DALAGA 95❀
"AYAN! Natadtad ko na lahat ng social media accounts niya! Look!"
"Kaloka ka, Aiza. As if namang mababasa ni Poknat 'yan," komento ni Honey sabay higop sa hawak niyang kape.
Dahil hindi na kami pwedeng magtagal sa ospital kanina'y nagpasya kaming pumunta rito sa isang coffee shop na malapit.
"I agree. For sure may social media handler siya," dagdag pa ni Corra. "And imagine na marami ring ibang fans ang nang-ispam ng message request."
"Wow, grabe ang encouraging ng mga words n'yo," sagot ni Aiza.
Hindi nakatuon 'yung atensyon ko sa kanila dahil abala ako sa cell phone na hawak ko. Hindi ko mapigilang hanapin sa internet kung sino si Zarah.
Kilala ito sa stage name na Zarah, ang buo nitong pangalan ay Zaharah Finch, isang half-Filipina half-Australian. Singer-actress at modelo.
Gusto kong isipin na nililinlang lang ako ng mga mata ko nang makita ang mga lumang article tungkol sa relasyon nila ni Zeke Gotzon. Two years ago, nagkaroon sila ng pelikula, saka nagsimulang umusbong ang tsismis tungkol sa kanilang dalawa.
May isang video akong nakita na magkasama sila sa isang music video na may limpak-limpak na views at likes. Namalayan ko na lang na tinitingnan ang mga larawan na magkasama silang dalawa.
Biglang namanhid 'yung buong katawan ko, pero ayaw pa ring tumigil ng daliri ko sa pag-iscroll.
"Hey." Tumigil lang ako nang kuhanin bigla ni Corra 'yung cell phone na hawak ko. Natahimik sila nang makita kung ano 'yung kanina ko pa tinitingnan.
"T-totoo ba talagang... sila?" nakuha ko pang itanong sa kanila 'yon.
"Oo, Remi," si Honey ang sumagot. "Dalawang taon na silang magkarelasyon. Madalas silang magkasama sa mga music gigs at concerts. Binansagan pa silang ZZ Couple."
"Remi... Sa totoo lang," napalitan ng mababa ang matinis na boses ni Aiza, "a-ang akala talaga namin kasi... wala ka na."
"Like what Q told you, we were puzzled kung bakit bigla ka na lang naglaho sa ospital kung saan ka naka-admit noon. They said they transferred you somewhere, and we failed to get any information. We can't even reach your relatives, kahit si Miggy at Poknat," paliwanag ni Corra.
"B-bakit n'yo naman naisip na wala na ako?"
"Kasi, girl..." Tumingin muna si Aiza sa mga kasama. "Noong biglang sumikat si Poknat, may interview sa kanya sa isang talk show. Binanggit niya ro'n na 'yung inspiration niya sa isa niyang kanta ay para sa first love niyang namatay."
"Alam naman namin na walang ibang first love si Poknat kundi ikaw," sabi ni Honey. "Siyempre nagulat kami, sobrang biglaan. Sinubukan naming i-contact si Poknat para ma-confirm pero hindi na namin siya ma-reach."
"And as the year goes by... We just thought na... wala ka na talaga." Hinawakan ni Corra 'yung kamay ko pagkalapag ng phone sa mesa.
Hindi ko alam kung anong sasabihin sa kanila. Pati rin pala sila... Napaniwala na wala na ako.
Wala akong ibang nagawa kundi magkuyom ng palad.
"Can you tell us why? Bakit inakala ni Poknat na patay ka na? Bakit bigla kang naglaho?" nakuha na ring itanong ni Corra 'yon.
Kaya kinuwento ko sa kanila ang nangyari. Kung anong ginawa ng biological grandmother ko at ng lolo ni Poknat na si Don Gotzon.
Wala rin silang masabi pagkatapos kong magkwento. Naluha si Aiza, nangilid ang mga luha nina Corra at Honey, pinipigilang maiyak.
"G-grabe, grabe sila!" at humagulgol na nga si Aiza.
"Pero parang nakukuha ko na kung bakit ginawa 'yon ng lolo niya," sabi ko sabay bahagyang yuko. "Dalawang taon akong hindi iniwanan ni Poknat. Siguro nakikita ng lolo niya na nasasayang ang buhay ng apo niya sa isang katulad ko—na walang kasiguraduhan kung magigising ba o hindi."
"Pero nagising ka!" protesta ni Honey, pumatak na ang luha sa pisngi. "Hindi pa rin tama 'yong ginawa nila! Kahit sabihin mong sampung taon kang na-coma, buhay ka pa rin!"
Saglit kaming natahimik lahat. Pare-parehas ninanamnam ng mga isip namin ang sitwasyon ko.
"M-mukhang naging masaya naman si Poknat kay Zarah," sabi ko bigla at sabay-sabay silang napamaang. "S-sa totoo lang masaya ako na nakita na marami siyang naging achievements sa buhay."
"Friend," hinawakan din ni Aiza 'yung kamay ko. "Hindi mo sure kung masaya ba talaga siya. Deserve ni Poknat na malaman 'yung tungkol sa'yo, lalo pa't ginawa mo talaga ang lahat para lang makauwi rito sa Pilipinas."
"K-kahit ikakasal na siya?" halos mapiyok ako nang sabihin ko 'yon. Kanina pa pala basa 'yung pisngi ko.
Napayuko si Aiza, si Honey ay natulala sa kawalan. Biglang hinampas ni Corra ang lamesa kaya medyo nagulat kami.
"Tama si Aiza, Remi. Deserve ni Poknat na malaman ang totoo, ke-ikakasal siya o hindi, kailangan ka niyang makita." Hindi katulad naming tatlo ay iba ang mga mata ni Corra, kulang na lang ay mag-apoy 'yon sa determinasyon niya.
"Tama, agree ako," dagdag ni Aiza.
"Hindi ba't iyon din naman ang gusto ng puso mo?" tanong ni Honey at tumango ako. "Kailangan mo lang maghanda sa kung anong mangyayari."
Dahil walang kasiguraduhan ang hinaharap. Anong mangyayari kung magkikita kami? Panigurado magugulat din siya at baka maiyak din. 'Tapos, pagkatapos, ano? Ipapakilala niya sa'kin 'yung babaeng nagturo sa kanya na magmahal ulit?
Iniisip ko palang pakiramdam ko sinasaksak na 'yung puso ko.
"Remi?" tawag nila sa'kin.
"Paano ko naman siya makakausap?" Nabigo si Deanna. Wala pang balita si Miggy na alam kong nag-aalinlangan sa pinagagawa ko sa kanya.
"Hays, naalala ko 'yung time na sinubukan natin siyang puntahan sa studio nila," sabi bigla ni Aiza at diniinan 'yung paghihiwa sa cake. "Girl, pinalayas kami! Kahit sinabi naming BFF ka namin!"
"Hindi niya man lang kayo hinarap?" tanong ko.
"Nope," sagot ni Honey na halatang dismayado pa rin. "They even won't let us, parang hindi pa nga naniniwala sa'min. Simula nga noon, naiirita ako kapag nakikita ko 'yang si Poknat sa TV o sa socmed, napaka-VIP. Ang daming bashers niya na schoolmate natin."
Biglang tumawa si Aiza. "Ang sabihin mo, nabadtrip ka ng sobra kasi may lumitaw na article about exes ni Poknat at hindi ka kasama ro'n—aray!"
"Exes?" ulit ko.
"Apparently, a year after mourning, kung kani-kanino nabalitang na-link 'yang si ZG," sabi naman ni Corra. "To be honest, nairita rin ako sa kanya."
"Malay n'yo naman, coping mechanism niya lang 'yon after losing Remi," pagtatanggol ni Aiza. "Kaya, naku! Dapat magawan natin ng paraan kung paano kayo magkikita!"
"Magpost kaya tayo sa Facebook? 'Tapos gawin nating viral?" suhestiyon ni Honey.
"Oo, tama! 'Tapos kapag nag-viral ipapa-TV natin!" si Aiza.
"Papahirapan n'yo pa mga sarili n'yo, hello, may kakilala ako sa media," pagkasabi no'n ni Corra ay halos pumalakpak 'yung dalawa.
"Alam mo, Corra, kanina pa tayo nag-uusap-usap dito bakit ngayon mo lang sinabi 'yan!" bulalas ni Aiza.
"Don't shout, Aiza," saway nito. "I'll try to contact him." Tumingin sa'kin si Corra. "But first, would it be okay to you, Remi?"
Bigla akong nahilo sa mga pinag-usaVCGFpan nila. Viral? TV? Media?
Sa huli hindi rin ako nakapagpasya agad. Kailangan ko rin munang makausap sina Auntie at Miggy dahil kung papayag ako sa plano na 'to, malalaman ng buong Pilipinas ang nangyari sa'kin.
*****
PAG-UWI ko noong gabing 'yon ay nadatnan ko si Miggy sa sala ng bahay ni Auntie.
"Anong nangyari sa'yo?" kaagad kong tanong nang mapansin ang galos niya sa pisngi.
"Ming, nandiyan ka na pala." Biglang lumabas si Auntie mula kwarto, dala-dala ang first-aid box. "Ikaw na muna ang manggamot diyan, 'yung niluluto ko masusunog na." Pagka-abot niya sa'kin ng hawak niya'y naiwan kaming dalawa ni Miggy.
Umupo ako sa tabi niya. Hindi pa rin siya nagsasalita. Nang subukan kong hawakan 'yung pisngi niya'y umiwas siya.
"I brought news," sabi nito. "Bad one."
"Engaged na siya," sagot ko at napatingin siya sa'kin. Hindi na siya umangal nang lagyan ko ng ointment 'yung sugat sa mukha niya. "Nakita ko sa TV kanina."
"I failed to do my job. I went to his house earlier but Jared sent me away. Poknat's also facing other issues right now. I tried to fight the security that's how I got the bruise."
"Abogado at matalino ka, bakit mo ginawa 'yon?" tanong ko habang nilalagyan na ng band aid ang sugat.
"I guess I'm desperate."
"Sorry, Miggy." Napatitig siya sa'kin nang sabihin ko 'yon. "Sorry kung... kung—"
"Don't mention it. I chose this, I told you," sagot niya. Pagkatapos ay tumayo na siya. "That's all. I just came here to tell you that."
"Bakit hindi ka na rito kumain?" alok ko.
Nahiya nang tumanggi si Miggy nang yayain na rin siya ni Auntie na sumabay maghapunan sa'min. Habang kumakain ay binalita ko sa kanila 'yung nangyari sa araw ko at kung ano 'yung naisip na plano nila Corra.
"Pero, Ming... Mababalita naman sa buong mundo 'yung nangyari sa'yo." Iyon ang komento ni Auntie.
"But that's a good way, for sure magte-trending ka at may chance na marecognize ka ni Poknat," sabi naman ni Miggy. "And like what your Aunt said, your late-life will be scrutinized for the public's eye. Are you okay with that?"
"Kung ibabahagi ko sa mundo ang trahedya at himala na nangyari sa'kin, kung maipapabatid ko sa kanila na ako si Remison at nagbago ang itsura ko—makikita agad ako ni Poknat," sagot ko.
"And what's next?"
Engaged na siya, Remi. Kulang na lang ay iyon ang sabihin ni Miggy.
"Hindi ko alam." Bigla akong nawalan ng gana kumain. "Kalahati ng puso ko ang nagdududa, pero kalahati ng puso ko ang umaasa. Pero pinagkait sa kanya ang totoo—parehas kaming pinagkaitan ng pagkakataon, kaya kahit hindi ko alam kung anong mangyayari... Gusto ko pa ring subukan."
Tumitingin lang sila sa'kin habang namayani ang katahimikan. Hinawakan ni Auntie ang kamay ko at pinisil 'yon.
Nang makita ko si Miggy ay pilit siyang ngumiti, sa kabila no'n ay natanaw ko ang pagkislap ng mga mata niya.
"If that's what your heart wants, we'll support you."
*****
NOONG isang araw ay muli kaming nagkita ni Corra kasama ang pinagkakatiwalaan niyang kaibigan na tiga-media para pag-usapan kung paano ako matutulungan.
Nagta-trabaho pala ang kaibigan ni Corra na si Nate sa isang leading news magazine show na pinalalabas tuwing Linggo ng gabi. Maganda raw na topic ang kwento ko at paniguradong magba-viral ako. Pinaghalong trahedya at himala.
Noong una'y hindi makapaniwala si Nate na ako ang first love na tinutukoy ni Zeke Gotzon na inspirasyon nito noon. Mas lalo raw pag-uusapan ang kwento ko dahil masasangkot ang isa sa pinaka-in demand na artista sa bansa.
Nang i-pitch ni Nate sa team nito ang kwento ko'y kaagad pumayag ang pinaka-host nito—at interesado ring interview-hin ako ng personal. Ayon sa kanila'y magiging highlight daw ang topic tungkol sa akin.
Si Auntie ang mas kinabahan para sa'kin. Umalalay naman si Corra at Miggy sa production team, lalo na pagdating sa script. Nagsimula na silang mang-likom ng mga luma kong larawan na sa awa naman ng diyos ay naitabi ni Auntie.
Sa unang bahagi ay hindi pa ipakikita ang mukha ko, kaya kinukunan ako ng video na hindi kita ang mukha. Sa ikalawang bahagi ng segment ay iinterview-hin na raw ako ng bigating host.
Araw ng Miyerkules ngayon, biglaang nag-text si Nate na pumunta raw ako ng Tanso National High School dahil doon daw 'yung venue ng interview portion. Nakaalis na si Auntie papuntan palengke kaya mag-isa akong pumunta sa Tanso.
Iba na ang school calendar ng mga estudyante ngayon kaya walang klase. Pagpasok ko sa gate ay pinadiretso lang ako ng gwardiyang hindi naka-uniporme sa loob.
Tahimik na tahimik ang campus. Habang naglalakad ako sa hallway ay bigla kong naalala lahat ng mga nangyari noon. Parang kailan lang.
Wala pa ring pinagbago ang eskwelahan. Napinturahan lang ito ng bago pero gano'n na gano'n pa rin ang ayos, walang nadagdag o nabawas.
Nang makarating ako sa lobby ay napansin kong walang ibang tao. Tiningnan ko 'yung phone ko at wala akong nakitang text mula kay Nate kaya pinadalhan ko ng message si Corra.
Naglakad-lakad ako sa loob ng campus habang sinasariwa sa aking alaala ang kahapon. Nadaanan ko 'yung auditorium kung saan kami nag-audition para sa Drama Club. Nadaanan ko rin 'yung bulletin board ng mga teachers at nakitang halos lima na lang 'yung natirang kilala ko.
Nadaanan ko 'yung isa pang bulletin board at huminto ro'n dahil nakita ko na nakapaskil 'yung mukha niya... TANSONIAN PRIDE: ZEKE GOTZON
Biglang tumunog 'yong phone ko. Tumatawag si Corra.
"Hello?"
"Remi? Bakit nandiyan ka? Ang alam ko bukas pa 'yung shoot n'yo ni Ms. Jessa. At saka ang alam ko rin sa studio ang venue, hindi diyan."
"Sabi kasi ni Nate kanina ngayon daw at dito raw sa Tanso."
"Tsk. I'll check again, baka nagkamali lang ng update sa'kin. Sige, I'll call you again asap." Pagkababa niya ng tawag ay nakarinig ako ng ingay sa direksyon papuntang quadrangle.
Pagpunta ko ro'n ay nakita ko na may mga TV crew na nagkalat sa paligid, may mga ilaw at camera kasi silang sine-set up. Mukhang nandito na nga ang team nila Nate.
"Excuse me, nasaan si Nate—" tanong ko sana sa nakasalubong kong crew pero natigilan ako nang makita ang isang nilalang sa quadrangle.
"Sinong Nate? At saka sino ka Miss? Hoy, Miss—"
Hindi ko na namalayan na kusa na pala akong dinadala ng mga paa ko papunta sa kinaroroonan niya. May hawak-hawak siyang gitara habang nakatutok sa kanya ang liwanag at mga camera.
"Cut! Anak ng putakte naman! Bakit may asungot dito?! Sino nagpapasok diyan?!" hindi ko pinansin 'yung sigaw ng isang lalaki sa mikropono.
Natigilan siya sa kunwaring pagtugtog ng gitara nang maramdaman ang presensiya ko. At nang magtama ang paningin namin ay para akong malulusaw sa mga mata niyang minsang nagpabilis ng tibok ng puso ko—hanggang ngayon pa rin pala.
Para akong mahihimatay sa sobrang lakas ng pagkabog ng dibdib ko.
H-heto na siya... Sa harapan ko.
Pero ngumiti lang siya at kumaway. "Sorry, I'm working, not allowed to take a photo," magalang niyang sabi. Saka ko lang napagtanto na hawak-hawak ko 'yung phone ko at mukhang magpapakuha sa kanya ng litrato.
Hindi ko magalaw ang bibig ko, parang bigla akong nawalan ng boses.
"Miss naman! Nakita mong nagsu-shooting kami!" 'Yung crew kanina biglang sumulpot sa gilid ko at hinila ako palayo sa kanya.
Habang papalayo siya nang papalayo sa'kin ay bigla akong natauhan. Pilit akong kumawala at buong lakas na sinigaw, "Poknat!"
Umalingawngaw sa paligid ang sigaw ko na 'yon. Saksi ang bawat sulok ng campus na 'to sa nakaraang pinagsamahan naming dalawa.
Ang buong akala ko'y hindi niya ako narinig. Kitang-kita ko kung paano bumagsak sa sahig ang gitara na lumikha ng tunog na nakakabasag-tainga.
Ang kaninang ngiti niya ay naglaho. Mabilis na napalitan ng gulat, at pagkatuliro.
Mas lalong lumakas at bumilis ang pagkakahila sa'kin ng crew. Akmang lalapit na ang iba pa para tangayin ako palayo pero natigilan sila nang sumigaw siya.
"Bitiwan n'yo siya!"
Nang lumuwag ang pagkakahawak sa akin ay dali-dali akong tumakbo papunta sa kinaroroonan niya at sinalubong ang kanyang mga bisig.
"M-ming..." Hinawakan niya 'yung pisngi ko, tila sinipat nang maigi ang aking itsura. Hanggang sa tuluyan na niyang maaninag ang mga mata ko. "I-ikaw nga." Sabay bumuhos ang luha sa mga mata namin nang sunod-sunod akong tumango.
Tila tumigil ang buong mundo para sa'min noong mga sandaling 'yon. Sampung taon ang pinagkait sa'ming dalawa. Kahit ngayong sandali lang... Sana sa amin lang ito.
-xxx-
THANK YOU SO MUCH AGAIN! (o゜▽゜)o☆
PS. Remi n'yo make-KMJS hahah
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top