DALAGA 65❀



WALANG nagsasalita sa amin habang kumakain ng almusal. Maging si Poknat ay walang imik, o 'di kaya'y nahihiya lang siyang dumaldal dahil kasama namin ngayon si Deanna? Imposible, ilang beses ko nang napatunayan na wala siyang hiya-hiya sa kahit na sino—teka, bakit ko ba 'yon pinoproblema?

Si Manang lang ang tanging magiliw na nag-aasikaso sa'min, marahil ay natutuwa na dumarami ang mga taong nagpupunta sa bahay na 'to, siguro nababagot din siya kasi palaging tahimik dito.

Pagkatapos naming kumain ay nakagayak naman na kaming apat at handa nang pumasok sa school. Nang magsalita na rin sawakas si Miggy.

"Sasabay sa'kin si Deanna, sumabay ka na rin sa'min, Remi," sabi nito sa'kin. Hindi na siya nagtanong, inuutusan niya ako. Napasulyap naman ako kay Deanna at hindi ko malaman kung anong winawari ng facial expression niya, dapat ba 'kong tumanggi para magka-moment sila? Ano bang napag-usapan nila kagabi?

"Uy, tamang-tama, na-flat 'yung gulong ng motor ko, sasabay na rin ako, Miggy!" at sumabat na ang hyper na si Poknat. Tiningnan ko lang siya at gusto ko sanang sabihin, hindi ka pa nga lumalabas ng bahay paano mo nalaman na flat 'yong gulong ng motor mo?

Parang naramdaman ni Poknat kung ano 'yung nasa isip ko kasi pinanlakihan niya ako ng mata na huwag akong umangal. Si Miggy naman ay pumayag lang.

Nang lumabas kami ng bahay ay hindi kaagad ako sumakay ng kotse. Bigla kasi kaming nagkatinginan ni Deanna, saan ba ako sasakay? Wala man siyang sinasabi pero hindi ko na naman mabasa kung anong nasa utak niya matapos niyang sabihin sa'kin 'yon kagabi.

"Ano pang hinihintay mo? Sumakay na tayo." Bigla akong hinila ni Poknat at binuksan 'yung likuran, pinauna niya akong pumasok. Nagsalubong ang tingin namin ni Miggy sa rearview mirror, napatingin naman siya sa tabi niya nang sumakay si Deanna. "Ayan, let's go!" Gusto ko sanang takpan 'yung bibig niya dahil hindi man lang siya nahiya kay Miggy na nagmistula naming driver ngayon.

Habang nasa biyahe'y tumutugtog lang ang music sa stereo ng kotse, tahimik pa rin kaming lahat. 'Yong katabi ko ay bigla ulit nanahimik, nakatanaw lang siya sa bintana habang humuhuni. Naalala ko na naman bigla... Iyong picture na nakita ko sa kwarto ko—'yong picture niya na may kasamang babae.

Bigla na naman akong napaisip, sino ang babaeng 'yon? Malakas ang kutob ko na kilala siya ni Poknat. Pero hindi iyon ang dapat na tinatanong sa isip ko, sino ang naglagay ng picture na 'yon sa kwarto ko kagabi?

Dalawang tao lang naman ang pwedeng maging suspect. Tumingin ako sa harapan—alin sa kanilang dalawa. Dahil silang naman ang pumasok sa kwarto ko kagabi. Si Miggy? Si Deanna? Kung isa man sa kanila, bakit? Anong dahilan?

Hindi ko namalayan na tumagal ang titig ko kay Miggy sa rearview mirror nang bigla siyang sumulyap doon. Pasimple akong nag-iwas ng tingin. Kung si Miggy man ang naglagay... May gusto ba siyang patunayan?

Sawakas ay nakarating na rin kami sa eskwelahan! Sa pag-iisip ko'y 'di ko namalayan na nakapagpark na pala si Miggy at nauna nang bumaba ang mga kasama ko. Paglabas namin ay sabay-sabay kaming naglakad papasok sa campus.

Nauuna sina Miggy at Deanna na parehas hindi nag-uusap. May closure na kaya silang dalawa? Remi, bakit ba ang tsismosa mo ngayon? Kaya tinigil ko na 'yung pag-iisip, wala rin naman akong mapapala.

"Ang lalim ata ng iniisip mo," narinig kong sabi bigla ng katabi ko—si Poknat. "Mukhang 'di ka nakatulog, ah." Hindi ako kumibo. "Oo nga pala, Ming. May nawawala kasi akong gamit, baka naman may nakita kang picture?"

Bigla akong tumigil sa paglalakad kaya tumigil din siya, samantala'y sila Miggy ay hindi kami pinansin at diretso lang sa paglalakad.

"Anong picture?"

"Picture, as in picture," sabi niya at hinugis pang rectangle 'yong mga daliri niya.

Binuksan ko 'yung bag ko at hinalungkat doon 'yung picture na nakuha ko pero hindi ko 'yon makita. Tinigil ko 'yung paghahanap nang makita ko siyang parang nagpipigil ng tawa.

"Bakit?" tanong ko.

"Ang cute mo pa rin kahit nakasimangot ka," sabi niya kaya mas lalong nagsalubong 'yong kilay ko.

"Ikaw—" bigla ko siyang tinuro. "Ikaw ba naglagay no'n sa kwarto ko?" naniningkit kong tanong.

"Umm... Secret!"

"Anong secret ka riyan? Sino ba 'yong babaeng kasama mo ro'n?"

"Wooh! Nagseselos si Mingming!" hinampas ko siya bigla. "Aray!" Mabuti na lang at nakalayo na sila Miggy dahil kung ano-ano ang sinasabi ng kolokoy na 'to.

"I mean... Bakit mo iniwan 'yon sa kwarto ko? Anong trip mo?" Nakakainis! Ang dami ko pang teorya na naisip kanina at pinagbintangan ko pa sina Miggy at Deanna tapos malalaman ko na siya lang pala naglagay no'ng picture?! "At saka bakit ka pumapasok sa kwarto ko?!"

"Oh, chill ka lang, puso mo mahulog," nakangising sabi niya pero inambaan ko lang siya ng suntok, tinawanan lang niya ako.

"Diyan ka na nga, bahala ka sa buhay mo."

"Teka lang!" Hinarangan niya ako bigla. "Hintayin mo mamayang uwian ha, sasabihin ko sa'yo kung bakit ko 'yon iniwan sa kwarto mo." Pagkatapos kumindat pa siya. Ano na naman kayang pasabog ang nasa isip nitong kolokoy na 'to. 

"Ha? Ang dami mong alam, Poknat. Male-late na 'ko."

"Basta, mamayang uwian, ha!"

Hindi ko na siya pinansin at dali-dali akong naglakad papunta sa unang klase ko.


*****


NANG sumapit ang lunchbreak ay sawakas nakasabay na rin ako kina Anne kumain sa cafeteria. Natupad naman ang dasal ko na huwag sana muna akong makakita ng kahit sinong kakilala ngayon—for once lang naman, gusto kong matiwasay kumain ng tanghalian.

"Did something happen? You looked grumpy," biglang puna ni Anne sa'kin nang makaupo kami pagkatapos naming makabili ng mga pagkain.

Napahawak ako sa tiyan ko, medyo sumasakit na nga 'yung puson ko kagabi pa at mukhang senyales 'to na malapit na naman akong magkaroon ng dalaw. Kaya siguro paiba-iba ang mood ko at madali akong mainis.

Ngumiti na lang ako sa kanya. "Period problems," sagot ko.

Pagkatapos naming kumain ng lunch ay nakahinga ako nang maluwag. Walang Viggo, walang Azami, at iba na sumulpot kaya matiwasay akong nakakain.

May bakante pa kaming oras kaya naisipan naming tumambay muna sa may plaza. Nahawa na nga talaga ako ng ka-GC-han dahil maging ako'y napapabasa ng advance lesson dahil sa dalawang kasama ko. Pagkakuha ko ng libro ko sa bag ay may inabot sa'kin si Anne.

"You dropped this, Remi," sabi niya at inabot sa'kin 'yung picture! Nakaipit lang pala sa libro ko. "Uy, bakit ka may photo ni Etta?"

"Etta?" ulit ko nang kuhanin ko mula sa kanya 'yung picture. Tinuro naman ni Anne 'yung babaeng katabi ni Poknat sa larawan.

"It's Etta," sabat ni Riley na nakatingin pa rin sa hawak kong picture. "That weird gal."

"Kilala n'yo siya?" balik-tanong ko sa kanila. Nagkatinginan pa sina Anne at Riley bago muling tumingin sa'kin.

"She's our classmate."


*****


BERNADETTE Camia o mas kilala bilang Etta, siya lang naman ang babaeng kasama ni Poknat sa picture. Muli ko na namang naalala ang sinabi sa'kin noon ni Auntie, napakaliit lang talaga ng mundo. Wala ring kamalay-malay si Poknat na kilala ko na kung sino ang kasama niya—may pa-secret-secret pa siyang nalalaman.

Kung hindi pa sa'kin sinabi nina Anne at Riley na kaklase namin siya'y hindi ko mapapansin si Etta sa classroom. Palagi kasi itong nakaupo sa likuran, barkada niya 'yong mga maiingay sa likuran at palaging hindi mapirmi sa upuan—napansin kong labas siya nang labas sa classroom kapag wala pa 'yung professor. Siya 'yung tipong palaging nalilista sa noisy sa klase.

Talagang pinagmasdan ko si Etta buong period, sa likuran din kasi ako umupo para makita siya nang mabuti. Nagtataka nga sa'kin sina Anne kasi paanong hindi ko raw napansin si Etta, eh, paiba-iba raw ang kulay ng buhok nito. Ngayon kasi'y kulay aquamarine ang maikling buhok nito.

Wagas kung humagalpak ng tawa si Etta, hindi ko maiwasang maalala sa kanya si Aiza dahil sa pagiging talakera niya, ang kaibahan lang nila'y matangkad si Etta. May pagka-Burma rin siya dahil nakita kong pasimple siyang kumakain ng tinapay habang nagkaklase kami, pero hindi katulad ni Burma na may kalakihan, kasing katawan ko lang halos si Etta.

Ipapakilala ba siya sa'kin ni Poknat? Kaya niya nilagay 'yung picture nila sa kwarto ko? Bakit? Magbest friend ba sila?

Sa totoo lang ay boring ang klase namin ngayong hapon kaya nilibang ko 'yong sarili ko sa pag-iisip ng kung ano-ano. 'Di kalaunan ay nawala rin sa isip ko si Etta at bumalik ako sa focus, pero ngayon ay aware na aware na ako sa presensiya niya sa classroom.

Uwian na rin sawakas. Paglabas ko ng classroom namin ay biglang may kumalabit sa'kin, lilingon sana ako nang may sumundot sa kaliwang pisngi ko.

"Elow!"

Muntik nang malaglag 'yung panga ko sa sahig nang makita ko si Etta. Nanlaki lang ang mga mata ko.

"H-Hi?" nahihiyang bati ko sa kanya. Nasulyapan ko sina Riley at Anne sa gilid at pasimpleng kumaway sila sa'kin bago umalis.

"Napansin ko kasi kanina mo pa 'ko tinitingnan, hehe," sabi niya. Mas nag-goglow 'yung balat niya ngayong mas malapit siya, nangingibabaw kasi 'yung kulay ng buhok niya.

Nag-init 'yung pisngi ko. "S-Sorry... A-Ano kasi... 'Yung buhok mo... Ang ganda."

"Thanks!" nakangiting sabi niya. Napaka-friendly naman niya at hindi man lang siya nahihiya.

"I'm Etta, ikaw?"

"Remi."

"Nice to meet you, Remi," sabi niya at nakipagkamay pa sa'kin na tinanggap ko naman.

Sabay kaming naglakad ni Etta palabas ng building namin. Humuhupa na 'yung kaba sa dibdib ko dahil sa pagiging madaldal niya, tama nga 'yung impression ko sa kanya kanina. Hindi lang ako makapaniwala na magkasabay kami ngayon at magkausap, parang kanina lang ay tinititigan ko siya!

"Saan ka pala umuuwi? May sasakyan ka ba?" tanong niya na hindi ko naman masagot agad. Napansin niya rin kasi siguro na sa direksyon ng parking lot ako papunta. Nagtataka nga ako't sumasabay pa rin siya sa'kin.

"Uhm, wala," sagot ko. Tumigil kami parehas nang marating namin 'yung paradahan ng mga motor. Natanaw ko si Poknat 'di kalayuan, nakasandal sa motor niya habang nagyoyosi na naman.

Napansin ni Etta na nakatingin ako sa direksyon ni Poknat. "Kilala mo siya?"

Tumango ako at tumingin ako sa kanya. "I-Ikaw? Kilala mo siya?" Tumango lang din siya. Sabay kaming lumapit kay Poknat at nang makita niya kaming dalawa'y tama ang hula ko na magugulat siya—tumingin siya sa'kin ng may pang-aakusa na para bang sinasabi na, 'Paano mo siya nakilala?!'.

"Ming—"'

"Hi, Poknat!" parehas kaming nagulat ni Poknat nang sabihin 'yon ni Etta. Pagkatapos ay inangkla pa niya ang kamay niya sa braso nito at humarap sa'kin. "Remi, boyfriend ko nga pala." 



-xxx-


A/N: Hello my dearest DNSR readers! Kamusta kayo? I hope you're all doing great and healtyh as of the moment. Sending virtual hugs sa inyo lalo na sa mga hindi okay diyan.

Meme exhibition from DNSR readers na posted sa Twitter. Thank you so much for the good vibes! :)



THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡

Tweet me with #DNSR @ demdemidemii

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top