DALAGA 74❀
"SAY ahhhh—dali na, Ming."
"Poknat, may sarili akong kamay," saway ko sa kanya dahil talagang pinipilit niyang isubo sa'kin 'yung bibingka.
Pagkatapos kasi ng misa ay hindi namin mapigilang parehas tumigil sa tindahan ng kakanin, sobrang bango kasi kaya napabili tuloy kami. Bigla akong natauhan nang maubos ko 'yung kinakain ko. Anong oras na? Lagpas ala sais na!
"Poknat! Kailangan ko nang umuwi."
"Oo nga pala," sagot niya at bahagyang bumagsak ang balikat. "Kung pagagalitan ka rin lang naman lubos-lubosin na natin ang paggala—aray ko!" Hinampas ko kasi siya sa braso.
"Loko-loko ka! Ayokong nag-aalala si Mamang," sagot ko naman.
Hinimas niya ang hinampas kong braso. "Nagbibiro lang naman ako, Cinderella," malungkot niyang sabi.
"Magkikita pa naman ulit tayo sa Baguio. At saka kailangan mo na ring bumalik do'n, 'di ba?"
"Kung sasabihin mong huwag muna akong umuwi, hindi ako uuwi, willing naman akong matulog sa labas ng bahay n'yo o kaya kahit itago mo ako sa ilalim ng kama."
"Siraulo ka talaga," natatawa kong sabi. Sa mga biro ni Poknat ay nawala tuloy kahit papaano 'yung pangamba ko. Hindi naman na siguro ako pagagalitan ni Mamang na medyo late ako umuwi, umm... College student na kaya ako.
Pero akala ko lang pala 'yon.
Pagkauwing-pagkauwi ko ay bumungad sa'kin ang sermon ni Mamang. Nangyari ang kinababahala ko.
Subalit hindi dahil sa late akong umuwi.
"Remison, mag-usap nga tayo, bata ka, umupo ka," iyon ang bungad ni Mamang kaya wala akong palag na umupo sa katapat niya. "Bakit magkasama kayo ni Poknat maghapon?" Bago ko pa masagot ang tanong na 'yon ay sunod-sunod na niya akong binato ng mga nang-uusig na tanong. "Bakit ngayon ka lang umuwi? Anong ginawa n'yo sa simbahan? Anong meron sa inyo no'ng batang 'yon?"
Sa dami ng mga tanong ni Mamang ay hindi ko alam kung anong uunahin kong isagot. Nakita ko si Auntie na biglang lumabas ng kwarto ko, dumaan na parang hangin at pumunta sa kusina, sumulyap siya ng tingin sa'kin—'yung tingin na nagsasabing sorry.
Base sa tingin ni Auntie ay may kutob ako na sinabi nito ang totoo kay Mamang, hindi naman ugali ni Auntie ang magsinungaling para pagtakpan ako.
"Bakit ka nakikipagdate sa iba kung gayong nakipagkasundo ka na sa anak ni Miguel?" siguro ang tanong na 'yan ang huling pinakainaasahan ko mula kay Mamang. Pero dahil do'n ay nakumpirma ang isa pang kutob ko.
Tumitig ako kay Mamang, nakakunot ang kanyang noo at magkasalubong ang kilay pero naramdaman kong hindi siya galit. Mayroon lamang pag-aalala at pang-uusig. Kulang na lang ay sabihin niya sa'kin, anong kagagahan ang ginagawa mo sa buhay, Remison?
"W-Wala naman po kaming ginawang masama ni Poknat, 'Mang," sagot ko. Totoo naman, hindi ba? Wala naman kaming ginagawang masama.
Napapikit si Mamang saglit. "May nakakita sa inyo sa simbahan, Remison. Alam mo bang nang umuwi ang kapitbahay na 'yon dito kanina lang ay dito siya kaagad pumunta para ibalita ang nakita niya? 'Oh, Aling Eme, nakita ko ang apo n'yo sa simbahan, nakikipaglandian!'"
Biglang nag-init ang dalawang sulok ng mga mata ko. Parang ang sakit naman ng mga salita na galing sa ibang tao, para bang ang sama-sama ng ginawa namin. Ha? Hindi masama? Biglang sumulpot ang masamang sulsol sa kunsensya ko. Totoo naman ang sinabi ng kapitbahay n'yo, nakikipaglandian ka kahit engaged ka na sa iba. Malandi ka!
Pinigilan kong mamuo ang mga luha sa mata ko kaya tumingin lang ako sa sahig. Hindi ko na nakuhang ipagtanggol ang sarili ko dahil sa mga namumuong madilim na ulap sa isip ko.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Mamang. "Ming... Ngayon pa lang ay gusto kong pag-isipan mong mabuti ang mga magiging desisyon mo sa buhay," malumanay at dahan-dahan niyang sabi sa'kin.
Nawala ang ekspektasyon ko na sesermunan niya ako nang matindi dahil sa sitwasyon ko, hindi ko narinig ang mga inaasahan kong pangaral kagaya ng... wala kang karapatang mamili ng iba kung sa una palang ay nagpadalos-dalos kang magdesisyon na itali ang sarili mo sa iba. Wala. Walang sinabing gano'n si Mamang.
Malamig at tahimik ang naging hapunan namin noong gabing 'yon. Hindi na ulit nagsalita si Mamang hanggang sa mamahinga na ito sa kwarto nito pagkatapos kumain. Nang maiwan kami ni Auntie sa kusina ay saka nito binasag ang katahimikan.
"Pasensiya na kung sinabi ko kay Mamang kung saan kayo nagpunta ni Poknat." Tumingin ako sa kanya. "Ayoko kasing nag-aalala 'yon kaya sinabi ko."
Umiling ako. "Okay lang, Auntie. Kasalanan ko rin naman."
Natigilan siya. "Kasalanan mo na?" Sabay kaming tumayo para magsimulang magligpit ng mga pinagkainan.
"Alam ko naman po kung anong gustong iparating ni Mamang," sabi ko at saka nilahad sa kanya ang mga naiisip ko kanina. "Pero... Auntie naisip ko lang bigla... Kung magaling naman na si Mamang... Bakit... Bakit hindi na lang po natin bayaran 'yung utang kay Tito Miguel tapos—" Natigilan ako nang lingunin ako ni Auntie, matulis ang tingin sa'kin. Pagkatapos ay napailing ito at muling bumalik sa ginagawa.
"Iyan na nga ba ang sinasabi ko, ngayon pinagsisisihan mo nang pumayag sa kasunduan na 'yan."
"Hindi naman po sa pinagsisisihan ko, Auntie, kung hindi po dahil do'n ay hindi tayo matutulungan—hindi mabilis makakarecover si Mamang kung hindi sila tumulong."
"Tumulong? Tulong na may malaking kapalit kamo. Kung hindi lang din sana nasilaw sa mga pinagsasasabi ni Miguel hindi mo sasabihin 'yang mga sinasabi mo ngayon. Papasok-pasok ka sa kasunduan tapos ngayong okay na ang lahat at saka ka bibitaw ng gano'n lang?" Sa totoo lang ay akala ko maiintindihan at susuportahan ako ni Auntie pero bigla akong nasaktan sa mga sinabi niya. Totoo naman kasi, Remison.
Gusto ko pa sanang sumagot kaso ayaw ko nang lalong dagdagan ang inis niya pero nilunok ko lahat ng kaba.
"Sa tingin mo po ba hindi papayag si Tito Miguel kapag... kapag umatras ako sa kasunduan? Hindi po ba siya papayag na bayaran na lang natin 'yung mga nagastos niya sa ospital?" Padabog na binagsak ni Auntie ang plato sa lababo.
"Hindi ka ba mahihiya sa mga ginastos nila sa'yo, mula sa pagpaaaral at karangyaan mo roon? At isa pa, sa tingin mo gano'n lang natin mababayaran agad-agad 'yung halos milyones na nagastos sa ospital?"
Pero... Auntie... "Bakit po?" iyon ang lumabas sa bibig ko na tanong na mas lalong kinakunot ni Auntie. "Bakit po ako? Anong meron sa'kin?"
Sa kauna-unahang pagkakataon ay naitanong ko rin kay Auntie ang bagay na 'yon na kaagad niyang nakuha kung anong pinupunto ko.
Hindi na sumagot si Auntie at muling naghugas ng plato. Kung hindi nila kaya ni Mamang na sagutin ang tanong na 'yon... Mukhang ang tatay lang ni Miggy ang nakakaalam.
Noong mga sumunod na araw ng gabing 'yon ay tila parang walang nangyari sa bahay. Muli lang kaming nagpatuloy sa pagsisimba hanggang sa makumpleto namin ang siyam na araw ng Simbang gabi. Noong misa de gallo ay sinubukan kong humiling, sana palaging malakas, malusog, at payapa ang pamilya namin. Simple lang ang hiling ko, nakakahiya naman kasi kay Papa God kung masyado akong hihiling ng bonggang material na bagay.
Hindi na ulit nabuksan ang usapan tungkol sa kasunduan hanggang sa sumapit ang Pasko at bagong taon. Walang kumuwestiyon sa'min nang magpadala ang pamilya ni Miggy ng mga regalo at pagkain sa amin.
Mukhang nagkatotoo naman ang hiniling ko dahil naging smooth lang ang takbo ng bawat araw hanggang sa matapos ang mga selebrasyon. Back to reality na ulit.
Katulad ng pinangako ni Miggy ay sinundo niya ako para sabay na kaming bumalik sa Baguio. Medyo pormal nga ang pakikitungo niya kanina Mamang at Auntie, saglit lang siyang nakipag-usap at kaagad din kaming umalis.
Hindi na gano'n ka-drama ang pamamaalam ko sa kanilang dalawa, siguro parehas lang din silang nagpipigil ng mga emosyon—lalo pa't hindi namin natapos at nasara nang maayos ang usapan tungkol sa kinabukasan ko.
Sa ngayon ay wala rin silang magawa na hayaan akong umalis at sumama sa taong kailangan kong pakasalan balang araw.
Pagpasok namin sa loob ng sasakyan ay napansin kong may magdadrive para sa'min. Gusto ko sanang itanong sa kanya kung kamusta ang holiday nilang pamilya pero nahiya na akong magtanong nang ipikit ni Miggy ang mga mata, mukhang wala pa siyang matinong tulog.
Kaya sa huli'y sinarili ko na lang ang mga tanong ko, pumikit din ako at saka sumandal sa may bintana.
*****
HINDI ako aware sa isang invisible rule sa university namin, na okay lang pala na hindi ka kaagad pumasok sa first day ng pasukan pagkatapos ng Christmas break. Kaya pala halos kalahati ng mga kaklase ko'y hindi nagsipasukan. Kabilang na ro'n ang dalawa kong palaging kasama na sina Anne at Riley, kakakita ko lang sa facebook posts nila na pauwi pa lang sila ng flight mula sa pinagbakasyunan abroad. Muntik ko nang makalimutan na mga galing sa mayayamang pamilya ang nag-aaral dito.
Kaya ayun, buong araw akong loner dahil wala akong kasa-kasama. Post-Christmas Blues ata ang tawag dito. Okay lang, sanay naman akong mapag-isa. Pero deep inside medyo hinihiling ko n asana makita ko 'yung iba kong kakilala rito sa campus.
Kung kailan naman gusto ko rin siyang makita rito ay walang kabuteng sumulpot. Mangali-ngali na akong i-text siya kung nasaan ba siya pero mabuti na lang ay dumating na 'yung professor namin. Napatingin ako sa maiingay na pumasok sa likuran at nakita ro'n ang grupo nila Etta.
Dedma. Animo'y walang nangyari noong nakaraang buwan. Hindi ko nga alam kung dapat ko ba siyang kausapin, kung kakausapin niya ako'y saka ko na lang siya papansinin—pero hindi 'yon nangyari.
Natapos ang huling klase namin ngayong hapon, maagang nagpa-dismiss ang professor naming mukhang may hangover pa sa bakasyon.
Habang naglalakad ako palabas ng campus at nagmumuni-muni kung dapat ko bang i-text si Poknat ay may nakita akong pamilyar na tao na nakatayo sa labas ng gate. Dala ng kuryosidad ay dali-dali akong lumapit sa kanya at nakumpirmang siya nga 'yon.
"Ms. Adel?" Pagkakita niya sa akin ay halatang nagulat siya.
"Remi?" napangiti ako nang maalala niya pa ang pangalan ko.
"Ano pong ginagawa n'yo rito? May hinihintay po ba kayo?" nawala na sa loob ko na tunog tsismosa ang mga tanong ko.
"Ah... I was waiting for someone but... It looks like she went home already," sabi nito at nahihiyang ngumiti sa'kin.
Si Etta po ba ang hinihintay n'yo? Mabuti't napigilan ko ang bibig ko na sabihin 'yon, ayoko rin namang masyadong maging pakielamera. Noong nakita ko kasi siya noon sa ospital ay inisip ko na baka nanay siya ni Etta pero parang ang bata pa kasi ni Ms. Adel para magkaanak ng kasing edad ko.
"Gano'n po ba," sagot ko. "Kamusta naman po 'yung sinusulat n'yo?"
"I have a new concept. Do you want to know more about it?"
Tutal wala pa ako sa mood umuwi nang maaga dahil wala pa rin naman akong gagawin, sumama ako sa kanya. Ngayon ko nga lang din nalaman na may malapit na coffee shop dito sa university namin, maliit lang ito at tago ang pwesto kaya walang masyadong tao.
Nilibre niya ako ng maiinom na malugod ko namang tinanggap. Pagktapos ay pinakita niya sa'kin ang dalang notebook mula sa loob ng bag niya, pinabasa niya sa'kin 'yung revision ng synopsis ng ginawa niyang kwento. Naalala ko tuloy si Corra, kung hindi lang nito pinagpalit ang pagsusulat sa pagtugtog (in love kasi masyado).
"Naipasa n'yo na po ba 'to ro'n sa kaibigan n'yong direktor sa TV?" tanong ko.
"He likes the idea but he said na mas better daw itong concept for theatre," sagot niya sabay higop sa kape.
"Bakit naman po? Ang ganda naman ng idea n'yo, eh."
"Well, you see, sabi sa'kin ng friend ko, for soap operas kailangan daw ng mas mahahabang kwento, 'yung tipong maraming pasikot-sikot, conflict, at plot twist."
"'Yung namatay na 'yung kontrabida pero buhay pa pala," bigla kong sabi at sabay kaming natawa parehas.
"Yes, 'yung mga gano'n nga."
"Kung gano'n bakit hindi n'yo na lang po gawing play 'yung kwento n'yo, sayang naman kasi," sabi ko.
Napangiti lang si Ms. Adel at saka tumingin sa kawalan. "It's a weird childhood dream."
'Yung buhay ko po pwede n'yong gawing soap opera."
Napakunot siya, akala 'ata ay nagbibiro ako, akala ko rin sa sarili ko no'ng una ay joke lang dapat 'yon pero napaisip ako.
"Bakit mo naman nasabi 'yon?" tanong niya, mukhang na-intriga.
Natulala ako sa mesa. "Naitakda na po kasi akong ipakasal sa kababata ko na... hindi ko naman mahal."
Sa pagkakataong 'yon ay nakita ko ang bahagyang paglaki ng mga mata niya, parang hindi pa rin makapaniwla, hinihintay na tumawa ako at sabihing biro lamang. Naging seryoso parehas ang mukha namin nang mapagtanto niyang totoo ang sinabi ko.
"But why? Arrange marriage?"
Sa huli ay naikwento ko sa kanya kung paano 'yon nangyari, taimtim at tahimik siyang nakinig habang nagsasalaysay ako. Weird... Totoo pala 'yung narinig ko noon na minsan ay mas komportable kang magkwento sa taong hindi mo kilala ng husto o mga strangers.
Ngayon ko lang naikwento ng buo sa ibang tao ang mga nangyari sa'kin nitong mga nakalipas ng buwan. Kakaiba sa pakiramdam kasi kahit papaano'y nakakagaan ng pakiramdam na may nakikinig sa'kin ng walang panghuhusga.
Hanggang sa matapos ako'y hindi pa rin makapagsalita ang kaharap ko.
"I'm sorry, Remi, mahirap ang mga dinanas mo..."
Umiling ako. "Pero walang-wala po 'yon sa pinagdaanan ng iba na mas malupit pa." Biglang pumasok sa isip ko ang imahe ng kalaro naming si Detdet.
Umiling din siya at hinawakan ako sa kamay. "No, you don't need to invalidate your pain just because you thought that your suffering is lesser than the others. You're young, and your life is not supposed to be decided by someone else." Napatitig lang ako sa kanya. "I know... Madali lang magsalita... But I want you to know that you deserve a life you wanted to choose."
Nangislap ang mga mata ko nang sabihin niya ang huli, pinigilan ko lang mamuo nang tuluyan ang luha sa mga mata ko. Ayokong umiyak ngayon sa harap niya.
"You may give your life to someone else but your heart... it will always belong to you. Can I ask you one thing, Remi?"
"A-Ano po 'yon?"
"What about your heart? What does it tell you?"
Hindi ko pa napag-isipan noon kung ano nga ba ang gusto ng puso ko. Ngayon ay saglit kong tinanong ang sarili ko—sa puso ko—ano bang gusto mo? Sino bang gusto mo?
Isang imahe ng tao ang sumulpot sa utak ko mula sa kawalan.
"Remi?" muli akong napatingin sa kanya. "You love someone else, don't you?"
Walang pag-iisip pa, tumango lang ako bilang sagot.
-xxx-
Here are some memes from @AgilloMarie and @_curse09 :))
Grabe 'to hahahah
See you next chap!
THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top