DALAGA 94❀
ILANG segundo lang akong natulala sa kawalan bago ko mapagtanto na tumutunog 'yung cell phone na nasa ibabaw ng tokador.
Namamanhid man ang buong pagkatao ko'y pilit akong bumangon mula sa pagkakahiga para kuhanin 'yon. Wala namang ibang tatawag sa number na 'yon kundi siya lang.
"Hello?" Maging ako'y nasurpresa na nagawa ko pang makapagsalita.
"Hello, Remi?" bumungad ang matinis na boses ni Deanna. "Hey, I'm sorry if medyo natagalan 'yung pagtawag ko ulit."
"Okay lang, Deanna."
"Kamusta ka?" Naglakad ako pabalik ng kama at binagsak 'yung sarili ko ro'n.
Parang ngayon ko na lang ulit narinig na may nangamusta sa akin. Kamusta na nga ba ako?
"Remi?"
"Hindi ako okay, Deanna."
"Why? What happened?"
Una kong sinabi na nasundan ako ni Miggy. Pagkatapos ay nilahad ko sa kanya 'yung nadatnan ko pag-uwi sa amin, maliban sa isang bagay na nalaman ko.
"I'm sorry, Remi..." Iyon lang ang tanging nasabi ni Deanna.
"May balita ka na ba sa kanya?" ewan ko kung bakit nagawa ko pa ring itanong 'yon.
Narinig kong napabuntong-hininga si Deanna bago ulit nagsalita. "His concert was postponed. Ang nasagap kong balita'y pabalik na ulit siya ng Pilipinas."
"Nakausap mo ba siya?"
Matagal na hindi nakasagot si Deanna.
"Remi, you should be resting, it's all too much for you kaya—"
"Ang alam niya patay na ako."
"What?! H-How did you know?"
"Kung gano'n nakausap mo nga siya?" bigla akong napabangon. Alam na ba ni Poknat ang totoo?
"A-actually, after hearing about your grandmother's death, hindi ko na dapat pa ikukwento 'to sa'yo," sabi niya sa mababang boses. "Remi—"
"Deanna, mas mainam na wala na kayong mga tinatago sa'kin. Sabihin n'yo na sa'kin lahat para harapin ko 'yung mga totoo."
"I know, I know," sagot niya. "I didn't talk to him, as a matter of fact—ni hindi man lang ako nakalapit sa kanya kahit na ginamit ko na 'yung influence ni Zul sa hotel na pinag-istay-an nila!"
"Kung ga'non, paano mo—"
"Patapusin mom una ako, Remi. So, dahil nga VIP si ZG, kailangan mo munag dumaan sa manager niya! So, I met Jared in disguise of business proposal kasi kung hindi ko 'yon ginawa ay hindi nila ako i-eentertain! He can't believe what I'm saying because you're already dead daw!"
"A-anong ginawa mo?"
"Of course, I'm shocked. How could they believe that you're dead, eh, alam kong buhay na buhay ka. When that Jared knew na wala talaga akong business proposal he quickly sent me away!"
"P-pinasabi mo man lang ba sa kanya na sabihin kay Poknat?"
Muling bumuntong-hininga si Deanna. "I doubt it. He was really dismissive." Bumagsak ang balikat ko nang marinig ang sinabi niya. Muli kong narinig ang boses niya nang hindi ako makapagsalita. "Hey. I know—actually, hindi ko alam kung gaano kabigat ang nararamdaman mo ngayon. But... I want you to stay strong."
Sa sinabi niyang 'yon ay napangiti ako kahit papaano.
"Kung ikaw ba ang nasa kalagayan ko ngayon? A-anong gagawin mo?"
"Well... To be honest, I don't know. Maybe I'll get depressed but I had to stand up and show the world that I'm still here, that I'm still alive. So, show them, Remi—show this goddamned world that you're alive."
"Salamat, Deanna." Pinahid ko 'yung luhang tumulo sa pisngi ko. "Sobra-sobra..."
"Hey, don't thank me for that much. No worries, Remison."
Nang matapos ang tawag naming dalawa'y muli akong humiga at natulala lang sa kisame. Kinapa ko 'yung dibdib ko at naramdaman ang pagtibok nito. Ang akala ko'y dinurog-durog na ito pero heto... tumitibok pa rin.
Para akong binaon ng mundo—pero nandito pa rin ako. Buhay.
Kung isa 'tong parusa, bakit binigyan pa rin ako ng pagkakataong magising? Para ipakita sa mundo na buhay ako? Ipakita mo sa kanila, nandito pa si Remison.
Mula sa kawalan ay tila may dumaloy na lakas sa aking buong katawan. Bumangon ulit ako at lumabas sa silid.
Imbis na si Auntie ang madatnan ko sa living room ay nakita ko roon si Miggy, napatayo ito bigla.
"May kinuha lang ang auntie mo sa kanila, babalik din kaagad," paliwanag niya.
"Miggy, pwede mo ba 'kong tanungin kung anong gusto ko?" Halatang nagulat siya sa tanong ko.
"A-anong gusto mo?"
"Gusto kong makita si Poknat, gusto kong ipaalam sa kanya na buhay pa ako."
Ilang segundo kaming nagtitigan ni Miggy bago siya huminga nang malalim. Ang akala ko'y tatanggi siya. Inayos niya muna ang salamin bago muling tumingin sa'kin.
"It won't be easy because I told you I tried to reach him before. But for you, I will try again."
"Salamat, Miggy."
Lumapit siya at hinawakan ako sa balikat. "But you need to be patient."
"At may isa pa pala akong request, Miggy."
"What is it?"
*****
MAS maliit kumpara sa dati naming bahay ang bagong nalipatan nila Auntie. Inayos at naglinis nang maigi si Auntie ng bahay bago ako dumating. Pinilit ko kasi na huwag nang mag-stay sa hotel.
Hindi ko masabi kung magandang bagay ba na wala na rito 'yung mga dati naming kapitbahay dahil tiyak kong pagipiyestahan kami nito dahil sa pagbabalik ko. Nakakalungkot din sa kabilang banda, dahil 'yung mga kapitbahay na 'yon ang nakagisnan ko mula maliit ako.
Saka ko lang din napag-alaman na hanggang ngayon ay nagtitinda pa rin si Auntie sa palengke. Balak na nga sana niyang umalis dito, kaya mabuti't naabutan ko raw siya.
Nakatulog ako nang mahimbing sa kauna-unahang pagkakataon. Siguro dahil nandito ako, sa bahay. Wala man si Mamang ay pakiramdam ko nandiyan lang siya, kahit wala akong naririnig na boses ng nag-aaway ay tandang-tanda ko pa rin ang boses nila ni Auntie.
Katulad nang sinabi ko kay Miggy, naghintay ako. Simula noong araw na 'yon ay wala pa rin akong natatanggap na balita.
Pinilit ko namang ituon 'yung atensyon ko sa kasalukuyan. Sumama ako kay Auntie sa palengke, ipinakilala sa mga kaibigan niya roon bilang pamangkin na nanggaling abroad. Matipid na ngiti at tango lang ang itinugon ko sa pagbati nila.
Maraming kwento si Auntie. Tinukso ko nga siya kung bakit hindi pa rin siya nag-aasawa pero tinarayan lang ako. Dalawang araw kaming magkasama, ang akala ng mga kapitbahay niya rito'y isa lang akong bakasyonista.
Isang umaga, nakatanggap ako bigla ng tawag mula sa isang unknown number. Baka si Miggy 'yon kaya sinagot ko nang walang pag-aalinlangan.
"Hello?"
Walang sumagot.
"Hello? Sino 'to?" tanong ko ulit. "Mi—"
"Oh my god..." boses ng isang babae. "Oh my god, it's really you!"
Saglit akong napaisip hanggang sa nabosesan ko ang tinig. "Corra?"
"Yes, it's me, Remi!"
Sa labis na katuwaan ay nagpasya kaming magkita kaagad. Gusto sana akong sunduin ni Corra pero ayoko naman siyang abalahin kaya sinabi kong magkita na lang kami sa isang mall sa Maynila, doon na kasi siya nakatira ngayon.
Gusto rin sana akong ihatid ni Auntie pero tumanggi rin ako dahil sayang naman 'yung oras niya. At saka sinabi ko, hindi na ako bata, bente otso anyos na ako. Nang sabihin ko 'yon ay wala nang nagawa si Auntie, hinatid na lang niya ako sa sakayan ng tren.
Nang makarating ako sa meeting place namin ay nakita ko si Corra sa labas ng restaurant na naghihintay. Lumapit ako sa kinaroroonan niya pero hindi niya ako napansin. Hindi niya ako namumukhaan.
Pinagmasdan ko muna si Corra. Halos walang pinagbago 'yung itsura at pangangatawan niyang balingkinitan, maliban sa buhok niya na ngayon ay mahaba na at tumingkad ang kulay.
Nagtama ang paningin naming dalawa pero hindi niya pa rin ako namukhaan. Humakbang ulit ako palapit nang matigilan siya.
"Excuse me?" tawag niya. "I-ikaw ba..." Tumango ako. Bigla siyang napatakip ng bibig habang nakatitig lang sa'kin. "Oh my god!" Saka niya ako sinunggaban ng yakap. "Remi!"
"Hello, Corra." Hindi maalis 'yung ngiti sa labi ko dahil sa init ng yakap niya.
Nang bumitaw siya sa'kin ay nakita ko 'yung pangingilid ng luha niya. "S-sorry, hindi kaagad kita nakilala. Y-you've change—in a better."
"Ganyan din ang sinabi ng pinsan mo." Pagkasabi ko no'n ay tuluyan na ngang bumagsak 'yung luha niya at saka niyakap ulit ako.
Pumasok na muna kami sa loob ng kainan at doon itinuloy ang pag-uusap. Kinamusta ako ni Corra, kinuwento rin niya 'yung sinabi sa'kin noon ni Quentin na bigla na lang daw akong naglaho na parang bula at walang makapagsabi kung saang ospital ako dinala. Humingi siya ng sorry.
"Wala ka namang dapat ihingi ng sorry," sabi ko saka siya bahagyang napayuko.
"I-I'm sorry for not trying hard to find you. You know... Pakiramdam ko kasi kinalimutan kita."
Umiling ako. "Naiintindihan ko, Corra. May sarili kang buhay at saka isa pa... Nabanggit nga rin sa akin ni Quentin 'yung nangyari sa 'yo."
Nag-angat siya ulit ng tingin at saka napabuntong-hininga. "Nagulat ka ba nang malaman mo?"
Tumango ako. "Kamusta naman kayo ng baby mo? Anong pangalan niya?"
Muling lumawak ang ngiti niya. "Conor, seven years old na siya. Tahimik na bata pero nagmana naman sa'kin ng katalinuhan." Nilabas ni Corra 'yung cell phone niya para ipakita sa'kin 'yung larawan ng anak niya.
"Ang cute cute, kamukha mo siya." 'Di maalis 'yung ngiti ko.
"'Di ba? Poging-pogi, mana sa mommy, siyempre. Sa kabutihang palad kaya ko na siyang suportahan."
"Hindi ba siya sinusuportahan ni Leighton?" Natigilan saglit si Corra sa sinabi ko. "Sorry..."
"Sa totoo lang, Remi... Hindi si Leighton ang ama." Nanlaki ang mga mata ko nang malaman 'yon.
Magsasalita pa sana siya nang biglang tumunog 'yung cell phone ko. Nagpaalam muna ako saglit kay Corra para sagutin 'yon. Si Miggy kasi 'yung tumatawag.
"Miggy? May balita ka na kay Poknat?"
"No. But I already got your other request, I'll send it to you now."
"O-osige." Pagkababa ko ng tawag niya'y kaagad lumitaw sa screen ang isang email, nang buksan ko 'yon ay hindi pa rin ako nabigo.
Dali-dali akong bumalik sa mesa namin ni Corra at binalita sa kanya ang natanggap ko. Sinend kasi sa'kin ni Miggy 'yung contact numbers at mga work address nina Aiza, Burma, at Honey.
"That's great! Pupuntahan mo sila today? Then I'll go with you."
"Talaga?"
"Nag-day off ako ngayon para lang makasama ka, Remi."
Niyakap ko ulit si Corra sa sobrang tuwa.
*****
HALOS marindi kaming dalawa sa tinis ng sigaw ni Aiza na literal na tumatakbo palapit sa'min. Noong una'y nag-alangan ito nang makalapit.
"I-Ikaw ba talaga si Remi?"
"Oo, Aiza, ako nga." Napatakip ito ng bibig at akala namin ni Corra ay mahihimatay pa. "Hindi mo ba 'ko namiss?"
"Ano ba namang tanong 'yan?!" sigaw niya ulit kaya halos pagtinginan kami ng mga tao rito sa open area ng mall. "Malamang oo! Ni hindi nga namin alam kung saang lupalop ka napadpad o kung buhay ka pa ba?! Remiiii!" Biglang humagugol si Aiza kaya ako na ang unang yumakap sa kanya.
Mga ten minutes din bago kumalma si Aiza. Binilhan pa nga siya ni Corra ng mineral water kasi talagang nagdedeliryo ang itsura niya. Hindi ko tuloy maiwasang matawa kasi obvious na obvious naman na wala siyang pinagbago.
"Anong nakakatawa?! Bakit mo 'ko tinatawanan?!" nakairap niyang tanong habang pinupunasan ang mukha. "Nasira ang makeup ko tuloy!"
Nakagayak ng kulay red na blouse at pencil cut na uniform si Aiza. Kitang-kita sa lanyard ng ID niya 'yung pangalan ng bangko kung saan siya nagtatrabaho ngayon.
Naisipan kasi ni Corra na tawagan si Aiza at papuntahin dito nang sumapit ang alas dose, malapit lang daw kasi 'yung address ng workplace nito rito sa mall.
"Mabuti na lang talaga isang sakay lang ng MRT 'tong mall! Halos lumipad ako sa pagpunta rito, ginugulat n'yo naman kasi ako!" At hindi pa rin siya tapos magdeliryo.
Tinawanan lang namin siya ni Corra hanggang sa kumalma siya. Na-text na rin nila si Honey at Burma kaya on the way na kami ngayon sa ospital kung nasaan ang dalawa.
Dala ni Corra 'yung sasakyan niya kaya hindi na kami nagcommute pa papuntang Makati. Kaagad umandar ang bunganga ni Aiza para magkwento.
Si Honey, naka-ilang shift noong college bago magpasya sa nursing. Kaya ayon, nurse na ito ngayon sa isang tanyag na ospital.
"Naku, naging bayani ang ate girl n'yo noong kasagsagan ng pademya!" kwento ni Aiza. "Dahil do'n wala na siyang time manlalake, excuse niya lang 'yong nagsawa na raw siya."
Si Burma, matapos maka-graduate sa business course nito'y tuluyan nang minana ang kanilang negosyo. At laking gulat ko nang malamang kakapanganak lang nito noong nakaraan at huling araw ng pagkakaconfine sa ospital kung saan nagtatrabaho si Honey.
"Si Burma! Si Burma lang ang pinalad sa pag-ibig! Natagpuan 'yung true love niya noong college at hanggang sa makatuluyan na niya. Pangatlong anak na niya ngayon. Taray, 'di ba?!"
Medyo hindi lang ako makapaniwala, sumulyap ako sa katabi kong nagmamaneho, si Corra at si Burma—may mga anak na? Gano'n pala kabilis ang sampung taon? Ang daming nangyari.
Namalayan ko na lang na nasa ospital na kami. Pagpasok nga namin sa silid ay sumigaw agad si Burma.
"Remisoooooon!" kulang na lang ay bumangong ito sa kama.
"Sshh!" saway ni Aiza. "Gaga ka, baka palayasin kami rito—saka baka biglang bumulwak matres mo riyan!" Hindi ito pinansin ni Burma at bigla ring ngumalngal.
"Uy, huwag kang umiyak at baka kung mapaano ka," alo ko sa kanya nang makalapit ako. "Nasaan ang mister at mga anak mo?" ngumiti ako kahit na natatakpan ng mask 'yung bibig ko.
Iyak lang ang sagot sa'kin ni Burma kaya niyakap ko siya at niyakap din naman niya ako nang mahigpit.
"Hoy, teh, 'di na makahinga 'yan," saway ni Aiza.
"Remi, anong nangyari—" bago pa siya makapagtanong ay biglang bumukas 'yung pinto at sabay-sabay kaming napatingin doon.
"Honey—" kaagad niya akong sinunggaban ng yakap. Hindi siya nakasuot ng uniform dahil ang sabi ni Aiza kanina'y day off daw nito ngayon. Wala siyang ibang sinabi pero naramdaman ko na umiiyak siya sa balikat ko.
Biglang natahimik ang silid. Siguro pare-parehas na nag-sink in sa'min ang nangyayari.
Na nandito na ako sawakas.
Buhay.
Kasama sila.
Hindi ko na rin napigilang humikbi. Lumapit sina Aiza at Corra para makiyakap, si Burma naman ay bumangon kahit may swero para makisali sa'min.
"Welcome home, Remi." Dinig kong sabi ni Corra.
Nangibabaw ang tunog ng telebisyon 'di kalayuan. Napasulyap ako ro'n nang marinig ko ang isang pamilyar na pangalan. Parang talk show ang palabas at may dalawang babae ang nag-uusap habang nagluluto.
Marahil ay narinig din nila 'yon kaya bumitaw sila sa'kin.
"So, Zarah, how's your relationship with ZG? There are rumors circulating na break na raw kayo."
"Oh, Tita K, people love to spread fake news."
"Sa true lang! Kakapost mo nga lang sa Instagram ng silhouette shot n'yo sa beach and may cryptic caption! People are shook because tama ba ang hula namin because it's so obvious!"
"Yes, Tita K," at ipinakita ng babae ang kamay nito. "Zeke proposed to me in Bali."
-xxx-
THANK YOU AGAIN!(^∀^●)ノシ
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top