DALAGA 3❀
MAGKAHAWAK-KAMAY kami ni Mamang habang nasa harapan kami ng bisita (kapilya), nakikita ko na sa loob na maraming tao.
Amoy bulaklak ang paligid.
Tapos may mga mesa sa labas. Para silang may mga sariling mundo. May mga kumakain, may naglalaro ng sungka, tapos may mga nagkukwentuhan lang.
Naglakad kami ni Mamang papasok sa loob, nasa likuran namin si Papang.
May sumalubong sa'ming ale, lola 'yon ni Detdet. Pagkatapos ay tumingin sa'kin ang ale at hinaplos ang ulo ko.
"Tara, silipin na natin si Detdet," sabi sa'kin ni Mamang at muli kaming naglakad papunta ro'n sa harapan.
May isang parang puting kahon, maraming bulaklak na nakadikit doon at mga kandila. Tapos nakita ko may picture ni Detdet, ngiting-ngiti siya at kita ang bungal niyang ngipin.
Binuhat ako ni Papang tapos dahan-dahan kaming lumapit sa kahon at sumilip.
Nakita ko si Detdet doon, ang ganda-ganda niya lalo pa't nakasuot siya ng puting bestida. Kaso napakunot ako kaya tumingin ako kay Papang.
"Bakit po natutulog si Detdet sa kahon?" tanong ko.
Nagkatinginan si Mamang at Papang. Nagtaka ko kasi namula 'yung mga mata ni Mamang, tapos hinawakan niya 'ko sa ulo.
"Wala na si Detdet, Ming," sabi ni Mamang. "Kukuhanin na siya ni Papa God."
Hindi ko kaagad naintindihan. Naisip ko no'n, napakaswerte naman ni Detdet kasi makikita niya na si Papa God.
Umupo kami pagkatapos. Nakita ko si Miggy kasama ang mama at papa niya pati si Teacher Mika.
"Hi, Mingming," lumapit sa'kin si Teacher Mika.
"Oh, sama ka muna kay Teacher Mika?" tanong ni Papang sa'kin at tumango ako.
Sumama ako kay Teacher Mika, umupo kami sa likuran kasama si Miggy. 'Yung mama at papa niya pati sila mamang at papang ko ay nag-uusap sa harapan.
At siyempre, marami kasing mga naglalarong tanong sa isip ko na gusto kong itanong kay Teacher Mika.
"Teacher Mika, sabi po ni Mamang kukuhanin na raw po ni Papa God si Detdet?" tanong ko. "Saan po pupunta si Detdet?"
Napahinga ng malalim si Teacher Mika, nakakandong ako sa kanya. Tapos si Miggy nasa tabi niya.
"Kukuhanin ni Papa God si Detdet para gawing angel sa heaven," sagot sa'kin ni Teacher Mika.
Wow. Parang nainggit ako bigla. Naisip ko na parang ang saya no'n, malawak siguro ang palaruan sa heaven.
"Ang swerte naman ni Detdet, gusto ko pa rin pong maging angel ni Papa God sa heaven," sabi ko.
Umiling si Teacher Mika. "Masyado ka pang bata, Mingming. Huwag ka munang maging angel."
"Eh," biglang sumabat si Miggy, "bakit si Detdet naging angel siya 'agad?"
"Kasi..." nag-isip saglit si Teacher Mika. "Kasi mabait si Detdet, gusto ni God ang mga mababait na bata."
"Hindi naman mabait si Detdet," nakangusong sabi ni Miggy. "Palagi kaya niya 'kong pinagtatawanan kapag nadadapa ako."
"'Tsaka, Teacher Mika... Kung magiging angel po si Detdet sa heaven, bakit po umiiyak 'yung mama niya?" sabi ko sabay turo sa harapan kung nasaan ang nanay ni Detdet na si Aling Bebe. "'Di ba po, dapat happy sila kasi magiging angel na si Detdet? Bakit sila malungkot?"
Hinaplos ako sa likuran ni Teacher Mika, katulad ni Mamang kanina ay namumula na rin 'yung mga mata niya. Tapos suminghot siya. "Kasi, Ming... Kapag mahal mo 'yung isang tao... malulungkot ka kapag umalis sila."
"Hindi na ba babalik si Detdet, Ate?" tanong ni Miggy.
Tumitig lang si Teacher Mika kay Miggy at umiling.
"Masaya po bas a langit?" tanong ko naman.
Ang dami kong tanong na parang hindi na kayang sagutin ni Teacher Mika.
Tumingin ulit ako sa harapan at nakita ang larawan ni Detdet.
Kung pupunta na siya ng heaven para maging angel ni God... Ibig sabihin iiwan niya na kami?
Hindi na siya babalik?
Wala ng Detdet ang susundo sa'kin para maglaro?
Wala ng Detdet na mag-yayaya ng bahay-bahayan?
'Di nagtagal ay dumalo ulit kami nila Mamang at Papang para sa libing ni Detdet. Ihahatid na raw si Detdet sa 'hantungan', siguro nando'n 'yung pinto papuntang heaven.
Hindi ko nakita si Poknat.
Isang hapon pagkatapos ng libing natanaw ko si Poknat sa na nakaupo sa sanga ng puno ng bayabas.
Lumabas ako para puntahan siya. Para sabihin sa kanya ang magandang balita.
"Poknat!" tawag ko sa kanya. "Alam mo ba kung nasa'n si Detdet?" tanong ko sa kanya.
Hindi niya 'ko tiningnan. "Wala na si Detdet. Patay na."
"Sabi nila papunta na si Detdet sa heaven para maging angel ni Papa God. Huwag ka nang malungkot!" sigaw ko.
Walang anu-ano'y biglang tumalon pababa si Poknat.
Nasa harapan ko na siya at magkasalubong 'yung dalawa niyang kilay.
"Wala na nga si Detdet! 'Di mo ba gets 'yon?! Hindi na natin siya makikita habambuhay! Patay na siya! Ibig sabihin no'n wala na siya! Wala na siya! Wala na siya!"
Kumurot 'yung dibdib ko nang sigawan ako ni Poknat.
Bumuhos 'yung mga luha sa mata ko at tumigil siya nang makita akong ngumawa.
"Wala na si Detdet? Uwaaa!" kinusot ko 'yung mga mata ko pero ayaw huminto ng luha. "Detdet! Bakit ka sumama 'agad kay Papa God?!"
"Tahan na, Mingming," niyakap ako ni Poknat. "Nandito pa naman kami ni Miggy. Maglalaro pa rin tayo ng bahay-bahayan tapos kunwari anak pa rin natin si Detdet."
Tumahan ako nang sabihin niya 'yon.
Noong gabing 'yon bago ako matulog may bago akong dasal kay Papa God.
Kinakamusta ko kung kasama na niya si Detdet sa heaven, tinanong ko kung mas malaki ba sa Duluhan 'yung palaruan doon, tsaka kung makulit ba si Detdet. Kasi ang alam ko, bawal ang makulit sa heaven.
Kahit hindi sumasagot si Papa God sa mga dasal ko.
Okay lang.
Kaso... Paggising ko kinabukasan.
Wala ng Detdet ang sumundo sa'kin.
Mukhang mas masaya na nga si Detdet sa heaven. Siguro mas marami siyang kalaro ro'n.
Abala si Mamang sa paghihiwa ng gulay, kanina pa siya tingin nang tingin sa'kin.
"Ming?" tawag ni Mamang. "Malapit ka na mag-school, excited ka na ba?"
"School? Pwede na po ako mag-aral?"
"Oo, Ming," nakangiting sabi ni Mamang. "I-eenroll ka namin sa school ni Miggy na private school, gusto mo ba 'yon?"
"Makakasama ko po si Miggy?"
"Pagkatapos nitong bakasyon, Hunyo na, pasukan na, tapos bibili na tayong gamit mo tsaka uniform," bigla tuloy akong nasabik nang sabihin 'yon ni Mamang.
Kaso napatingin ako ulit sa bintana.
"Mamang? May school din kaya sa heaven? Mag-aaral din kaya si Detdet do'n?"
Tumingin lang sa'kin si Mamang at hindi sumagot.
"Mingming!" nagulat kami nang biglang lumitaw si Poknat sa may bintana.
"Diyosmio naman, Poknat!" bulalas ni Mamang. "Nakakagulat ka! Ano bang ginagawa mo rito, ha, bata ka?"
"Aling Eme, simula ngayon, ako na susundo kay Mingming!" sigaw ni Poknat kay Mamang. "Maglalaro po kami!"
"Ay naku, Poknat, ilang taon ka na ulit? 'Di ba kakalimang taong gulang mo na rin no'ng nakaraan? Bakit 'di ka pa pumapasok sa eskwelahan?" panenermon ni Mamang kay Poknat.
"Ewan ko po sa nanay ko. Tanong niyo po sa kanya," sabi ni Poknat.
"Ay! Hampasin kaya kita riyan, matabil ka masyado, ha," inis na sabi ni Mamang.
"Mamang, laro na kami ni Poknat," paalam ko at wala nang nagawa si Mamang.
"Sige lang, Mingming! Kapag pasukan na hindi na kita papayagan maglaro palagi!" pahabol na sigaw ni Mamang at tumakbo kami ni Poknat papuntang Duluhan.
Kahit na tatlo na lang kaming naglalaro ay katulad nang sinabi ni Poknat ay isipin na lang namin na kunwari kasama pa rin namin si Detdet.
Kapag gusto kong maglaro ng Pamela, pinagbibigyan ako ni Poknat kasi sabi ko 'yon 'yung isa sa paborito ni Detdet.
Tapos dumating 'yung malapit na 'ko pumasok sa eskwela.
Mas excited pa 'ata si Mamang sa'kin.
Magkasama kami sa palengke nang ibili niya 'ko ng mga gamit.
Dalawang Jumbo lapis na kulay itim. Isang pambura na Strawberry, ang bango no'n. Kwaderno. Pad paper. Krayola na walong piraso. Kwadradong pantasa na kulay berde.
Binili ako ng bagong sapatos ni Mamang, tsaka bag, at uniform na pula.
Handa na raw ako sa Day Care.
Unang araw ng klase, kumanta kami ng marami tapos tinuturuan kaming magbasa at magsulat. Naalala ko 'yung mga tinuro sa'kin ni Teacher Mika kaya binigyan ako ng Star dahil 'Very Good' daw ako.
Nasa labas si Mamang, nanunuod. Tuwang-tuwa.
Noong uwian, sa tuwa ni Mamang, dahil daw may star ako ngayon, bumili siya ng ice cream.
Kinabukasan pumasok ulit ako sa eskwela tapos paulit-ulit ulit.
Hanggang sa...
Gusto ko na 'agad umuwi.
Para makalaro ko na sila Poknat at Miggy.
Kaso pag-uwi, hindi ako pinapayagan na ni Mamang dahil kailangan ko na raw mag-aral mabuti, tuwing Sabado at Linggo na lang daw ako pwede lumabas.
Pero sabi ko kay Mamang, kahit hindi na siya bumili ng ice cream kapag nagkakastar ako, payagan niya lang ako maglaro sa labas.
Pumayag naman si Mamang, lab ako no'n eh.
Kaso si Poknat ang lagi kong nakakalaro kasi laging nag-aaral si Miggy, may tutor na kasi siya kaya hindi na namin maitakas.
Mas madalas tuloy na kaming dalawa lang ni Poknat ang maglaro sa Duluhan.
"Namimiss ko na si Detdet at Miggy," sabi ko minsang naka-upo kami parehas sa may batuhan malapit sa sapa.
"Bakit? Nandito naman ako, ah," sabi ni Poknat sabay haggis ng maliit na bato sa sapa. Tumalun-talon 'yung bato hanggang sa dulo.
Biglang bumuhos ang ulan.
Imbis na umuwi ay nagtakbuhan kami ni Poknat.
Tuwang-tuwa kami parehas kasi ngayon lang namin naranasan na maligo at magtampisaw sa ulan.
Sayang, kung sana na nandito si Detdet at Miggy. Pero okay lang, nandiyan naman si Poknat.
Natapos ang eskwela, kasama ako sa top kaya tuwang-tuwa si Mamang.
First time niyang umakyat daw ng entablado para lagyan ako ng ribbon.
Siyempre si Papang din, palagi akong pinagmamalaki sa mga kapitbahay namin dahil ang talino ko raw na bata at palaging very good.
Lumipas ulit ang isang taon at nagkaroon ulit ako ng award.
Si Miggy ang first honor. Sabay kaming grumaduate kaso hindi kami magkaklase.
Tapos noong graduation may sasabihin kami sa entablado...
"When I grow up I want to be..."
Ano raw 'yung gusto naming maging paglaki.
Ang sa'kin?
"When I grow up I want to be a doctor!"
Pumalakpak ang mga tao nang sabihin ko 'yon.
Sabi kasi ni Mamang magdoktor raw ako para gagamutin ko sila ni Papang at para raw tumulong ako sa mga mahihirap.
Bakasyon ulit. Sa susunod na pasukan daw ay grade one na kami ni Miggy.
Nakakapaglaro na ulit kami ng kasama si Miggy, siyempre masaya kami ni Poknat.
"Ikaw, Poknat, bakit hindi ka pumapasok sa school?" tanong ni Miggy.
Kumakain kami ng ice cream sa tapat ng tindahan ni Aling Neneng na libre ni Teacher Mika.
"Hmm... nakakatamad. Mas gusto ko pa maglaro," boses pa lang ni Poknat ay inaantok na siya.
"Pa'no 'yan? Ano ba gusto mo maging paglaki?" tanong ko.
"Hmmm..." napa-isip si Poknat. "Siguro... gusto ko maging masaya."
Tumawa si Miggy. "Eh, wala naman no'n. 'Yung gusto mong maging... Kunwari ako gusto ko maging sundalo."
"Weh, ikaw? Magiging sundalo eh ang lampa lampa mo nga," pang-aasar ni Poknat.
"Hindi ako lampa!" sigaw ni Miggy.
"Lampa ka kaya! Sus! Kunwari matapang! Marunong naman kumendeng ," pang-aasar ni Poknat.
"Hindi nga ako lampa!" tinulak ni Miggy si Poknat.
Tinulak pabalik ni Poknat si Miggy at natumba ito, 'yung ice cream natapon tuloy sa damit ni Miggy.
"Miggy!" sigaw ko. "Ano ka ba Poknat ang salbahe mo naman!"
Umiyak si Miggy tapos tumakbo siya pabalik sa mansion nila.
Sana pala noong mga panahong 'yon eh sinabi ko kay Poknat na huwag niyang asarin si Miggy.
Kasi kinabukasan nalaman na lang namin na aalis na raw sila Miggy.
Lilipat na silang bahay sa Amerika sa susunod na linggo.
"Sorry, Miggy," humingi ng sorry si Poknat kay Miggy nang maglaro kami isang araw. "Kaya ba kayo aalis kasi inaway kita?"
"Hindi, gusto na nila papa umalis," sagot ni Miggy. "Ako, hindi ako aalis! Dito lang ako!"
Hanggang sa dumating 'yung araw ng pag-alis nila.
Pinuntahan ako ni Teacher Mika sa bahay para magpaalam, niyakap niya 'ko.
"Magpapakabait ka palagi, Mingming, ha." Bilin ni Teacher Mika. "Niyayaya ko si Miggy dito kaso nagkukulong sa kwarto eh."
Nang umalis si Teacher Mika ay biglang dumating si Poknat.
"Mingming! Andiyan na 'yung sasakyan nila!" sigaw ni Poknat sa'kin kaya sumunod ako sa kanya.
Tumakbo kami palabas at nakita namin si Miggy na bitbit ng papa niya habang nagwawala.
"Ayoko umalis, papa! Dito lang ako!" umiiyak na sigaw ni Miggy.
"Miggy!" sigaw namin pero naisakay na si Miggy sa sasakyan.
Umandar 'yung sasakyan palayo at tumakbo kami ni Poknat para sundan 'yon.
"Miggy!" sigaw namin.
Sumungaw sa bintana si Miggy at tumanaw sa'min.
"Mingming! Poknat!" umiiyak na sigaw ni Miggy. "Huwag n'yo ko kakalimutan!"
Huminto na kami ni Poknat dahil mabilis na 'yung takbo ng sasakyan... Nakatanaw lang kami sa sasakyan ni Miggy hanggang sa maglaho siya sa paningin namin.
Si Detdet...
Tapos ngayon si Miggy.
Pakiramdam ko nadaya ako sa habulan.
Sana hindi na lang sila umalis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top