DALAGA 73❀


KAHIT ilang beses kong ipikit ang mga mata ko'y hindi ko magawang makatulog. Bakit? Basta sigurado ako na hindi dahil malapit nang sumapit ang Pasko. Kahit takpan ko ng unan ang mukha ko'y hindi pa rin ako madalaw ng antok. Bakit?

Dumapa ako at sumilip sa sahig, mahimbing na mahimbing ang tulog ni Auntie. Maingat kong inabot ang cell phone ko sa patungan sa gilid. Magpapaantok na lang ako kaya nagbukas ako ng internet data at pumunta ako sa Facebook para mag-scroll ng walang katapusan.

Kaso... biglang may lumitaw na chat.

'MAY KASALANAN KA SAKEN!!!'

Nabitawan ko tuloy 'yung phone ko at tumama sa mukha ko. Napangiwi ako sa sakit.

Galing kay Poknat ang message, gising pa ang mokong, para bang hinihintay akong mag-online at bigla akong nadapuli.

'Ano un???' reply ko.

'MAANG-MAANGAN KA PA.
MAGNANAKAW!
MAGNANAKAW KA NG KISS!!!'

Binaba ko 'yung phone ko saglit at tumitig sa kisame. Napapikit ako saglit at inalala ang nangyari kahapon. Oo, Remison, magnanakaw ka, sulsol pa ng kunsensya ko. Magnanakaw ng kiss!

Napakagat-labi ako. Wala akong takas. Kung nakakakulong lang ang ginawa ko'y baka nadala na ako sa presinto. Wala akong alibi. Bakit mo kasi ginawa 'yon? Hindi ko rin alam!

Muli kong tiningnan ang phone ko at nakita ang sunod-sunod na all caps na chat ni Poknat, sinasadya niya talaga 'yon para kunwa'y galit siya.

'AT DAHIL MAY ATRASO KA SA'KIN KAILANGAN MONG MAGBAYAD!'

'Bakit ako magbabayad?' sagot ko.

'HINDI AKO MAKATULOG! KASALANAN MO TO!!!'

Bigla akong napangiti. Naiimagine ko kasi 'yung itsura niya, pakiramdam ko kasi habang tina-type niya ang mga salitang 'yon ay nakakunot siya at nakanguso pa.

'Hindi rin ako makatulog kaya patas lang tayo,' reply ko ulit sa kanya.

'ANONG PATAS? WALANG PATAS-PATAS DITO. BUKAS SASAMA KA SAKEN SA AYAW AT SA GUSTO MO.'

'Paano kung ayoko? Kidnapper!'

'AT LEAST HINDI MAGNANAKAW NG KISS!
MAGNANAKAW NA NGA LANG SA PISNGI PA
HINDI PA GINAWANG SA LIPS!!! >:('

Napatakip na ako ng bibig dahil hindi ko na mapigilang mapahagikgik sa mga sinasabi ng kolokoy na 'to.

'Eh, iyon ay kung papayag si Mamang at Auntie na sumama ako sau.'

'AKONG BAHALA. AKO ATA SI POKNAT.
SIGE NA MATULOG KA NA.
AYOKONG NAPUPUYAT KA.
GOOD NIGHT. :*'

'Good night! :)'

'BAKIT WALANG KISS?! >:('

Hindi ko na siya ni-replyan, pinatay ko na 'yung internet at tinago ko sa ilalim ng unan ko 'yung cell phone. Mas lalo akong hindi makakatulog nito, sumulyap ako sa orasan. Bakit ang bagal umikot nito?

Hindi na ako makapaghintay kinabukasan...

*****

NAPANSIN kaagad nina Mamang at Auntie na parang wala ako sa sarili—ang clumsy ko kasi no'ng agahan pa lang. Si Auntie, hindi ko alam na tinitingnan pala ako dahil bigla ba naman akong tinanong no'ng tanghali.

"Bakit ba tingin ka nang tingin sa labas ng bintana? May dadating ka bang bisita?"

Gusto kong kurutin ang sarili ko dahil binuking din ako ng kilos ko. Sasagot palang sana ako sa kanya nang biglang lumabas si Mamang mula sa kwarto niya, nakagayak.

"'Mang, may lakad ka?" lumapit ako sa kanya. "Kasama si Auntie?"

"Hindi ako kasama," sagot ni Auntie. "Ang kulit niyang lola mo, talagang gustong umattend sa pa-Christmas party sa barangay."

"Ano ka ba, Emilia, sayang din 'yong ibibigay na mga pamasko," sagot ni Mamang habang nananalamin.

"Sino pong kasama n'yo?" tanong ko.

"Sina Melai at Beth," sagot ni Mamang. "At saka baka pagkatapos ng party ay magsimbang gabi na rin kami ro'n sa bisita."

"Oh siya, mag-iingat ka, mother dear, huwag ka nang sumali sa games, remember lang na matanda ka na at mahirap na't baka masugod ka na naman sa ospital."

"'Yang dila mo, Emilia, humahaba," nakairap na sagot ni Mamang.

"Ano naman akala n'yo sa'kin, tiktik?" heto na naman sila at nagtatalo na parang aso't pusa. Mabuti na lang sanay na ako sa kanila at tinatawanan ko na lang ang mga asaran nila. "Nai-stress ako sa inyo lalo. Nakakaloka."

"Nako, Emilia, dilig lang ang katapat sa stress stress na 'yan. Kaya kung ako sa'yo patulan mo na 'yung kargador na kursunada ka, mukang malaki ang ano."

"Mother dear!" pumanewang at nanlaki ang mga mata ni Auntie. "Mahiya ka naman sa apo mo, super SPG na naman ang binabanat mo sa'kin!"

Tumawa si Mamang, nagtagumpay na mapikon si Auntie. "Naku, hindi naman naiintindihan ni Mingming 'yang mga ganyan-ganyan."

"Aling Eme, let's go!" saktong dumating sila Ate Melai, lumabas na si Mamang at hindi na nakaganti ng banat si Auntie.

Nang maiwan kami ni Auntie ay tumingin siya sa'kin, nakataas pa rin ang kilay. "Hindi ako naniniwalang sa edad mo 'yang ay hindi mo pa naiintindihan ang mga chenes chenes, Remison."

"Ano pong chenes chenes, Auntie?" pa-inosente kong sagot. "Bata pa po ako."

"Naku ha, huwag kang maang-maangan diyan, noong ganyang edad mulat na mulat na ako sa mundo, ano," pagkasabi niya sa'kin no'n ay lumapit pa siya sa'kin, nakahalukipkip. Napaupo naman ako sa bangko. "Real talk lang ha, noong nasa Baguio ka at magkasama kayo ng anak ni Miguel sa iisang bubong hindi ka naman siguro niya inano."

Nanlaki ang mga mata ko. "Anong ano po, Auntie?"

"Remison, makinig kang mabuti. Kailangan mong maging honest kahit sa'kin na lang at kahit hindi na kay mother dear, pagdating sa mga gano'ng bagay. Siyempre, hindi naman namin kilala ang batang 'yon, baka mamaya akala niya talaga pagmamay-ari ka niya at gawin niya lang kung anong gusto niya sa'yo."

"Wow, Auntie, concern ka pala sa'kin, bakit ngayon mo lang sinabi 'yan?" Imbis na seryosohin ko 'yong sinabi niya ay niloko ko na lang. Alam ko naman kasing hindi gano'ng klaseng tao si Miggy.

Mas lalong nalukot ang mukha ni Auntie. "Ano nga? Baka kung anong kababalaghan na ang mga natututunan mo sa Baguio!"

"Kung kababalaghang pangmulto, Auntie, pwede pa," sagot ko. Kaso biglang pumasok sa memorya ko 'yung minsang ginawa sa'kin ni Miggy—kaagad ko ring inalis sa isip ko. "Wala pong nangyayaring chenes chenes, Auntie. Pramis. Mabait naman po si Miggy."

"Naniniguro lang, ano," sabi niya at saka binalikan ang gamit na inaayos kanina sa may mesa. "Mahirap na't madisgrasya ka ng wala sa oras. At isa pa mas mainam na rin 'yung open tayo sa mga gano'ng bagay."

Napangiti ako. Kahit talaga may pagka-bruha at masungit siya minsan ay hindi mawawala sa nature niya ang maging concern sa'kin.

"Alam mo, Auntie, may gusto rin akong itanong sa'yo matagal na," sabi ko at ako naman ang lumapit sa kanya.

"Ano naman 'yon?" tanong niya nang hindi inaalis ang tingin sa ginagawa.

"Hmm... Gusto ko lang malaman kung bakit kailangan mong magpanggap bilang, Mr. E na nagbibigay sa'kin ng mga regalo dati? Kasi... Hindi ko magets, bakit hindi na lang Ms. E?" natigilan ako saglit. "Uhm... Auntie... Kaya ba Mr. E kasi ano ka?"

"Ano?" tanong niya, hindi magets ang tinutukoy ko.

"Ano po... 'Yung ano..."

Pero mas nakatuon 'yung atensyon niya sa ginagawa niya kaya hindi niya ako sineseryosong sagutin.

"Oo, dati talaga akong lalaki, nagpasex change lang ako kaya ako naging babae," bigla ba naman niyang sabi na halos ikasamid ko. "Joke lang, shunga. Naniwala ka naman."

"Auntie naman!" Pinagtawanan ako ng bruha. Nakakainis!

"Tao po?" sabay kaming napatingin sa pintuan at nakita sa labas ang taong kanina ko pa hinihintay.

"Sino 'yan?" hinayaan kong si Auntie ang maunang pumunta sa pintuan. Pumanewang siya nang makita si Poknat. "Ikaw na naman? Kakagaling mo lang dito, ah."

"Ah, para sa inyo nga pala." May inabot si Poknat na plastic kay Auntie, naglalaman 'yon ng dalawang ice cream tub. Pinunasan ni Poknat ang pawis sa noo gamit ang panyo, hindi alintana ang init ng tanghali kahit na nakasuot ng jacket na kulay dark green.

"Ano 'to? Anong pakay mo?"

"Ano po... Si Mingming po..." Gusto kong matawa kaso pinigilan ko lang ang sarili ko dahil parang hindi siya 'yung Poknat na kilala ko. Para siyang kuting na takot kay Auntie. "May lakad po kami ngayong hapon."

"Lakad? Aba, bakit hindi kami informed sa lakad na 'yan?" lumingon sa'kin si Auntie.

"Ano... Auntie..."

"Sana po payagan n'yo kaming mamasyal, iuuwi ko rin naman po siya," sagot agad ni Poknat, akala mo kay bait-bait na nilalang.

Nagpabalik-balik ang tingin ni Auntie sa'ming dalawa, hindi ito nagsasalita pero parang sinasabi ng tingin nito sa'min na, ang galing ng timing n'yo ha, kung kailan si Mamang ay saka kayo tatakas? Medyo kinabahan ako dahil baka hindi pumayag ang bruha.

"Hmm... Tutal may pa-ice cream 'tong bagets na 'to at tutal ay magaling kayong tumiyempo na wala si mother dear, sige."

"Salamat po!"

"Thank you, Auntie!" sabay pa naming sabi ni Poknat.

Tumitig sa'kin si Auntie, wala siyang ibang sinabi, may kakaibang ngisi lang na sumilay sa bibig niya bago pumasok sa may kusina.

Pinatuloy ko si Poknat at pinaupo sa sala. Inalok ko siya ng maiinom pero tumanggi siya kaya nagpaalam muna ako sa kanya na magbibihis lang ako saglit.

Medyo nagmadali ako sa pagpili ng susuotin, mabuti na lang ay naiuwi ko 'yung pink short sleeve dress na nabili ko sa Baguio na hindi ko pa nasusuot, pinaresan ko rin 'yon ng flat shoes. Mabilisan akong nag-ayos sa harapan ng salamin, face powder, kaunting blush on, at liptint, ayos na 'to.

Paglabas ko ng kwarto ko'y nakita kong wala si Poknat sa upuan niya, mukhang lumabas ata. Biglang lumabas mula sa kusina si Auntie at lumapit sa'kin. Walang salitang inayos ni Auntie 'yung ipit sa buhok ko.

"Ayan, perfect," sabi niya at ngumiti sa'kin.

"Thank you, Auntie," hindi ko mapigilan siyang yakapin sa tuwa. Niyakap din naman niya ako pabalik at hinagod pa ang likuran ko.

"Basta uuwi rin kayo agad dahil baka mag-alala ng bongga si mother dear," bilin nito at tumango lang ako. Hinatid ako ni Auntie sa labas kung saan naghihintay si Poknat. "Mag-iingat kayo."

"Opo." Nang umalis si Auntie ay napansin kong parang hindi siya makatingin sa'kin ng diretso. "Sensya na, Ming, hindi ko dala 'yung motor ko, eh. Okay lang kung magcommute tayo?"

"Okay lang," sagot ko kahit na hindi pa namin alam parehas kung saan kami pupunta.

Sa huli napadpad kami sa malapit na mall, isang sakay lang ng jeep mula sa kanto namin. Hanggang sa makarating kami ng mall ay tahimik lang kami parehas, which is sobrang nakakapanibago para sa'kin. Nasaan na ang makulit na Poknat?

"Bakit parang ang tahimik mo 'ata?" tanong ko habang naglalakad kami.

Huminto siya bigla, napakamot sa ulo, sabay huminga nang malalim. "Sorry, kinakabahan kasi ako."

Bigla naman akong natawa. "Ha? Bakit ka kinakabahan?"

Sinamaan niya ako ng tingin, halos humaba 'yung nguso niya. "Kasalanan mo kasi! Hindi ako makapag-isip ng maayos!" Saka ko lang napansin na namumula siya na parang kamatis. Mas lalo tuloy akong natawa. "Ming naman! Huwag mo naman akong pagtawanan."

"Para ka kasing ewan, kakain lang naman tayo, 'di ba?" sabi ko.

"Anong kakain lang? Date 'to, 'di ba?" balik-tanong niya. Hindi naman ako makasagot.

Kaya pala siya kinakabahan at parang nahihiya... First date naming dalawa?

"Anong date? Hindi naman kita sinasagot at hindi ka naman nanliligaw," sagot ko tapos ay iniwanan ko siya. Kaagad din naman siyang humabol.

"Hoy, anong hindi kita nililigawan? At saka pwede kayang magdate 'yung dalawang tao na hindi pa naman—"

"Alam mo, maghanap ka na lang kaya ng kakainan natin."

"Sabi ko nga."

Hindi na namin muna ulit pinag-usapan 'yon at unti-unti na siyang bumalik sa pagiging makulit. Nilibre niya ako sa isang bagong bukas na fast-food restaurant, pagkatapos ay naglaro kami sa arcade (na na-miss ko dahil madalas din kaming maglaro rito nila Aiza).

Gusto sana manood ng sine ni Poknat kaso nakita kong gabi na masyado 'yung magiging tapos ng susunod na showing time. Kaya naglibot-libot na lang kami, nagwindow shopping sa mga tindahan. Nagsukat pa nga siya ng mga damit para lang itanong sa'kin kung bagay ba 'yung porma niya o hindi, pinilit niya rin ako kaso ayoko, ang dami ring tao sa women's fitting room.

Hanggang sa hindi ko na namalayan ang oras at nakitang mag-aala singko na ng hapon.

"Kailangan mo na bang umuwi?" tanong niya nang mapansing nakatitig ako sa relos ko.

"Alam ko na kung saan tayo pupunta."

"Saan?"

Hindi naman umangal si Poknat nang sabihin ko sa kanya na gusto kong magsimbang gabi kami dalawa. May malapit kasi na simbahan dito sa mall at doon kami nagpunta, tumawid lang kami sa overpass at naglakad ng ilang metro.

Saktong kakasimula lang ng misa. Mabuti at tahimik lang si Poknat habang nagmimisa, himala nga dahil talagang hindi siya sobrang hyper ngayong araw.

Nang sumapit ang pagkanta ng Ama Namin ay naghawak-kamay kaming dalawa. Ramdam na ramdam ko 'yung init ng palad niya kaya pinigilan kong sumulyap sa kanya. Pagkatapos ng pag-awit ay narinig ko na lang ang sinabi ng pari na magbigay ng kapayapaan sa isa't isa.

Umugong ang pagpapalitan ng 'peace be with you' sa paligid namin. Sabay kaming tumingin sa isa't isa at sabay din naming sinabing, "Peace be with you."

Pero ang hindi ko lang napaghandaan nang dumukwang siya para gawaran ako ng halik sa pisngi.

Bigla akong naging tuod sa kinatatayuan ko pero sumilay ang ngiti sa kanyang labi at saka sinabing, "Ayan, bayad na ang atraso mo." 


-xxx-



Meme exhibition, sponsored by Mervin again! :D

Dito ako tawang-tawa HAHAHA


See you next chap!

THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top