DALAGA 46❀
ANG lungkot nga naman ng buhay kapag wala ka ng pera.
Malas ko lang at wala na akong choice kundi mag-out sa computer shop. Kung uuwi pa ako para lang kumuha ng barya'y baka katakot-takot na sermon lang ang abutin ko. 'Di bale, makakapaghintay naman siguro kung ano man 'yung ire-reply ni Poknat.
Pagkalabas ko ng computer shop ay sumalubong sa'kin ang malamig na hangin, madilim na rin at nakita kong maraming gamo-gamo sa may ilaw ng poste. Pinag-iisipan ko kung saan ba ako pwedeng tumambay kahit wala na akong pera.
Hays. Magbibingi-bingihan na nga lang ako pag-uwi at matutulog na lang ako kahit huwag nang maghapunan.
"Hoy." Nag-angat ako ng tingin at nakita ko si Auntie Emily na naglalakad palapit sa'kin.
"Ikaw pala, Auntie," patay-malisyang sabi ko na parang walang nangyari kanina sa bahay. "Saan ka po pupunta?"
"Bibiling yosi, tara samahan mo ako," sabi niya sa'kin sabay lakad. At dahil ayoko pa rin namang umuwi ay sumunod ako sa kanya.
"Auntie, may tindahan naman po sa labas lang ng bahay, bakit napadpad pa po kayo rito sa kanto?" hindi ko maiwasang itanong.
"Ah, meron ba?" sagot niya. Lutang 'ata 'tong si Auntie.
Ah, alam ko na. Ayaw niya pang aminin na hinahanap niya siguro ako. Dapat na ba akong ma-touch? Pero sa totoo lang badtrip pa rin ako kay Auntie dahil ni hindi man lang niya ako pinagtanggol kay Mamang kanina, samantalang siya nga 'yung sumuporta sa'kin sa pag-aaral sa Maynila.
Tumawid pa kami sa kabilang kalsada at bumili si Auntie ng yosi sa isang malaking tindahan na may mahabang upuan na pwedeng pagtambayan sa gilid.
"Ano gusto mo, candy?" tanong ni Auntie sabay sindi ng sigarilyo.
Si Auntie gawin ba naman akong bata. "Gusto ko ng softdrinks, Auntie." Mabuti, binili naman niya ko.
Umupo kami sa may upuan sa gilid, si Auntie nagyoyosi, ako naman sinisipsip ang straw habang hawak ang isang plastic ng coke.
"Kamusta ba ang school, Ming?" tanong niya habang nakatingala.
"Ayon, okay naman po."
"'Yong totoo lang?"seryoso niyang tanong sabay tingin sa'kin.
Umiling ako. 'Yung totoo raw eh. Naramdaman ko tuloy na parang maiiyak ako kaso pinigilan ko kasi knowing Auntie ayaw nito ng drama.
Sopistikadang bumuga muna si Auntie ng usok bago nagsalita. "Hindi ko naman sinabi sa'yo noon na magiging madali ang buhay kolehiyo mo sa Maynila."
Inalala ko nga 'yong mga sandaling inaasikaso namin 'yung enrolment ko, wala ngang sinabi si Auntie na gano'n.
"Pero kahit na mahirap sigurado akong marami kang matututunan do'n, hindi lang sa pag-aaral kundi paano gumalaw sa tunay na buhay," sabi pa ni Auntie. "Pagpasensiyahan mo na ang Mamang mo, alam mo naman iba kapag tumatanda na."
"Alam ko naman po 'yun," halos pabulong kong sagot. "Ang sakit lang po kasi minsan magsalita ni Mamang."
"I know right," nakatawang sagot ni Auntie. "Bumait-bait pa nga 'yang si Mamang ngayon hindi katulad noong araw. Sa tindi nga eh naglayas ako, at nakita mo naman na sa pagkamulat mo'y ni hindi niya binanggit na may tiyahin ka."
"Galit pa rin po ba si Mamang sa'yo, Auntie?"
Nagkibit-balikat si Auntie. "Ewan ko ro'n. Siguro. Wala na lang din siyang choice no'ng bumalik ako, pero sigurado ako na sinisisi niya pa rin ako kung bakit nabuntis si Judy nang maaga."
Naisip ko lang bigla... Na kung hindi aksidenteng nabuntis nang maaga noon ang nanay ko panigurado ay hindi ako buhay ngayon sa mundo.
"Natatakot lang din 'yon para sa'yo, alam mo naman." Napatango naman ako sa sinabi niyang 'yon.
"K-Kaya nga hindi ko na lang po sinasabi sa inyo kapag sobrang nahihirapan na ako sa school." Napakunot ako kasi parang natawa si Auntie. "Bakit po kayo natawa?"
"Hay, Ming, hangga't maaari lang enjoyin mo lang ang kabataan dahil mas marami pang seryosong problema kapag mas tumanda ka."
"Hindi pa ba ako matanda sa edad kong 'to, Auntie?"
"Hindi," direkta niyang sagot. "Bata ka pa rin. Wala ka pang alam." Hindi ko alam kung bakit parang nainis ako sa sinabi niyang 'yon kasi parang napaka-ignorante ko sa paningin niya. "Maniwala ka sa'kin, Ming. Hindi mo pa alam lahat kaya minsan huwag kang magmamarunong sa buhay, ha?"
"Eh... Auntie, kaya ko naman na ang sarili ko."
Umiling si Auntie. "Noong nasa edad ako na ganyan, disisyete, akala ko rin kayang-kaya ko na. Kaya lumipas lang ilang taon ang lakas ng loob kong maglayas."
"Pero... Kinaya mo naman po, 'di ba?" Tumitig sa'kin si Auntie at bahagya siyang ngumiti, parang 'yung ngiting ang dami nang pinagdaanan pero hindi niya sasabihin.
"Siyempre, kinaya ko. Tinuruan ako ng marahas na mundo. Pero ikaw, hindi mo kailangang pagdaanan ang pinagdaanan ko," tinuro niya pa ako. "May mga mabubuti kang kaibigan, nandiyan si Mamang, at may maganda ka pang Auntie."
Muntik ko nang mabuga 'yung iniinom ko kasi seryoso 'yung mukha niya habang sinasabi 'yo. Mabuti't pinigilan kong tumawa. At bago pa ko makasagot ay tumayo na si Auntie at tinapon sa basurahan ang yosi.
"Umuwi na nga tayo't baka nag-aalburoto na si mother dear."
Napangiti na lang ako at sabay kaming naglakad ni Auntie, kahit papaano naman ay gumaan ang pakiramadam ko sa not so heart to heart talk namin kung ganun man 'yun.
Habang papalapit kami sa bahay ay napansin kong bumilis ang paglalakad ni Auntie. May nakita kasi kaming ambulansya na nakahinto sa gilid ng kalsada.
Parehas kaming natigilan sa may gate nang makita namin na may inilabas na tao mula sa loob ng bahay na nakasakay sa stretcher.
Gusto kong sumigaw pero walang kumawalang boses sa lalamunan ko. Tinanaw ko lang si Mamang na dinala sa loob ng albulansya. Nawala ako sa kalutangan nang makita ko si Auntie na humangos sa isang tao na lumabas din sa loob ng bahay.
"Emily, I'm the one who called the ambulance, I'll explain what happened later." Daddy 'yon ni Miggy at napatingin siya sa'kin. Lumingon din sa'kin si Auntie at dali-dali akong kinayag papuntang ambulansya.
Hindi ko na alam kung anong nangyari sumunod. Parang umikot bigla 'yung mundo ko, nakakahilo, gusto kong sumuka. Gusto kong magsalita, magtanong, pero daig pa ako ng bato.
Sa ospital, nakaupo lang ako sa may upuan sa hallway, nakita ko si Auntie at Tito Miguel na nagpunta sa malayo, siguro para mag-usap, para hindi ko marinig.
Pero akala nila na hindi ako tatayo at susunod. Sinundan ko sila at palihim na pinakinggan ang pinag-usapan nila sa kung anong nangyari. Mas lalong umikot ang mundo ko at para akong matutumba, kaya bago pa ko mawalan ng balanse'y bumalik ako sa pwesto ko kanina.
Isa, dalawa, tatlo, apat, hindi ko na mabilang kung anong oras. Ni wala akong pakialam kung kumalam ang tiyan ko. Hinayaan kong si Auntie Emily ang kumausap sa mga mas nakatatanda, hindi ako nakialam, hindi dahil sa ayaw ko—natatakot ako sa kung anong maririnig ko.
Namalayan ko na lang na may yumuyugyog sa balikat ko, pagmulat ko ng mata'y nakita ko si Auntie sa tabi ko, namumugto ang mga mata.
"Ming, halika't kumain ka sa canteen," iyon ang sinabi niya kaya napakunot ako.
"S-Si Mamang?"
Hindi sumagot si Auntie, hinila niya lang ako papunta sa canteen ng ospital. Binilhan niya ako ng pagkain pero hindi ko 'yon ginalaw. Hindi na nakatiis si Auntie at sinabi na rin sa'kin ang sitwasyon.
Na-stroke si Mamang, pagkatapos niya kasing umalis ay dumating daw sa bahay si Tito Miguel, kinausap si Mamang. Pagkaalis daw ni Tito Miguel ay may narinig 'tong pagbagsak, mabuti na lang daw binalikan nito at nakita si Mamang sa sahig at kaagad na nakatawag ng ambulansya.
Hindi ko na maintindihan 'yung mga pinaliwanag ni Auntie tungkol sa sakit ni Mamang, basta ang inintindi ko'y buhay pa si Mamang, nasa ICU.
"A-Auntie... Ini-stroke ba ang isang tao kapag sobrang nagalit 'yon—"
"Hindi, Remison. Wala kang kasalanan." Nakuha 'agad ni Auntie kung anong gusto kong iparating, Napahilamos siya sa mukha at tila gustong sabihin na siya dapat ang sisihin dahil iniwan niya si Mamang.
Pero... Parehas naming hindi sukat akalain ang mga nangyari. Sunod-sunod lang na pumatak ang luha ko.
"Hindi pa tayo iiwan ni Mamang," sabi ni Auntie sa'kin. "Malakas pa sa kalabaw 'yon, gagaling din 'yon at makakalabas dito sa ospital."
"P-Pero, Auntie... Paano 'yong pambayad dito sa ospital?" tanong kosabay punas sa luha.
"Huwag mong problemahin 'yon, gagawa ako ng diskarte. Mag-focus ka lang sa pag-aaral mo. Think positive lang tayo, itsende?"
Wala naman akong ibang nagawa kundi tumango.
Think positive.
Ang alam ko lang na positive ay 'yong sa algebra. Hindi ko alam kung paano gagawin 'yon. Ang tanging sinunod ko lang kay Auntie ay 'yung pagpasok sa eskwela.
Pumasok ako sa school kahit na ayoko. Pinagalitan ako ng sobra ni Auntie nang sabihin ko sa kanya na aabsent ako para magbantay sa ospital. Sabi niya nagvolunteer naman daw si Ate Melai para tumulong.
Nasa university nga ako pero lumilipad 'yung isip ko kung saan-saan. Ni hindi ako makapagreview, makasagot sa mga quiz at recitation, walang-wala akong gana.
Lumipas ang ilang araw at hindi pa rin gumaganda ang kundisyon ni Mamang. Hindi sinasabi sa'kin ni Auntie kung anong paraan ang nasa isip niya para makabayad kami sa ospital, inasikaso rin niya ang dapat lahat ng asikasuhin, ginawa rin ni Auntie na magsolicit sa kung saan-saan para makalikom ng pera.
Gusto kong tumulong pero ayaw talaga ni Auntie. Kaya hindi niya alam na naghanap ako ng part-time job sa Maynila.
"Hey, are you sure you're gonna drop your afternoon class?" tanong sa'kin ni Ely nang malaman niyang nagpapart-time job ako sa malapit na fast-food chain sa university. "That means you'll lose your scholarship."
Nasa library ako ngayon at nagulat ako nang bigla siyang umupo sa harap ko.
"Magbabayad na lang ako monthly ng tuition," sagot ko nang hindi tumitingin sa kanya. Hindi ko rin alam kung saan nanggaling 'yong sagot na 'yon.
"Remi, what happened? Are you have some trouble with money? I can lend you," sabi niya at nakita kong may kinuha niya 'yung purse niya at naglabas ng nakatuping pera, makapal 'yon at libo. Knowing Ely, alam kong barya lang sa kanya ang pera na 'yon dahil palagi siyang gumagamit ng card.
"Salamat na lang, Ely," sagot ko.
"You know what; I honestly thought we're friends." Napatingin ulit ako sa kanya nang sabihin niya 'yon. At sa kauna-unahang pagkakataon nakita ko ang inis sa mukha niya. "Maybe, it's just my illusion. Bye."
Huli na para itanong sa kanya na teka, kaibigan mo ako?
Pero wala na, sabi nga sa nabasa kong kwento ni Cora, you can't do something about it once the ship has been sailed.
Kaibigan...
Simula nang nawala ang cellphone ko ay tila nawala na rin sa diksyonaryo ko ang salitang 'yon. Ilang araw na ba ang lumipas? Wala na akong ideya.
Lumipas pa ang maraming araw. Wala pa ring kaalam-alam si Auntie sa kung anon ginagawa ko. Nagdrop ako ng ilang subject, natanggal ang scholarship next sem, kumikita ng pera na naitatabi kahit papaano. Ang mahalaga... may nagagawa ako para makatulong, hindi man alam ni Auntie ngayon pero humahanap lang ako ng tiyempo na ipagtapat sa kanya.
"Hey." Isang araw nilapitan ulit ako ni Ely sa university, ngayon na lang ulit niya ako kinausap simula nang mainis siya sa'kin noon sa library. "I'm sorry kung naging insensitive ako. Alam kong may pinagdadaanan kang masyadong sensitibo."
Ngumit ako nang matipid at bahagyang yumuko, hindi ko kasi alam kung ano ang isasagot sa kanya.
"I know you won't' accept any money from me. This may help you big time. They're hiring." May inabot siya sa'king parang pamphlet.
"Thank you, Ely." Ngumiti ako sa kanya at ginantihan naman niya 'yon.
"Good luck, Remi."
Kanya-kanyang pahatid ng simpatya ang mga kapitbahay namin. Dito ko nakita kung sino ba talaga 'yung totoong may malasakit at kung sino 'yong mga nakikiusyoso lang. Nakakatuwa nga dahil marami-rami rina ng tumulong sa amin, may ilang nagbigay ng pera. Pero para sa'kin, walang katumbas 'yung tulong na bukal sa loob, hindi nasusukat sa laki ng halagang ibinibigay.
Hanggang sa isang araw ay nalaman ko na lang mula kay Auntie na nasa coma state si Mamang, hindi ko gano'n kamaintindihan 'yung mga mabusising paliwanag. Basta ang alam ko buhay pa naman si Mamang kaso nakaratay lang siya at sinusuportahan ng mga makina.
Hindi man sabihin sa'kin ni Auntie ng direkta, alam kong nangangahulugan 'yon nang mas malaking gastos.
Kung pagod na ako alam kong mas triple ang pagod ni Auntie. Kaya hindi na ulit ako umiyak sa harapan niya simula noong mag-usap kami sa canteen.
Araw ng linggo, wala na akong pakialam kahit hindi ako makapasok sa NSTP class. Nasa ospital ako ngayon para samahan si Auntie. Bigla kong naisipang magpunta sa chapel kaya nagpaalam ako kay Auntie na pupunta ako ro'n.
Sa loob ng chapel ng ospital biglang bumuhos na naman ang sandamakmak na luha. Hindi ko narealize na ang dami ko na palang inipong sakit sa loob na ngayon ko lang nilabas. Mabuti na lang at ako lang ang tao rito ngayon.
Bigla akong napaisip at nilamon ng hiya dahil hindi ko na maalala kung kailan ako huling nagdasal. Natatandaan ko noon ay palagi ko lang pinagdadasal sa Diyos na sana makapaglaro ako kinabukasan.
Nagdasal ako nang nagdasal kahit na hindi ko sigurado kung may makakarinig ba sa akin. Ang tanging gusto ko lamang ay gumaling si Mamang. Kahit ano gagawin ko basta gumaling lang si Mamang.
Dala siguro ng pagod hindi ko namalayan na nakatulog ako sa chapel.
"Naranasan mo na ba
Mawalan ng makakasama?
Sa gitna ng daan
Hindi alam ang pupuntahan"
Panaginip. Akala ko guniguni ko lang ang naririnig kong 'yon nang dahan-dahan akong nagmulat ng mata.
"Huwag mag-alala
Hindi kita pababayaan
Sa iyong tabi
Ako ay iyong mahahawakan"
Sino... Paano...
"Ayun, nagising ka na," nakangiting sabi niya. Muntik ko na siyang hindi makilala. Hindi ko alam pero pakiramdam koi sang himala 'to mula sa langit. "Ming—"
Bago pa niya ko matawag ay sinunggaban ko siya ng yakap. Wala na akong pakialam kung masakal siya sa higpit ng yakap ko.
"Poknat. Umuwi ka na..."
"Nabalitaan ko kaya sumakay ako ng helicopter para makapunta 'agad dito," nagbibirong sabi niya.
Hindi pa rin ako bumitaw sa kanya. Basta alam koi to lang ang kailangan ko ngayon. Naramdaman ko ang pagyakap niya sa'kin.
Pero natigilan ako nang makita ko sa may pintuan ng chapel at saktong dumating sila Aiza, Honey, at Burma... kasama si Quentin.
-xxx-
A/N: Hello! Thank you sa pagbabasa! Until next chapter ulit :D Prayers for Mingming and Mamang <3
('。• ᵕ •。') ♡
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top