DALAGA 41❀
SOBRANG sakit ng ulo ko paggising ko. Pagdilat ko ng mga mata ay nakita ko ang liwanag mula sa binate, umaga na pala. Pero teka... Nang unti-unting luminaw ang paningin ko ay napagtanto kong hindi ko 'to kwarto.
HALA! Napabalikwas ako at kaagad na bumangon. Malambot ang kama, puro kulay pink ang nakikita kong mga bagay at sure akong kwarto 'to ng babae... Pero kanino? Nakapunta na ako noon kila Aiza at Burma at sure na sure naman ako na hindi nila 'to kwarto.
Naramdaman ko 'yung lamig at nakitang mayroong aircon, ang yayamanin naman ng kwarto nito. Hindi kaya... Nandito pa rin ako sa bahay nila Ringo?!
Nanlaki ang mga mata ko nang maalala si Mamang! Diyos ko lord, paano na ako makakauwi ng buhay?
Kinapa ko 'yung damit ko... At nakita na nakasuot ako ng komportableng pambahay, parang bigla akong maiiyak dahil kung anu-ano na 'yung pumasok sa isip ko. Hinding-hindi na ako iinom kahit kailan!
Halos mapatalon ako sa kama nang biglang bumukas ang pintuan.
"Gising ka na pala, join us for breakfast." Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko siya.
"C-Corra? Nasa bahay n'yo ba ako?" nahihiya kong tanong.
"Unfortunately, yes," poker-faced niyang sagot sabay halukipkip. "Halos kapitbahay lang naming sila Ringo. Dito kita dinala nang hindi mo na kayanin umuwi kagabi."
"M-May nagsabi ba sa lola ko na nandito ako?" tanong ko ulit at naalala si Mamang, naiimagine ko na may hawak siyang walis tambo o hanger pag-uwi ko na ihahampas sa'kin.
Napaisip saglit si Corra. "I think it was Burma who told your grandma—" biglang may tumulak kay Corra mula sa labas at napasubsob siya sa kama. "Damn you, Q!"
"Q—"
"Remi!" parang tuta na sobrang cute na pumasok sa loob ng kwarto si Quentin. Halos malaglag ang panga ko nang makita ko siya. Anong ginagawa niya rito?! "I missed you so much!" akma siyang lalapit habang nakataas ang mga braso para yakapin ako pero kaagad na humarang si Corra.
"You're not allowed in my room!" galit na sigaw ni Corra at malakas niyang tinulak si Quentin sa labas sabay sara ng pinto at ni-lock 'yon.
Narinig namin ang sunud-sunod na pagkatok ni Quentin. "Open the door, Socorra! Let me in! She's my girlfriend!"
"What the hell?" naniningkit na bumaling sa'kin si Corra. "Girlfriend ka ng pinsan ko?"
"T-Teka lang..." Tinaas ko 'yung kamay ko kasi feeling ko sasabog 'yung utak ko. Una, lagot na nga ako kay Mamang, pangalawa, nandito ako sa kwarto ni Corra at magpinsan sila ni Quentin? Tapos itong si Quentin sinabi niya 'yon kahit na hindi naman! "A-Ano, babaeng kaibigan ang ibig niyang sabihin. Hindi kami, pramis!" mukha akong guilty at parang ayaw maniwala ni Corra. "Pinsan ka ni Quentin? Paano nangyari 'yon?"
"Malamang magkapatid ang parents namin?" mataray niyang sagot sabay halukipkip ulit.
Oo nga naman tama siya.
"Eh, ang ibig kong sabihin..." parang nahihilo na naman ako. "Kaya pala isa ka rin sa alaga ni Ate Gabi... Nagtataka lang ako kasi bakit ka sa school namin nag-aaral?" nilibot ko 'yung tingin ko sa kwarto niya. "Mukhang mayaman din kayo, eh." Saktong nasulyapan ko sa study table niya 'yung picture niya na nakasuot siya ng uniform ng Silvestre Academy.
"May sinusundan kasi siya kaya siya nag-enroll sa Tanso!" biglang bumukas ang pinto at sinigaw 'yon ni Quentin. Nagugulat ako sa kanya kasi ngayon ko lang nakita 'yung ganitong side niya na may pagkamaloko, pag magkasama kasi kami at magkausap ay parang napakalambing niya at gentleman. Siguro sadyang close sila ni Corra. Pero grabe... Ang liit naman ng mundo!
"Ahhh!" tumili si Corra sa sobrang inis at hinablot ang mga unan niya at sunud-sunod na binato 'yon kay Quentin. Narinig ko ang pagtawa ni Quentin kaya kahit papaano ay nahawa ako kahit na kinakabahan ako pag-uwi.
Natigilan ang magpinsan nang tumayo ako. "Uhm... Corra, sobrang salamat sa pagkupkop sa'kin ng isang gabi, pasensya na rin sa abala," hiyang-hiya kong sabi. "Uuwi na pala ako kasi baka hinahanap na ako ng lola ko."
"Guys, breakfast is ready, come on." Biglang dumating ang isang babae, noong una'y akala ko nga ate siya ni Corra pero narinig ko na tinawag niya itong 'mom'.
Sa huli ay pinilit ako ng mommy ni Corra na mag-almusal muna bago umuwi, kasabay namin si Quentin na mag-almusal na kinairita ni Corra kasi hindi naman daw sila close (feeling ko tsundere lang 'tong si Corra, ayaw lang aminin na close naman sila ng pinsan niya).
Dinaldal ako ni Quentin at ng mommy ni Corra na super nice at mabait. Katulad pala ni Quentin ay hiwalay din ang parents ni Corra, observation ko lang o sadyang nahawa na ako ng pagiging judgmental sa mga bruha kong kaibigan.
Hindi ko na lang inisip na pagagalitan ako ni Mamang. Inumaga nga ako umuwi, pagagalitan naman din ako kaya susulitin ko. At isa pa, ang sarap ng kinakain ko ngayon! Almusal ng mga mayayaman! May bacon, sausages, itlog, beans, mushroom, kamatis, toasted bread, tapos isang baso ng kape, meron ding pancakes.
"Curious lang po ako, Tita Clarisa." Oh 'di ba ang lakas maka-feeling close. "Bakit po sa Tanso nag-aaral si Corra?" tanong ko sabay sulyap sa katabi ko na kanina pa dedma kumakain. "Sabi po ni Quentin may sinundan si Corra—"
Biglang nabulunan 'yung katabi ko, natawa si Quentin at si Tita Clarisa naman ay dali-daling inabutan ng isang baso ng tubig si Corra. Pinanlakihan ako ng mga mata ni Corra pagkatapos.
"Namumuro ka na sa'kin," sabi ni Corra nang pumanhik kami sa kwarto niya para kuhanin 'yung mga gamit ko. "Hindi pa ba sapat na alam mo ang sikreto ko?" bakas sa itsura niya na nagsisisi na pinatuloy ako sa bahay nila.
"S-Sorry naman," sabi ko. "Curious lang talaga ako. Dahil ba kay VP Leighton?" pagkasabi ko no'n ay halatang-halata na guilty siya dahil sa pagkagulat niya. "Huwag kang mag-alala, keeper of secrets mo ako, hindi ko ipagkakalat."
"Paano mo nalaman?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Obvious naman sa klasrum," sagot ko. "Palagi kang masungit sa kanya, tapos palagi mo siyang kinukompetensya sa mga grades."
Namula na parang kamatis si Corra nang sabihin ko 'yon, hindi niya siguro sukat akalain na may makakapansin.
"Huwag kang mag-alala, kakaunti lang naman nakakapansin," sabi ko na lang para hindi siya magpanic. "Isang tanong na lang talaga, pramis, uuwi na 'ko."
Halos umikot ang mga mata niya nang marinig 'yon. Talagang sinusulit ko 'yong paglalayas ko dahil damang-dama ko na nag-aalburoto na si Mamang sa bahay, magna-nine na kasi ng umaga.
"Ayun nga... Bakit mo siya sinusundan? Kung nag-aaral ka naman talaga dati sa Silvestre—"
"Hindi pa ba, obvious? Akala ko ba magaling kang mag-observe?" mataray niyang sagot. Pagkaraan ay parang nanlambot ang itsura niya at napaupo sa gilid ng kanyang kama. "Hindi ko alam kung anong sumpa ang meron ka at ikaw talaga ang dapat makaalam lahat ng sikreto ko."
Nagkibit-balikat ako. Hindi ko rin alam eh. Nakakatawa nga kasi lahat ng 'to hindi naman planado. Una, siya ang favorite author ko na tinatago ang totoong identity, pangalawa, alam niya 'yung mga kalokohan naming nila Aiza, at ito alam ko 'yung ultimate secret niya kung bakit siya sa Tanso nag-aaral.
Umupo rin ako sa tabi niya. "Gano'n mo siya kagusto?" tinutukoy ko si VP Leighton. Kunsabagay, crush ng bayan 'yon. Iyon 'yung tipong suntok sa buwan na crush kasi matalino na nga, gwapo pa, kaso sobrang snob.
"Hindi ko siya gusto, mahal ko na 'ata siya eh," sagot ni Corra.
"Mahal?" napakunot ako.
Marami na akong mag-jowa na nakita sa school, ang iba mga kaklase ko sa loob ng klasrum na nagiging magjowa, tapos 'di kalaunan naghihiwalay din naman sila kasi parang laru-laro lang ang 'pag-ibig'. Sa tingin ko kasi hindi naman talaga nila 'yon sineseryoso at lilipas din.
"Simula bata palang kami, alam kong siya na..." sabi ni Corra.
Naalala ko bigla 'yung mga kwentong isinulat niya. Kung gano'n totoo talagang hopeless romantic si Corra, kung ano 'yung mga sinusulat niya ay naroon ang ilang saloobin niya tungkolsa pag-ibig.
Pero parang bakit pamilyar sa'kin 'yung karanasan niya?
Pinilit ni Quentin na ihatid niya ako sa amin, tinawag tuloy ni Tita Clarisa si Ate Gabi para ihatid ako. Sobra-sobra na 'yung hiya ko sa abala na dinulot ko kaya sobra rin 'yung pasasalamat ko sa kanila.
Pag-uwi ko ng bahay ay tama nga ang hinala ko na may nag-aabang hanger sa'kin. Pagpasok ko ng pinto ay may lumilipad na tsinelas sa direksyon ko, mabuti na lang ay mabilis ko 'yong naiwasan.
"Walangya kang bata ka!" sigaw ni Mamang. "Bakit inuumaga ka na ng uwi?!"
"Mamang, g-gumawa po kami ng project—" nakorner ako ni Mamang sa may pintuan kaya hindi na ako nakatakbo pa.
"Iyong totoo, Remison? Project ba talaga ang inatupag ninyo?" galit na tanong ni Mamang. "Tumawag sa'kin si Burma kagabi, nagsosorry!"
Patay. Mukhang kinain na rin ng kunsensya ang mga bruha kong kaibigan, sinabi na ba nila kay Mamang ang totoo? Sa takot na may mangyaring masama sa'kin kagabi dahil nalasing ako? Dama ko 'yung galit ni Mamang, mukhang malakas talaga 'yung kutob niya na hindi naman talaga kami gumawa ng project.
"Kailan ka pa natutong magsinungaling sa akin ha? Kapag naman nagpapaalam ka ng maayos pinapayagan ka naman!" galit na sigaw ni Mamang at akmang hahampasin ako ng hanger pero mukhang pinigilan niya ang sarili.
"S-Sorry po, Mamang..." halos pabulong kong sabi. "H-Hindi na po mauulit..."
Binaba ni Mamang ang kamay at nagpunta sa sofa. "Lintik kang bata ka, aatakihin ako sa'yo." Hinimas ni Mamang ang dibdib. "Kaya nga sinasabi ko na kay Emilia na huwag kang tatangkaing pag-aralin sa Maynila dahil ngayon pa lang nagluluko ka na."
"Mamang, wala naman po akong ginawang masama—"
"Huwag kang sumasagot sa akin, Mingming."
Nanahimik na lang ako at saka pumasok sa loob ng kwarto ko. Noon ko lang natingnan 'yung cellphone ko at nakita ang sandamakmak na message galing kay Mamang mula kagabi, tapos nakita ko rin ang mga text ng mga kaibigan ko.
Buong araw akong nagkulong. Dati kasi ay nagbabati rin kami 'agad ni Mamang kapag nilalambing ko siya. Pero ngayon kasi parang nasaktan ako sa sinabi ni Mamang na hindi niya ako pag-aaralin sa Maynila dahil baka magloko ako. Pakiramdam ko kasi ay ayaw ni Mamang na matulad ako sa nanay ko, alam ko naman 'yon, pero ang dating kasi sa akin ay hindi na siya magtitiwala sa'kin.
Minsan hindi ko na rin maintindihan si Mamang, siguro dahil tumatanda na rin siya at lumalala ang pagiging paranoid. Alam ko rin sa sarili ko na ayokong makulong masyado. Pero hindi kaya... Natatakot lang si Mamang? Natatakot siya na iwanan ko siya ngayong tumatanda na rin ako?
Tumayo ako at dahan-dahang sumilip sa pinto, nakita ko si Mamang sa may sala, nakaupo at nananahi. Pinagmasdan ko si Mamang at saka ko napagtanto ang ilang bagay. Puti na ang buhok ni Mamang, nanawa na siya sa pagtitina, ang balat niya'y kumulubot na't unti-unti na rin siyang namamayat.
Biglang may tumusok sa dibdib ko nang maisip ko na... Hindi na pala katulad noon si Mamang, si Mamang na palagi kong kasama sa palengke, na palaging maingay at magaling makipagtawaran sa tinder. Anong iniisip ni Mamang? Iniisip niya ba na pag natuto na ako sa buhay ay maiiwan siyang mag-isa?
Hindi niya naramdaman na lumabas ako ng kwarto. Umupo ako sa tabi niya at walang salitang niyakap si Mamang, hindi siya tumigil sa pananahi.
"Ming, anong kurso ang balak mong kunin?" tanong ni Mamang na parang wala lang nangyari kaninang umaga.
"Hindi ko pa po alam, eh," sagot ko habang nakayakap pa rin sa kanya. Ayoko mang isipin pero pumasok na naman sa isip ko na paano kung dumating 'yung araw na ako 'yung maiwang mag-isa? Paano kapag si Mamang naman ang umalis? Parang hindi ko 'ata kakayanin. Mas hinigpitan ko 'yung yakap sa kanya.
"Ay, nakow, basta, kung saan mo gusto, pero dapat malaki ang sweldo. Wala kasi akong alam sa ganyan-ganyan, alam mo naman sekondarya lang ang tinapos ng Mamang mo, ang nanay mo naman... kasing edad mo halos kaso... Ang Auntie mo naman, matigas ang ulo at hindi tinapos ang kolehiyo," kwento ni Mamang habang nakatuon ang atensyon sa tinatahi. "Simple lang naman ang pangarap ko ngayon. Alam mo naman tumatanda na ang Mamang, hindi naman na ako nangangarap na manalo sa lotto. Gusto ko lang maranasan na masabitan kita ng medalya at makita kitang nakasuot ng itim na toga."
Napangiti ako at hindi mapigilan ng luha ko na mangilid. "Hala, dapat maging cum laude ako?"
"Asus, kayang-kaya mo 'yon, naging top ka nga noon sa klase, 'di ba?" kampanteng sabi ni Mamang. "Anong gusto mong premyo?"
"Baka pekeng selpon na naman iregalo mo sa'kin, Mamang." Pagkasabi ko no'n ay sabay kaming nagtawanan ni Mamang.
"'Di bale, mag-iipon ako para mabili kita ng totoong selpon," sabi ni Mamang.
"Kahit huwag na po." Tumigil si Mamang sa ginagawa niya at saka tumingin sa'kin sabay akbay.
"Ang swerte-swerte ko sa'yo kahit na maaga tayong iniwan ni Judy at ng Papang mo," sabi ni Mamang. "Pagbutihin mo pag-aaral mo, Ming. Iyan na lang ang pwede kong maibigay sa'yo, kaya dapat kahit anong mangyari magtatapos ka ng kolehiyo."
"Mamang naman—"
"Hindi pa ako namamaalam," mataray niyang sabi.
"Kasi masamang damo—"
"Huwag mong ituloy," banta niya at natawa ako. "Gabi-gabi ko dinadasal sa diyos ang pangarap ko, Mingming. At oo nga pala." Tumayo si Mamang at pumunta sa kung saan.
Naiwan ako at hinintay siya. Pagbalik niya'y may dala-dala siyang parang maliit na brown envelope.
"Mamang, iyan na ba ang pamana ko?" biro ko.
"Kailan ka pa nagmukhang pera, Ming?" biro pabalik ni Mamang at inabot sa'kin ang hawak niya. "Galing kay Poknat."
Pagkarinig na pagkarinig ko ng pangalan na 'yon ay dali-dali kong tiningnan ang laman.
Alam mo, minsan naniniwala na talaga ako sa history repeats itself, kahit na nilinaw ng teacher naming sa Araling Panlipunan na tao ang umuulit ng kasaysayan. Alam ko... Parang nangyari na ito noon.
Pinaghalong lungkot at tuwa ang naramdaman ko nang makita ko ang isang cassette tape.
At katulad noon... Mayroong nakasulat dito.
'To Remison May Berbena.'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top