DALAGA 4❀
PAULIT-ULIT ko na lang naririnig sa mga matatanda na ang bilis ko raw lumaki.
Nagtataka nga ako kasi parang hindi naman.
Ni hindi ko nga maabot 'yung lababo namin kapag maghuhugas ako ng kamay.
"Tumayo ka nang matuwid, Ming, huwag kang malikot" utos sa'kin ni Mamang at sinunod ko naman siya.
Pinasandal niya kasi ako sa pader.
Tapos nilagay ni Mamang sa ulo ko 'yung ruler, may hawak siyang lapis atsaka ginuhitan ng linya 'yung pader.
"Ayan, tingnan mo, ang laki mo na," nakangiting sabi ni Mamang pagkatapos.
Tiningnan ko 'yung pader at nakita ro'n ang sulat niya.
6 Years old Mingming (2004)
"Mamang, magse-seven na po ako," sabi ko nang mabasa ko 'yung sinulat niya.
Napakamot si Mamang sa ulo.
"Ah, oo nga pala, malapit na mag-birthday ang Mingming ko," sabi ni Mamang tapos nagsulat ulit.
At oo, marunong na akong magbasa.
Salamat kay Teacher Mika.
Kaso simula nang umalis na sila Teacher Mika, si Mamang ang nagtuturo sa'kin sa bahay.
Ayon nga lang, ang bilis mapikon ni Mamang. Ewan ko kung bakit.
Kapag kasi ayokong mag-aral sa bahay. Pinapalo niya 'ko.
Tandang-tanda ko pa rin.
Sa tuwing tuturuan niya ako ay palagi niyang hawak ang isang lapis at sa kaliwang kamay hawak niya ang isang hanger.
"Mamang, laro na po kami ni Poknat sa Duluhan. Sige naaaa huhuhu."
Umiiyak pa 'ko no'n kasi gustung gusto ko na talaga maglaro. Kaso ayaw ni Mamang.
Pakiramdam ko no'n pagud na pagod na 'kong mag-aral.
"Naku, Remison! Basahin mo 'to at hindi ka na makakapaglaro habambuhay! Ano basa rito?"
Tinatawag lang ako ni Mamang sa buo kong pangalan kapag galit siya.
"Ba...Ba...e."
"Lakasan mo naman, Remision!"
"Babae! Huhuhu!"
"Bakit ka umiiyak?! Huwag mo 'kong iniiyakan!"
Biglang dumating si Papang galing labas. "Ano ba naman 'yan, Remedios. Bakit mo naman pinaiiyak si Mingming?"
"Papang!" lumapit ako sa kanya dahil alam kong siya lang ang kakampi ko.
"Nako, Sonny, matigas na ulo, gustong maglaro ayaw mag-aral!"
Kaya naman kapag nakikita ko 'yong dilaw na maliit na libro ay parang naiiyak na 'ko.
Mabuti na lang marunong na 'ko magbasa ngayon kaya hindi na 'ko pinapalo ni Mamang.
Malapit na nga pala 'yung birthday ko at sa sobrang excited ko ay hindi na nga ako makatulog.
Palagi kong pinagyayabang kay Poknat na sasakay kaming eroplano.
"Oh, edi ikaw na makakalipad," sagot sa'kin ni Poknat.
"Ang sungit mo naman," sabi ko naman sa kanya.
"Eh kasi nakakainggit, parehas kayo ni Miggy makakaranas sumakay ng 'eyrpleyn'," nakangusong sabi niya.
Kinukulit ko nga si Mamang at Papang na isama namin si Poknat.
Kaso ayaw nila pumayag kasi mahal daw ang ticket papunta sa bisayas.
Tapos daw siyempre nakakahiya raw sa mama at papa ni Poknat.
Kaya wala na akong nagawa.
"Para 'di ka na mainggit, papasalubungan kita ng ulap," sabi ko.
Natawa si Poknat.
"Baliw ka talaga Mingming, anong ulap? Hindi 'yon napapasalubong."
"Bubuksan ko 'yung bintana ng eroplano tapos kukuha ako ng ulap, tapos ilalagay ko sa garapon," sabi ko at pinakita ko pa sa kanya kung paano ko susungkitin 'yung ulap.
Natawa lang lalo si Poknat.
"Sige. Eh, pa'no kapag hindi mo 'ko nauwian ng ulap?" tanong niya.
Napaisip ako ro'n.
Kaso wala akong maisip kung ano gagawin ko kung wala akong maibigay sa kanya.
"Eh, ano ba gusto mo?" tanong ko.
"Hmm..."
Si Poknat naman ang nag-isip.
"Ah, alam ko na!" bulalas niya. "Kapag hindi mo ako nabigyan ng ulap, iki-kiss mo ako, ha!"
Napangiwi ako.
"Yaak! Bakit kita iki-kiss?!"
"Eh, bakit ba, iyon ang gusto ko," sabi niya. "Dito oh." Tapos tinuro niya 'yung pisngi niya.
Kunwari nangisay ako ta's nakangiwi pa rin ako.
Sumimangot si Poknat.
"Ang arte mo naman! Parang kiss lang eh," nakanguso niyang sabi.
"Bahala ka, basta, kukuha ako ng ulap," sabi ko ta's iniwanan ko na siya.
"'Yung kiss ko pagbalik n'yo ah!"
Halos 'di na ako nakatulog para sa kinabukasan.
May dalang tig-isang maleta si Mamang at Papang, ako naman ay may dalang bag pack.
Inarkila nila 'yung kapitbahay naming taxi driver para ihatid kami sa sakayan ng eroplano.
Halos malula ako sa dami ng tao. Hindi nga ako bumibitaw kay Papang eh.
Nang papasakay na kami ay halos lumundag ang puso ko.
Umupo kami sa tatluhang upuan, tapos katabi ko ang bintana!
Tuwang-tuwa ako at hindi maalis 'yung ngiti ko sa labi.
"Aba, mukhang excited na excited ang Mingming ko," sabi ni Papang sa'kin na katabi ko.
"Mingming, bawal malikot at maingay ha," sabi ni Mamang. "Kapag pasaway ka kukunin ka ng bumbay, hala sige."
Umayos ako ng upo at halos sumakit ang leeg ko kakasilip sa bintana.
Kitang kita ko 'yung pakpak ng eroplano. Sobrang laki.
Ilang sandali pa'y umandar ang sasakyan.
Natakot ako no'ng umangat ang eroplano. Tapos maya-maya tumigil 'yon at nakita ko sa labas na naka-angat na kami sa lupa.
"Wow!" hindi ko mapigilang mamangha. "Papang, lumilipad na tayo?"
"Oo, Mingming, lumilipad na tayo," nakangiting sabi ni Papang.
Buong magdamag akong nakadilat at nakasilip sa bintana.
Lumakas 'yung tibok ng puso ko nang makita ko 'yung mga ulap.
Ang daming mga tanong na naglaro ulit sa isip ko.
Kaso hindi ko natanong kila Mamang at Papang dahil parehas silang natutulog.
Nandito na ba kami sa heaven? Makikita ko ba si Detdet dito?
Kaso... Wala akong ibang nakita kundi kulay asul at puti.
Siguro kung lilipad pa ng mas mataas 'yung eroplano makikita na namin 'yung heaven ni Papa God.
Naalala ko bigla 'yung pangako ko kay Poknat.
"Papang..." ginising ko si Papang sa tabi ko.
Nagmulat siya.
"Bakit, Ming? Magsi-CR ka?" tanong niya.
"Pakuha po ng bag ko," utos ko.
Tinanggal ni Papang 'yung pagkakatali sa kanya at kinuha niya sa ilalim 'yung bag ko.
"Magsusulat ka ba?" tanong niya.
Hindi ako sumagot.
Kinuha ko sa bag ko 'yung binaon kong garapon.
Nagulat si Papang.
"Anong gagawin mo riyan?"
"Kukuha po akong ulap," sabi ko.
"A-Ano kamo?" gulat na gulat niyang sabi. "Aanhin mo naman ang ulap?"
"Nag-pramis po kasi ako kay Poknat na pasasalubungan ko siya ng ulap."
Napakamot sa ulo si Papang.
"Hay nako, Mingming," sumulyap siya kay Mamang. "Hindi pwede 'yon."
"Sige na, Papang. Kapag hindi ako nakuha ng ulap si Poknat, iki-kiss ko raw siya pag-uwi."
"A-Ano?!" halos umusok ang ilong ni Papang.
Pero pinigilan niyang magalit.
Hindi naman kasi nagagalit si Papang.
"Hay nako, loko-lokong Poknat 'yon ah," sabi ni Papang. "Bawal buksan ang bintana, Mingming. 'Di bale, ako ng bahala."
Kinuha ni Papang 'yung garapon ko.
"Kukuha n'yo po ko ng ulap?" tanong ko.
"Oo, Mingming. Akong bahalang kumuha ng ulap para hindi maka-score ang kolokoy na Poknat na 'yon sa'yo," sabi ni Papang at kumindat sa'kin. "Secret lang natin 'to. Kasi panigurado, magagalit 'yang Mamang mo."
"Opo, Papang, secret lang," sabi ko ta's nilagay ko 'yung daliri ko sa bibig.
Palagi kaming may secret ni Papang.
Kunwari, kahit bawal sa'kin ang palaging pagkain ng tsokolate.
Papasalubungan niya 'ko.
Ta's secret lang daw kay Mamang.
Kaya lab na lab ko rin 'yang si Papang.
Hindi ko makakalimutan ang karanasan na 'yon sa eroplano.
Hindi ko na rin pinroblema 'yung ulap kasi si Papang na raw ang bahala ro'n.
May tiwala naman ako kay Papang.
At dumating na rin 'yung araw ng mismong kaarawan ko.
Nasa probinsya na kami at masaya kaming sinalubong ng mga kamag-anak ni Papang.
Karamihan sila ay hindi ko kilala.
Pero lahat sila ay tuwang-tuwa sa'kin.
"Ito na ba 'yung anak ni Judy? Ang laki na ah!" bati ng isa.
Tapos ang dami ring mga bata! Ang dami kong kalaro!
Malapit sa dagat ang bahay noon nila Papang.
Kaya pinaghanda nila ako ng maraming pagkain sa isang malaking bahay kubo.
Kahit na mainit ang sikat ng araw, ang saya-saya!
"Happy birthday, Mingming!" masayang bati ng lahat matapos nila akong kantahan.
Nilabas nila ang isang kulay pink na kwadradong cake. May nakasulat do'n at may number 7 na kandila.
"Magwish muna bago hipan, Mingming!" sabi ng isa kong tita.
Pumikit ako at nagwish.
Pagkatapos ay hinipan ko 'yung kandila.
"Anong wish mo, Mingming?" tanong ng isang bata katulad ko.
"Secret!" sagot ko.
"Oh, kainan na!" sigaw ng isa kong tito at nagsimulang magkainan ang lahat.
Ngayon ko lang naranasan 'yung magkaroon ng maraming handa at napakaraming bisita (kahit hindi ko sila kilala lahat).
Hipon, alimango, inihaw na bangus, baboy, manok. Hotdog na may marshmallow. Adobo, kaldereta, menudo, at kung anu-ano pa.
Pagkatapos magkainan ay nagpunta kaming lahat sa dagat para maligo.
Ang saya-saya kahit na natatakot ako sa malalim na tubig.
Nakakapit lang ako kay Papang habang may salbabida.
Pagkatapos ay naglaro kami ng mga pinsan ko sa may buhanginan, gumagawa kami ng kastilyo gamit 'yung plastic na baso.
Habang si Papang ay binabaon si Mamang sa may buhangin. Sabi nila, gamot daw 'yon sa rayuma.
Naglaro kami ng habulan at takbuhan ng mga pinsan ko. Paunahan kaming tumakbo sa dulo ng dalampasigan.
Hanggang sa napadpad kami sa dulo.
"Tara, balik na tayo!" sigaw ng isa kong pinsan at nagtakbuhan na naman sila.
Kaso... natigilan ako nang makita ko ang isang batang lalaki na umiiyak sa ilalim ng puno ng niyog.
Naawa ako.
Bakit siya umiiyak?
Bakit siya nag-iisa?
Lumapit ako sa bata.
Tumigil siya sa pag-iyak nang makita ako.
"Okay ka lang?" tanong ko.
Tumitig lang siya sa'kin.
Napansin ko na matingkad na kulay brown 'yung buhok niya tsaka ang puti-puti niya.
Nakasuot din siya ng kulay dilaw na t-shirt.
"I want my mommy," sabi niya habang pinipigilang umiyak. "I want my daddy."
"Nasaan ba mama at papa mo?" tanong ko at umupo ako sa tabi niya.
"I don't know," sabi ng bata.
"Ano pangalan mo? Ako nga pala si Remison," sabi ko.
Pinunasan niya 'yung mukha niya bago sumagot. "My name is Quentin. S-Samahan mo ako here please..."
"Sige, sasamahan kita habang hinihitay mama at papa mo."
Hindi na umiyak si Quentin nang samahan ko siya. Para malibang kami niyaya ko siyang gumawa ng kastilyong buhangin.
Ang laki ng nagawa naming kastilyo. Tapos pinanood namin 'yong sirain ng alon.
Pagkatapos nagtampisaw kami sa mababaw na bahagi ng tubig at nagbasaan kami.
Nakalimutan na nga 'ata niya na nawawala ang mama at papa niya.
"Quentin!"
"Mommy?"
"Oh my god, Quen!"
"Daddy!"
Nakita ko ang isang babae at isang lalaki na mukhang amerikano na lumapit sa'min.
Niyakap nila si Quentin.
"We've been looking for you!"
"I'm sorry, I got lost!"
Narinig ko 'yung pag-uusap nila at tinuro ako ni Quentin.
Pagkatapos ay nilapitan ako ng mama niya.
"Hi, Remison," yumukod 'yung mama ni Quentin. "Sabi ni Quentin, sinamahan mo raw siya?"
Tumango lang ako. Hindi ako makapagsalita kasi nakatitig lang ako sa mukha niya. Ang ganda-ganda ng mama niya, parang artista.
"Thank you, ha," nakangiting sabi ng mama niya at hinawakan ako sa balikat. "Nasaan ang mga magulang mo? Baka hinahanap ka nila?"
"Wala na po akong magulang, sila mamang at papang na lang po nag-aalaga sa'kin," sagot ko.
"I-I'm sorry..."
Lumapit sa'min si Quentin at ang papa niya.
"Honey, Quen liked to take a photo with his new friend for a remembrance," sabi ng papa ni Quentin. Ang gwapo rin ng papa niya. Matangkad, matangos ilong, maputi, tsaka kulay dilaw 'yung buhok.
"Ah, sige," humarap sa'kin 'yung mama niya. "Remison, okay lang ba, picture kayo ni Quen? Remembrance lang?"
Tumango lang ako.
Lumapit sa'kin si Quentin at umakbay siya sa'kin.
Naglabas ng magarang camera 'yung papa niya.
"Okay, one, two, three, say cheese!"
"Cheese!"
Kumislap 'yung camera at lumabas doon ang isang papel. Namangha ako.
"One more, guys!"
Pagkatapos ay may lumabas ulit ang isang papel.
"Here's one for you, little girl," sabi ng papa ni Quentin at inabot sa'kin ang picture.
Nakita ko 'yon at tinanggap ko 'yung larawan.
Parehas kaming nakangiti ni Quentin habang nakaakbay siya sa'kin. Halos hindi makita 'yung mga mata namin dahil naningkit 'yon.
"Mommy! Ihatid natin si Remison sa kanila!" sabi ni Quentin at pumayag ang mga magulang niya.
Diri-diresto lang kaming naglakad hanggang sa narating namin 'yung kubo na pinanggalingan ko kanina.
Nadatnan namin sila Mamang at Papang na nag-aalala.
"Diyos ko! Kanina pa kami naghahanap sa'yo, bata ka!" reaksyon ni Mamang nang makita ako.
"Magandang hapon po," bati ng mama ni Quentin at pinaliwanag niya ang nangyari.
Nagpasalamat sila Mamang at Papang.
"Quen, magpaalam ka na sa new friend mo," sabi ng mama niya.
"Bye, bye, Remison!" kumaway si Quentin sa'kin.
Parang nalungkot ako bigla.
Tumakbo si Quentin sa'kin at nagulat ako nang i-kiss niya ako sa pisngi.
Tumakbo siya pabalik sa mama at papa niya.
"See you around, Remison!" paalam nila at magkakahawak-kamay silang naglakad palayo.
Hawak ko pa rin 'yung picture naming dalawa.
"Dalaga na ang Mingming natin," narinig kong sabi ng isa kong pinsan. "May ligaw na si Remison! Ang pogi pa!"
"Dalaga na si Remison!" kantiyaw naman ng tita ko.
"Hay, nako, baby pa ang Mingming ko!" kontra naman ni Mamang. "Pero kung gano'n kagwapong bata, okay lang—" siniko ni Papang si Mamang.
Nakakalungkot lang dahil makalipas ng limang araw ay kailangan naming umuwi sa amin.
Hindi ko makakalimutan 'yung masasayang alaala rito sa probisya na may dagat.
Okay lang kahit nangitim ako.
Hindi ko rin makakalimutan si Quentin.
Pag-uwi namin sa bahay ay kaagad kong hinanap kay Papang 'yung pramis niya sa'kin.
"Papang, 'asan na po 'yung garapon?" bulong ko kay Papang.
Sumenyas si Papang na lumabas kami para hindi makita ni Mamang.
Nilabas ni Papang mula sa plastic 'yung garapon na binaon ko at nagulat ako nang makita kong may laman 'yon na kulay asul.
"Papang, ulap ba 'yan?" tanong ko kasi parang malambot 'yung nasa loob no'n.
Binuksan ko 'yung garapon at kinurot 'yon.
"Eh, cotton candy 'to, eh!" reklamo ko.
"Sshhh!" saway sa'kin ni Papang dahil baka marinig kami ni Mamang. "Naku, ang tawag diyan ay special cloud. Kapag inaway ka ni Poknat at hiningian ka ng kiss ay isumbong mo sa'kin ha."
Tumango ako at sinara ko ulit 'yung garapon.
Tumakbo ako papuntang duluhan kahit malapit nang maggabi.
"Poknat!" mabuti na lang nakita ko siya sa may puno ng bayabas.
Kaagad siyang tumalon pababa nang makita ako.
"Mingming!"
"Oh, 'eto na 'yung ulap gaya ng ipinangako ko sa'yo," sabi ko at inabot ko sa kanya 'yung garapon.
Kinuha niya 'yon at sinilip ang nasa loob.
Medyo kinabahan ako dahil baka hindi siya maniwala.
Ilang segundo rin niya 'yong tinignan.
"Wow!" bulalas niya bigla. "Thank you! Ang galing mo talaga, Mingming! Da best ka!"
"A-Ako pa ba!" sabi ko. "Oh, natupad ko, 'di ba! Hindi mo ako pwedeng i-kiss."
"Haha! Okay lang! Hihintayin ko na lang na paglaki natin—tsaka kita iki-kiss!"
"Yaak!" sabi ko sabay takbo.
Hindi alam ni Poknat... Nauna na si Quentin na i-kiss ako sa pisngi.
Mingming (Remison) 7 Yrs Old
Drawn by yours truly ehe.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top