DALAGA 36❀


"It's like catching lightning, the chances of finding someone like you 
It's one in a million, the chances of feeling the way we do"


"EMERGENCY meeting! Kailangan nating pag-usapan ito sa lalong madaling panahon!" parang kanina pa nag-aalburoto 'tong si Aiza, lunch break na ngayon at nandito kami sa canteen para kumain. Sabay-sabay kaming tatlo na umupo at nilapag ang tray sa mesa.

"Ano ba 'yang pinuputok ng butse mo?" tanong ni Burma.

"My gad, Burmakels, parang hindi naman kayo aware na ten days na lang ay JS prom na natin!" naghihisterikal na sabi ni Aiza. Halos mabulunan naman si Burma nang marinig 'yon.

"Oo nga pala!" Inabutan ko naman ng isang baso ng tubig si Burma para mahimasmasan siya.

Nagpabalik-balik ako ng tingin sa kanilang dalawa dahil biglang naging active sila parehas. Nang mapansin nilang hindi ako nagsasalit ay saka ako nagsalita.

"Ahm... Anong meron?" tanong ko. Halos mapasampal sila sa noo nang marinig ang sinabi ko.

"Remi girl! Ano ka ba naman! Hindi ka man lang ba nagwoworry sa ating kauna-unahang prom?!" maloka-lokang sambit ni Aiza sa'kin, kulang na lang tumalsik pati kanin sa bibig niya.

"Relax lang kayo, guys," sabi ko naman. "Alam ko namang ten days na lang prom na natin, ano bang dapat nating ikabahala?"

"LAHAT!" sabay nilang sigaw.

"Anong susuutin mo, sinong mag-aayos sa'yo, anong hairstyle mo, anong kulay ng kuko mo, anong itsura ng gown mo, anong itsura ng heels mo," pagbibilang ni Burma habang nakatingin sa itaas. "At higit sa lahat..."

"Sino ang magiging first dance mo?!" sabay ulit nilang sabi. Hindi ko na tuloy mapigilang matawa sa kanila. Nailing na lang ako tapos kumain ng tahimik habang nakikinig sa kanila.

Hindi ko mapigilang mapatingin sa malayo at saktong nakita ang mesa kung saan sila kumakain. Sila Poknat at mga kaibigan niya pati si Honey. Hindi ko maiwasang maisip na paniguradong magiging first dance nila ang isa't isa.

Sampung araw na lang bago sumapit ang JS prom, sampung araw na lang din bago sumapit ang Christmas Break. Hindi ko nga alam kung bakit December ang prom kasi ang alam ko sa ibang eskwelahan ay Pebrero 'yon ginaganap.

Ang balita ko'y sa court gaganapin 'yung JS prom namin ngayon, open area 'yun kaya sana hindi umulan, pero ang sabi naman ay hindi pa naman daw nakakaranas ng ulan kapag nagpoprom sa Tanso. Nagpabotohan kasi ang Student Council kung aarkila ba labas ng venue o dito na lang sa court, mas nanaig ang mga bumoto sa court kasi siguro mas maraming walang pambayad ng venue.

Okay na rin 'yun at least may prom 'di ba? Pero ang totoo ngayon lang ako napaisip kasi... sampung araw na lang pero wala pa rin akong susuotin, sampung araw na lang ay wala pa akong plano!

"Mukhang malalim 'ata ang iniisip mo?" tanong bigla ni Quentin habang kumakain kami ng ice cream dito sa plaza. Kaninang uwian ay inabangan na naman niya ako sa may gate. Sanay na sanay na nga ako sa mga tinginan ng ibang tao, paniguradong nasa isip nila na may something sa'ming dalawa ni Quentin. "Let me guess, you're thinking about the prom."

"Huh? Paano mo nalaman?" gulat kong tanong.

Ngumiti siya at nagets ko na 'yung sagot, bakit pa nga ba ako nagtatanong? Eh palaging updated si Quentin sa mga kaganapan sa school namin kahit hindi ko sabihin dahil nakakatext niya rin 'yung dalawang bruha.

"What's with prom?" tanong niya. Nakaupo kami sa may swing, nataon na walang ibang mga bata kaya umupo kami.

"Ah, wala naman, kanina pa kasi napag-uusapan nila Aiza at Burma," sagot ko. "Hindi pa kasi ako nakakaranas ng gano'ng klase ng party."

"Hmm... As much as I want to go there and be your first dance..." napatingin ako sa kanya, seryoso ba siya. "Too bad may pupuntahan kami that day." Bakas sa itsura niya ang pagkadismaya, kung gano'n talagang may balak siyang mag-grate crash sa araw ng prom namin. "Hindi man ako ang first dance mo sa prom, I'll make sure na ako ang first dance sa eighteenth birthday mo."

Natawa ako sa huli niyang sinabi. "Really? Ang layu-layo pa kaya no'n," sabi ko.

"It's three years from now, we're fifteen," sabi naman niya. Mas natawa nang makita kong tila nagkaroon siya ng bigote dahil sa chocolate ice cream.

"What?" tanong niya. Mabuti na lang may tissue sa bulsa ko kaya pinunasan ko 'yung bibig niya. Tapos bigla niyang hinawakan 'yung kamay ko. "I'm serious. I'll wait for you."

Bakas naman sa itsura niya na seryoso siya sa mga sinasabi niya. Kasi kung hindi rin naman siya seryoso hindi siya magtatiyagang maghintay sa labas ng school tuwing uwian, hindi siya pupuslit sa daddy niya minsan para tawagan ako kapag gabi.

Pero kahit na alam ko kung bakit siya gano'n, kasi nga gusto niya 'ko, okay lang sa'kin kasi komportable ako sa kanya, komportable kami sa isa't isa. Nakakapaglabas ako ng saloobin sa kanya at gano'n din siya sa'kin.

"May tanong nga pala ako," sabi ko nang mabawi ko 'yung kamay ko. Sa tingin ko nga dapat matagal ko nang itinanong 'to. "Ako pa lang ba... 'yung ganito? I mean..."

"Yeah, ikaw pa lang," sagot niya kaagad. "I've never done this to anyone before, Remi. Sa'yo pa lang ako nagkaganito."

"Pero bakit ako?"

"Why you?" ulit niya.

"Bukod sa dahil sa destiny," pangunguna ko sa kanya.

Ilang segundo siyang tumitig sa'kin ng seryoso, naiilang na nga ako eh. Kaso bigla siyang ngumiti.

"I don't know,"sagot niya. "Siguro... it's just the way you are. Ikaw si Remi, kaya... kaya gusto kita."

Napangiti na lang ako at kumain ulit ng ice cream. Akala ko nga itatanong niya rin sa'kin iyong tanong ko. Kung bakit siya? Siya na ba talaga? Ewan ko pa eh. Basta gusto ko lang na ganito kami, 'yung simple, komportable, at hindi komplikado. Pero mabuti na lang hindi niya itinanong.

Pag-uwi ko ng bahay ay noon ko lang nalaman na hindi lang pala sina Aiza at Burma ang hindi magkandaugaga sa nalalapit kong JS prom. Nadatnan ko kasi sa bahay namin ang sangkatutak na dress! Tapos nandoon si Ate Melai at iyong kapitbahay naming mananahi.

"O nariyan na pala ang apo ko!" bulalas ni Mamang. Nagmano ako sa kanya.

"Mamang, ano po 'to?" tanong ko.

"Ay naku, itong si Ester ang palaging nananahi ng mga gown ng nanay mo noon tuwing Santa Cruzan!" bulalas ni Mamang, nagliliwanag 'yung mukha niya at mukha pa siyang excited kaysa sa akin. "Pero alam mo naman kapos tayo ngayon kaya aarkila lang tayo ng gown sa kanya." Pumulot ng isang gown si Mamang at sinipat iyon.

Naalala ko tuloy noong bata pa lang ako ay talagang gustung-gusto ako isali ni Mamang sa Santa Cruzan kasi nga ang nanay ko raw ang palaging Reyna Elena. Ako lang ang may ayaw dahil mas gusto ko lang maglaro noon sa duluhan.

Napatingin ako kay Aling Ester at alanganing ngumiti sa kanya.

"Kuu, mamili ka na rine, Remison," sabi ni Aling Ester. "Marami riyan mga bagong tahi pa."

"Tutulungan kita, be!" sabi naman ni Ate Melai na mukhang excited din.

Nakutuban tuloy ako na ibinalita na ni Mamang sa buong barangay namin na pupunta ako ng prom. Hindi malabo dahil nandito ang isa sa number one tsimosa na si Ate Melai na tumutulong kay Mamang sa paghahanap ng isusuot kong gown.

Halos hindi na nga nila ako napansin kasi pumasok na ako sa kwarto para magpalit ng damit, paglabas ko hindi pa rin sila magkandaugaga sa pagpili ng gown, karamihan do'n ay halos kumikislap at maraming burloloy.

Siguro kaya pala chill lang ako sa darating na prom ay parang nahulaan ko na 'agad na si Mamang na ang mamumrublema ng lahat. Matutupad na rin 'yung isa sa pangarap niya na maayusan ang apo niya na parang manika, hindi nga lang sa Sagala.

Dahil malakas si Mamang kay Aling Ester, sobrang nakamura kami sa arkila, tapos 'yung sapatos naman na susuutin ko ay naihiram din ako sa kapitbahay namin. At 'yung mag-aayos naman sa'kin ng makeup at buhok ay si Ate Melai, siyempre presyong kapitbahay lang din.

Dalawang araw bago sumapit ang prom, half-day lang kami ngayon dahil may convocation lang sa school. Umuwi ako ng maaga at kaagad na pinasukat ni Mamang 'yung susuutin ko, tapos habang suut-suot ko 'yung gown ay pinapraktisan ako ni Ate Melai sa pag-aayos, nag-aaral pa lang kasi siya sa pag-aayos sa mga libreng vocational courses at ako lang naman ang magiging kauna-unahang kliyente niya.

"Tsaran!" bulalas ni Ate Melai matapos akong ayusan. "Oks ba, Aling Eme?"

Napatakip naman ng bibig si Mamang. "Diyosmio, hindi ko nakilala ang apo ko!" tuwang-tuwa si Mamang na napapalakpak pa.

Maging ako nga rin ay hindi ko makilala ang sarili ko sa kapal ng makeup ni Ate Melai, tapos 'yung buhok ko ay kulot na kulot.

Sino nga ulit ako?

Sinubukan kong tumayo at humarap sa malaking salamin na nasa gilid. Sobrang kumikinang 'yung gown ko tapos ang bigat, ang laki kasi ng pagkakaballoon tapos ang daming kolorete. Ang laki rin ng itinangkad ko dahil sa taas ng takong ng sapatos ko.

"Anong kaguluhan ito?" sabay-sabay kaming lumingon sa pintuan at nakita si...

"Auntie Emily!"

"Emiliana!"

Nang makita ako ni Auntie ay halos malaglag ang panga niya sa sahig. Sa tuwa ko naman ay kaagad akong naglakad papalapit sa kanya at dahil first time kong magsuot ng killer heels ay halos gumewang ako. Natapakan ko tuloy 'yung gown ko at napasubsob ako sa sahig.

BLAG!

A-Aray ko po.

"Mingming!" bulalas ni Mamang.

Inalalayan akong tumayo ni Mamang at Ate Melai. Sumalubong sa'kin ang maasim na itsura ni Auntie Emily, nakataas 'yung kilay niya at tila nasusura.

"Anong kababalaghan ito? Remison, mukha kang matrona!"

Si Mamang at Ate Melai naman ang halos malaglag sa sahig ang mga panga sa sinambit ni Auntie Emily.

"Que horror!" bulalas pa ni Auntie, lumapit sa'kin at hinawak-hawakan ang buhok ko at suot kong damit. Umiling-iling si Auntie. "Magbubutas ka ng bangko niyan sa prom n'yo!"

"A-Ano pong magbubutas ng bangko?" tanong ko.

"Walang magsasayaw sa'yo!" sigaw naman ni Auntie. Bakit naman kailangan niya pang sumigaw? "Hindi, hindi, hindi maaari. Isang malaking kahihiyan 'to sa lahi ng Berbena!"

"Emiliana, ang bibig mo!" si Mamang.

"Mother dear, this is unacceptable, so old school, and so baduy, ano bang akala n'yo sa pupuntahan ng apo n'yo? Sagala? Hello, this is prom!" si Auntie. "Leave this to me, aayusin natin ito."

At doon nagsimulang magkaworld war three. Nagtalo si Mamang at Auntie Emily. Narindi na nga si Ate Melai at lumayas na. Pero sa huli walang nagpatalo sa kanila.

Kinabukasan pumunta kami ni Auntie sa mall para bumili ng gown. Pilit na sumama si Mamang, siyempre parang aso't pusa na naman ang dalawa sa pagpili ng susuutin ko. Sabi ni Auntie hindi raw siya papayag na second hand ang mga isusuot ko.

Si Mamang hindi naman na umalma kasi sagot naman ni Auntie lahat ng gastos at saka dito kami sa mamahaling restaurant pinakain ni Auntie ng hapunan.

"At bakit parang kabuti ka namang umuwi, Emiliana?" tanong ni Mamang habang nilalapang 'yung chicken.

"Para namang ayaw n'yo na akong pauuwiin talaga, ano? I deserve a break, ano?" sagot naman ni Auntie.

Tuwang-tuwa ako deep inside kasi napakabihirang mangyari ng ganito, bukod sa kumain sa isang restaurant na tinatanaw ko lang noon, ay 'yung magkakasama kaming tatlo.

"Asus, bakit kasi hindi ka na mag-asawa at nang mapirmi ka," sabi naman ni Mamang. "Hindi ka tumatandang paurong, ano?"

"Aba, ang tabil talaga ng dila ni mother," si Auntie. "Masyado akong maganda para sa mga lalake, ano?"

"Hay nako, Ming," tumingin sa'kin si Mamang, "huwag kang tutulad dito sa Auntie mong choosy, ayan tumandang dalaga na wala pa ring makitang lalaki."

"Ano bang akala n'yo sa pag-aasawa, mother dear, mag-eeny meeny miny moe lang?"

"Sa edad mong 'yan, oo."

Napapailing na lang ako sa kanila. Gustuhin ko mang tumawa kaso baka ako mapag-initan ng sermon kaya tahimik na lang ako na kumakain.

"Kung hindi lang kayo sobrang higpit sa'min noon ni Judy e 'di sana sampu na anak ko," sabi ba naman ni Auntie.

"Aba, salbahe kang bata ka," si Mamang. "Nadawit pa si Judy dito—sumalangit nawa ang kaluluwa ng anak ko."

"Kaya dapat hindi kayo maghigpit kay Remison, kapag 'yan nakahanap ng boyfriend, naku naku—" pinanlakihan ko ng mata si Auntie, may alam nga pala siya!

"Bakit? May boypren ka na ba, Mingming?!" nakasimangot na tanong ni Mamang.

"W-Wala po ah," sagot ko naman.

"Asus!" si Auntie. "Sooner or later makakahanap din 'yan." Talagang ayaw niyang tumigil. Ang lakas ng tama nito!

"Ang sa'kin lang naman kung magboboypren ka, Mingming," nako po mahaba-habang sermon 'ata 'to, "eh dapat 'yung manliligaw ng tama, papupuntahin sa bahay, ipapakilala ng maayos sa akin, at nagpapaalam sa lahat ng bagay."

"At magbibigay ng pera—joke!" si Auntie. Lakas tama talaga.

"Eh... Kelan po ba dapat, Mamang?" pasimple kong tanong.

Napaisip si Mamang. Nagkatinginan kami ni Auntie at muntik nang matawa kasi hindi naman nahalata ni Mamang na may something.

"Siguro pag nasa disiotso anyos ka na."

Eighteen! Kapag eighteen na raw ako!

Si Auntie naman ay pasimpleng kumindat sa'kin, para bang sinasabi na dapat akong magpasalamat sa kanya kasi alam ko na 'yung edad kung kailan ako pwedeng magboypren.

Napilitan kaming magtricyle pauwi dahil sa mga paper bag na dala namin, at saka sinamantala na namin pagiging galante ni Auntie ngayong araw.

At dumating na nga ang araw na pinakahihintay ng lahat. Gabi pa naman 'yung prom kaya noong hapon nang simulant akong ayusan.

Magkatulong si Auntie Emily at Ate Melai sa pag-aayos sa'kin. 'Yung mahaba kong buhok ay binraid nila at itinaas, nilagyan nila ako ng bangs tapos nilagyan ng kaunting buhok na nakalaylay sa magkabila. Maingat akong nilagyan ng makeup ni Ate Melai, hindi gano'n kanipis at hindi gano'n kakapal, sakto lang.

Nang matapos akong ayusan ay halos maluha-luha si Mamang nang makita ako. Ngayong nakaayos 'yung itsura ko ay mas naappreciate ko lalo 'yung dress na binili sa'kin ni Auntie. Kulay pink, sleeveless na off-shoulder, above the knee pero mas mahaba ng kaunti ang likuran kaya mukha tuloy buntot. Sa totoo lang ay mukha akong Barbie na ballerina. 'Yung sapatos ko naman ay kulay silver na may katamtamang taas na takong kaya hindi ako nahihirapang maglakad.

Pinahid ni Mamang ang tumulong luha sa pisngi. "Ay, teka lang, may kulang pa!" dali-dali siyang umalis at kaagad ding bumalik. Sinuot sa'kin ni Mamang ang isang eleganteng kwintas, silver 'yon na may maliit na perlas na palawit, may perlas din na hikaw na katerno.

"Ayan, perfect!" bulalas naman ni Auntie at nakipag-apir pa kay Ate Melai.

Siyempre hindi pwedeng walang picture taking, nilabas ni Mamang 'yung luma naming camera, 'yung Kodak, at kinuhanan ako ng mga letrato. Si Auntie naman ay may camera nag cellphone kaya pinicturan niya rin ako.

Ilang sandali pa'y nakarinig kami ng busina sa labas. Napasulyap ako sa orasan at nakitang mag-aala singko na ng hapon. Six pa naman 'yung start ng prom pero may usapan kasi kami na agahan.

"Andiyan na sila Aiza!" sabi ko naman. Usapan din namin na sabay-sabay kaming pupunta, kaya naman susunduin kami nila Aiza kasi may kotse sila.

Nakakailang nga lang kasi paglabas namin ng bahay ay tila may artistang dadaana dahil 'yung mga kapitbahay namin ay talagang nakikiusyoso. Ang daming papuri kong natanggap kasi hindi raw nila ako nakilala at sobrang ganda ko raw.

"Remi gurl!" sumungaw sa bintana ng kotse sila Burma at Aiza. "OMG! Ang ganda mo, friend!"

"Mamang, Auntie, Ate Melai, thank you po," sabi ko sa kanila.

"Hays, dalaga na ang apo ko," sabi naman ni Mamang.

"Oh, mother dear, sa prom lang 'yan pupunta huwag kang mag-emote diyan," pambabasag naman ni Auntie. "Sige na, Ming, magtext ka na lang sa'kin kapag susunduin ka na," bilin naman ni Auntie. "Enjoy the prom, kids!"

"Thanks po!" sagot naman ng mga friends ko.

Sumakay na ako ng sasakyan at nilingon sila, nakita kong alu-alo na ni Auntie si Mamang na hindi na napigilang maging emosyonal, siguro nga dream come true talaga para kay Mamang na makita akong maayusan.

Ang ingay naming tatlo habang on the way sa school. Hindi ko nga maiwasang malungkot kasi... Sana kasama rin namin si Honey ngayon, kaso wala eh, humiwalay na talaga siya, happy naman kami para sa kanya.

Halos magdidilim na nang makarating kami sa school. At hindi namin makilala 'yung court kasi hindi namin sukat akalaing magiging ma-effort ang pag-aayos ng student council dito! 'Yung mga puno? May mga lights na nakasabit, naging maliwanag ang paligid dahil sa mga pailaw, ang romantic ng atmosphere! 'Yung mga bangko at mesa ay cute at simple 'yung pagkakaayos. Kaagad kaming pumunta sa mga kaklase namin at nakitang halos nandoon na rin silang lahat, kaagad nagsimula ang picture taking dahil may mga dala rin kasi silang camera. Ang saya naman kahit hindi pa nagsisimula!

Ilang sandali pa'y pumatak na ang ala sais at pinaayos na kaming mga junior and seniors sa mga pwesto namin para sa isang programa. Nagsalita ang principal at vice-principal, may mga nagcotillon din tapos ilang intermission.

Hanggang sa natapos ang programa at nagsimula na ang kasiyahan! Siyempre bago ang mismong party ay nagkainan muna ang lahat. In fairness sa buffet dahil halatang may budget para rito. Pagkatapos ng kainan ay tumugtog ang masiglang kanta.

"OMG, ready na ba kayo, girls?" tanong ni Aiza. "This is it!"

"I'm so ready!" si Burma.

Ngumiti lang ako, kasi wala talaga akong idea sa mga mangyayari o kung ano bang dapat gawin.

Mukhang nagkakahiyaan pa 'ata ang mga tao sa dance floor dahil kakaunti pa lang ang sumasayaw, pangparty kasi 'yung tugtog.

Ilang sandali pa'y nagbago bigla ang atmosphere ng paligid nang medyo dumilim ang mga ilaw. Nagbago ang tugtog at bumagal ang tempo nito.

"Take my hand, take a breath
Pull me close and take one step"

Nagkatinginan kaming tatlo, walang nagsalita sa'min pero alam na namin na 'eto na 'yung moment na hinihintay nila. Napatingin kami sa mga katabi naming mesa at nakitang isa-isang nagsisitayuan 'yung mga kaklase namin.

Nakita namin na unti-unti nang napupuno ng mga tao ang dance floor ng mga pares na magkakahawak sa isa't isa habang mabagal na sumasabay sa ritmo ng tugtog.

"Keep your eyes locked on mine
And let the music be your guide"

"Aiza, sayaw tayo?" lumapit si Colt kay Aiza at halos mamatay sa kilig si gaga. Kumaway muna sa'min si Aiza bago sumama kay Colt.

Sunod na lumapit si Veji para yayain naman si Burma na sumayaw. Lumingon muna sa'kin si Burma at tumili na walang boses.

"Yes, Veji!" sabi ni Burma sabay sama kay Veji.

Naiwan akong mag-isa habang nakatingin sa mga couple na nagsasayawan sa gitna. Kitang-kita ko ang malalapad na ngiti nila Aiza at Burma habang kasayaw ang mga partner nila.

First dance?

Hindi ko 'yon pinroblema noon pero ngayon napaisip ako kung sino 'yung magiging first dance ko. Saktong napatingin ako sa kanan, bakante na halos ang mga upuan pero may isang tao ang nakatingin sa'kin ngayon, maging siya ay nag-iisa rin katulad ko.

Ngumiti siya at hindi ko maiwasang mapangiti rin. Akalain mo't parehas kaming walang kasayaw ngayon.

Hindi ko alam kung ilang segundo kaming nagtitigan ni Viggo.

"And with every step together, we just keep on getting better
So can I have this dance? (Can I have this dance?)
Can I have this dance?"

Naramdaman ko na tatayo siya at lalapit... Teka... Seryoso ba siya. Alam kong sa'kin siya lalapit at mabuti na lang ay ilang metro pa ang layo niya sa'kin kaya nakakapag-isip pa 'ko. Si Viggo, mukhang siya ang magiging first dance ko sa prom.

Tatayo na sana ako pero biglang may dumating. 

"Can I have this dance with my bestfriend?" 

Halos tumingala ako sa kanya dahil nakaupo ako. Hindi ko siya nakilala dahil maayos na nakapomada ang buhok niya, malayung-malayo sa tusuk-tusok at magulo niyang itsura.

Tinanggap ko ang kamay ni Poknat. 


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top