DALAGA 47❀


KAAGAD akong bumitaw mula sa pagkakayakap kay Poknat nang makita ko silang dumating. Tumayo ako para salubungin sila at nagulat ako nang bigla akong sunggaban ng yakap ni Quentin.

Tumagal ng ilang segundo ang mahigpit niyang yakap bago ako muling bitawan.

"We're so worried, Remi," sabi ni Quentin sabay hawi ng ilang hibla ng buhok na nakaharang sa mukha ko.

"Remi, sorry kung ngayon lang kami dumalaw," sunod na sabi Aiza at sunod-sunod nila akong niyakap.

Pakiramdam ko'y nabawasan ng kalahati ang mga problema ko nang makita ko sila.

"K-Kararating n'yo lang ba?" sabi ko sabay lingon kay Poknat, nakatayo na siya ngayon habang nakapamulsa.

Naramdaman ko ang paghawak ng kamay ni Quentin at bahagyang hinila ako palapit sa kanya.

"Nauna lang si Poknat dito pero usapan na talaga namin ngayon na dalawin ka," sagot ni Burma.

"Sorry kung hindi ko na kayo nasabihan, hindi na kasi ako nakapag-online ulit simula nang i-chat ko kayo na nawala ang cellphone ko," sabi ko sa kanila.

"It's alright, Remi," sagot ni Honey. "Mabuti na lang at malakas ang pang-amoy ni Aiza na may hindi magandang nangyari kaya inutusan niya si Burma na dumaan sa bahay niyo."

"Korek! Si Burmakels kasi ang pinakamalapit sa inyo," sabi naman ni Aiza. Tumingin naman ako kay Burma.

"Wala kayo sa bahay n'yo no'ng dumaan ako tapos saktong nando'n si Ate Melai kaya nalaman ko ang nangyari," sinundan 'yon ni Burma. "Kaya ayon, chinat ko sila."

Bigla akong naging speechless. Hindi ko na kasi talaga namalayan ang mga araw na lumipas, parang gusto ko tuloy umiyak dahil pakiramdam ko'y kinalimutan ko sila.

"T-Thank you, guys, namiss ko kayo," sabi ko habang nagpipigil ng luha.

"We're here, baby," sabi ni Quentin sabay akbay sa'kin nang maramdamang malapit na akong umiyak.

Dahil hindi pwedeng magkwentuhan sa may chapel ay tumambay kami sa may lounge area ng ospital para ikwento ko sa kanila ang ilang detalye tungkol sa nangyari kay Mamang. Napadaan si Auntie kaya nakita nila ito.

"It's lunch already, how about we eat at the mall?" suhestiyon ni Quentin.

Alam ko namang hindi magandang tagpuan ng reunion namin ang ospital kaya pumayag naman kami.

"Baka hindi na ako makasama," sabi bigla ni Poknat.

"Huh? Isang oras ka palang namin kasama, Pokpok," sabi ni Aiza.

"Awkward ba kay Honey?" nakuha pang magbiro ni Burma kaya bigla tuloy siyang hinampas ni Honey.

Natatawang umiling si Poknat, pagkatapos ay lumapit siya sa'kin. "Ming, sensya na kung aalis din ako nang maaga."

Hindi ko magawang sabihin na okay lang dahil sa totoo lang... Gusto ko pa sana siya makasama at makakwentuhan katulad noon.

"M-May mahalaga ka pa bang gagawin?" iyon ang nasabi ko.

Aaminin kong mas nalungkot ako nang tumango siya. Pero ano pa ba ang hihilingin ko? Mabuti nga't nagawa pa niyang makapunta rito.

"Sensya na talaga, kung hindi lang ako hinihintay ng hukluban na 'yon eh." Napakamot siya sa ulo sabay biglang sumeryoso nang tumingin siya sa katabi ko. "Ikaw na ang bahala sa kanya. Alagaan mo si Mingming."

Matipid na ngumiti at tumango si Quentin. "I know."

Sabay-sabay kaming lumabas ng ospital, nasa kabilang kalsada lang 'yung mall kaya lalakarin na lang namin.

"O siya, chat chat na lang sa facebook?" paalam ni Poknat sa'min, tinapik niya ako sa balikat bago siya muling kumaway sa'min at naunang tumawid sa kalsada para pumunta sa naghihintay na itim na van.

Kusang gumalaw ang mga paa ko nang sundan ko siya sa kabila. Mabuti na lang ay walang dumadaang sasakyan kaya mabilis akong nakatawid.

"Poknat!" tawag ko sa kanya bago pa siya makasakay sa loob ng sasakyan.

"Ming?" halatang nagulat siya. "Sandali lang," paalam niya sa kasama sa loob bago lumapit sa'kin. Nagpunta kami sa may gilid at natanaw ko sila Aiza sa kabila, medyo naguilty ako dahil bigla akong tumawid ng walang pasabi.

Ngayong kaharap ko na siya ulit ngayon ay bigla namang nablangko ang isip ko. Bakit ko nga ba siya sinundan?

"U-Umuwi na nga pala si Miggy ng Pilipinas," iyon ang nasabi ko.

"Talaga? Mabuti naman kung gano'n at makakasama mo ulit siya," masayang sabi ni Poknat.

Ngumiti na lang ako at hindi piniling sabihin sa kanya ang naging pagbabago ni Miggy.

"Ming," tawag niya sa'kin sabay hawak sa balikat ko. Napansin niya 'atang natulala ako. "Loko-loko man ako sa paningin mo, ipagdadasal ko pa rin ang kagalingan ni Aling Eme. Gagaling 'yon, maniwala ka."

Napangiti ako sa sinabi niyang 'yon. Kanina ko pa siya pinagmamasdan at akala ko'y tuluyan na ring nagbago ang dating makulit at pasaway na si Poknat.

"Salamat ulit sa pagpunta," sabi ko.

"Wala 'yon," sagot niya at sabay kaming napalingon. Nakita naming nakatawid na rin sila Aiza. Sabay biglang bumusina ang van.

"Tsss, 'eto na," yamot na sabi ni Poknat bago muling tumingin sa'kin. "Basta, chat na lang ulit tayo pag nakapag-online ka."

Nang umalis na siya'y tila nadismaya ako sa isang bagay na para bang may hinihintay ako. Inalis ko 'yon sa isip ko nang makalapit sila Quentin sa'kin.

"Let's go," yaya niya sabay hawak sa kamay ko.

Kumain kami sa isang restaurant sa mall at nagprisinta si Quentin na sagutin ang bayad. Sa kabila ng problema ko'y mabuti't nakuha pa rin nila Burma na magbiro habang kumakain kami, kahit papaano'y gumaan ang dinadala ko.

Bumalik kami sa ospital at muling tumambay sa may lounge area. Nang sumapit ang ala singko ng hapon ay nagpaalam na rin sila Aiza, Burma, at Honey para umuwi. Naiwan kaming dalawa ni Quentin.

"Hindi ka pa ba sinusundo?" tanong ko sa kanya.

"Parang pinapauwi mo na 'ata ako," biro niya at nagulat naman ako.

"H-Hindi naman sa gano'n, siyempre 'di ba sa malayo ka pa."

"Relax, I was just joking," sabi niya at niyaya akong mulong umupo sa sofa. "My service will be here in a few minutes." May kinuha si Quentin sa loob ng bag niya at saka inabot sa'kin.

"Ano 'to?" tanong ko habang binubuksan ang laman ng paper bag. Laking gulat ko nang makita ang isang kahon ng bagong cell phone na 'di hamak ay mas latest sa nawala ko.

"It's for you—"

"Quentin, hindi ko matatanggap 'to," sabi ko at saka sinauli sa kanya ang paper bag.

"Why?" bakas ang lungkot at pagtataka sa itsura niya.

Siyempre, malaking halaga 'yon. Hindi ako makasagot. Para kasing ang bigat sa kalooban na tanggapin 'yon, parang ang mahal masyado.

"Hindi ko naman kailangan ng materyal na bagay," sabi ko. "Sapat na 'yung mga presensiya n'yo kanina, hindi ko kailangan ng bagong phone."

"But... You can use this to talk with us, I know you're having a hard time on your own."

Tama naman siya sa huli niyang sinabi pero parang hindi ko pa rin talaga kayang tanggapin ang napakamahal niyang regalong 'yon.

"Sorry, hindi ko talaga matatanggap 'yan," nahihiya kong sabi. "At isa pa... Magagalit si Auntie kapag nalaman niya."

Parang natauhan naman na si Quentin at kinuha sa'kin ang paper bag.

"Sorry, sobrang concern lang talaga ko sa'yo," sabi niya.

"Alam ko naman 'yon. At saka huwag kang humingi ng sorry."

Ilang sandali pa'y nagpaalam na rin si Quentin, niyakap niya ulit ako bago siya umalis. Nang maiwan akong mag-isa sa lounge ay napahinga ako nang malalim. Hindi ko sukat akalain na dadating sila ngayong araw, tapos ngayon ako na lang ulit mag-isa.

Nang sumapit ang ala sais ay umuwi na ako sa bahay namin kasama si Auntie. Nasa sala kami nang makita ko si Auntie na abala pa rin sa may mesa, ang daming mga nakakalat na papel doon.

"Auntie, magpahinga ka na muna po," sabi ko sa kanya.

"Mamaya na lang at tatapusin ko lang ito," sagot niya.

Nanatili lang akong nakatayo sa likuran niya habang tinitingnan siya. Maya-maya'y tumigil siya nang mapansing hindi ako gumagalaw.

"Bakit, Remison?"

Huminga muna ako nang malalim. Sa tingin ko ay dapat ko nang ipaalam sa kanya. Nang makita ko kasi ang mga kaibigan ko kanina ay hindi ko maiwasang makunsensya dahil hindi ko rin magawang sabihin sa kanila ang mga nangyari sa'kin.

Hindi ko magawang sabihin sa kanila kasi ayokong ibahagi sa kanila 'yung stress na nararamdaman ko na hindi na rin nila dapat problemahin.

Pero... May bahagi kasi sa kalooban ko na tila tinatanggap ang posibilidad na kung mawawala si Mamang ay si Auntie na lang ang meron ako, kaya dapat... dapat maging tapat ako sa kanya kasi siya na lang ang meron ako sa ngayon.

"A-Ang totoo po niyan, Auntie..."

Sinabi ko sa kanya ang lahat, ang mga ginawa ko't nangyari sa eskwelahan. Pagkatapos ay iniwan ko siya saglit para may kuhanin sa kwarto ko. Pagbalik ko'y nilapag ko sa mesa ang mga perang naipon ko.

"Alam ko pong kaunti lang 'yan, Auntie, pero makakatulong po ako kung magtatrabaho na lang din muna ako."

Natigilan ako nang makita ko na tila nagdidilim ang paningin ni Auntie sa'kin, kanina pa siya hindi makapagsalita marahil sa gulat. Ano pa bang aasahan ko?

Humakbang siya palapit sa'kin at naramdaman ang pagtaas ng kamay niya kaya napapikit ako.

Pero ilang segundo ang lumipas at wala akong naramdamang hapdi sa pisngi, pagdilat ko'y nakita ko si Auntie na nakapikit.

"A-Auntie?"

"Remison, isa lang naman ang hiniling ko sa'yo, 'di ba?" sabi niya pagkadilat, mahinahon ang pagkakasabi niya pero alam kong sa likod no'n ay galit. "Pero bakit ang tigas ng ulo mo?"

"Auntie, hihinto na lang po para mas makatulong—"

"Hindi, Remison! Bakit ba ang kulit mo?! Sa tingin mo ba mareresolba 'yung mga problema natin sa ginawa mo?!" sigaw niya.

Gusto kong sumagot pero hindi ko ginawa. Alam ko rin sa sarili ko na totoo ang sinabi niya.

Nakita kong pilit pinakalma ni Auntie ang sarili niya sa pamamagitan nang paghinga nang malalim. Maya-maya pa'y tiningnan niya ulit ako pagkatapos tumingala sa kisame.

"Ano pa bang magagawa natin kung nagawa mo na ang mga kagagahan mo, sige huminto ka na sa pag-aaral—" napatingin si Auntie sa pintuan at parehas kaming nagtaka nang makitang pumasok ang daddy ni Miggy, si Tito Miguel.

"Good evening, I'm sorry to intrude," sabi nito sa'min.

"Remi, pumasok ka muna sa kwarto mo," utos sa'kin ni Auntie at nag-aalinlangan akong sumunod.

Sinilip ko sila at nakitang pumunta sila sa may kusina para hindi marinig kung ano man ang pag-uusapan nila pero dahan-dahan akong lumabas at nagtago sa gilid para pakinggan sila.

"Kung nandito ka para mag-alok ulit ng pera pambayad sa ospital, thank you na lang dahil mababaon na kami sa utang." Dinig kong sabi ni Auntie.

"Narinig ko ang pinag-uusapan n'yo kanina, hihinto na sa pag-aaral ang bata?"

Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Auntie. "Ano nga palang sinadya mo rito?"

Sandaling hindi nakasagot kaagad si Tito Miguel.

"I never told you what I told your mother."

"Ano 'yon?"

"Sinabi kong gusto kong ipakasal si Remison sa anak kong si Miggy."

Napatakip ako ng bibig dahil kung hindi'y parehas kami ni Auntie ng maibubulalas.

"A-Ano kamo?!"

"What about this? Kung maikakasundo silang dalawa, ako na ang magpapa-aral kay Remison, at ako na ang bahala sa mga bayarin sa ospital."

"Miguel! Naririnig mo ba 'yang pinagsasasabi mo?" pinilit hinaan ni Auntie ang boses. "Bata pa si Remison! At... At hindi ko maintindihan..."

"I know, they'll marry when they're both at the right age," sagot nito, walang bakas ng kahit anong pagbibiro.

Narinig ko ang pagprotesta ni Auntie. Napuno ng pagtataka ang isip ko.

Kung seryoso talaga si Tito Miguel maaaring malaki ang maitutulong niya sa kagalingan ni Mamang!

Naalala ko ang dinasal ko noon sa chapel. Ito ba 'yung sagot sa dasal ko?

Pero... Teka... Ako? At si Miggy?

"Remison!" namalayan ko na lang na nasa gilid ko na silang dalawa, kalalabas lang ng kusina. "H-Huwag mong sabihing narinig mo?" tanong ni Auntie.

Tumango ako na nakatulala sa kanila. Lumapit sa'kin si Tito Miguel.

"What do you think, Remison?" Parang bigla akong nahilo. "I want you for my son, would you accept the proposal?"

Tumingin ako kay Auntie at nakatitig din siya sa'kin. Tila nag-usap kaming dalawa sa isip.

Alam ko na base sa tingin niya ay labag siya sa ideyang 'yon, sa maaaring dahilan na paano ko magagawang pakasalan ang isang taong... Pero kababata ko si Miggy. Nang mag-iwas nang tingin si Auntie sa'kin ay doon ko napagtanto na parehas na kami ng iniisip.

Kung para kay Mamang at kung para sa magandang kinabukasang naghihintay na pinagkait sa'kin ng kapalaran...

"S-Saan po ako mag-aaral?" isang tanong na katumbas ay sagot.

Napangiti si Tito Miguel at hinawakan ako sa balikat.

"You'll study at Miggy's university." 



-xxx-



A/N: Miggy entered the groupchat! 

Hello! Sorry kung now lang ulit! Hope you enjoyed this chapter kahit bitin! ٩(◕‿◕。)۶


Thank you for reading! (^人^)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top