DALAGA 78❀


AT hindi nga ako nakatulog noong gabing 'yon. Hindi ko alam kung isang maliit na pagkakamali ba ang ginawa kong pagtango sa tinanong ni Tita Griselda. Sa kabilang banda ng isip ko'y pinipilit nito na mas malaking pagkakamali ang pagpunta ko rito sa Baguio noong una palang.

Patay na ang lahat ng ilaw sa bahay maliban sa lampshade sa sala, kaya maingat akong lumabas ng bahay, mukhang tulog na ang mga kasama ko. Mabuti't binalot ko ang sarili ko ng balabal, nagpunta ako sa garden at umupo kahit na madilim.

Lumanghap ako ng malamig na hangin para gumaan ang kalooban ko, bawat araw ata ng pananatili ko rito'y mas nahihirapan akong huminga. Nilabas ko 'yung phone ko at sinubukan siyang tawagan kahit na hindi ko alam kung gising pa ba siya sa oras na 'to.

"Hello, Ming?" bumungad ang nag-aalala niyang "Nakauwi ka na ba? Susunduin kita?"

Napangiti ako, mas nawala ang bigat sa dibdib ko. "Sorry, Poknat, kung pinag-alala kita. Kanina pa ako nakauwi."

"Oh, bakit ngayon ka lang nagparamdam sa'kin? Nagpapamiss ka ba, ha?" mas lumawak ang ngiti ko. "Gabing-gabi na, ah. Bakit gising ka pa?"

"Sige matutulog na 'ko—"

"Wait lang, ito naman ibaba agad?" putol niya sa'kin. "May problema ba, Ming?" Hindi ko alam na marunong na rin pala siyang makaramdam. Ikaw lang naman 'tong manhid ng matagal na panahon, Remison.

Huminga muna ako nang malalim at tumingala sa bintana ng kwarto ko. "Pwede ba tayong magkita bukas?"

"Oo naman, bakit hindi?"

"Kaso maaga 'yung uwian mo, at saka may part time ka bukas. Sa 360 Bistro na lang tayo magkita."

"Aba, aba, alam na alam mo na talaga 'yung schedule ko, ano?"

"Kinilig ka naman."

"Siyempre," sagot niya agad. "Sige na, matulog ka na't baka mabawasan ang ganda mo."

"Good night, Poknat."

"Walang I love you?"

Halos umikot ang mga mata ko. "Sige na I love you na."

"I love you more! Good night, Ming!"

Nang maibaba ko 'yung phone ay napapikit ako't tumingala sa langit. Ano bang iniisip mo, Remison? Nang wala akong makuhang sagot at tiyak na kapayapaan ay bumalik na ako sa loob ng bahay.


*****


"REMI, psst." Kung hindi pa ako sinitsitan ng kaharap ko'y hindi ko mamalayan na nakatulala pala ako habang kumakain. Ito na naman kami sa usual spot namin tuwing lunch. "Is there something bothering you again?" tanong ni Riley.

"Gano'n ba ka-obvious na may iniisip ako?" tanong ko.

"Yes," sabay pa nilang sagot ni Anne.

"You know, you can always tell us," sabi ni Riley saka tumingin sa katabi. "Minsan nga naiisip namin na baka sobrang nabo-bored ka sa'min dahil wala kaming ibang ginawa kundi mag-aral."

Umiling ako. "H-Hindi, ah." Pero sa totoo lang minsan nabobored na nga rin ako na puro aral at aral lang ang inaatupag nila. Parang hindi sila naconvince sa sagot ko, aware na aware nga sila na boring na rin talaga kapag puro aral lang ang ginagawa sa school.

"Fiancé problems?" medyo nagulat ako nang sabihin 'yon bigla ni Anne. "Ow, sorry, I know you never mentioned that with us before... May narinig lang kaming rumor," nahihiya nitong sabi.

Parang may nagcue bigla dahil narinig ko ang nangingibabaw na tawa ng isang pamilyar na bully 'di kalayuan. Ayon, si Kennedy. Hindi naman na niya ako ginugulo siguro dahil nakamove on na rin siya kay Q. Kapag nga magkakasalubong kaming dalawa'y para lang akong hangin. Sino pa bang suspect sa pagpapakalat ng tsismis tungkol sa'kin?

"Sorry, Remi. We're just really curious. Matagal na naming gustong i-open sa'yo 'yon, eh, you know, since palagi tayong magkakasama," sinundan 'yon ni Riley.

Umiling ako sa kanilang dalawa. Alam ko namang naging hot topic ako sa campus simula nang magbreak kami ni Q at noong ma-bully ako ni Kennedy, idagdag pa 'yung naging issue about Azami and Deanna. Mabilis lang kumalat ang tsismis sa hangin.

"Huwag kayong magsorry," sabi ko sa kanilang dalawa. " Pasensiya na kung madalas akong lutang."

Ngumiti lang silang dalawa, 'yung ngiting nag-aanyaya na magkwento lang ako at handa naman silang makinig. Iyon talaga ang gusto ko sa kanila, kaya sa huli ay pahapyaw kong kinuwento sa kanila ang kasalukuyan kong sitwasyon, na kinakabahan ako sa biglang pagdating ng mommy ng fiancé ko.

Nang matapos akong magkwento'y magrereact palang sila nang biglang tumunog 'yung cellphone ko. Kaagad kong sinagot ang tawag, bago pa ako makapag-hello ay narinig ko agad ang boses ni Poknat.

"Ming, lingon ka." Lumingon naman ako at nakita ko siya sa may labas ng cafeteria, halos idikit 'yung mukha niya sa window glass. "Mwah!" nag-flying kiss pa ang loko. "See you later, my loves!" Hindi na ako nakasagot kasi binaba niya rin ang tawag, kumaway bago umalis.

"Who's that?" muntik na akong maubo nang marinig ko si Riley.

Nag-ring ang bell kaya nadivert din 'yung atensyon nila. Mabilis silang nag-ayos ng gamit, hindi namin namalayan ang oras dahil sa pagkukwento ko. Ngayon ko na lang ulit pinagpasalamat na grade conscious silang dalawa.


*****


KATULAD nga nang napag-usapan namin ni Poknat kagabi ay pagkatapos ng huling klase ko ay kaagad akong nagpunta sa 360 Bistro kung saan sila naggi-gig. Five-thirty ako umalis at magsi-six na ng gabi ako nakarating, hindi pa naman gano'n karami ang tao.

Pagpasok ko sa loob ay sumalubong sa'kin 'yung isang babaeng staff na nakilala ko noon, natatandaan ko na isa siya sa mga nanukso sa'min ni Poknat. Nginitian niya ako.

"Si Kiel po?" nahihiya kong tanong. Hindi pa rin talaga ako sanay na tawagin siya sa palayaw na 'yon.

"Nando'n sa likod kasama si Boss Jared, pinapasabi niya na tuloy ka muna sa basement," sabi nito at inihatid pa ako sa hagdanan paibaba. Nagpasalamat ako pagkatapos.

Pagpasok ko sa loob ng kwarto'y nakita ko siyang prenteng nakaupo sa sofa. Hindi ko sukat akalain na rito kami ulit magtatagpo.

"Hi, Mingming!" nakangiting bati sa'kin ni Etta.

"Hello, Etta," bati ko naman sa kanya pabalik.

Umusod siya para bigyan ako ng mauupuang space, umupo naman ako ro'n kahit na parang gusto ko na lang lumabas. Bakit ba hindi mawala-wala 'tong pagkailang ko sa kanya? Dahil ba sinubukan niyang magsinungaling sa'min na siya si Detdet o dahil ba...

"Grabe, ang bilis talaga ng oras, ano?" sabi niya habang nagbabasa ng magazine, hindi ko alam kung binabasa niya ba talaga 'yon.

"Umm... Wala naman kayong gig ngayon, 'di ba?" balik-tanong ko.

"Remi," binaba niya 'yung magazine, "hindi naman ako kasama sa banda."

Napatango na lang ako. Kung gano'n nandito siya dahil trip niya lang?

"Alam ko nagtataka ka kung bakit ako nandito," sabi niya na para bang nabasa kung anong nasa isip ko.

"Etta, sandali." Tinaas ko pa 'yung kamay ko. Tinitigan ko siya, nandito ka na naman ba para... "Huwag mong sabihing... Alam mo na?"

Medyo natawa siya pagkatapos ay muli ring sumeryoso. "Yup, I know it. Congratulations to Poknat, nagbunga rin lahat ng pagpapakahirap niya sa'yo. Finally, natauhan ka rin."

Napakunot ako. Anong dapat kong i-react sa sinabi niya? Sinubukan kong ngumiti kahit na hindi ako komportable sa gusto niyang ipahiwatig.

"Salamat."

"Don't thank me," sabi niya saka biglang tumayo. "Do you really think na gano'n-gano'n lang magiging masaya ka na?"

Hindi ko na napigilan at tumayo na rin ako. "Teka, ano bang gusto mong sabihin?"

"Pagkatapos mong sagutin si Poknat, itatapon mo na lang ng gano'n si Miggy?" Parang nagpintig 'yung mga ugat sa noo ko. Heto na naman ang mga sampal na salita ni Etta.

"Etta, hindi ko gusto 'yang mga salita mo," pagbabanta ko sa kanya. Akala niya siguro ay mapapaiyak na naman niya ako ng basta-basta. "Wala ka sa sitwasyon ko kaya wala kang karapatan na pagsalitaan ako ng ganyan."

Humalukipkip siya. "Yeah, right, wala nga akong karapatan. But guess why? Alam mo na matagal ko na siyang gusto, and I surrendered him to you. But it doesn't mean you'll easily get away from my anger."

Napapikit ako saglit, parang gusto kong sabunutan 'yung sarili ko sa inis ko sa kanya. So, galit siya sa'kin kaya naggaganito siya. Relax, Remi, huwag kang magpadala sa pangpoprovoke niya sa'yo, sinasadya niya 'to.

Huminga ako nang malalim ng tatlong beses bago ako makaisip ng kung anong dapat sabihin. Pero nagbago ang isip ko, imbis na sagutin siya'y tinalikuran ko siya. Ayokong aksayahin ang oras ko sa pamemersonal niya sa'kin.

Nasa pintuan na ako nang magsalita ulit siya.

"I know you're so annoyed with me. That's the role I'm willing to become, to be an annoyance."

Nilingon ko siya at walang emosyong sinabing, "Bakit mo ba 'to ginagawa? Para maagaw siya?" Nagkibit-balikat si Etta.

"Mostly because I'm bored. Gusto ko sanang maging best friend mo kaso magiging cliché 'yon," humakbang siya palapit, "mas magiging interesting siguro kung ang kakambal ng dati niyang kalaro ay ang magiging kontrabida sa pagmamahalan n'yo ni Poknat." Ngumisi siya, talagang nananadyang mang-asar.

Hinawakan ko na 'yung door knob ng pinto pero may pahabol pa siyang sinabi, "Balita ko rin dumating na ang mommy ni Miggy."

"Bakit? Don't tell me iba-blackmail mo ako? Isusumbong mo kaming dalawa?" akala niya talaga uubra na siya sa'kin. Malakas talaga ang hinala ko na gusto niya lang akong paiyakin! "Gusto mo samahan pa kita?"

Hindi niya napaghandaan 'yung sinagot ko sa kanya, tumitig na lang siya sa'kin na halos mapanganga. Bago pa siya makabwelta ulit ay iniwanan ko na siya. Nagmamadali akong lumabas ng restaurant nang may tumawag sa pangalan ko.

"Ming!" natigilan ako nang marinig ko 'yung boses niya. "Saan ka pupunta? Sorry, ah, nagpatulong kasi si Jared sa motor niya, kumag 'yon, gawin ba naman akong mekaniko." Nang harapin ko siya'y nagulat siya nang yakapin ko siya. "Oy, tsansing ka!" panunukso niya. "Ming? Bakit?"

"Wala, gusto lang kitang yakapin," sabi ko habang hindi pa rin bumibitaw sa kanya. Naramdaman ko 'yung kamay niya sa likod ko at paghagod niya sa buhok ko.

"Asus, anong nakain mo't bigla kang naging sweet?"

Bumitaw na ako sa kanya. "Actually, nagugutom na ako." Ngumiti siya at hinawakan 'yung kamay ko.

"Tara, kumain muna tayo sa loob."


*****


(TWO days later)

"Are you sure that you'll be okay? Pupuntahan kita?" Himala, tunog concern ang dakilang bato at taong cold na si Miggy. Kahit na kausap ko lang siya sa cellphone ay dama ko 'yung pag-aalala niya, hindi kasi monotone 'yung boses niya.

"Oo, Miggy, please huwag mon ang sabihin kay Tita Griselda, gusto kong ma-enjoy n'yo 'yung date n'yo ngayon," sabi ko habang sapo ang tiyan ko. "Parang may nakain lang akong hindi maganda, baka bigyan lang ako ng gamot ng doktor."

Narinig kong napabuntong-hininga si Miggy. "Fine, after your checkup, update me as soon as possible, okay?"

"Opo," sagot ko. Para kasi siyang matanda, napa-opo tuloy ako. Hindi na siya sumagot at binaba ko na 'yung tawag.

Naghihintay kasi ako ngayon dito sa may waiting area. Bigla kasing sumasakit 'yung sikmura ko kaya ipapatingin ko sa doktor kasi kakaiba na sa pakiramdam. Nang matawag 'yung pangalan ko'y kaagad akong pumasok sa loob ng silid.

Sa kabutihang palad ay hindi naman malala ang sakit ko, nasobrahan daw ako sa caffeine. Pinayuhan ako ng doktor na huwag masyadong magpuyat, uminom ng madaming kape, at iwasang ma-stress.

Stress. Iyon nga siguro ang problema. Tinanong pa nga ako ng doktor kung masyado raw ba akong subsob sa pag-aaral, baka iyon daw ang pinagmumulan ng stress ko na nagdudulot ng matinding anxiety. Nakakaapekto pala 'yon sa sikmura.

Dalawang araw na ang lumipas simula nang magdinner at mag-usap kami ni Poknat. Sinabi ko sa kanya ang nangyari, na dumating ang mommy ni Miggy. Noon ko nakita na nag-alala siya—hindi lang para sa'min kundi para sa'kin.

"Sorry, Ming." At hindi ko sukat akalaing hihingi siya ng sorry dahil pakiramdam niya'y dahil sa kanya ay mas nahirapan ako sa sitwasyon ko.

Umiling ako noon kay Poknat at sinabing, "Desisyon ko 'to, Poknat. Huwag kang magsorry."

Sinabi ko sa kanya na nasa isip ko nang ipagtapat kila Miggy ang totoo, na kakalas na ako sa kasunduan. Imbis na matuwa siya'y tila mas nalugmok siya, alam ni Poknat na hindi magiging madali para sa'kin ang kumawala dahil sa mga nagawa para sa'kin ni Tito Miguel, unang-una na nga ro'n ang makapag-aral.

"Sasabihin ko—"

"Kailangan mo munang maghanda bago ka kumawala sa kanila. Sa tingin ko'y mas mainam na rin na huwag mo munang ipaalam sa kanila 'yung tungkol sa'tin. Tutulungan kita makapaghanap ng bagong school—"

"Poknat, hindi mo 'ko dapat problemahin. Ako na ang bahala sa sarili ko, okay?"

Siyempre hindi siya pumayag na solohin ko ang responsibilidad mag-isa. Nangako si Poknat na tutulungan niya ako kapag nakakawala ako sa puder ng pamilya ni Miggy. Pagkatapos no'n ay kinabukasan ay sinama ako ni Tita Griselda para maghanap ng venue na pagdadausan ng debut ko kasama ang isang organizer.

Gano'n din ang nangyari noong sumunod na araw, nakipagmeeting kami sa organizer para pag-usapan ang theme at iba pang bagay para sa birthday ko. Sa loob ng dalawang araw na 'yon ay tila wala ako sa sarili, paulit-ulit na sinasabi ng utak ko na hindi ko na dapat pang pahabain pa ang paghihintay nila na malaman ang totoo.

Kaya siguro nagpatong-patong ang stress at nakaapekto sa kalusugan ko. Ngayong hapon na pagkatapos ng klase ko ay dapat kasama ako sa bonding nila Miggy at Tita Griselda, kaso mas pinili kong pumunta rito sa ospital.

Papalabas na ako ng ospital nang makita ko sa second floor si Ms.Adel na naglalakad, suot-suot ang white coat habang may dalawang nurse na nakasunod sa kanya. Kung gano'n doktor pala siya sa ospital. Hindi ko maiwasang mamangha, pero naalala ko rin 'yung totoo niyang pangarap. Napilitan lang ba siyang maging doktor?

Kung pwede ko lang siyang makausap ngayon pero mukhang busy siya, pero naiimagine ko na 'yung magiging payo niya kung sakali. Katulad ng nasa isip ko, hindi ko na dapat patagalin pa ang sitwasyon ko, kailangan ko nang kumilos hangga't maaga—dahil buhay ko 'to at hindi buhay nila Tito Miguel, Tita Griselda at ni Miggy.

Pagkalabas ko ng ospital ay biglang tumawag si Miggy, nabasa na siguro niya 'yung text ko kanina na hindi naman malubha 'yung karamdaman ko.

"Hello, Miggy?"

"Nakauwi ka na ba, Remi?" tanong niya.

"Hindi pa, kakalabas ko lang ng ospital."

Medyo matagal bago muling nagsalita si Miggy, may taxi na naghihintay sa labas ng ospital pero hinintay ko muna siyang sumagot.

"Are you sure you're fine now?" muli nitong tanong.

"Oo, Miggy. Bakit?"

"Mom wants you to come here, we're in a restaurant..." Kung kanina'y tunog nag-aalala ang boses niya ngayon naman ay para bang nag-aalinlangan siya. "And Poknat is here too."

Nanlamig ako bigla. Si Poknat? Bakit nila kasama si Poknat? 


-xxx-

A/N: Hi, guys! Umm gusto ko lang i-share sa inyo kasi diba I mentioned before na na-outline ko na until season 4 pero sa ngayon ay medyo nag-iiba ang flow ng story. So, pare-parehas tayong masusurprise sa magiging takbo ng kwento ng DNSR. I hope you'll stay tuned :) 

The memes for this chapter is sponsored by @Itzurkofuku from twitter (hello, comment ka naman dito para makita ko watty username mo :)


See you next chap!

THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top