DALAGA 71❀
MABILIS na dumating ang ambulansya kaya kaagad nadala si Etta sa pinakamalapit na ospital. Salamat kay Poknat na alertong tumawag ng tulong. Pagkatapos ay kaagad din kaming sumunod doon upang matingnan ang kalagayan ni Etta.
Sa kabutihang palad ay hindi gano'n kalala ang natamong injury niya, napilayan ang paa nito, at nagtamo lang ng kaunting galos. Naabutan namin 'yung driver na kasalukuyang humihingi ng pasensya kay Etta na nakaupo sa kama.
Nang umalis ang driver ng motor ay saka kami lumapit sa kinaroroonan niya, naramdaman kong nagpaiwan si Miggy sa labas.
Bubuka palang ang bibig ko nang maunahan ako ni Poknat na magsalita.
"Bakit mo ba kasi kami tinakasan? Ayan tuloy ang napala mo," sabi nito sabay halukipkip, parang hindi nag-alala kanina.
Umismid lang si Etta. "Hindi ko kayo tinatakasan, sadyang late na ako sa party na pupuntahan ko. Thanks to you hindi na ako makaka-attend," sagot niya nang hindi tumitingin sa'min. Kunwa'y nagcellphone ito pero kaagad ko 'yong hinablot mula sa kanya. "Hey! I have to text my parent what happened to me."
"Etta, please naman kausapin mo kami nang matino," sabi ko.
Halos umikot ang mga mata niya. "Oo na, ibigay mo muna sa'kin 'yang phone ko." Sinunod ko siya.
Hinintay namin siyang matapos sa pagtetext, walang salitang bigla siyang tumayo pero napangiwi lang siya sakit. Kinuha tuloy siya ni Poknat ng wheelchair sa labas kahit na ayaw niya.
Nang lumabas kami ng emergency room ay sumalubong sa'min si Miggy, blangko lang ang itsura niya. Hinihintay nga namin kung magtatanong ba siya kung okay lang si Etta pero wala siyang sinabi. Cold as usual.
Narinig kong inutos ni Etta kay Poknat na dalhin siya nito sa cafeteria dahil nagugutom na raw ito, do'n ko nga lang na-realize na hindi pa kami naghahapunan. Naalala ko tuloy 'yung mga pagkaing hinanda ni Manang.
Sumunod na lang kami ni Miggy nang wala pa ring nagsasalita.
Nang makarating kami sa cafeteria ay halos iilan lang ang taong nandito, bumili si Poknat ng mga tinapay at canned drinks para sa'min.
Tumikhim ako para wakasan ang katahimikan. "Etta... Ano ba talaga ang totoo?" Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa. Gusto ko na ring matapos ang gabing 'to.
"Sinabi ko na sa inyo, 'di ba?" sagot niya pagkakagat sa sandwich na hawak.
"Then why did you lie?" sunod na tanong ni Miggy, bahagyang hinampas ang mesa.
Huminto si Etta sa pagnguya, pagkatapos lumunok ay natigilan at natulala sa kawalan. Para bang narealize niya na wala na siyang kawala para hindi masagot ang mga tanong namin.
Unti-unting nanlambot ang mukha niya, bahagyang yumuko saka muli kaming tiningnan isa-isa.
"At some point naging ako si Detdet," sabi niya. Walang nagsalita sa'min para hayaan lang siyang magkwento nang tuloy-tuloy. "Sa totoo lang parang flip coin ang buhay ko, sinuwerte lang ako. Hindi man ako ang tunay na Detdet... ako ang kakambal niya."
Pinigilan kong magreact dahil ngayon ko lang nalaman ang tungkol ro'n. Maging sina Poknat at Miggy ay hindi naitago ang gulat.
"Nabuntis lang naman ng tatay ko ang nanay ko, 'tapos ako ang napunta sa puder ng tatay ko. Paminsan-minsan hinihiram ni Tatay si Detdet at ako naman muna sa puder ng nanay ko." Bigla akong napaisip, naalala ko ang apartment na tinutuluyan nila noon, isang silong na liblib. "Kaya ko nasabi na naging ako si Detdet minsan kasi nagulat na lang ako na sinama n'yo ako sa paglalaro n'yo.
Hindi ako umangal, hindi ko rin naman sinabi sa inyo noon na hindi ako si Detdet kasi... ewan ko." Ngumiti siya sa kawalan. "Hindi rin n'yo naman kasi napansin na hindi ako si Detdet, magkamukha kami, 'di ba? Basta naalala ko lang na minsan ko kayong nakalaro sa Duluhan. Hanggang sa isang araw hindi na ako nakabalik. Binalak ni Tatay na iwan na lang ako sa institusyon, kukuhanin din niya raw si Detdet sa nanay namin kasi alam niyang hindi naalalagaan ng tama.
Siguro noong malaman ni Detdet na ipapaampon na siya ng nanay namin ay natakot siya, siguro ay natakot din siyang mawalay sa mga kalaro niya kaya isang gabi bigla raw naglayas." Huminto si Etta at saka tumingin kay Miggy. "Noong gabing tumakas siya nangyari ang trahedya."
Sumulyap ako kay Miggy at nakita ang bahagya niyang pagyuko, mukhang malinaw na malinaw pa rin sa memorya niya ang gabing 'yon, 'yong gabing kumatok si Detdet sa bintana niya. Kaya pala... Kaya pala niya gustong magtago sa kwarto ni Miggy dahil ayaw niyang umalis—ayaw niya kaming iwanan.
"Kaya nga nasabi ko na parang flip coin ang buhay ko, paano kung ako ang napunta sa puder ng nanay ko? I actually feel bad because I'm thankful that I'm not at her place. I feel ashamed to feel glad that I'm the one who's alive and got a better life today. But to be honest, the only thing I'm envious with my sister is..." nagdalawang isip si Etta kung itutuloy niyang sabihin ang nasa isip. "...that she had you three."
Hindi na ulit nagsalita si Etta, wala ring nagtangkang magsalita o magtanong. Pero may lihim na kapanatagan sa bawat isa na wala ng misteryo sa pagkamatay ni Detdet, talagang wala na siya. At marahil ay pare-parehas din kaming hindi agad makabawi sa binulgar ni Etta, parang nakakalunod.
Wala na namang mga salita ang kumawala sa bibig ko dahil hindi ko alam kung anong sasabihin. Maging sina Miggy at Poknat ay nanatiling walang imik.
Ilang sandali pa'y nagsalita ulit si Etta pagkatingin sa hawak na phone. "Nandito na 'yung sundo ko."
Sabay-sabay kaming tumayo para pumunta sa parking lot, samantalang si Etta ay nagpaiwan sa entrance ng ospital dahil doon daw siya sasalubungin ng sundo niya.
Tahimik kaming tatlo hanggang sa pagkasakay sa kotse ay hindi ko na napigilang magsalita.
"B-Bakit wala man lang tayong sinabi sa kanya?" tanong ko.
"What do you want to say? Sorry? She's not even sorry that she tried to fool us," malamig na tugon ni Miggy.
Lumingon sa'kin si Poknat na nakasakay sa harapan at saka sinabing, "Hayaan mo, susubukan ko siyang kausapin. Masyado rin akong nabigla kanina." Hindi na ako nakaimik pa.
Nang umandar ang sasakyan na lulan namin ay nakita ko sa labas na may humintong sasakyan sa harapan ni Etta, mula roon ay lumabas ang isang babaeng pamilyar na umakay sa kanya—si Ms. Adel.
*****
IBA talaga ang pakiramdam kapag pamilya ang kasama. Sawakas ay nakauwi na ulit ako sa'min! Pakiramdam ko nga'y napakatagal na panahon ko nang hindi umuwi.
Tama nga ang sinabi noon ni Mamang, ang salubong sa'kin ng mga kapitbahay namin ay akala mo artista o nagtrabaho galing abroad. Speaking of Mamang, ayun, namiss ko nang sobra, pati si Auntie na wala pa ring pinagbago.
Damang-dama ko nga ang pagkamiss nila sa'kin, pa'no ba naman, unang araw ko palang ulit dito sa bahay ay buena manong nagpahanda agad ng pagkain! Partida, wala namang birthday, ilang araw pa bago mag-Pasko pero may pa-selebrasyon na.
"Naku, Emilia, tawagin mo nga si Melai para siya na ang magbigay nitong mga pagkain sa mga kapitbahay."
Naabutan ko sila sa may kusina na abalang-abala sa paglalagay ng mga palabok sa paper plate, si Auntie ang umorder ng mga pagkain sa labas, isang bilao ng palabok at puto.
"'Mang, bakit pa nagpakain kayo, eh, wala pa naman pong okasyon?" kakamot-kamot kong tanong.
"Alam mo naman ang mga kapitbahay, Ming, para walang masabi, at isa pa, natutuwa lang ako na umuwi ka na," sagot nito sa'kin saka biglang nangilid na naman ang luha. Kaagad ko siyang nilapitan.
"Hay naku, si Mamang kailan pa naging madrama?" biro ko sa kanya.
"Matagal nang madrama 'yang si mother dear," patay-malisyang sabat ni Auntie sabay lumayas ng kusina na may dalang mga plato na ipapamigay sa kapitbahay.
Biglang dumating si Ate Melai at halos masakal ako sa higpit ng yakap niya.
"Mingming! Grabe! Na-miss ka namin ng bongga! Itong si Aling Eme walang ibang bukambibig kundi ikaw!" Napatingin ako kay Mamang. "Iba siguro ang hangin sa Baguio at sobrang blooming mo! Kamusta ro'n? 'Kuuu, siguro maraming gwapo ro'n—"
"Tigil-tigil mo si Mingmign sa kalandian mo, Melai. Mamigay ka na lang ng mga pagkain sa kapitbahay," kaagad na saway ni Mamang at sa kabutihang palad ay hindi na ako kinulit pa nito.
Nang umalis si Ate Melai ay naiwan kaming dalawa ni Mamang, magkaakay kaming pumunta sa sala at saka umupo.
Kaagad akong kinamusta ni Mamang kung anong nangyari sa'kin sa Baguio, marami-rami akong kinuwento sa kanya kung ano 'yung naging buhay ko ro'n (akala mo talaga napakatagal kong nawala), kinuwento ko si Manang Kang, pati 'yung mga kaklase ko noong elementary na nakita ko ulit do'n. Nagulat nga rin si Mamang nang malaman na nando'n din si Poknat.
"Kamusta naman ang loko-lokong 'yon?" Hindi ko napigilang matawa.
"Kwela pa rin naman siya, Mamang, saka tumutugtog sa banda," sagot ko.
"Si Miggy? Mabuti naman ba ang trato niya sa'yo?" tanong ulit niya.
Tumango ako. "Mabait po si Miggy, galante rin po ang tatay niya sa'kin kasi akalain mo 'yun binigyan ako ng sariling ATM at pinahiram ng credit card."
Nanlaki ang mga mata ni Mamang. "Susmaryosep, anong pumasok sa kokote ni Miguel para i-spoil ka ng gano'n?" bulalas niya.
"Siguro po kasi..." Natigilan kami parehas nang maalala namin ang katotohanan kung bakit nga ba ako pinadala sa Baguio sa una pa lang. Alam ko mahirap pa rin para kay Mamang na tanggapin ang katotohanang 'yon. Hinawakan ko 'yung kamay niya at pinisil 'yon. "Maswerte po tayo sa kabaitan ni Tito Miguel sa'tin, Mamang."
Napatango na lang si Mamang at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko.
"Oo nga po pala, may naalala kasi ako bigla..."
"Ano 'yon?"
May naisip akong tanong kay Mamang, para na rin mabaling sa iba ang isip niya.
"Naalala ko po kasi bigla si Detdet... Bigla ko ring natandaan noon na may narinig akong kwento..." Pagsisinungaling ko. "Totoo po ba na... Naglayas siya no'ng gabing maaksidente siya?"
Kaagad na nagsalubong ang kilay ni Mamang, halos kumulubot din lalo ang noo niya nang marinig ang tanong ko. Saglit siyang napaisip.
"Hmm... Ang pagkakatanda ko may narinig akong tsismis noon, naglayas daw ang bata kasi balak na raw ipamigay no'ng ina. Bakit mo naman natanong 'yon?"
"Wala po, naalala ko lang," pagdadahilan ko. Sa tingin ko hindi makabubuti kay Mamang na mabigla kapag nalaman ang tungkol kay Etta, isa pa... Hindi maiiwasang kumalat ang kwento kapag nagkataon kaya mas pinili kong huwag sabihin. Sorry, Mamang, kung marami akong nilihim sa'yo.
"Ay, oo nga pala! Nakaalis na ba si Miggy? Naku, dalhan mo siya ng pagkain! Talagang hinatid ka pa niya rito sa atin."
Wala rin naman akong nagawa kaya sinunod ko na ang utos ni Mamang. Pumunta ako sa bahay nila Miggy dala-dala ang isang plato ng pancit palabok na may kasamang tatlong puto.
"Magandang—" natigilan ako sa pagbati nang bumukas ng pinto. Ang akala ko kasi 'yung kasambahay nila 'yung magbubukas. "Miggy, meryenda pala—pinapabigay ni Mamang, salamat daw kasi hinatid mo ako pauwi."
"No worries. Come in," aniya at binuksan ang pinto. Pumasok naman ako sa loob at sumunod sa kanya patungong kusina. Hindi ko maiwasang mapansin na tahimik ang buong bahay.
"Uhm... Ikaw lang ang mag-isa rito ngayon?"
"Pinagbakasyon na ni Dad 'yung mga tao rito," sagot niya sabay kuha sa'kin ng plato. Pinanood ko siyang kumuha ng plato para isalin 'yung dala kong pagkain (nahiya kasi si Mamang na paper plate ang ibigay kaya 'yung magandang plato 'yung pinadala niya.)
"Ay, huwag mo nang hugasan—" pero hinugasan niya pa rin sa lababo 'yung plato kaya hindi na ako umangal pa. "Nasaan na ang daddy at mommy mo?" hindi sa tsismoso ako, gusto ko lang may mapag-usapan kami kasi nakakabingi ang katahimikan.
"Susunod ako sa kanila sa Singapore." Napatango na lang ako. Kung gano'n sa ibang bansa pala sila magse-celebrate. "We'll come back after new year. Dadaanan na rin kita rito para sabay na tayong bumalik sa Baguio." Ewan ko kung paano niya nasasabi ng casual 'yon.
"Uhm... Pwede naman sigurong ako na lang ang bumiyahe pabalik ng Baguio, kaya ko naman na."
"No. Dad told me I should accompany you," sagot niya sabay abot sa'kin ng plato na nalinis at napunasan niya. "Tell your grandma, thanks for the food."
Napatango na lang ulit ako. Pagkakuha ko ng plato ay naglakad ako palabas pero bigla ko siyang nilingon. Napa-arko bahagya ang kilay niya dahil napatitig lang ako sa kanya. Magsasalita sana ako tungkol kay Etta pero nagbago ang isip ko.
"Sa susunod ko na lang ibigay 'yung regalo ko sa'yo," iyon ang sinabi ko imbis ang naisip ko kanina.
Medyo umangat ang gilid ng labi niya. "I won't be giving you a gift though."
Naglakad siya papuntang hagdan at ako namang si lutang ay sinundan pa siya ng tingin. Huminto si Miggy at saka sinabing. "I am already your gift."
-xxx-
A/N: Late night update, may gising pa kaya sa oras na 'to? Haha. Anyway, I hope you liked this chapter. Kapit lang dahil nadarama ko na ang unti-unting pagbabalik ko sa momentum. Iba pala impact kapag may quota o pressure. XD
Again and again, thank you for the memes! Shoutout kay Mervin at Blazerine na napakasipag gumawa ng meme! XD
Hahahahahaha taas kamay XD
See you next chap!
THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top