DALAGA 98❀


NAABUTAN ko si Auntie sa kusina na naghahain. Umuusok pa 'yung mga pagkain sa mesa kaya natakam ako lalo. Sa pagod ko kasi kagabi'y hindi na ako nakakain.

"Oh, Ming, kain na," yaya ni Auntie.

Biglang nangibabaw ang tunog ng TV na nakadikit sa pader, sabay kaming napatingin ni Auntie ro'n nang marinig ang pamilyar na pangalan.

Usap-usapan pa rin sa balita ang tungkol kay Zeke Gotzon at sa pagtatapos ng kontrata niya. Wala namang binanggit tungkol sa video o sa akin pero pinatay pa rin ni Auntie ang TV.

"Ayan wala ng ingay, kumain na tayo." Dinig kong sabi ni Auntie Emily at sabay pa kaming naupo. "Tikman mo 'tong sinangag ko." Sinandukan pa niya ako ng pagkain.

Napasulyap ako sa bakanteng upuan at 'di maiwasang maalala si Mamang. Hanggang ngayon sa tuwing naalala ko pa lang siya'y nangingilid pa rin ang luha ko.

"Ming?"

"Auntie... Tama ba 'yung naging desisyon ko?" 'Yung desisyon na tanggihan ang alok ni Poknat na sumama sa kanya.

Hindi kasi masabayan ng isip ko 'yung mga bilis ng pangyayari. Alam ko sa kalooban ko na may isang bahagi sa'kin na gustong pumayag sa gusto niya, pero mas nangibabaw ang isang pag-aalinlangan.

Napabuntong-hininga si Auntie nang tumigil sa pagkain. "Sa tingin mo bakit hindi ka pumayag?"

Napaisip ako saglit.

"Kasi pakiramdam ko... hindi tama."

"At paano hindi naging tama?"

Bago pa 'ko makasagot ay bigla kaming nagulat ni Auntie sa sunod-sunod na malakas na katok sa pinto.

"Teka nga, baka 'yung five-six 'yan, kay aga-agang maningil." Nagmamadaling umalis si Auntie. Maya-maya'y narinig ko ulit 'yung boses niya. "Ikaw na naman?!"

Kaagad akong napatayo at pumunta sa may sala. Halos malaglag 'yung puso ko nang makita kung sino 'yung nakasungaw.

"Good morning po, Auntie. Good morning, Ming—"

"Aba at anong ginagawa mo rito, ha?" pumanewang si Auntie pero hindi natinag si Poknat, ni hindi man lang nasindak sa katarayan ni Auntie.

"Baka po pwede n'yo muna 'ko papasukin." Wala nang nagawa si Auntie kundi pagbuksan si Poknat at tumuloy siya sa loob ng bahay. "Para sa inyo po pala." Napakunot si Auntie nang mag-abot siya ng isang kahon na tiyak ko'y cake at isang paperbag. "Para naman sa'yo, Ming." Binigay niya naman sa'kin 'yung isang pumpon ng bulaklak.

"Teka, teka, nanliligaw ka ba sa pamangkin ko?" direktang tanong ni Auntie, hindi pa rin bumababa ang isang kilay. Tinanggal ni Poknat ang suot na black cap at facemask, kaagad na tumambad ang kanyang ngiti.

"Auntie, pwede po iwanan n'yo muna kami?" Ilang segundo bago tumango si Auntie at saka bumalik sa kusina.

Sabay kaming naupo ni Poknat, nilapag ko muna sa lamesita 'yung bigay niyang bulaklak. Bigla siyang napakamot, parang biglang nawalan ng sasabihin.

"Napadalaw ka yata?" casual kong saad. "Wala ka bang... trabaho?"

"Hindi na ako nagrenew ng kontrata kaya ibig sabihin freelancer na ako," sagot niya.

"Ah... Gano'n ba. Kung gano'n, ano namang sinadya mo rito?"

"Ikaw." Mas lumawak 'yung ngiti niya pero parang bigla siyang nahiya. "Pasensiya na pala sa tanong ko kagabi. Alam ko nabigla ka." Hindi ako nakasagot. "Nagpunta talaga ako rito para sana... Sana yayain ulit kita."

"Na?"

"Since ang dami nating ika-catch up," napayuko siya bahagya. "Gusto ko sanang yayain kang mag-out of town."

"Out of town?"

"Oo, Ming, magbakasyon. Kung... Kung pwede ka sanang sumama."

Tumitig lang ako sa kanya upang masiguro na hindi ako nagkakamali ng dinig. Nasulyapan ko si Auntie na pasimpleng ngtatago at nakikinig sa amin.

"S-sige."

"Talaga?" Mas nabuhay ang mukha niya.

"Sa isang kundisyon."

"Ano 'yon?"

"Kasama ko si Auntie Emily."

*****

"OMG, alam mo ba, Remi, sa sobrang excitement ko hindi talaga ako nakatulog kagabi!" sabi ni Aiza habang naglalakad kami ngayon papunta sa private jet matapos kaming ibaba sa drop area.

Nagpunta sa'min si Aiza ng umaga, pagkatapos ay sinundo kami ng driver ni Poknat para dalhin dito sa pribadong paliparan sa Pampanga. Malayo pa lang ay kumaway na siya sa'min ni Aiza.

"Pero, Remi, sure ba talaga kayo na kailangan kasama ako? Hindi naman sa nagrereklamo ako pero... uhm... Feel ko kasi magiging third wheel ako sa inyo."

"Sorry, Aiza, dapat si Auntie talaga 'yung kasama ko pero hindi siya pwede kaya ikaw na lang talaga 'yung pwede kong makasama." Si Honey kasi busy sa duty, si Burma busy sa family at business, at si Corra naman ay busy din sa pagtugis kay Nate.

Napabuntong-hininga si Aiza. "Sorry din for asking this pero... Hindi ba kayo okay ni Poknat?"

Bago ko pa masagot ang tanong niya'y namalayan ko na lang na nakalapit na sa'min si Poknat. Kinuha niya 'yung bag na dala ko.

"Oo nga pala, this is my friend Jeremy, siya 'yung may-ari ng resort na tutuluyan natin sa Isla Palma." Kinamayan kami nito at si Aiza naman ay pinanlakihan ako ng mata matapos siyang tulungan nito sad ala niyang bag

Sumakay na kami ng private jet at hindi pa rin natinag si Aiza na akala mo'y bulateng naasinan.

"Friend, thank you sa pagsabit sa'kin dito, feel ko hindi ako magiging third wheel!" bulong ni Aiza sa'kin nang makaupo kaming dalawa habang nakatingin kina Poknat at Jeremy na nasa unahan. "Literal na tall, dark, and handsome si kuya!"

"Aiza, kumalma ka," natatawa kong sabi.

"No, hindi ako kakalma, Remi! Kailangan pag-uwi natin hindi na 'ko single!" mas lalo akong natawa. Natikom kami parehas nang lumingon sila sa'ming dalawa, wala pa ring humpay ang pagsiko sa'kin ni Aiza. "Mabuti na lang talagang bongga ang mga bikini kong dala!"

Magdamag kaming nagkulitan ni Aiza sa biyahe. Nahawa nga rin ako sa kanya sa pagkuha ng larawan dahil walang humpay 'yung pagselfie niya. Nagyaya pa nga si Aiza ng group picture kasama 'yung dalawa.

Makalipas ang isa't kalahating oras ay narating na namin 'yung Isla Palma, maliit lang pala 'yon pero ang sabi ni Aiza ay isa raw 'yon sa nagte-trending na tourist spot dahil sa ganda nito at hindi naman siya nagkamali. Simoy palang ng hangin ay ang lakas nang makatanggal ng stress.

Sumakay kami sa owner-jeep ni Jeremy, kaya habang binabagtas namin 'yung kalsadang napaliligiran ng mga puno ng niyog ay panay kuha kami ni Aiza ng picture at video.

Nahawa na rin siguro ako sa energy ni Aiza, pagdating kasi namin ng resort ni Jeremy ay parehas kaming na-excite sa ganda nito.

"Friend! Ang ganda naman dito! Para tayong nasa Thailand!" komento ni Aiza habang naglalakad kami papasok sa isang gusaling may istilong kubo na may halong pagkamoderno.

"Girls, you'll definitely love it here," sabi bigla sa'min ni Jeremy na lumingon. Nagtama ang paningin namin ni Poknat pero ngumiti lang kami sa isa't isa.

Hiwalay sana kami ng kwarto ni Aiza pero nirequest ko na magsama na lang kami sa iisang room. Hindi gano'n karami ang turista ngayong season na 'to ayon kay Jeremy kaya tiyak daw na mag-eenjoy kami.

Dahil hapon na rin kami nakarating, kumain lang muna kami 'tapos nag-swimming at nag-sunset viewing. Kinagabihan nagpunta kaming apat sa isang restobar para kumain ng dinner. Nakasuot ng shades at cap si Poknat kaya walang nakakilala sa kanya rito. Sa kabutihang palad, wala ring nakakilala sa'kin.

Pagkatapos ng dinner ay umorder sila ng beer at saka nagkwentuhan. Pangiti-ngiti lang ako habang nakikinig sa kanila. Nilibot ko rin ang tingin ko sa paligid at tiningnan 'yung ibang mga tao.

Ano 'tong pakiramdam na 'to?

Para akong nagkaroon ng super powers at tila narinig ang mga pinag-uusapan ng lahat. Career, pag-aasawa at pag-aanak, mga hindi pambatang usapan, at kung ano-ano pa.

Kahit na nandito ako at kasama sila, pakiramdam ko ay sampung taon pa rin akong nangulelat. Binaling ko 'yung tingin sa harapan at dinampot 'yung beer. Isang beses lang ako nakatikim ng ganito noong high school at hindi na naulit pa.

Nang uminom ako ng alak ay tinago kong mapangiwi. Bakit sila nasasarapan kahit na hindi naman maganda ang lasa nito? Bakit kahit na magkandahilo-hilo o masuka-suka sila ay gusto pa rin nilang uminom?

"Remi? Okay ka lang, friend?" biglang tanong ni Aiza. Nakatitig pala ako sa boteng hawak ko.

"S-sorry, inaantok na kasi ako."

Dahil do'n nagpasya kami na bumalik na sa resort ni Jeremy para makapagpahinga. Pakiramdam ko'y may gustong sabihin si Poknat pero wala naman siyang sinabi.

Nang makabalik kami'y nauna si Aiza sa CR para magshower. Kinuha ko 'yung phone ko at nakitang may tatlong missed call kanina lang. Bigla ulit lumitaw 'yung number ni Deanna sa screen at kaagad kong sinagot 'yon.

"Hello?"

"Oh my god, girl!" halos mabingi ako sa boses niya. "What happened?! Trending ka sa social media! Nakakaloka ka, Remison!"

"Deanna, huminahon ka." Parang siya pa 'yung mas stress kaysa sa akin. "Napatawag ka yata?"

"My goodness! How can you be so calm?! Do you know what they're telling about you? And your photo was posted also! Anong pumasok sa kukote mo at napa-media ka ng gano'n?"

Napahilot ako sa sentido at kinwento sa kanya ang nangyari, kaso hindi pa rin siya kumalma.

"Ugh, Remi! Don't you know how frustrated I am? Gustong-gusto kong pumatol sa pakikipagbardagulan sa comments! That Zarah! Ang galing magpaawa effect!"

Hinayaan ko lang siyang magreklamo at maglabas ng hinanakit. Kahit na hindi naman siya ang involved, natutuwa ako kahit papaano na naapektuhan siya sa issue dahil sa akin. Kung bored man siya o talagang concern, thankful pa rin ako sa kanya.

"So, how are you holding up?"

"O-okay naman ako." Siguro hindi ko muna dapat sabihin sa kanya na magkasama kami ni Poknat ngayon dahil paniguradong maghihisterikal siya. "Deanna, thank you sa concern—"

"Anong concern? I'm just bored and gusto ko lang maki-tsismis. Ayon lang naman, I'm just checking kung buhay ka pa. Sige na, babush!" Napailing naman ako nang mababa na niya 'yung tawag.

Saktong kalalabas lang ni Aiza ng CR at ako naman ang sumunod na maglinis. Maya-maya paglabas ko'y naabutan ko si Aiza na nakadapa sa kama habang tinitingnan ang cell phone, kitang-kita ko 'yung inis sa mukha niya.

"Aiza, okay ka lang?" tanong ko.

"Ah, oo," sabi niya saka tinago ang cell phone. Napabuntong-hininga siya. "Sorry, pagbukas ko kasi ng newsfeed ko kumakalat 'yung Instagram post ni Zarah."

Umupo ako sa kama na katabi ng kanya. "Bakit ka naman nagsosorry?"

"Ah... Kasi..."

"Dahil ba sa mga sinasabi nila sa'kin?" Tumango si Aiza at bahagyang yumuko. Ngumiti ako at saka tumabi sa kanya. "Hindi naman mahalaga kung anong sasabihin nila, hindi ba?"

"Pero, Remi... Hindi nila alam—actually, wala silang alam sa kung anong pinagdaanan mo."

Napahinga naman ako nang malalim saka tumingin sa kawalan. Sa totoo lang, ayoko nang isipin o problemahin kung ano ang opinion ng mga tao tungkol sa'kin.

"Saka pala, Remi..." sabi ulit ni Aiza. "Hindi pa ba kayo ulit nag-uusap ni Poknat? Ang isa ko pa talagang kinababahala, feeling ko hadlang ako sa inyong dalawa, eh. Kanina ko pa gustong sabihin."

Napaawang lang 'yung bibig ko nang sabihin niya 'yon.

"Pero ewan ko ha, feel ko nagpapakiramdaman lang kayo. Sana bukas magka-moment kayo. Huwag kang mag-alala, akong bahala. Para na rin magka-moment kami ni Jeremy!" bigla siyang kinilig at niyakap pa ang unan. "Alam mo, kakaiba 'yung titig niya sa'kin—feeling ko talaga siya na!"

Natawa ako at nakinig sa mga kwento niya.

Ang akala ko ako lang ang nakakaramdam ng napansin niya kanina. Sana nga bukas... Sana makapag-usap kaming dalawa.

*****

HINDI ko alam kung umaarte o umiiyak ba talaga si Aiza habang nag-eempake ng bagahe niya.

"Alam mo, ang lupit naman ni Lord sa akin! Siguro feel din Niya na asungot ako kaya ayan tuloy huhu!" maktol niya habang tinutupi 'yung mga damit. "Akala ko rin legit na 'yung five day vacation ko! Sa tinagal-tagal ko sa company ngayon lang ako nag-leave ng ganyan kahaba!"

Kanina kasi habang nag-aalmusal kami'y nakatanggap siya ng tawag mula sa opisina nila. May darating silang VIP client kinabukasan at si Aiza ang nakatoka sa client na 'yon. Biglaan siyang tinawagan siya ng boss niya kaya biglaan din siyang uuwi ng Maynila pabalik ngayon.

Nilapitan ko siya at hinimas sa likuran para naman lumuwag ang kalooban niya. "Gusto mo ba sumama na 'ko sa'yo pauwi?"

"Ay, no!" sunod-sunod siyang umiling. "Deserve mong lumayo sa katoxican at deserve mong mag-unwind dito sa Paraiso. Kaya, don't worry about me." Bigla siyang ngumiti at muling ngumawa. "Akala ko talaga magkakadevelopan na kami ni Jeremy! Hindi sapat ang isang araw, friend!" Tapos ngumiti na naman siya. "Pero okay lang talaga 'ko, Remi, kaya mag-stay ka here, okay?"

Nailing at natawa na lang ako sa kanya. Paglabas namin sa lobby ay naghihintay doon sina Jeremy at Poknat.

"Magbu-book palang ako ng flight—"

"Aiza, ihahatid ka raw ni Jeremy pabalik," sabi bigla ni Poknat. "At saka huwag ka nang magbook ng flight, nakaready naman na 'yung private jet. Sasamahan ka na lang ni Jeremy para hindi ka raw matakot mag-isa."

"Talaga?" siniko ako ni Aiza, halatang nagpipigil ng kilig. "Sige! Sure! Why not!" Pagkatapos bumulong siya sa'kin. "Private jet love affair? Parang may napanood akong ekesenang ano!"

"Aiza, magpakipot ka naman," sabi ko tuloy at napahagikgik kami.

Nagyakap kami bago siya umalis kasama si Jeremy. Nang sumakay sila sa kotse at umalis ay namalayan ko na lang na may tumabi sa'kin.

"So..." Kaagad akong tumingin sa kanya nang marinig ang boses niya. "It's finally the two of us."

"Pinlano mo ba 'to?" biro ko pero seryoso 'yung boses ko.

Umiling siya. "Ang tawag dito, destiny."

"Destiny?" Bigla niyang hinawakan 'yung kamay ko at hinila papunta sa kung saan. "S-saan mo 'ko dadalhin?"

"Hindi ka pa ba nagugutom? Kakain na tayo ng tanghalian."

"Pero sila Aiza hindi pa kumakain—"

"Huwag kang magworry, si Jeremy na ang bahala sa kanya." Hindi naman na ako umimik at hinayaan kong dalhin niya ako sa buffet area.

Pagkatapos naming kumain ay inutusan niya akong magpalit ng panligo dahil may papasyalan daw kami.

Pagdating ko sa kwarto'y nakita kong may swimsuit sa kama ko at nakita ro'n ang note mula kay Aiza.

'Remsky, bago at kabibili ko lang nitong hot monokini and since hindi na ko makaka-aura, isuot mo 'to, okay?! Love you and enjoy!'

Kung ikukumpara naman sa mga dala kong swimsuit 'yung dala ni Aiza ay 'di hamak na mas maganda 'yung kanya. Kaya sa huli, sinuot ko na at halos magkasing-sukat lang kami ni Aiza. Nilugay ko rin 'yung mahaba kong buhok.

Pagharap ko sa salamin ay sa ko lang napagtanto na... hindi na pala ako katulad noon. Ngayon ko lang tuluyang napagtanto na, bukod sa nagbago ang itsura ko, ay nagmature din ang buo kong katawan.

Bigla naman akong naconscious nang lumabas ako dahil sa mga tingin ng mga lalaking makasalubong ko. Pagdating ko ulit ng lobby ay nakita ko siya na naka-shorts at walang suot na pang-itaas. Hindi ko maiwasang mapatitig sa likuran niyang may tattoo ng pakpak.

Nang lumingon si Poknat sa'kin ay lumawak ang ngiti niya. Walang salitang hinawakan niya 'yung kamay ko at hinila palabas.

Habang naglalakad kami'y tuluyan ko ring naisip. Ito na kami ngayon sampung taon ang lumipas. Ibang-iba mula sa malayong kahapon.

Namalayan ko na lang na nagpunta kami sa may tabing-dagat at sumakay sa isang maliit na yate. Walang ibang tao roon, nagpunta si Poknat sa may manibela at nagsimulang paandarin ang sasakyan.

Tahimik lang kami parehas hanggang sa huminto kami sa isang spot ng isla. Kumuha siya ng mga swimming gears at sinabing tuturuan daw niya akong mag-free diving.

Noong mga sandaling 'yon ay saglit akong napaisip. Ano 'tong ginagawa namin? Nasa isang isla kami na malayong-malayo sa kabihasnan, mistulang paraiso at may sarili kaming mundo. Pero nanaig ang isang bahagi sa aking kalooban, hayaan mo muna 'yung sarili mo sa mga sandaling 'to.

Naubos ang maghapon namin sa paglangoy. Noong una nahirapan ako pero nanatili siyang nakaalalay sa'kin.

Parehas nakatuon 'yung atensyon namin sa paglangoy at pagsisid pero alam ko na kahit hindi namin sabihin ay nararamdaman namin parehas ang sensasyon sa tuwing magkakadikit ang katawan naming dalawa sa tubig.

Nang makalalim ako sa tubig ay inakala niyang hindi ako makahinga. Mabilis siyang sumaklolo pero natigilan kami parehas nang magtama ang mga mata namin. Walang pasubali, bigla niya akong hinalikan.

Nang hindi ako makagalaw ay inakay niya ang katawan ko para sabay kaming umangat sa ibabaw ng tubig. Nakakawit pa rin ang mga braso ko sa kanya kaya muli niyang itinuloy ang naputol kanina.

Hindi ko mapigilang mapapikit at damhin ang tamis ng halik niya habang parehas kaming tila hinehele ng mahihinang alon.

Walang mga salita, kundi mga yapos at halik ang pinagsaluhan namin maghapon sa karagatan. Nang umahon kami'y nakatulog ako saglit habang nakasandal sa balikat niya.

Wala pa ring mga salita, bumalik kami sa dalampasigan at magkasamang pinanood ang paglubog ng araw.

Mukhang tama nga ang kutob ko. Ayaw niyang sirain ang sandaling magakasama kami kaya hindi niya binabanggit ang kasalukuyan. Para bang binubuno namin parehas ang sampung taon na nasayang pero hindi pa rin sapat.

Kinagabihan ay nagpunta kami sa isang fine dining restaurant para maghapunan. Habang tumitingin siya sa menu ay nakatulala lang ako sa kanya.

"Anong gusto mong kainin?" tanong niya sa'kin habang 'yung waiter sa gilid ay naghihintay.

"Kung ano na lang 'yung sa'yo," sagot ko.

Nang umalis ang waiter ay muli siyang nagsalita. "May problema ba, Ming?"

"Problema?" Napaisip ako saglit. Ngayon lang talaga niya tinanong 'yon. "Iniisip ko lang kung bakit ba tayo nandito. Kasi hindi mo naman sinabi kung bakit."

"Anong ibig mong sabihin?" Hindi ako makapaniwalang hindi niya alam. "Nandito tayo kasi gusto kitang makasama."

"Dahil?"

"Dahil gusto ko."

"Gusto mo lang?" Napatitig siya sa'kin nang sabihin ko 'yon. "Sa totoo lang, Poknat... Nang magising ako pagkatapos ng sampung taon, nang maalala ko lahat-lahat, wala akong ibang hinangad kundi makita ka ulit."

Hindi siya nagsalita.

"N-ngayong nandito na ako, kasama ka... Bakit parang... Bakit parang hindi ko makuhang maging masaya? Siguro dahil... Dahil sa sampung taon na lumipas pakiramdam ko ang laki ng agwat nating dalawa."

"Ming, ikaw ang pinili ko—"

"Mahal mo ba ako?"

"Hindi kita yayayaing sumama sa'kin at hindi kita dadalhin dito kung hindi." Bumigat 'yung pakiramdam ko nang sabihin niya 'yon, pakiramdam ko kasi'y hindi 'yon sagot sa tanong ko.

"Mahal mo ba siya? Mahal mo ba si Zarah?"

"Ming—"

"Kung hindi ba 'ko nagpakita sa'yo, pakakasalan mo pa rin ba siya?"

Nangibabaw 'yung tunog ng piano. Tumitig lang siya sa'kin at saka biglang nag-iwas ng tingin.

"Nagi-guilty ka ba dahil kinansel ko 'yung engagement namin?" isang tanong ang sinagot niya.

"Oo."

"Wala kang dapat ika-guilty kasi ikaw ang pinili ko." Kung tutuusin dapat matuwa ako sa sinabi niya pero hindi pa rin naging sapat 'yon para maibsan 'yung blangkong nararamdaman ko rito sa puso ko.

"Gano'n lang ba 'yon kadali para sa'yo?"

"Ming, hindi kita maintindihan."

"Ikaw ang hindi ko maintindihan, Poknat. Kasi pakiramdam ko ginagawa mo 'to—kaya tayo nandito ngayon kasi may tinatakasan ka." Nang sabihin ko 'yon ay nagbago ang mga mata niya. "Alam ko wala akong ginagawang masama pero pakiradam ko mali 'to—"

"Kung gano'n bakit ka sumama sa'kin?"

"Kasi... Kasi may bahagi sa'kin na nagsasabing... na dapat lang... Kasi makasarili ako. Akala ko ikaw ang magpupunan ng lahat ng kailangan ko sa buhay ko."

"Noong na-coma ka, sinisi ko ang sarili ko sa nangyari—hindi kita iniwan. 'Tapos niloko nila ako, sinabi nila na wala ka na. Napilitan akong kalimutan ka ng isip ko pero hindi ka kinalimutan ng puso ko. Kahit sampung taon na ang lumipas—ikaw pa rin." Nagsusumao na 'yung boses niya. Hinawakan ni Poknat 'yung kamay ko. "Anong gusto mong gawin para patunayan ko sa'yo 'yung nararamdaman ko?"

Nag-usap sandali ang mga mata namin bago ko tanggalin ang kamay ko.

"Huwag na tayong tumakas sa realidad... Katulad ng ginawa natin noon."

"Tumakas?"

"Aminin na natin parehas na tumatakas lang tayon ngayon. Pero marami kang dapat harapin, marami rin akong dapat harapin na mga pagbabago. Pakiusap, huwag na nating ulitin ang nangyari kahapon."

"Ming—"

"She's right, Zeke." Sabay kaming napatingin sa bagong dating na boses. Hindi namin namalayan parehas na may babaeng nakatayo sa gilid namin.

Mas elegante pala siya sa personal. Kahit walang buhay ang mga mata ni Zarah ay nakuha pa rin niyang ngumiti sa akin.

"W-what are you doing here?" biglang napatayo si Poknat. Sa akin pa rin nakaharap si Zarah kaya tumayo na rin ako. Literal akong nanliit dahil sa tangkad niya.

"I'm Zarah," inabot pa nito ang kamay pero tinitigan ko lang 'yon. Nang bawiin ni Zarah ang kamay ay humarap siya sa kaharap ko. "Stop running away, Zeke. You think you can just cancel our engagement without talking to me first?"

"E-excuse me." Hindi ko pinakinggan 'yung pagtawag ni Poknat at diretso lang akong naglakad. Ni hindi ko man lang sila nilingon.

Nang makarating ako ng kwarto ko'y saka ko lang namalayan na basa 'yung pisngi ko. Masakit. Pero hindi ko alam kung bakit mas nangibabaw 'yung pakiramdam na... ito siguro 'yung tama. 

-xxx-

https://youtu.be/2d1WvEVChAA

THANK YOU TO THE ALMIGHTY. THANK YOU SA NAGBABASA NITO. ☜(゚ヮ゚☜)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top