DALAGA 7❀
"HAPPY birthday, Oliver! How old are youuuu?!" masayang sigaw ng mga kaklase ko matapos naming kantahan ng happy birthday song si Oliver.
"I'm ten years old! Thank you, classmate!" sagot ni Oliver at nagpalakpakan kaming lahat.
"Okay, children, magbehave kayo at isa-isang ilalagay sa table n'yo ang food na handa ni Oliver," nakangiting sabi ng teacher namin.
Maya-maya pumasok sa loob ng classroom namin ang mommy ni Oliver, dala-dala ang isang malaking kahon.
Tinulungan ng teacher namin ang mommy ni Oliver sa pamimigay ng pagkain.
Nalanghap ko 'yung amoy ng pagkain nang mabuksan 'yung kahon.
Amoy Jollibee!
Na-excite 'yung mga kaklase ko at hindi sila mapakali habang isa-isang pinamigay ang spaghetti, hamburger, French fries at soft drinks.
"Ang yaman talaga ni Olly!" dinig kong sabi ng isa kong kaklase sa likuran.
Hindi ko maiwasang mainggit—dahil mabuti pa si Oliver at iba kong kaklase ay nakakantahan sa iskul.
Ako kasi, 'yung birthday ko ay walang pasok kaya hindi ko maranasan 'yung makantahan ng happy birthday ng mga kaklase ko.
Parang ang saya-saya kasi sa feeling kapag birthday mo tapos nasa school ka.
Ikaw ang bida.
Parang si Oliver ngayon.
Halos mapunit na 'yung labi niya sa sobrang lapad ng ngiti niya.
"Thank you, mommy!" sabi ni Oliver at nag-kiss pa sa mommy niya.
"Mama's boy pala," napalingon ako nang marinig kong magsalita 'yung kaklase ko.
Si Marty, ang palaging nambubully kay Olly.
Tinaasan niya ako ng kilay. "Anong tinitingin mo, Remison?"
Hindi ko siya pinansin. Kalalaking tao, ang taray-taray.
"Oh, kids, what will you say to Oliver's mommy?" sabi ng teacher namin.
"Thank you po!"
At masaya kaming kumain ng lunch.
Pag-uwi ko sinabi ko 'agad kay Mamang na hindi ko nakain 'yung baon ko dahil birthday ni Oliver.
"Mamang, buti pa si Oliver nakakapaghanda sa iskul," sabi ko habang nilalabas ko 'yung mga notebook ko para gumawa ng assignment.
"Eh, anong magagawa natin? Wala namang pasok tuwing bertdey mo," sabi ni Mamang habang nananahi.
Pananahi naman ng damit ang nakahiligang gawin ni Mamang.
Nagsawa na siya sa pagtitinda ng ulam kaya ngayon naisipan niya namang maging mananahi.
Pumangalumbaba na lang ako. Wala naman akong magagawa eh.
Tuwing hapon maaabutan ko 'yung mga anime sa TV. Habang gumagawa ako ng assignment nanunuod ako.
Pagsapit naman ng gabi, pagkatapos naming maghapunan ni Mamang ay manonood kami ng Teleserye. Paboritong paborito ni Mamang si Angel Locsin, ang galing niya kasi sa Darna. Idol ko 'yun eh.
Sa iskul nga usung-uso 'yung kanta ng Darna, 'yung Narda...
Palaging kinakanta 'yon ng mga kaklase ko sa klasrum.
'Tila ibon kung lumipad... Sumabay sa hangin ako'y napatingin sa dalagang nababalot ng hiwaga...'
Mahilig ding manuod ng TV 'yung mga kaklase ko.
Si Deanna nga sobrang naadik sa Encantadia. At sa sobrang pagkaadik niya eh pati kami ay dinadamay niya.
"Okay, at dahil ako ang pinakamatanggkad ako dapat ang pinakapowerful, kaya ako si Pirena at nasa akin ang brilyante ng apoy," sabi ni Deanna at tinuro ang sarili niya.
Nasa may school garden kami ngayon at oras ng recess.
"Ha? Si Pirena ba ang pinakamalakas? Eh, kontrabida 'yun eh," sumabat bigla si Kendra.
Si Kendra, naging kaibigan namin noong grade two. Palagi siyang nakapony tail tapos may bangs. Matakaw din si Kendra kaya nagkasundo sila ni Olly.
"Manamik ka Kendra, at dahil diyan ikaw ang pinakamahina, ikaw si Alena, sa'yo ang brilyanye ng tubig" sabi ni Deanna habang nakahalukipkip.
"Huh? Grabe bakit sa'kin ang mahina?" nakangusong sabi ni Kendra.
"At ikaw naman Alexis, dahil tomboy-tomboy ka, ikaw si Danaya, sa'yo ang brilyante ng lupa," sabi ni Deanna at tinuro si Alexis.
Si Alexis o minsan ay tinatawag naming Alex. Medyo tomboy siya gumalaw at maiksi rin 'yung buhok niya. Magkaservice sila ni Deanna kaya siya napasama sa'min.
"Okay, at least strong si Danaya," sabi ni Alex.
"At ikaw Remrem, ikaw si Amihan, ang may hawak ng brilyante ng hangin," turo sa'kin ni Deanna at hindi ako kumibo.
"Deedee, noong grade three pa tayo uso 'yang Encantadia. Grade four na tayo at Darna na ang uso ngayon," reklamo ni Kendra.
"Wala akong pake, Kendra, pashnea ka talaga!"
"Hala, huwag mo 'kong minumura isusumbong kita kay teacher!" banat ulit ni Kendra.
"Hindi 'yon mura, lenggwahe 'yon ng mga diwata!"
Nagtalo pa rin silang dalawa at si Alex ang umaawat.
Habang abala sila ay napansin ko 'di kalayuan si Olly, pinapaligiran siya ng mga kaklase kong boys.
At naririnig ko 'yung boses ni Marty.
"Bakla ka ba ha, malamya ka eh, bakla ka siguro!" pang-aasar ni Marty.
"Hindi ako bakla!" sigaw pabalik ni Olly at tumakbo ito palayo.
Talagang napakabully ni Marty. Palagi na lang niyang pinagtitripan si Olly.
Natigil sa pag-aaway si Deanna at Kendra nang dumaan sa gilid namin ang grupo ni Marty, kasama ang dalawa niyang kaibigan na si Viggo at Andrei.
"Uy, si Andrei, 'yung crush mo," pang-aasar bigla ni Kendra.
"Huwag kang maingay Kendra kung ayaw mong ingudngod kita sa lupa!" inis na sabi ni Deanna.
Patay na patay kasi si Deanna kay Andrei.
Si Andrei kasi ang pinakapogi sa klasrum namin at napakaraming nagkakacrush sa kanya.
Crush din ni Kendra si Andrei kaso sabi ni Deanna sa kanya hindi na niya pwedeng maging crush si Andrei dahil siya ang naunang magkacrush dito.
Kaya kapag nalalaman ni Deanna na may nagkakacrush kaming classmate kay Andrei ay sasabihin niya sa'min na huwag pansinin 'yung kinaiinisan niya.
Ako? Hindi ko crush si Andrei, hindi dahil sa crush siya ni Deanna.
"Oo nga pala, mga mahal kong sangre," humarap sa'min si Deanna, tumaas ang kilay at humalukipkip.
"Ano 'yon? Mukang may kinaiinisan ka na naman ah," hula ni Alex.
"Korek ka diyan, Sangre Danaya," sabi ni Deanna. "Nakita ko si Kuto Girl na tumititig kay Andrei ko, hmp! Ang kafal! Huwag n'yong papansinin 'yung panget na 'yon dahil inis ako sa kanya."
"Okay," sabi ni Alex. Kahit na medyo siga si Alex ay takot din siya kay Deanna, pati si Kendra.
Pero ako? Sanay na 'ko.
May pagkakataon kasi na 'nasusuway' ko 'yung mg autos ni Deanna.
Hindi ko kasi magets kung bakit kailangan kong hindi pansinin 'yung mga taong kinaiinisan niya.
Hindi ko rin kasi sinasadya kapag sila ang lumalapit sa'kin.
Tapos magsusumbong si Kendra kay Deanna.
Tapos hindi na nila ako papansinin bilang parusa sa pagsuway sa utos ni Deanna.
Si Olly lang ang pumapansin sa'kin pero sila Deanna, Alex, at Kendra, para lang akong hangin.
Pero kapag lumipas na ang ilang araw, papansin na ulit ako ni Deanna, sasabihin niya na tapos na raw 'yung parusa sa'kin.
Kaya papansin na rin ako nila Alex at Kendra.
Ngayon, si Kuto Girl naman ang kinaiinisan ni Deanna.
Si Kuto Girl, ang pangalan niya ay Azami, wala siyang friends sa classroom kasi nga palaging nangangati 'yung ulo niya.
Maganda at cute naman si Azami, katulad ko ay mahaba rin ang buhok niya.
Minsan binulong sa'kin ni Kendra ang isang secret, kaya raw siguro mainit ang dugo ni Deanna kay Azami ay Insekyur daw si Deanna.
Hindi ko naman alam kung ano ibig sabihin nh insekyur.
Sabi ni Deanna eh may kuto raw 'yun kaya dapat hindi namin pwede maging friend.
Pero noong hapong 'yon ay nagkaroon kami ng maikling pagsusulit.
Mabuti na lang may baon akong Yellow Pad.
At siyempre, sa akin nanghihingi 'yung mga kaklase ko.
Tapos maya-maya lumapit sa'kin si Azami... Nakayuko siya halos at hiyang-hiya.
"R-Remison... Pwedeng pahingi ako ng papel?" tanong niya.
Napalunok ako.
Walang alinlangang binigyan siya ng papel.
"T-Thank you," nakangiti niyang sabi at dali-daling bumalik sa pwesto niya.
"Psst..." napalingon ako at nakita ko si Kendra at nakita 'yung hintuturo niya na para bang sinasabi na 'lagot ka...'
At noong sumapit ang uwian hanggang kinabukasan ay hindi ako pinansin ni Deanna, Alex, at Kendra.
"Hindi ka na naman pinapansin nila Deedee?" tanong sa'kin ni Olly. Magkatabi kasi kaming dalawa.
Tumango ako.
"Hays, maldita talaga 'yang babaeng 'yan," sabi ni Olly. "'Yaan mo na, Remsky—"
"Biglang dumaan sa gilid namin si Marty.
"Hoy Olibeks!" at tumawa ito.
"Marty! Tigilan mo nga 'ko sa kakatawag sa'kin ng ganyan, isusumbong kita!" sigaw ni Olly.
Wala kasing teacher kaya naghaharutan ang mga kaklase ko. Nakita ko sila Deanna, Alex, at Kendra, nagkukumpulan sila at nagkukwentuhan.
Hindi ako makasali kasi alam kong hindi naman nila ako papansinin. Hindi kasi nila ako bati.
"Kanino mo 'ko isusumbong? Sa mama mo? Samahan pa kita! Hahaha, mama's boy si Olibeks!" pang-aasar ni Marty.
Hindi kasi nagagalit si Olly kaya akala siguro nitong ni Marty okay lang na asarin si Olly.
"Bakit mo ba inaaway si Olly?" tanong ko sa kanya nang tumayo ako.
Natigilan si Marty saglit nang magsalita ako.
"Huh? Ano bang pake mo, Remison? Ikaw nga babae pero panlalake 'yung pangalan!" tapos tumawa siya.
Ewan ko bigla akong naiiyak.
Hindi naman ako napipikon kasi alam ko naman na parang panlalake talaga 'yung pangalan ko.
Pero naiiyak ako.
"Marty! Tumigil ka nga! Hala pinaiyak mo si Remrem!" sigaw ni Olly.
Bigla akong tumakbo palabas ng klasrum.
Nagpunta ako sa may CR at doon umiyak ako sa loob ng kubeta.
Umiiyak ako kasi feeling ko wala akong kaibigan.
Ilang sandali pa pinunasan ko 'yung luha ko gamit ang kamay.
Ganito naman ako, iiyak tapos tatahan din.
Tapos iintayin ko na lang ulit na pansinin ako nila Deanna para okay na.
Paglabas ko ng CR nakita ko si Viggo.
Lumapit siya sa'kin at may inabot. "Oh."
"A-Ano 'yan?" tanong ko sabay singhot.
"Punasan mo 'yung ilong mo," sabi niya at nahihiyang kinuha ko sa kanya 'yung panyo.
Pagkatapos ay walangsalitang umalis si Viggo.
Biglang gumaan 'yung pakiramdam ko.
Kasi pinansin ako ng crush ko.
Walang nakakaalam na crush ko si Viggo. Ang presko-presko niya kasing tingnan, laging nakagel 'yung buhok niya na nakahawi pataas. Bihira siyang ngumiti pero ang cute niya pa rin.
Nawala buong araw 'yung sama ng loob na kinikimkim ko dahil sa ginawa ni Viggo.
Hindi ko naman kasi akalain na bibigyan niya ako ng panyo.
Mukha siyang suplado pero mabait talaga siya.
"Okay class, magkakaroon ng group poster making para sa United Nations Day, at nakapili ako ng apat na representative para sa klase na ito," anunsyo ng teacher namin sa Sibika at Kultura.
"Ang pinakamagagaling na artist sa klase na 'to ang aking napili,w alang iba kundi sila Marty, Andrei, Viggo... at Remison. Mamayang uwian kakausapin ko kayo ha."
Pakiramdam ko bigla akong sinwerte.
Kaya simula no'n ay palagi akong nagpupunta sa library kasama sila Marty, Viggo, at Andrei para magpractice magdrawing para sa darating na competition.
Hindi ko pa rin masoli kay Viggo 'yung panyo niya kasi... nahihiya ako.
Habang magkakatabi kaming nagdodrawing ay humugot ako ng lakas ng loob.
"V-Viggo," tawag ko sa kanya.
"Oh?" hindi siya tumingin sa'kin at busy siya sa pagkukulay.
"'Yung panyo mo pala..."
"Okay na 'yan, sa'yo na 'yan," sabi ni Viggo at abala pa rin sa ginagawa niya.
"Ah... sige," wala na akong ibang nasabi. "T-Thank you..."
"Okay lang, balita ko si Marty daw nagpaiyak sa'yo eh," sabi niya habang nagkukulay pa rin.
"Ha?! Ako?" biglang nagreact si Marty.
"Oo, ikaw," nakasimangot kong sabi sa kanya.
Napakamot sa ulo si Marty. "S-Sorry naman..."
Simula noon ay naging kaibigan ko sila Marty, Viggo at Andrei dahil kami ang representative ng section namin.
Ewan ko lang kung friend din ba ang tingin nila sa'kin.
Para kasi sa'kin kapag palagi mo kinakausap ang isang tao... magkaibigan na 'yun.
Uwian... Papunta ako sa library nang makita ko si Azami na papalapit sa'kin.
Nagulat ako noong una.
"Bakit, Azami?" tanong ko.
Imbis na sumagot ay inabot niya sa'kin ang isang parihabang kahon, isang set ng Oil Pastel, bago 'yon at nakaplastic pa.
"Para sa'yo, kasi sasali kayo sa poster making contest," sabi niya.
Naguluhan ako. "Eh... Bakit mo naman ako bibigyan nito?"
"Kasi... Mabait ka, Remison," sabi niya tapos sabay alis.
Wala na 'kong nagawa kundi tanggapin ang regalong 'yon mula kay Azami.
Kinabukasan mas nagulat ako nang lapitan ako nila Deanna.
"Hoy, Remrem, bati ka na namin! Dahil kagrupo mo si Andrei ko—kailangan kong mapalapit sa kanya!" sabi ni Deanna nang makalapit sa'kin.
Nakangiti lang si Alex at Kendra. Mukhang masaya sila na bati na ko ni Deanna at pwede na rin nila akong pansinin.
Kaya... Kasama na ulit ako sa grupo nila.
At hindi na ulit kami nag-usap ni Azami dahil hindi na siya lumapit sa'kin.
Araw ng competition...
Nilabas ko 'yung bigay ni Azami para magamit namin ng mga kagrupo ko. Namangha sila.
"Wow, ang ganda at bago pa!" bulalas ni Andrei.
"Mukhang mas gaganahan akong magdrawing," sabi ni Viggo at kinuha sa'kin ang kahon. "Thank you, Rems, ah."
"A-Ah... hindi 'yan sa'kin galing... Binigay lang ni Azami."
Nagsimula ang patimpalak at ganado ang mga kagrupo ko dahil sa bagong gamit namin na pangkulay.
'Di kalaunan ay nanalo kami ng unang gantimpala! Bukod sa medalya ay may premyo rin kaming mga libro!
Tuwang-tuwa ang teacher namin nang ibalita sa buong klase.
Siyempre masaya rin sila para sa'min.
Noong uwian hindi sinasadyang nakita ko sa labas ng classroom na magkausap si Viggo at Azami.
Inabot ni Viggo kay Azami 'yung libro na napalanunan niya, "Sa'yo na lang 'to, thank you sa pangkulay."
Bakit ganito?
Bakit kumirot 'yung dibdib ko?
Ito ba 'yung tinatawag nilang selos?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top