DALAGA 70❀
NAALALA ko na naman 'yung kasabihan na palagi kong naririnig noong hayskul, 'Huwag kang masyadong tumawa ngayon kasi bukas iiyak ka.' Ibig sabihin kapag masyado kang naging masaya ay asahan mo na may lungkot na paparating.
Gano'n na gano'n na ang nararamdaman ko ngayon dahil kagabi ay umuwi na sina Aiza, Burma, at Honey. Nagwakas din ang mga masasayang moments ng pamamasyal namin dito sa Baguio. Parang sobrang bitin nga kasi ang dami pa naming hindi napuntahan.
Nagising na lang ako kanina na parang walang nararamdaman, idagdag pa ang nakabibinging katahimikan sa bahay. Hindi man ako literal na umiiyak ay batid ko sa sarili ko ang lumbay. Empty feeling, gano'n.
May natitira na lang kaming ilang araw sa school bago ang bakasyon, kaso ngayong Lunes ay wala akong pasok dahil nagbilin na ang mga professors namin noong nakaraang linggo pa na wala ng meeting sa klase nila.
Ngayon lang ako naiwan dito sa bahay nang mag-isa. Si Miggy maagang pumasok, si Manang naman ay may pinuntahan at tanghali pa makakauwi. Sinubukan kong libangin ang sarili ko: nagdilig ng mga halaman, nanood ng TV, kinalikot ang treadmill sa veranda pero sinukuan ko rin.
Wala rin naman akong ganang magbukas ng internet at makita sa facebook ang mga post ng mga dati kong classmates na nagsasaya kasama ang mga friends at pamilya nila. Hindi ko rin naman makulit sina Aiza sa chat dahil paniguradong pagod ang mga 'yon sa biyahe.
Sa huli ay bumalik ako sa kwarto ko at naisipang mag-ayos ng mga gamit sa study table ko. Una kong nakita 'yung sulat na binigay niya last week... Sana kiligin ka kahit 5% lang... Nakita ko rin 'yung mga iba niyang binigay at naalala ang mga kalokohan niya.
Kalokohan? Naisip ko bigla na parang ang sama ko naman kung kalokohan lang ang tingin ko sa feelings na binuhos ni Poknat noong nakaraang linggo. Napabuntong-hininga na langa ko saka pinagsama-sama ang mga binigay niya sa'kin, pati 'yung teddy bear, at 'yung chocolate na hindi ko nakain.
Kamusta na kaya ang lokong 'yon?
Bago pa lumalim at lumipad ang takbo ng isip ko'y bigla kong nakita ang isang itim na folder. At saka ko naalala na iyon 'yung napulot ko noong pagkatapos naming manood sa teatro.
Dala ng kuryosidad ay ngayon ko lang naisipang buklatin 'yon, at para na rin matigil ang pag-iisip ko sa kanya. Tumambad ang papel na may titulo at pangalan ng may-ari. Isang akda? Ini-scan ko ang mga pahina. Hindi naman 'to nobela katulad ng nababasa ko sa mga gawa noon ni Corry, saka ko narealize na isa 'tong script.
May malaking ekis ng pulang marker ang unang pahina, maaaring rejected. Muli kong tiningnan ang pangalan ng sumulat at sa ibaba nito'y nakalagay ang isang contact number.
Mukhang alam ko na kung anong dapat kong gawin ngayong araw.
Wala pang isang oras nang magreply sa'kin ang number na tinext ko. Sinabi ko na ako ang nakapulot ng folder, nagpasalamat ito at tinanong kung maaari ba kaming magkita para ibalik ko sa kanya 'yon.
Panigurado kung nandito at nalaman ni Mamang na pumayag akong makipagkita sa isang estranghero ay tiyak kong raratratin ako no'n ng sermon. Paano nga naman kasi ako nakasisigurado na hindi masamang loob ang tatagpuin ko?
Pero bahala na. Nakapagreply na ako ng oo, at sinabi na rin nito ang location ng meeting place, sa mall na isang sakay lang ng jeep. Bago ako umalis ay nag-iwan ako ng note sa kusina para kay Manang Kang na lalabas ako at baka hapon na makauwi. Nagtext din ako kay Miggy na may pupuntahan ako saglit.
Nagsuot lang ako ng casual na damit, simpleng blouse, denim jacket, maong, at rubber shoes. Bitbit ko ang folder na pagmamay-ari ng nagngangalang Lucía Adelina Custodio-Serante.
*****
WALA pang sampung minuto akong naghihintay dito sa tapat ng isang restaurant sa loob ng mall, hindi maiwasang kumalam ng tiyan ko dahil amoy na amoy ko 'yung mabangong aroma ng pagkain mula sa loob ng kainan. Naisip ko tuloy na sana pala ay kumain muna ako bago umalis ng bahay dahil naabutan na ako ng tanghalian, idagdag pa na na-traffic ako kanina.
"Remison May?" bigla akong umayos ng tindig nang marinig ko ang boses ng isang babae na papalapit.
Nang lumingon ako'y kaagad kong hinuha na siya ang nagmamay-ari ng folder, halos masilaw ako sa ngiti niya kahit na bakas ang kaunting pag-aalinlangan.
"Ikaw ba si Remison?" nakangiti pa rin nang huminto sa harapan ko. Hindi ko alam kung anong itsura ko ngayon pero sure na sure ako na halos ngumanga ako.
Imbis kasi na matandang ginang ang makita ko, dahil iyon kasi ang ineexpect ko base sa pangalan niya, isang babaeng nasa mid-thirties ang nasa harapan ko, nakasuot ng puting cardigan at itim na palda. Kung hindi nga siya nagsalita ay aakalain kong foreigner siya dahil sa pinaghalong mestiza at intsik na itsura, maikli ang buhok nito at natatangi ang mga matang halos hindi mo makita dahil sa pagngiti niya.
"O-Opo," sagot ko saka sunod-sunod na tumango sa kanya. Pagkaabot ko sa kanya ng folder ay biglang nalaglag ang mga lamang papel sa loob nito. Ano ba 'yan bakit ngayon pa ako naging clumsy.
Dali-dali akong yumukod para pulutin ang mga papel, yumukod din ang babae para tulungan ako.
"Pasensiya na po," nahihiya kong sabi.
"No worries. Ako nga ang dapat magpasensiya dahil inabala pa kita ngayong araw," sagot nito, hindi pa rin nawawala ang ngiti. Wala 'ata sa bokabolaryo niya ang salitang 'simangot'. "Thank you for returning this to me, I thought nawala ko na talaga 'to."
"Wala po 'yun. At saka... Wala rin naman po kaming klase ngayong araw."
"That's good to hear, anyway, kumain ka na ba ng lunch? At least let me treat you."
"H-Hindi na po—" pero bigla akong tinraydor ng sikmura ko dahil bigla 'yong kumalam nang malakas. Mas napangiti ang kaharap ko at iginiya ako papasok sa loob ng mamahaling restaurant kaya hindi na ako nakatanggi pa.
"Anong gusto mong kainin?" tanong niya sa'kin pagkasabi ng order niya.
"Uhm... Kayo na po ang bahala..." Sa totoo lang ay hindi ko alam kung anong kakainin ko dahil nalulula ako sa presyo, hindi rin ako pamilyar sa mga pangalan ng pagkain.
"Okay," tumingin siya sa waiter, "just make it two." Nang umalis ang waiter ay nahihiya akong ngumiti sa kanya at nagpasalamat. "Ah, I'm sorry, you can call me Adel, don't call me tita, ha, kasi I don't feel old that yet." Tumango ako.
"Remi na lang din po ang itawag n'yo sa'kin."
"That's cute. But I like Remison kasi it's kind of unique name."
"Kayo palang po ang unang nagsabi niyan, karamihan kasi palaging nagagaraan sa pangalan ko. Parang panlalaki raw," napakamot ako nang bahagya.
"I bet they're always asking why."
Tumango ako. "Kailangan ko pang i-explain sa kanila na gano'n 'yong pangalan ko kasi pinagsamang pangalan ng lola't lolo ko—" natigilan ako sa pagsasalita kasi biglang may umiyak na bata sa kalapit na table. Wala pang limang minuto nang tumahan ito.
"You're in college, Remi?" Tumango ulit ako nang magtanong siya. "That's nice. What course?" Sinagot ko naman siya. "Pasensiya ka na kung masyado akong madaldal. Don't worry, it's just a habit, hindi naman ako masamang tao," biro niya at parehas kaming natawa.
Sabi nga nila, 'Don't talk to strangers.', pero magaan 'yung pakiramdam ko kay Ms. Adel kahit na ngayon ko lang siya nakausap. Hindi ako mabilis mapalagay sa mga tao pero isa siya sa mga estranghero na nakilala ko na madaling makapalagayan ng loob.
Hindi ba't may mga ganoon naman talagang pagkakataon sa buhay natin? Magugulat na lang tayo kasi 'yung mga taong kakakilala natin ay pakiramdam natin matagal na nating kilala. Isang misteryosong phenomenon.
May mga ilan pa siyang tinanong tungkol sa pag-aaral ko, 'yung mga tanong niya na sapat lang at hindi masyadong nakaka-usig ng privacy. Komportable lang din naman akong sumagot. Dumating na rin 'yung mga pagkain namin at nagsimulang kumain.
"Nagsusulat din po pala kayo," bigla kong sabi. "Nagsusulat din po kasi 'yung kaibigan ko." Natigilan saglit si Ms. Adel. "P-Pero hindi ko naman po binasa 'yung sinulat n'yo."
Muli siyang ngumiti. "Ah, oo, I used to write children's book, pero baguhan palang ako sa pagsusulat ng script."
"Para po ba 'yon sa pelikula?" Hindi pa rin nawala ang kuryosidad ko.
Umiling siya. "I think I'm not ready for that level. Proposal sana ito sa isang soap opera for television. Pinabasa ko sa kakilala kong director but sad to say hindi raw pang-teleserye material that's why it got rejected."
"Ah, gano'n po ba, bakit n'yo naman gustong magsulat ng soap opera?" Gusto ko sanang takpan ang bibig ko pero kusang lumalabas ang mga tanong.
Medyo napahinga nang malalim si Ms. Adel, mabuti na lang at hindi rin naman siya naiirita sa mga tanong ko. "Don't laugh at me but I used to dream of becoming an actress. Pero matanda na ako kaya gusto ko sana kahit man lang maging writer sa TV, sad to say I don't have the talent."
"Pasensiya na po sa mga tanong ko," sabi ko tuloy.
Umiling siya. "No worries. I've been really busy to work, it's a breather to talk with you."
Gusto ko rin sanang isagot na gano'n din ang nararamdaman ko pero ngumiti na lang ako sa kanya.
Bigla ko tuloy naisip, pero hindi ko na sinabi sa kanya, siguro kung pangarap niyang maging artista, baka hindi siya sinuportahan ng mga magulang niya sa pangarap na 'yon.
*****
MARTES.
Kung pwede lang sana lagpasan ang araw na 'to, kaso hindi pwede. Sa awa naman ng diyos ay nakaraos din kami sa minor subject kung saan kailangan namin magperform.
Laking pagtataka ng mga kaklase namin nang parehas kaming magsolo performance ni Etta. Kumanta siya at naggitara, ako naman ay tumugtog ng flute. Wala naman kasing nangyari sa pagpapractice namin last week kaya mas mabuti pang magbukod na kami.
Sinubukan nga akong usisain nina Anne at Riley kung bakit kami naghiwalay ni Etta pero matipid ko lang sinabi sa kanila na sadyang hindi nagtugma ang gusto namin ni Etta. Salamat din naman dahil hindi na sila nagtangkang maki-tsismis.
Half-day na lang ang mga klase. Noong hapon din pala ginanap ang Christmas party ng block section namin, hindi gano'n kapinaghandaan, well, siguro dahil hindi naman gano'n ka-solid ang mga kaklase ko.
More on kainan lang ang nangyari, naningil ng pera 'yong treasurer para sa ambag, pagkatapos ay umorder sila ng pagkain. May kaunting pakulo na games 'yong class officers, para masabi lang na talagang nagparty kami.
Ang naririnig ko kasing balita ay bawat college ay may Christmas party na ginaganap sa labas, parang katulad ata sa bar na pinupuntahan nila Azami o kaya'y may naghohost ng house party.
Speaking of, ni anino nila ay hindi ko na nakita pa sa university. Hindi naman sa namimiss ko sila. Mas gusto ko 'yung ganitong payapa at walang issue.
Meron nga palang issue.
Si Etta...
...Na si Detdet.
Natapos din ang party noong hapon, excited na excited ang mga kaklase ko sa pupuntahan nilang party mamayang gabi, iyon daw ang totoong party. Wala naman akong balak umattend sa gano'n.
Naiwan ang dalawa kong kasama sa classroom dahil may balak silang sumama sa gimik ng mga kaklase ko. Nauna na akong lumabas ng building para umuwi nang matigilan ako bigla.
Nakita ko kasi si Miggy na naglalakad palapit. Nang makalapit siya'y nanlaki ang mga mata ko nang lagpasan niya lang ako.
"Miggy?" nilingon ko siya't nakita kong kasunod ko lang pala ang grupo ni Etta. Walang salitang hinila ni Miggy si Etta sa braso.
"Woah! Woah! Who's this fella? Boyfriend mo, Etta?!" kantyaw ng mga kasama nito.
"Hey! Bitawan mo nga ako—" pero hindi nakinig si Miggy. Nang madaanan nila ko'y huminto ito saglit.
"Sumunod ka sa'min. And call Poknat, tell him to go to my house," diretsong utos nito, walang pasubali.
Bago pa ako makatanong kung bakit ay nauna na ulit itong naglakad habang hila-hila pa rin si Etta. Wala akong ibang nagawa na naman kundi sumunod sa kanila at saka nilabas ang phone ko para tawagan si Poknat.
*****
"WHAT are we even doing here? Christmas party of childhood friends?" nakahalukipkip na tanong ni Etta habang nasa sala kaming tatlo.
Maraming nakahandang pagkain sa may kumedor, pero umalis na si Manang, pinagbakasyon na raw ni Miggy.
"Come on! May mas masayang party ako na pupuntahan ngayong gabi!" akmang tatayo si Etta.
"Sit." Isang salita, tatlong letra. Hindi na pumalag si Etta dahil parehas naming damang-dama kung gaano kaseryoso si Miggy.
Kung seryoso na tao si Miggy, mas doble-doble 'yon ngayon. Para siyang galit na gustong manakit na parang hindi naman.
Saktong bumukas ang pinto at niluwa mula roon ang hingal na hingal na si Poknat.
"A-Anong meron?" tanong nito, habol pa rin ang paghinga. "Ming?"
"Good, you're here," sabi ni Miggy. "Sit down, Poknat."
Naramdaman din ni Poknat ang kakaibang tensyon kaya sumunod na lang siya at hindi nagtanong pero nagtatakang tumingin sa'kin at kay Etta.
"Sinabi mo sa kanila na ikaw si Detdet," walang ligoy na sabi ni Miggy sa katabi ko. "Do you think I buy that joke? She's dead."
Nagkatinginan ulit kami ni Poknat pero walang nagsalita sa'min. Tumingin ako kay Etta at nakitang hindi man lang siya kumukurap, imbis na masindak ay nakuha pa nitong ngumiti.
"So, hindi ka naniniwala?"
"You're obviously lying. I know I was just a kid but I can clearly remember her face inside the coffin. Why did you lie? And how did you know about her?"
"Bakit ba parang napaka-affected mo?" biglang nairita ang boses ni Etta. Tumayo ito.
"Just answer my question."
Biglang tumahimik. Nagpakiramdaman kami ni Poknat kung dapat ba kaming sumabat. Narealize ko bigla na hanggang ngayon pala ay may epekto pa rin sa kanya ang pagkamatay ni Detdet. Pero sinabi ni Etta siya si Detdet...
"Etta," hindi ko na natiis, "gusto lang namin ng paliwanag. Maging ako rin ay natatandaan ko pa 'yung burol ni Detdet."
"Never kang nag-explain sa'kin," bigla ring nagsalita si Poknat. "Sa totoo lang nagulat ako noon nang umamin ka na ikaw 'yong kababata namin. Pero deep inside gustong-gusto kitang kulitin kung paano nga ba 'yon nangyari. Wala akong ibang pinagsabihan ng nickname kong 'yon kaya nang tawagin mo akong Poknat ay naniwala ako sa'yo."
Kitang-kita ko na nanlambot ang mukha ni Etta nang marinig ang sinabi ni Poknat. Pagkatapos ay isa-isa niya kaming tinignan, naramdaman niya ang nangungusap naming mga titig, na kailangan namin ng paliwanag.
Nakita ko bigla sa mga mata niya ang kakaibang kislap ng lungkot—siguro dahil naramdaman niya na nagdududa kami sa kanya, na hindi kami naniniwala na siya ang kababata na matagal nang nawalay sa'min.
Noong una kong marinig sa kanya na siya raw si Detdet, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko. Nando'n ang pagkagulat na may halong pagdududa. Hindi man niya sabihin pero naramdaman rin ang pagkadismaya niya nang hindi ako matuwa, nang hindi ko man lang siya yakapin.
Siguro nga, una palang, nagdududa na ako.
Nagwakas ang katahimikan nang huminga siya nang malalim, saglit na napapikit at saka bahagyang yumuko.
"Sorry. Hindi ako si Detdet." Pagkasabi no'n ni Etta ay bigla siyang tumakbo palabas ng bahay, habang naiwan kaming tatlo na nakatulala sa kawalan.
Bigla akong natauhan kaya tumayo ako at kaagad ding tumakbo palabas para sundan siya.
"Ming!" nasa labas na ako nang marinig ko ang boses ni Poknat na kakalabas lang ng bahay. Tuloy-tuloy lang ako sa pagtakbo para mahabol si Etta. Bakit niya kami tinatakbuhan? Hindi pa siya nakakapagpaliwanag nang maayos!
"Etta!" sigaw ko sa kanya nang halos maabutan ko siya sa labas ng subdivision. Hinabol ko muna ang hininga ko pero diretso pa rin siya sa pagtakbo.
Kaso napasigaw ako bigl nang bumagsak siya sa gitna kalsada dahil sa motor na biglang dumaan.
"Etta!"
-xxx-
A/N: Hello! Namiss nyo ba ako? Jk! Namiss nyo ba sila Mingming? Huhu. Grabe ang resistance ko sa pagsusulat OTW Season 4, parang pinipigilan ako ng utak ko "Sure ka na ba sa plot?" ganern ang feeling HAHA. Thank you so much again sa mga nagsesend pa rin ng Memes! <3
THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡
Thank you for this Mingming fan art by ddjF0xGZAxkulY36 from Twitter!
Stay tuned! Keep safe always!
Miggy nyo galit na XD
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top