyan natatakot ako no'n kay Aling Eme kaya inuutusan ko palagi si Detdet na sunduin ka.
Wala nga siguro sa edad ang pagmamahal, kasi kahit noong bata pa ako, alam kong minamahal na kita.
Tatanungin mo rin siguro kung bakit? Posible ba 'yon? Wala pa tayong muwang noon, ah.
Inisip ko ang pwedeng dahilan, at wala akong ibang sagot na mahanap maliban sa mga alamat. Sabi nila bago raw tayo ipanganak ulit ay namimili na tayo at ang Diyos ng magiging kapalaran natin. Kaya may kutob ako na bago pa tayo isilang, pinili na kita—na kapag nakita kita, hindi kita pakakawalan. Soulmate. Ah, iyon nga ang tawag nila ro'n.
Kung hindi mo tatanungin, mahilig pala akong magbasa. Wala man sa itsura ko dahil may pagkatamad ako sa pag-aaral. Nahilig akong magbasa ng kung ano-ano para makahanap ng paliwanag.
Alam mo ba, may nabasa nga ako noon mula sa Greek mythology. Ang mga tao raw noon ay talagang may apat na braso, apat na paa, at isang ulo na may dalawang mukha. Sa takot daw ni Zeus, pinaghiwalay niya raw 'yon at sinumpa ang mga tao na hanapin ang kalahati nila sa kanilang buong buhay.
Ang astig 'di ba? Paano kung tayo pala talaga 'yung magkadikit, ano? Hindi na rin ako nagtataka kung bakit ako patay na patay sa'yo. Malakas ang kutob ko na magkadugtong ang red strings of fate nating dalawa. Kaya kahit na magkandabuhol-buhol 'yon, gagawin ko ang lahat para sa'yo lang ako dumiretso.
Walang logical na basis ang pag-ibig ko sa'yo, Ming.
Pero hindi ba't gano'n naman talaga ang love? Hindi maipapaliwanag at hindi masusukat. Kaya nga maraming natatanga sa pag-ibig.
Ako? Naisip ko ba 'yon sa sarili ko? Siguro? Pero wala kasi akong pakialam sa sasabihin ng iba.
Noong unang beses tayong magkalayo, pumunta ako no'n sa Maynila. Pinadalhan kita ng tape para ipaalam sa'yo na kahit may mga ibang batang babae akong nakikita, ikaw pa rin ang pinakamaganda sa paningin ko.
Maniwala ka man o hindi, puro paglalaro lang ang inatupag ko buong elementary. Kahit na maraming nagkakacrush sa'kin noon, loyal pa rin ako sa'yo.
Sabi ko nga, illogical ang pag-ibig. Sa isip ko, magkikita pa tayo ulit.
Nangyari nga noong high school. Naalala ko pa 'yung gulat at saya ko noong mapanood ko kayong sumayaw at kumanta sa stage. Noon lang tayo ulit nagkita at alam mo bang gandang-ganda ko sa'yo no'n? Dalaga na ang Mingming ko.
Kahit patpatin ako noon, malaki pa rin ang feelings ko para sa'yo. Ang gago ko lang kasi akala ko noon 'matanda' na 'yung high school kaya kinukulit kita na maging boypren mo 'ko. Dala rin siguro ng mga nakikita ko sa mga kaklase ko kaya iniisip ko no'n, bakit kailangan patagalin pa?
Natatandaan ko pa 'yung inis at selos ko no'n nang malaman kong may crush kang iba, iyong tisoy at basketbolista pa na halatang kumag lang. Pagkatapos may umeksena bigla na anak ng mayaman na English speaking.
Siyempre, hindi ako nagpatalo.
Kahit ilang beses mo akong itaboy noon at kahit na minsan kong sinubukang pagselosin ka (sorry ulit sa kaibigan mong tila ginamit ko lang) na may girlfriend akong iba. Nasasaktan ako na parang walang epekto sa'yo 'yun.
Pero nagkaroon ako ng pag-asa noong isayaw kita noong JS Prom. Mabuti na lang talaga at ako ang naunang sumayaw sa'yo. Noon ko naramdaman 'yung tingin mo sa'kin, parang may iba. Lalo na nang magpaalam ako sa'yo, para kang iiyak.
Sa kasamaang palad, muli na naman tayong nagkahiwalay dahil kinuha na 'ko ng huklubang lolo ko sa Baguio para mag-aral doon.
Ang totoo niyan... Patawarin mo ako kung sinubukan kong kalimutan ka. Sabi sa'kin ng nanay ko noon, mas marami akong makikilala pa na iba. Kaya nakipagkaibigan ako noon sa marami, nakakilala ng mga bagong tao.
Pero bakit gano'n? Ano bang ginawa ko sa'yo noong past life natin? Bakit ikaw pa rin 'yung hinahanap ko noon? Bakit ma gusto pa rin kita? Sumpa ba 'to?
Sinubukan ko, Ming. Sinubukang kong gawan ng paraan para tumigil na 'yung walang sense kong pag-ibig sa'yo. Ang kaso bigla naman tayong pinaglaruan ng tadhana.
Nagsimula 'yon nang magkaroon ng trahedya sa pamilya n'yo. At kamukat-mukat ko na lang, dumating ka rin sa Baguio, sa mismong eskwelahan ko pa para mag-aral.
Napamura ako noon sa sarili ko. Tangina, talagang ikaw talaga ata ang pinipilit sa'kin ng kapalaran. Kaya nagkaroon na naman ako ng lakas ng loob at kakapalan ng mukha na habulin ka.
Ang problema nga lang noon ay nakatali ka na sa iba. Pero selfish ako. Selfish ding magmahal minsan, hindi ba? Pinilit kita na sundin ang puso mo. Kasi alam kong ayaw mo naman talaga sa kasunduang pinasok mo.
At akala mo ba hindi ko napapansin ang mga maliliit mong reaksyon? Malakas ang kutob ko na may pag-asa tayong dalawa, na naiisip mo rin na kahit ilang beses tayong pinaglalayo, parati pa rin tayong pinaglalapit ng tadhana.
Aakalain ng iba nag-iilusyon lang ako pero wala akong pakialam. Hanggang sa dumating 'yung araw na 'yon, 'yung araw na hinalikan mo ako habang nasa duluhan tayo. Kaya sinabi ko no'n sa sarili ko, kahit anong mangyari, hinding-hindi kita pakakawalan.
Kung may hihingiin man ako ng kapatawaran sa'yo ay 'yung hindi ko kaagad pagsabi ng personal na problema ng pamilya ko. Katulad mo mayroon din akong mga problema na gustong takasan, mga responsibilidad na pinipilit sa'kin na hindi ko gustong gawin.
Kaya nang magising ako mula sa aksidente at nalaman ko ang kalagayan mo, sobrang nagsisisi ako. Hindi ko na mabilang at matandaan kung ano ang mga bagay na 'yon. Araw-araw nanatili ako sa tabi mo, hindi ko kayang mabuhay na makita ka sa gano'ng kalagayan. Ikaw ang mundo ko, kaya kung tumigil ang iyo, handa kong itigil ang sa akin.
Hanggang sa sinabi nila sa'kin ang kasinungalingan na 'yon. Isang araw bigla ka na lang nawala sa ospital. Humarap ang mama, papa, at lola mo para sabihin sa'kin ang nangyari.
Huwag kang magagalit sa'kin kung malalaman mo na tinangka kong tapusin ang buhay ko dahil gusto kitang sundan hanggang kabilang buhay. Pero mabuti na lang ay natauhan ako sa iyak ng nanay ko at sa pagmamakaawa niya.
Bilang kapalit ng pagpapatuloy ko sa buhay, pinakiusapan ng nanay ko ang lolo ko na payagan akong gawin ang kahit anong gusto ko sa buhay at huwag ipasa sa'kin ang linya ng trabaho nilang limpak-limpak man ang kinikita'y hindi naman tama.
Nadala rin sa kunsensya ang hukluban kong lolo, siguro naawa talaga sa itsura ko na parang isang pitik na lang ay kukuhanin na ng langit. Gano'n kalala 'yung kalagayan ko nang mawala ka. Hindi ako kumakain, hindi ako natutulog.
Nang unti-unti akong bumangon sa buhay ay ikaw pa rin ang laman ng isip ko. Nagsulat ako ng mga kanta para sa'yo na siyang magtutulak sa'kin na magkaroon ng oportunidad sa industriyang pinapangarap ko lang noon.
Nalasap ko ang tagumpay. Unti-unti kong natanggap na wala ka na sa tuwing binibista ko ang peke mong puntod. Pero dumating 'yung araw na nagsawa ako sa ganitong buhay, marangya man ay mayroon pa ring pagpapanggap.
Akala ko totoong masaya ako sa lahat ng mga natamasa ko. Kaya patawad ulit kung sinubukan ko na namang takbuhan ang mga problema ko. Akala ko kapag nanahimik na ako sa piling ng isang taong akala ko'y mahal ko ng buo ay maaalis 'yung lungkot na nakakubli rito sa puso ko.
Kaya nang makita kitang muli, may nagbago man ng kaunti sa itsura mo, alam kong ikaw 'yon nang marinig ko ang pagtawag mo sa palayaw kong tayo-tayo lang ang nakakaalam.
Makalipas ang sampung taong kalungkutan. I finally figured out why I can't find a permanent satisfaction in my life, because deep inside my heart probably knows that somewhere out there, you're still alive. And it is indeed. Sinasabi ng puso ko na kay tagal kitang hinintay kahit na hindi ko alam.
Akala ko magiging madali para sa'tin ang muling magkasama. Akala ko sapat na ang pag-ibig para maging masaya tayong dalawa. Pero hindi pala. Hindi pala gano'n kadali dahil sa tagal na panahon ng lumipas.
Hindi ko naintindihan kung bakit iniwan mo ako noon sa isla, kung bakit matapos mong magpakahirap umuwi sa Pilipinas para hanapin mo ako'y basta ka na lang umalis ng walang paalam.
Sinubukan kitang habulin at hanapin. Pero nang dumating ako sa manor n'yo sa Canada, umalis ka na naman. They said that you wanted to go far with your teacher, to learn more about life, and to heal yourself.
You want to heal yourself...
Saka ko lang napagtanto. Hindi pa pala ako nadala sa nangyari sa atin noon. Ginagamit na naman natin ang pag-ibig para takasan ang mga mayroon tayo sa kasalukuyan na hindi natin gusto.
Kaya hinayaan kita. Hinayaan kitang magpakalayo-layo.
Bumalik ako ng Pilipinas para ayusin lahat ng mga problema ko. Mula sa career, sa pamilya, at sa sarili ko. Kahit na noong una ay natakot ako, nainip at napraning ako sa kakaisip—na paano kung mahuli na naman ako ng dating? Na paano kung sa bawat oras na lumilipas ay tuluyan ka nang nawawala sa'kin?
Kaya binilisan ko at nagsumikap ako na ayusin ang sarili ko bago kita sinundan. Sa bawat bansa na pinupuntahan mo—nandoon ako. Magalit ka na sa'kin sa pagiging stalker ko pero hindi ko pinagsisisihan na masigurong palagi kang ligtas.
Habang pinagmamasdan kita sa malayo ay kuntento na ako na makita kang ngumingiti. Kahit na minsan nahihirapan kang makipag-usap sa mga foreigner dahil sa ibang lenggwahe nila. Bilib na bilib ako sa katatagan mo. Araw-araw nai-inlove ako sa'yo.
Hindi ko nga rin alam kung paano ko nagawang pigilan 'yung sarili ko na lapitan ka at yakapin sa tuwing makikita kong hindi maganda ang araw mo. Hindi mo alam kung gaano ko gustong-gustong banatan 'yung mga lalaking nagtatangkang lumapit at makipagkilala sa'yo. Sa kabutihang palad wala kang ineentertain sa kanila.
Maliban sa isa. Sa kababata nating si Miggy.
May mga panahon na bigla siyang sumusulpot para dalawin at kamustahin ka sa mga mission ng organization n'yo. Halos mamatay-matay ako sa selos kapag nakikita kong magkadikit kayong dalawa at close na close na namamasyal sa siyudad.
Unti-unti parang nawalan ako ng confidence na lumapit sa'yo at ibulgar na sinusundan kita. Natanggap ko sa sarili ko na hanggang sa malayo muna ako dahil ayokong sirain ang paghahanap mo ng kapayapaan sa sarili mo.
Natatakot ako na sa oras na makita mo ko'y muli na namang gumulo ang tahimik mong mundo. Natuto akong makuntento sa lugar ko. Basta masiguro kong masaya ka at ligtas, okay na okay ako.
At balang araw, magkikita tayong ulit. Makikita mo sa'kin na malaki ang pinagbago ko. Mararamdaman mo na wala na 'yung barrier na namamagitan sa'ting dalawa. Balang araw.
Dumating ang balang araw nang magkita tayo sa birthday party. Akala mo lang ay confident na confident akong sumasayaw pero ang totoo'y mamatay-matay ako sa kaba. Halos hindi rin tayo nakapag-usap dahil naka-focus lang tayo sa laro.
Gustong-gusto na kitang yakapin no'n, alam mo ba 'yon? Kaya nang buhatin kita't nang kumapit ka sa'kin ay gusto ko na agad hagkan ang labi mo. Sobra-sobra kitang namiss.
Pero naduwag ako. Natakot ako.
Kaya hinayaan kitang umalis ulit. Habang dinudumog ako ng mga tao'y hinayaan kitang tangayin ni Miggy palayo. Magdamag ka ng naging busy, at siyempre noon lang din kayo nagkita ng mga best friend mo kaya hinayaan ko muna kayong makapagbonding. Ayokong isipin mo na ako pa rin 'yung dating Poknat na agresibo, selfish, at immature.
"Kiel. Huy. Gumising ka."
"Ano ba, istorbo ka."
"Gago, hindi 'to kwarto. Tumayo ka na at ihahatid na kita pauwi." Inakay ako ni Leighton palabas ng bar. Ngayon na lang ulit ako uminom at hindi ko nakontrol ang sarili ko. "Ano bang nangyari't bigla-bigla kang nagpakalasing? Akala ko ba you're a changed man?"
"Dami mong satsat." Umiling na lang siya at halos itulak ako papasok sa loob ng kotse.
Nagpababa na lang ako sa harapan ng condo building. Lulugo-lugo akong pumasok do'n habang pinagtitinginan ng mga nasa lobby. Tss... Mabuti naman at huwag silang magtangkang makipagpicture sa'kin.
Pagpasok ko sa loob ng unit ko'y may envelope na nasa sahig, sinuksok siguro sa ilalim. Pinulot ko 'yon at saka binuksan nang maupo sa sofa.
You're invited to...
Remison's...
Bigla kong nilukot 'yung invitation at naiyak sa sobrang sama ng loob.
Nanaginip ako nang makatulog. Maliwanag. Amoy bulaklak. Pagkatapos nakasuot ako ng pormal. Kung kailan bumukas ang pinto ng simbahan biglang may malakas na tunog ang nagpagising sa akin.
"Kiel, open the door!" boses 'yon ni Leighton.
Dali-dali namna akong tumayo kahit na parang pinupukpok ng martilyo 'yung ulo ko.
"What the fuck?" binuksan ko 'yung pinto.
"What a welcome," malamig niyang sabi at pumasok sa loob ng bahay kahit hindi ko pa siya pinatutuloy. "Ako ang dapat magsabi niyan. What the fuck, dude? Ano 'tong text mo sa'kin kagabi?" Pinakita niya 'yung phone niya at nabasa ko ro'n 'yung isang text message mula sa'kin. "Anong gusto mo nang mamatay? Okay ka lang?"
Nang ipaalala niya 'yon ay parang pinagbaksan na naman ako ng langit at lupa. Parang batang umiyak ako sa harapan niya.
"Woah, woah, dude! Pare! Anong nangyari?" this time naging sincere ang concern ni Leighton.
"N-nakatanggap kasi ako ng invitation galing kay Ming—"
"You mean, this?" mula sa loob ng pocket ng jacket niya'y pinakita niya 'yung invitation na nilukot ko kagabi. Mas lalo lang lumakas ang pag-iyak ko.
"Tangina, ang sakit, pre! Ang tanga-tanga ko! Dapat pala nilapitan ko na siya noon!"
"H-hey, calm down—"
"Calm down?! Ikakasal na siya?!"
"What?!" sigaw niya pabalik. "Anong pinagsasasabi mong ikakasal?" Tumigil ako at bigla siyang tumawa.
"Tangina huwag mo akong tawanan hayop ka!" akma ko siyang kakaladkarin sa labas nang bigla niya kong sampalin. "Aray ko, gago!"
"Ikaw ang gago! Dapat sa'yo 'yan! Gumising ka nga, hoy! Anong kasal? Condo blessing invitation 'to, baliw! Tulo pa uhog mo!" Tumawa na naman siya.
"A-ano?" Inagaw ko 'yung hawak niyang invitation at binasa nang maigi 'yon.
You're invited to Remison May's Housewarming Party...
"Bulag ka ba?! Ang epic ng itsura mo!" tawa pa rin ng tawa ang gago kaya sa inis ko'y dinagukan ko siya pero nakaiwas ang hayop. "Magbihis ka na nga! Dalian mo at male-late na tayo!"
Sa taranta ko'y tumakbo ako sa CR para maligo at mag-ayos. Wala pang kalahating oras nang matapos ako. Natagalan lang ako sa pagpili ng damit kaya sa huli 'yung simpleng casual attire na lang ang sinuot ko.
Paglabas namin ni Leighton ay may nakalimutan ako. "Wait, 'yung susi ng kotse ko—" piniglan niya akong buksan 'yung pinto ko.
"'Di na kailangan, dude. Malapit lang 'yong condo ni Remi."
"Saan?" tanong ko.
Biglang nginuso ni Leighton 'yung pinto na mismong katapat ng condo ko.
Tangina parang sasabog 'yung puso ko.
-xxx-
A/N: If ever magkaroong ng teleserye 'tong DNSR, si Kelvin Miranda talaga ang tanging Poknat na nakikita ko. ('▽'ʃ♡ƪ) Promise, ka-aura niya talaga!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top