DALAGA 61❀
DAHAN-dahan akong napaatras nang marinig ko ang mga sinabi niya, lalo na 'yung huli. Akma rin siyang hahakbang palapit nang itaas ko 'yung kanang kamay ko para pigilan siya. Natigilan naman siya nang makita ang nag-aalangan kong ngiti at bahagyang pag-iling. Napakunot siya. Marahil ay nagtataka sa itsura ko.
Hanggang sa hindi ko na napigilan at tinakpan ko ang bibig ko. Mas lalong nagsalubong ang kilay ni Poknat nang mapansin din ang pagyugyog ng balikat ko.
"Anong nakakatawa?" tanong niya sabay pumanewang. "May nakakatawa ba sa sinabi ko, Remison?"
Huminto ako sa pagtawa. "Bakit kailangang tawagin mo ako sa buo kong pangalan?"
"Huwag mong ibahin ang usapan," naniningkit niyang sabi. "Hindi mo pa rin ba gets? Ako talaga, ako talaga ang para sa'yo." Tinuro niya pa ang sarili niya.
Hindi ko na nakayanan pa at mas lalong lumakas ang pagtawa ko. Sa inis niya'y sumimangot siya na akala mo'y batang naagawan ng kendi.
"Poknat, kailangan mo ata magpa-ospital dahil mukhang may sira na 'yang utak mo," sabi ko na nakatawa pa rin. "Ang kapal din naman ng apog mo para sabihin mo na mahal kita. Saan nanggaling 'yon?"
Nagmistulang kamatis ang pisngi niya, ang sarap pisilin, nanggigil pa naman ako sa kanya ngayon pero pinigilan ko 'yung sarili ko.
Napahawak siya sa dibdib at umaktong natutumba. "Ang sakit... Ang sakit-sakit mo magsalita!"
Huminto ako sa pagtawa at sumeryoso. "Kung biro 'yon, pwes hindi nakakatuwa." Dali-dali akong naglakad paalis pero mabilis din siyang nakaharang sa'kin.
"Teka lang, teka lang!" pigil niya sa'kin. "Hanggang kailan mo ba ako babastedin? Bata pa lang tayo binabasted mo na ako, ah! Wala ka bang kapaguran?!"
"Nanunumbat ka ba?" humalukipkip ako. Akma siyang sasagot nang matigilan kami parehas nang maramdaman namin kung sino ang paparating.
"Hey, Poknat," bati ni Miggy sa kanya saka ito tumingin sa'kin. "Remi."
"Uy, Miggy, ikaw pala 'yan, nandito ka rin pala sa party," sabi ni Poknat na normal at natural pa rin ang kilos. Akala mo wala siyang pinagsasasabi kanina.
"What are you, guys, up to?" tanong ni Miggy habang nakapamulsa. Ano kayang trip niya kung bakit niya tinanong 'yon, 'di ba niya nakitang nag-uusap kami?
"Ah, wala naman, nagkukwentuhan at nagpapahangin lang kami ni Mingming," sabi ni Poknat saka tumingin sa'kin, bigla ba naman niya akong hinampas sa balikat.
"O-oo," sagot ko tuloy.
Tumingala bigla si Miggy. "Great night to watch some stars, huh." Bigla ko tuloy naalala 'yung huling memorya na magkakasama kami bago siya ulit bumalik noon sa Amerika, 'yung mga panahong wala pa siyang saltik. Remi, ang bad ng word mo kay Miggy, sabi tuloy ng kunsensya ko.
"Oo nga, ang ganda ng stars, pinag-uusapan nga namin ni Mingming mga pangarap naming sa buhay," pagsisinungaling ni Poknat at pasimple akong kinindatan. Medyo pinanlakihan ko siya ng mga mata, sasabihin niya kaya kay Miggy na may alam siya?
"Sinabi na ba niya sa'yo?" napakunot ako nang itanong 'yon ni Miggy kay Poknat.
"Sinabi ang alin?" balik tanong naman ni Poknat.
Lumapit sa'kin si Miggy, automatic akong lumayo ng kaunti.
"Well, since you're a childhood friend, we don't want to keep it a secret from you." Sa sinabi na 'yon ni Miggy ay pakiramdam ko matutumba ako anumang oras, kaya hindi na ako nakapalag nang hawakan niya 'yung braso ko. "We're engaged. And I think you're my best choice to be the best man."
Pakiramdam ko nangibabaw ang tunog ng alon kesa sa ingay na nililikha ng party 'di kalayuan. Nakita ko kung paano nawala ang kislap sa mga mata ni Poknat kahit na nanatiling nakangiti ang labi niya.
"Wow, totoo?" sa tono palang 'yon ni Poknat ay alam kong naiinis siya, pero kung hindi kikilatising mabuti ay akala mo talaga nagulat siya. "Best man? Ako talaga?"
"Yeah." Nakangiting sabi ni Miggy.
Tumikhim si Poknat. "Bakit wala naman akong nakitang singsing?"
"I'll get her one soon," sagot naman kaagad ni Miggy. Alam kong wala siyang panahong magbiro at hindi na ako magugulat kung bukas ay baka mayroon na lang siyang iabot sa'kin na maliit na kahon.
Tumingin ako sa nakahawak na kamay ni Miggy sa'kin, kung kanina'y nakuha ko pang isipin na biro-biro lang ang mga naririnig ko, ngayon ay parang bumaligtad ang sikmura ko sa tensyon. Sunod akong tumingin kay Miggy. Sinasadya niya ba 'to?
"Hindi ko muna kayo babatiin ng congratulations," dinig kong sabi ni Poknat. "Alam n'yo naman, masyado pang maaga." Makahulugan itong ngumiti.
Tinanggal ko 'yung kamay ni Miggy na nakahawak sa'kin at walang salitang naglakad ako nang marinig kong magsalita si Miggy.
"Where are you going?" Apat na salita, iyon na ata ang ayaw kong marinig pa ulit mula sa kanya.
"Hindi ako mawawala, Miggy," sabi ko at pilit na ngumiti saka sila iniwanan.
Babalik sana ako sa kubo kung nasaan sina Leighton, Corra, at Quentin pero nagbago ang isip ko. Nagpakalayo-layo ako hanggang sa umupo na lang ako bigla sa buhanginan. Wala pang isang minuto nang maramdaman ko ang presensiya niya.
"Poknat—"
"Relax, sinundan kita hindi para kulitin ka, bumalik na tayo ro'n," sabi niya pero hindi ako tumayo. "Ming. Tara na." Hindi pa rin ako gumalaw kaya bigla siyang umupo sa tabi ko. "Umiiyak ka ba?"
"Hindi." Pinahid ko naman agad 'yung tumulong luha sa mata ko. "Kailangan ko lang huminga, okay?"
Hindi sumagot si Poknat at pinanood lang ako huminga nang malalim ng tatlong beses.
"Okay ka na?" tanong niya.
"Alam mo, tama ka," sabi ko. Biglang lumawak 'yung ngiti niya. "Hindi 'yang iniisip mo.Tama ka sa sinabi mo noon na hindi ko basta pwede pakasalan si Miggy kung hindi ko siya mahal." Nagkuyom ako ng palad nang maalala ang mga masasakit na salitang sinabi nito sa'kin. "Napagtanto ko lang na hindi ko pala kayang mabuhay kung may magdidikta sa kung anong dapat kong gawin at maramdaman."
Napatitig si Poknat sa'kin nang sabihin ko 'yon at bahagyang yumuko.
"Sorry, hindi naman sa dinidiktahan ko 'yung nararamdaman mo..." marahan niyang sabi. "Ewan ko ba, malakas lang ang kutob ko." Natawa na naman ako nang maalala 'yung sinabi niya 'yon. Nagsalubong ang kilay ni Poknat. "Pinagtatawanan mo na naman ako! Bipolar ka na ba?"
Parang gusto kong sabihin na baka nga. Natatawa ako kanina, tapos nang dumating si Miggy ay bigla akong na-frustrate at naiiyak, pagkatapos ngayon ay natatawa naman ako.
"Ming," tawag niya sa'kin at tumingin naman ako sa kanya. Nawala ang ngiti ko at sumeryoso na rin siya. "Bakit ba ang manhid mo?" Napatitig ako sa kanya nang sabihin niya 'yon.
Tumingin ako sa malayo nang hindi ko mahanap ang dapat na isagot sa kanya. Ano bang dapat kong isagot?
"Kung bibigyan ba kita ng dahilan, marerealize mo na ba sa sarili mo?" tanong niya ulit.
"Sige, anong dahilan?"
Siya naman ang napaisip. Mukhang nahirapan dahil wala rin siyang maibatong sagot.
"Bigyan mo ako ng panahon," sabi niya bigla habang nakatingin sa malayo, may iniisip. "Isang linggo."
Tumayo ako at gayon din siya, sabay kaming bumalik sa kubo kung saan kanina pa naghihintay ang mga kasama namin.
Muli kong nalimot saglit ang katotohanan ng sitwasyon ko nang magkatuwaan kaming lima sa kubo, may nilabas kasing game card si Leighton at iyon ang nilaro namin hanggang sa puntahan kami ni Azami para ibigay 'yung susi ng mga room namin, nakipaglaro sila sa'min ni Viggo saglit. Hindi ko na nakita si Miggy, mukhang umuwi na ata kahit gabing-gabi na, at hindi na rin naman ako kinulit ni Poknat.
Akala ko'y hindi ako dadalawin ng antok nang pumunta na kami sa hotel room namin, kaming dalawa ni Corra 'yung magkasama sa iisang kwarto. Nakatitig lang ako sa kisame hanggang sa dalawin ako ng antok.
Parang pumikit nga lang ako saglit kasi naalimpungatan ako at nakita ang unti-unting pagliwanag sa labas ng bintana. Kaagad naman akong bumangon, saka kinuha ang baon kong balabal—isa 'yon sa lumang balabal ni Mamang na binaon ko.
Nang yakapin ng balabal ang katawan ko'y pakiramdam ko ay yakap na rin ako ni Mamang sa amoy nito. Maingat akong humakbang para hindi magising si Corra, sumulyap ako sa orasan at nakitang pasado ala singko na ng umaga.
Pagkalabas ko'y bumungad sa'kin ang malamig at preskong hangin, wala na ang ingay ng mga tao at musika, tanging hampas lang ng alon at tunog ng huni ng mga ibon ang maririnig sa paligid. Sobrang payapa. Napangiti ako sa sarili ko dahil ngayon ko lang susubukang panuorin ang pagsikat ng araw sa dagat.
Nagpunta ako muli sa dalampasigan, doon sa pwesto namin ni Quentin nang magkwentuhan kami noong isang gabi. Yakap-yakap pa rin ang sarili ko'y naglakad-lakad ako at binasa ang mga paa ko sa alon. Unti-unti nang nagbago ang kulay ng langit at sumungaw ang haring araw mula sa kabundukan sa malayo. Sana ganito na lang palagi kasimple ang buhay.
Nang malibang ako ng husto ay naglakad ako pabalik sa hotel. Habang naglalakad ay napansin kong may nakatingin sa'kin mula sa isang kubo kaya tumigil ako at tumingin doon.
"Hey." Nakita ko si Miggy na lumabas ng kubo. Doon siya natulog? Mukhang bagong gising siya dahil halos hindi ko na makita 'yung mga mata niya.
"Nandiyan ka pala," sabi ko naman. "Bakit diyan ka natulog?"
Nagkibit-balikat siya. "Wala lang." Tinaas niya 'yung susi ng kotse niya. "Let's go."
Napamaang naman ako. "Kila Quentin ako sasabay. At isa pa, ang aga-aga pa."
Maglalakad na ako palayo nang marinig ko siyang magsalita ulit na nagpatigil sa'kin. "Does he still like you?"
"Huh?" kaagad akong lumingon sa kanya. Base sa tingin niya'y nakuha ko rin ang tinutukoy niya. "Si Poknat ba ang tinutukoy mo?"
"Who else?" sabi niya sabay humalukipkip, blangko lang 'yung mukha niya.
Naningkit ang mga mata ko. "Huwag mong sabihing nagseselos ka?"
"No, I don't want any conflict with him."
Humalukipkip naman ako at medyo lumapit sa kanya. "Ayaw mong maagbrabyado si Poknat kasi kababata mo siya? Tapos sa'kin kahit anong sabihin mo okay lang. Kasi malaki utang ko sa tatay mo, gano'n? Pakiramdam mo ba kontrol mo na ang buhay at damdamin ko?"
Nagulat din ako sa sarili ko kung saan nanggaling 'yong mga salitang 'yon. Walang pag-uutal at nakatitig pa ng direkta sa mga mata niya. Kung bunga ito ng pagiging bahagi ko ng Drama Club noon ay gusto kong magdiwang.
"Look, Remi." Tila lumambot ang ekspresyon ng mukha niya. "I'm sorry for what I said before."
"Alin do'n?"
Huminga nang malalim si Miggy. "I just casually told you that I hate you. I'm sorry."
"End of the world na ba? Bakit nagsosorry kayo bigla-bigla?" manghang sabi ko, parang kagabi lang ay nagsorry din bigla si Kennedy.
Kunsabagay, kung kami ang magiging magkasama habambuhay ay dapat ngayon pa lang ay umayos na siya ng asta, hindi naman din niya gugustuhing kamuwian ang mapapangasawa niya.
"It's okay if you don't accept my apology," sabi niya. "Let's just try not to be at each other's throats."
"Kay Deanna ka rin dapat magsorry," sabi ko bago ko siya iwanan.
Umakyat ako sa second floor ng building, papasok na sana ako sa kwarto namin ni Corra nang biglang bumukas 'yung pinto ng katabi naming kwarto at nanlaki ang mga mata ko sa mga lumabas doon.
"Deanna, wait!" halos hindi ako nakita ni Deanna na nagmamadaling lumabas papuntang hagdanan. Natigilan si Viggo at nagkatinginan kaming dalawa. Hindi niya alam ang sasabihin kaya imbis na kausapin ako'y sinundan niya si Deanna.
Kaagad naman akong pumasok sa loob ng silid at winawari kung guniguni ko lang ba ang nakita ko.
-xxx-
Meme from Mochiii on Twitter. LOL
A/N: Medyo na-attach sa beach scene, miss ko na kasi magdagat HUHU.
PS. Can you suggest some songs or playlist sa spotify/youtube na nagpapaalala sa inyo ng DNSR? Kahit ano pa yan, OPM, mainstream, indie, foreign. Hehe Thank you!~
If tweeting me, don't forget the hashtag: #DNSR :>
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top