DALAGA 96❀

NOONG mga sandali ko lang 'yon napagtanto na maaari rin palang maging kagaya ng pelikula ang totoogn buhay.

Kahit na buong buhay ko yata'y dinaig pa ang telenovela.

Hawak-hawak ni Poknat ang kamay ko habang tumatakbo kami palayo. Parang isang eksena sa pelikula, tinutugis kami ng mga kalaban. Ang kaibahan nga lang ay walang mga camera at ilaw na nakatutok sa amin.

Pakiramdam ko noong mga sandaling 'yon ay para akong lumulutang sa langit. Sa kanya lang ako nakatingin, hindi ako kumukurap sa takot na baka maglaho siya sa'king paningin.

Hindi naman siguro 'to panaginip? Hindi naman siguro ako nag-iilusyon? Damang-dama ko ang mahigpit niyang pagkakahawak sa kamay ko.

Namalayan ko na lang na sumakay ako sa likuran ng motor niya. Napayakap ako sa kanya nang pahahurotin niya ang sasakyan.

Nang ilapit ko ang ulo ko sa ulo niya'y naamoy ko ang pamilyar niyang pabango... Siyang-siya nga talaga ito.

"Kumapit ka lang nang mabuti," dinig kong sabi niya kaya mas lalo kong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.

Mas lumaki ang bulto ng katawan niya pero alam din ng katawan ko na hindi bago ang ganitong sensasyon. Pumasok sa isip ko ang mga alaalang angkas din ako noon—kabilang 'yung araw nang pagtatanan namin at 'yung araw ng aksidente naming dalawa.

Buong biyahe akong nakakayakap sa kanya. Wala akong ibang tinitingnan kundi 'yung repleksyon ng itsura niya sa salamin.

Ilang sandali pa'y pinasok namin ang isang condominium building. Pagkababa naming dalawa'y walang sali-salitang hinila niya ako papasok sa loob. Hindi kami nakapagsalita sa loob ng elevator dahil marami kaming kasabay.

Nang huminto sa ika-labing-apat na palapag ang elevator ay lumabas kaming dalawa. Sa isang silid ay binuksan niya ang pintong may password.

Pagpasok sa loob ay hinihingal siyang huminto. Bago siya lumingon sa'kin ay humugot siya nang malalim na hininga. Nang magsalubong ang mga paningin namin ay parehas palang nagbabadyang bumagsak ang mga luha sa mata namin.

"I-ikaw ba talaga..." Tumango ako. "P-pero... pero... Hindi. Baka nananaginip lang ako," sabi niya sa sarili at naglakad-lakad saka umupo pero muling tumayo at naglakad-lakad.

"Poknat, huminahon ka—"

"Paano ako kakalma?!" natigilan siya nang mapagtantong napalakas ang pagkakasabi. "S-sorry... H-hindi pa rin ako makapaniwala." Bakas na bakas sa boses niya ang panginginig, kitang-kita ko nga rin 'yon sa kamay niyang hindi mapakali sa pagkumpas a ere.

Kinusot-kusot niya 'yung mga mata niya 'tapos sinubukang sampalin 'yung sarili nang paulit-ulit.

"Poknat, tama na 'yan." Lumapit ako sa kanya at pinigilan 'yung kamay niya. Naestatwa siya nang hawakan ko 'yung pisngi niya. Hindi ko mapigilang mangiti. "Hindi 'to ilusyon o panaginip. Nandito ako. Buhay na buhay."

"P-pero ang sabi nila sa'kin... a-ang sabi ng mga magulang mo... wala ka na. P-pinakita nila sa'kin... p-pinakita nila..." pagkasabi niya no'n ay muling tumulo ang mga luha niya.

Biglang nanlaki 'yung mga mata niya at hinawakan ako sa magkabilang balikat.

"Bakit nagbago ang itsura mo? Baka niloloko n'yo lang ako—" Sunod-sunod akong umiling.

"Alam kong hindi mo basta-basta sinasabi sa iba 'yung palayaw mo na kami lang ang nakakaalam. Natatandaan mo ba? Sabi ko noon papasalubungan kita ng ulap, kapag wala akong dalang ulap iki-kiss mo 'ko. 'Tapos binigyan kita ng cotton candy—" hindi ko na ulit mapigilang umiyak, nanatili akong nakangiti.

Nanlambot ang itsura niya nang marinig ang mga sinabi ko pero hindi ako tumigil.

"Ikaw ang first dance ko noong JS prom. Nagkita ulit tayo sa Baguio. Hindi mo talaga ako tinigilan hangga't hindi kita sinasagot. Akala mo ba nakakalimutan ko na 'yung dalawang pangako mo sa'kin?"

Hindi na siya sumagot bagkus ay muli niya akong kinulong sa kanyang bisig. Parang may nawalang bara sa lalamunan ko nang makilala niya pa rin ako.

"P-paano naging posible 'to?" dinig kong bulong niya. "M-maliban na lang kung isa kang multo?"

Marahan akong natawa subalit nawala ang ngiti ko sa labi nang maalala ang totoong nangyari.

"Poknat... Ang totoo niyan... N-nagkasundo ang biological grandmother ko at ang lolo mo na palabasing... namatay ako."

Nang marinig niya 'yon ay dahan-dahan siyang lumayo sa'kin. Napasabunot siya bigla sa buhok at hindi napigilang mapamura at sipain ang upuan sa gilid.

"Tangina..." parang bigla siyang nanghina at napaupo sa sahig. Mabilis ko siyang dinaluhan sa gilid at niyakap. "Tangina..."

Hindi ko alam kung anong dapat sabihin sa kanya. May karapatang siyang magwala, magalit, magmura. May karapatan siyang maramdaman lahat ng emosyong nararamdaman niya ngayon. Dahil katulad ko, parehas kaming dinaya at pinagkaitan.

"I'm sorry, Ming..." bigla siyang humikbi sa bisig ko. "I'm sorry, kung naniwala ako. I'm sorry, kung nagising ka na wala ako sa tabi mo. I'm sorry if after so many years nawala ka sa isip ko—"

"Wala kang alam, Poknat, kaya hindi mo kailangang humingi ng sorry."

Umiling siya at paulit-ulit na humingi ng kapatawaran.

Hindi ko alam kung ilang oras kaming tumagal ng gano'n, namanhid at nangalay ako pero hindi ko siya iniwanan.

Dala marahil ng labis na pagod at stress ay nakatulugan ni Poknat ang pag-iyak at paghingi ng tawad sa'kin.

Kahit na mabigat siya'y nagawa ko siyang maakay at maihiga sa malapit na sofa. Nang mapagmasdan ko ang nahihimbing niyang mukha ay bigla na namang kumawala ang mga luha ko.

Sinubukan ko ring sampalin ang sarili ko pero mas lalo lang lumakas ang pag-iyak ko nang mapagtantong hindi talaga 'to panaginip.

Pilit kong inayos ang sarili ko bago tumayo. Magdidilim na kaya binuksan ko 'yung lampshade at ilaw sa may kitchen area. Napulot ko 'yung phone ni Poknat sa sahig at nakita ang sandamakmak na message at missed calls.

Bigla ko ring naalala 'yung mga taong nag-aalala sa'kin kaya paglabas ko ng phone ko'y nakita ko ring maraming message at tawag mula kina Auntie, Corra, at Miggy. Hindi pa rin ako nakakabawi sa nangyari, wala pa rin akong lakas makipag-usap kaya pinadalhan ko na lang sila ng text message na okay lang ako at kasama ko si Poknat.

Pagkatapos ay napaupo ako at napatingin sa sala kung saan ay himbing na himbing siyang natutulog. Binuksan ko 'yung aircon at kumuha ako ng kumot sa kwarto para sa kanya.

Naupo ako sa sahig at nakabantay lang sa gilid niya. Pinagmasdan ko ang pagtulog niya hanggang sa hindi ko na namalayan na nakatulog na rin ako.

Madaling araw nang maalimpungatan ako. Laking ginhawa ko nang makita ko pa rin siyang nahihimbing sa pagtulog. Maluha-luha akong isipin na hindi talaga 'to panaginip.

Napasulyap ako sa orasan kaya bumangon ako at pumunta sa may kusina. Binuksan ko 'yung ref at nakitang may dalawang itlog doon, may nakuha rin akong kamatis at apat na tuyo. Nagluto ako pati ng sinangag para sa almusal naming dalawa.

Bandang pasado ala sais ng umaga nang makita ko siyang bumangon. Nginitian ko siya dahil sa itsura niya, gulo-gulo ang buhok, 'tapos akala mo nakakita ng multo.

"Kain na tayo, Poknat," yaya ko sa kanya habang hinahalo 'yung kape.

Bigla ba niyang sinampal 'yung sarili niya na sa sobrang lakas ay bumagsak siya sa sahig. Napatakbo tuloy ako sa tabi niya.

"Okay ka lang? Bakit mo naman—" bigla niya akong niyakap.

"Salamat... Salamat at hindi panaginip 'yung nangyari kahapon." Mas kalmado na siya ngayon.

Ngumiti ako at niyakap siya pabalik. Magkahawak-kamay kaming pumunta sa mesa para kumain ng 'almusal. Saka lang namin parehas narealize na gutom na gutom kami dahil nasimot namin 'yung mga plato. Hindi naman kasi kami naghapunan.

"Sorry, Ming, sa inasal ko kahapon. Masyado lang akong nadala." Umiling ako. Natahimik kami parehas bago siya ulit nagsalita. "K-kamusta ka naman?" Biglang kumabog 'yung dibdib ko nang magtanong siya kahit hindi ko alam kung bakit. "Ano... ano—bakit—kelan." Halatang hindi rin niya alam kung paano ba tatalakayin ang nangyari.

Kinuwento ko sa kanya ng pahapyaw ang mga pinagdaanan ko nang magising ako after ten years. Bagsak ang mga mata at balikat niya habang nakikinig.

Nang matapos akong magsalaysay ay oras ko naman para itanong din sa kanya 'yung bagay na kinatatakutan ko. "I-ikaw? Kamusta? Nabalitaan ko na... nagpropose ka sa girlfriend mo sa Bali."

"M-ming..." halatang nagulat siya nang direkta kong naitanong 'yon.

Ayoko nang patagalin pa ang pag-asa ko. Kahit na sobra-sobrang saya ko na makita siya ulit at makapiling ngayon... Hindi pa rin magbabago ang katotohanan.

Napayuko si Poknat saglit, bumuga muna ng hangin bago tumingin ulit sa'kin. Heto na...

Pero wala pa ring kumawalang salita mula sa bibig niya. Hindi niya alam ang sasabihin o ayaw niya lang sabihin?

Parang may sumasaksak na naman sa puso ko.

"P-pasensiya ka na... Kung bigla na lang akong lumitaw ng walang pasabi. Sorry kung ginulo ko 'yung buhay mo—"

"Huwag mong sabihin 'yan!" malalim at parang nahihirapan ang paghinga niya. "Please, huwag kang magsorry."

Kaagad akong tumayo at pumunta sa sala para kunin 'yung cell phone ko sa lamesita. Ang totoo'y ayoko lang ipakita sa kanya 'yung pag-iyak ko.

"K-kailangan ko na palang umuwi sa'min—" Naramdaman ko 'yung paghawak niya sa kamay ko.

"Ming..."

"May tumatawag din sa'yo," sabi ko nang makita rin sa sofa 'yung cell phone niya.

Sana hindi ko na lang nakita kung sino 'yung tumatawag para hindi ako lalong nasasaktan.

"Huwag ka munang umalis, please."

"Poknat, maraming tao ang tumatawag at naghahanap sa'yo kagabi pa." Totoo naman 'yon dahil magdamag ko siyang binantayan. "Marami ka pang trabaho at may mga aasikasuhin din ako," pagsisinungaling ko.

"Ihahatid na kita." Hindi ko na nagawang tanggihan 'yon dahil ayoko rin namang ipahalata sa kanya na sobra akong naapektuhan na makitang tumatawag si Zarah.

Mabuti na lang ay walang mga kapitbahay na nasa labas nang makarating kami sa harapan ng bahay ni Auntie. Bago ako makapasok sa loob ay nahawakan niya agad 'yung braso ko.

"Ming, babalik ako. Hindi pa tayo tapos mag-usap," hindi kumukurap niyang sabi. "May mga aayusin lang ako. I'll be back. Promise me, you won't go anywhere until I come back."

Kusa na lang akong tumango at mabilis na natanggal 'yung kamay niya sa'kin. Pumasok ako sa loob ng bahay nang hindi lumilingon.

"Ming! Diyos ko kang bata ka, sobra kaming nag-alala—" hindi ko na pinatapos si Auntie at diretso akong yumakap sa kanya. "M-ming? Anong nangyari?"

Hikbi lang ang sinagot ko kay Auntie.

Gustong-gusto kong sabihin sa kanya... Bakit gano'n? Natupad naman 'yung hiling ko... Pero bakit ang sakit-sakit? Nakauwi na nga ako ng Pilipinas... Nagkita na kami ni Poknat.

Bakit pakiramdam ko hanggang dito na lang ako?

*****

NAKATULUGAN ko na rin ang pag-iyak. Naramdaman ko ang init nang maalimpungatan ako. Tanghali na.

Mabigat ang katawan at kalooba ko nang bumangon ako. Naalala ko saglit 'yung nangyari kanina at kahapon. Damang-dama ko pa rin ang init ng yakap niya pero... may kulang dito sa puso ko.

Nang bumangon ako'y may narinig akong mga pamilyar na boses sa labas. Dali-dali kong inayos 'yung sarili ko bago lumabas.

Natigilan sina Auntie, Miggy, at Corra nang makita ako.

"Remi..." Tumayo si Miggy. "Are you okay?"

"Nagugutom ka na ba? Nakahain na 'yung pagkain," sabi naman ni Auntie.

"Anong meron?" tanong ko sa kanila sabay tingin kay Corra. "Bakit, Corra?" Nakutuban ko kaagad na may hindi magandang nangyari dahil iba 'yung dating ng mga tingin nila.

Huminga nang malalim si Corra bago tumayo. Lumapit siya at binigay sa'kin 'yung cell phone niya.

"That video went viral last night."

Hindi ko pinindot 'yung play button pero nabasa ko 'yung caption nito.

LIKE SLEEPING BEAUTY. GIRL WHO WAKES UP AFTER 10 YEARS REUNITED WITH HIS PRINCE


-xxx-

THANK YOU AND HAVE A GREAT DAY! ✪ ω ✪

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top