DALAGA 21❀


"BAKIT naman sa dinami-rami ng pwedeng ipangalan sa anak ni Judy ay talagang pinagsamang pangalan n'yo pa ni tatay? Remison? Seryoso? Hindi na kayo naawa sa bata."

Napangiwi ako nang marinig kong sinabi 'yon ni Auntie Emily kay Mamang. Wala silang kamalay-malay na pinakikinggan ko 'yung pag-uusap nila mula rito sa kwarto ko.

"Hay nako, Emiliana, huwag mong ibahin ang usapan! Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko! Anong masamang hangin ang nagpabalik dito sa pamamahay ko?" kakaiba ang galit sa tono ni Mamang, hindi ko pa nakita 'yong gano'ng itsura niya—parang maiiyak na galit na ewan.

Hindi ko na kasi mapigilan 'yung sarili ko na sumilip sa maliit na singaw ng pinto. Nakikita ko sila sa sala, prenteng nakaupo si Auntie Emily sa upuan habang si Mamang ay nakatayo at nakapamewang.

"Mother dear, kahit baligtarin mo pa rin ang mundo, ikaw pa rin ang nanay mo at ako ang anak mo kaya walang masama na umuwi ako—

"Huwag mo akong banatan ng mga pangtelenobelang salitaan, Emiliana!"

"Emily, mother, it's Emily. Nakakashonda ang Emiliana. Gad, nai-stress ang bangs ko sa'yo kahit wala akong bangs," sagot sa kanya ni Auntie na napahilot sa sentido.

Pinagmasdan ko nang maigi si Auntie Emily. Ang kapal ng makeup niya, iyon talaga ang una kong napansin. 'Yung eye shadow niya kasi kulay itim at gray, ang kapal din ng kilay niya. Maalun-alon na parang kinulot 'yung buhok niyang kulay blonde na unti-unting kumukupas. At base naman sa pananamit niya... simple lang naman pero mukha siyang rakistang fashionista.

Ang hirap i-explain ng pakiramdam ko sa kanya, parang ewan na hindi maganda. Kanina nga halos tumingala ako sa tangkad niya. Nakakatakot, iyon 'yung 'agad kong naisip.

Biglang tumingin sa direksyon ko si Auntie Emily at nahuli niya akong nakatingin sa kanya kaya napalakas tuloy 'yung bagsak ko sa pinto.

Pagkatapos no'n ay hindi ko na narinig 'yung malakas nilang boses. At dahil nilalamon pa rin ako ng kuryosidad ay muli kong binuksan nang maingat 'yung pinto para sumilip.

Wala na sila sa sala. Mukhang ayaw na nilang iparinig sa'kin 'yung usapan nila.

Hanggang sa sumapit ang ala sais ng gabi ay nasa loob lang ako ng kwarto. Winawari ang bagay na...

Bakit hindi man lang sinabi sa akin nila Mamang at Papang na mayroon akong auntie? Na may kapatid ang nanay ko? Bakit parang galit pa si Mamang kay Auntie Emily? Bakit naman umuwi si Auntie Emily?

Sumulyap ako sa journal na bigay ni Mr. E kung saan nakaipit 'yung picture... Idagdag pa ang tanong na 'yon...

Bigla akong nabuhayan ng loob, pakiramdam ko malalaman ko na ang totoo dahil sa pagdating ni Auntie Emily. Pakiramdam ko isa 'yong sign!

Kaso...

"Ming?" narinig ko ang boses ni Mamang sa labas at pagkatok nito ng tatlong beses. "Kakain na tayo, tulungan mo akong maghain." Kalmado na 'yung boses ni Mamang.

Kaagad akong lumabas at sumunod kay Mamang sa kusina.

Hindi ko na namang mapigilang tumitig kay Auntie Emily nang madaanan namin siya sa sala, abala siya sa pagse-cellphone, nakapagpalit na siya ng pambahay ngayon pero hindi pa rin natatanggal 'yung makeup niya.

Habang tinutulungan kong maghain si Mamang ay nakikiramdam ako sa kanya. Hinihintay ko siyang magsalita o magpaliwanag pero wala...

Tahimik lang si Mamang.

"Mamang..." mahinang tawag ko sa kanya. "Uhm... 'Yung babae po—este si Auntie Emily..." ang weird sa pakiramdam na banggitin 'yon. "Siya po ba ang makakasama ko habang wala kayo?"

Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Mamang, mukhang stressed na stressed siya nang humarap sa'kin matapos magsandok ng kanin.

"Kakain na?" biglang pumasok sa kusina si Auntie Emily sabay upo at nagsimulang kumain.

Si Mamang halatang nagtitimpi at piniling huwag na lang kumibo.

Sobrang tahimik habang kumakain kaming tatlo. Pasimple ko silang tinitingnan pero parehas silang hindi umiimik. Magkasalubong pa rin ang kilay ni Mamang at si Auntie naman ay dedmang kumakain, ni hindi man lang ako tinapunan ng tingin.

Pagkatapos kumain ay lumayas si Auntie sabay balik sa sala, binuksan 'yung TV.

"Tingnan mo 'tong babaeng 'to parang kumain sa restawran," inis na bulong ni Mamang.

"Ming, naalala mo pa ba lahat ng binilin ko sa'yo?" tanong bigla ni Mamang sa'kin at sunud-sunod akong tumango, pinalangin kong hindi na niya uulitin 'yon dahil araw-araw na niya 'yong sinasabi sa'kin. "Maaga ang lipad ko bukas, madaling araw pa lang nagpasundo na ako ng taxi rito papuntang airport."

"Mamang, hanggang kailan po si Auntie rito?" tanong ko.

Napahinga na naman si Mamang. "Pag-uwi ko."

"Kailan po ba kayo uuwi?"

Ilang sandali bago sumagot si Mamang. "Hindi ko alam, Ming. Kailangan kasi ng katuwang sa pag-aalaga sa Lola Gets mo, busy mga anak no'n eh, naaawa akong walang nagbabantay sa kanya sa ospital."

Hindi na ako nakasagot at tinulungan ko na lang si Mamang na magligpit.

Kinabukasan, maaga akong nagising. Nakita ko si Auntie Emily na mahimbing na natutulog sa sofa.

Hindi na talaga ako ginising ni Mamang para magpaalam, kanina pa siya nakaalis. Ang tahimik ng buong bahay at hindi ako sanay nang hindi nagigising sa ingay ng boses ni Mamang.

Pumunta ako sa kusina para uminom ng tubig. Muntik ko nang mabuga 'yung tubig nang makita ko si Auntie Emily an pupungas-pungas saka naghikab.

"Nagugutom na 'ko, magluto ka ng almusal," sabi niya sabay layas.

Naiwan akong nakatulala.

Ano raw?

Tama ba 'yung narinig ko?

Kakamut-kamot akong naglibot sa kusina. Binuksan ko 'yung ref at nakita ang dalawang piraso ng itlog.

Kahit hindi sigurado ay kumilos ako para magluto nang biglang umalingawngaw 'yung boses ni Mamang—'yung unang-una niyang bilin!

"Huwag na huwag kang magluluto! Mahirap na at baka masunog pa ang bahay natin, naku, Mingming! Bumili ka na lang ng lutong ulam sa kapitbahay. Alam mo 'yung nakatagong pera sa kusina at huwag na huwag kang mangungutang!"

"Shet... Bawal nga pala ako magluto," bulong ko sa sarili ko.

Napatakip ako ng bibig dahil napamura ako.

Buti na lang wala si Mamang. Unti-unti na 'kong nahahawa kila Aiza ng pagmumura, pero 'yung mga simpleng mura lang katulad ng 'Shet'. Ayan inulit ko na naman. Sorry, Papa God.

Kaagad kong hinanap 'yung pinaglalagyan ng pera ni Mamang dito sa kusina, sa loob ng cabinet ay may garapon ng mga barya at perang papel na iniipon ni Mamang. Dumukot ako ro'n.

Bibili na lang ako ng pandesal sa kapitbahay.

"Saan ka pupunta?" natigilan ako nang bigla akong sitahin ni Auntie.

"Ahm... Bibili po ng pagkain..." nahihiya kong sagot.

"May itlog pa sa ref, gusto ko ng sinangag, tuyo, at saka itlog," walakng pakundangang sabi niya sa'kin sabay hikab ulit.

"Ano po, Auntie—"

"Ha? Hindi ka marunong magluto? Ang laki-laki mo na hindi ka pa marunong magluto ng itlog?" biglang sumungit 'yung tono nito.

"M-Marunong po ako—"

"Oh, siya bumalik ka ro'n."

Pagbalik ko ng kusina ay napanganga na lang ako. Grabe naman makautos 'yon, ano ba akala niya sa'kin? Marunong naman ako magluto kaso si Mamang lang talaga ang may ayaw kasi nga—hays! Sorry, Mamang!

Nagluto ako at sa kabutihang palad hindi ko naman nasunog 'yung bahay namin. Dahil nakakahiya naman kay Auntie ay pinaghain ko na rin siya.

Nang maamoy niya 'yung pagkain ay pumunta na siya sa kusina.

"Ano 'to? Pagkain ba 'to?" nakasimangot na sabi ni Auntie pagkaupo.

"Ah... Ano po..."

Sumulyap si Auntie sa lababo at nakakita ro'n 'yung mga kalat ko.

"Bakit hindi mo 'yon ligpitin?" nakakunot niyang sabi.

"Po?"

"Hindi ka naman siguro bingi, hija?" saracastic niyang sabi at wala akong ibang nagawa kundi sumunod sa inutos niya.

Habang niligpit ko 'yung mga nakakalat sa lababo ay naririnig ko siyang nagrereklamo habang kumakain. Kesyo ang alat-alat daw ng itlog, tapos 'yung sinangag ko walang lasa.

Wow naman, Auntie, nakikikain ka na nga lang eh. Gusto ko sana sabihin kaso...

Hays, takot ka sa kanya, Mingming?!

Pagkatapos kong maglinis ay tapos na rin siyang kumain. Ni hindi man lang ako tinirhan!

"Grabe, ang tindi..." bulong ko sa sarili ko habang naiiling.

Pagkatapos no'n ay nagkulong ako sa kwarto ko at siya naman ay nakababad lang sa TV habang prenteng nakaupo.

Nang sumapit ang tanghalian nakarinig ako ng sunud-sunod na mga katok. Kaagad ko 'yong binuksan at nakita si Auntie.

"Hindi ka pa ba magluluto ng tanghalian?" nakakunot niyang sabi.

"Ang bilin po ni Mamang bumili ako ng ulam sa kapitbahay—"

Biglang humalukipkip si Auntie at saka sinabing, "Ah, talagang ganyan ka pinalaki ng lola mo?" parang hindi ko nagustuhan 'yong sinabi niya. "Bueno, bukas na bukas mamalengke ka, bibigyan kita ng listahan. Oh siya, bumili ka ng ulam—ni hindi ka man lang din nagsaing?" iiling-iling niya 'kong iniwanan.

Hindi na 'ko natutuwa sa bruhang 'to.

Oo, bruha siya. Isa siyang evil aunt na dumating sa nananahimik kong buhay.

"Mingming? Mingming?!" narinig ko 'yung boses ng kapitbahay namin sa labas—si Ate Melai! Papasok pa lang siya sa pinto nang humarang si Auntie sa kanya.

"At sino ka?" mataray na tanong sa kanya ni Auntie.

"Hindi po siya sinuka Auntie, si Ate Melai po siya, ang magbabantay sa'kin," kaagad kong singit.

Minasamaan ako ng tingin ni Auntie nang sabihin ko 'yon. At least nakabawi man lang ako sa kanya.

"Oo, hehe, ngayon lang kita nakita rito, bagong kasambahay ka ba nila Aling Eme?" nakangiting at mala-tsismosang tanong ni Ate Melai kay Auntie.

Kitang-kita ko kung paano umarko ang kilay ni Auntie, animo'y naging dragon na bubuga ng apoy.

"Excuse me? Kasambahay? Mukha ba akong katulong sa ganda kong 'to?" sabi ni Auntie. "Ako ang kasama ni Remison dito kaya hindi ka na kailangan, kaya tsupi!" pinagsaraduhan ba naman niya ng pinto si Ate Melai.

Siyempre, dahil isa sa dakilang tsismosa si Ate Melai ay kumalat sa lugar namin ang tsismis tungkol sa estrangherong babae na kasama ko rito sa loob ng bahay.

Guniguni ko lang ba na may mga kapitbahay kaming dumadaan talaga sa bahay para sumilip.

At siyempre natuklasan din ng mga tsismosa naming kapitbahay mula sa mga matatandang kapitbahay namin na nakakakilala kay Auntie (karamihan kasi sa mga kapitbahay namin ay nangungupahan kaya papalit-palit).

Gulat na gulat ang ilan naming kapitbahay na may isa pa palang anak si Mamang.

Nang sumunod na araw ay seryoso talagang pinamalengke ako ni Auntie. Binigyan niya ako ng listahan ng mga bibilhin at para akong pusang ketket na naligaw sa palengke!

Mabuti na lang ay mababait sa'kin ang mga tinderang suki ni Mamang at matiwasay ko namang nagawa ang 'misyon' ko para sa bruha kong auntie.

Pinagluto niya ako ng tanghalian, kahit na hindi ko naman alam kung paano magluto ay pinilit kong iluto ang adobo. Sa panonood ko kasi kay Mamang ay medyo nakakabisado ko 'yung ginagawa niya.

At as usual, ang daming reklamo ng bruha.

Hindi lang do'n nagtapos ang 'child abuse' ni evil auntie sa'kin. Pinaglinis niya ako ng buong bahay! Ultimo CR pinalinis niya! Tapos pinaglaba niya rin ako noong hapon!

Mangiyak-ngiyak ako kasi karamihan sa mga pinapagawa niya sa'kin ay hindi ko ginagawa dahil... dahil si Mamang ang palaging gumagawa no'n.

Noong sumapit ang gabi'y ako pa rin ang nagluto. Kabadong-kabado ako sa tuwing magbubukas ng kalan.

"Kalan ang bubuksan mo, hindi bomba," ang sabi sa'kin nang subukan kong magpatulong sa kanya.

Sa loob ng dalawang araw ay tila naging impyerno ang buhay ko kasama ang evil auntie na 'to. Nakakainis dahil ang dami kong tanong pero mas nangingibabaw 'yung takot ko sa kanya.

Maaga akong matutulog dahil Lunes na naman kinabukasan. Kaso bigla akong nagising nang marinig ko ang malakas na tunog ng videoke sa sala.

Sumilip ako ro'n at nakita ko si Auntie na kumakanta.

"Fame! I'm gonna live forever! People will see me and cry, fame! I'm gonna make it to heaven! Light up the sky like a flame, fame!"

Juskolord.

Nanlaki 'yung mga mata ko nang makita ko ang mga bote ng alak sa lamesita.

Kakaiba talaga topak nitong ni Auntie.

Hindi ako nakatulog magdamag dahil sa pagvivideoke ni Auntie. Muntik-muntikan na akong magising ng sobrang late. Hindi na ako makakapag-agahan.

Ayun nga lang ay tumambad ang sangkatutak na kalat sa sala, mga basyo ng bote, mga balat ng tsitsirya.

Walang paalam na umalis ako ng bahay. Tulog pa rin kasi si Auntie at ayoko namang gisingin siya.

Sana umuwi na si Mamang. Miss na miss ko na siya kahit na nag-away kami dahil sa paghahanap kung sino ang tatay ko.

"Ahhh!!!! Remisooooon!" tili nang tili si Aiza nang makita ako.

"Bakit?" matamlay kong tanong.

"Congrats, girl!" bati ni Burma at Honey.

"Bakit, anong meron?"

"Isa ka sa napiling magiging actor sa next play! Nakakainggit! Sa props kami naka-assign!" sabi ni Aiza.

"Ah, okay," sagot ko. Bigla ba naman akong binatukan ni Aiza. "Aray ko!"

"Anong ah okay?!" bulyaw niya sa'kin. "Hello! Hindi mo ba narealize na magkakarole ka! Magtatanghal ka sa harap ng maraming tao!"

Nang sabihin niya 'yon ay unti-unting na-digest ng utak ko kung anong sinabi niya.

"Ha?! Hala?!" sunud-sunod akong umiling. "Pwedeng iba na lang? Ayokong magperform!"

"Girl, sayang opportunitiy! At saka masaya 'yon kasi balita namin ay musical daw 'yung play," sabi ni Burma at mas lalo akong ninerbiyos nang sabihin niya 'yon.

Musical? Ibig sabihin hindi lang pag-arte kundi may kasamang sayaw at kanta?

Natulala na lang ako at hindi umimik na kaagad napansin ng mga kasama ko.

"Anong problema, friend?" tanong ni Burma. "Boylet problem?"

Hindi ko napigilang matawa. Kahit kailan talaga 'tong si Burma ay mukhang love life. Umiling ako.

Nakita kong naghihintay sila sa sasabihin ko at naalala ko 'yung palaging sinasabi ni Aiza na kapag may problema ako ay huwag akong mahihiyang magkwento sa kanila.

Sa huli, kinuwento ko sa kanila 'yung nangyari sa bahay, 'yung pang-aabuso sa'kin ni evil auntie.

"Grabe naman 'yang auntie mo, lagyan mo ng asin 'yung kape niya sa susunod!" suhestiyon ni Aiza matapos kong magkwento.

Oo nga no? Ma-try nga 'yon minsan.

"Tapos 'yung toothbrush niya i-kuskos mo sa inidoro!" banat ni Burma at natawa kaming lahat sabay... "Eeeew!"

"Pero bakit hindi mo itanong sa auntie mo 'yung tungkol sa papa mo? Malay mo may alam siya, 'di ba?" sabi ni Honey. Hays, mabuti na lang at siya lang 'yung may matino palagi na sinasabi.

"Hays, naisip ko na 'yon kaso hindi ako mahanap ng bwelo kasi parang dragon 'yung si auntie eh," sabi ko.

Noong hapong 'yon ay nagkaroon ng general meeting ang Drama Club bilang preparasyon para sa magiging unang play sa taong ito.

Mukhang palaging late akong makakauwi nito dahil may practice kami tuwing uwian.

Nalaman ko na si Chantal 'yung isa pang pumasa sa audition na makakasamang magperform ng senior members. Sanay na ako sa masasamang titig niya.

Hindi nakatakas sa paningin ko si Poknat. Nandito rin siya sa loob ng auditorium at kasama siya sa meeting.

"Makakasama nating magrehearse dito sa auditorium ang Music Club," sabi ni Presy (president) sa'min sabay turo sa direksyon nila Poknat.

Ah, so Music Club pala sila.

Natapos ang meeting at naibigay na sa amin ang mga script, kailangan na raw simulang kabisaduhin 'yung mga linya namin.

Medyo okay lang din pala kasi minor character lang naman 'yung gagampanan ko at kakaunti lang ang exposure. Siyempre, mga senior members dapat ang maging bida.

At ang play namin? Snow White modern version na musical. Weird. Ang layo sa piyesa na pinaarte sa'min noong audition.

"Bye, guys," paalam ko sa kila Aiza na nagbabalak na namang tumambay sa Computer Shop.

Ayoko munang sumama sa kanila dahil baka may makita ako ro'n.

Oo na, si Viggo ang iniiwasan ko.

Madalas na ulit kasi siyang pumasok sa mga klase at ayon... Hindi naman na kami nag-uusap.

Pero sa totoo lang nagkausap kami ni Azami. Nagulat ako noong isang araw nagtext siya, sa una nangamusta siya pero napunta 'yung topic namin kay Viggo. Tumawag siya no'n para lang sabihin...

"May favor sana ako sa'yo, kambal."

"Ano 'yon?"

"Ahm... Alam kong weird 'to kambal, pero... can you look out for Viggo? Nag-aalala lang ako for him, alam kong close friends din kayo kaya sana bantayan mo siyang maigi para sa'kin, Kambal."

Noong una hindi ko na-gets kung ano 'yung ibig sabihin no'n ni Azami. Pero nang sabihin ko 'yon kila Aiza...

"Tungaws! Gusto niyang ikaw ang magbantay sa jowa niya! Lahat ng kilos ni Viggo irereport mo sa kanya!"

"Tumpak!" sinundan 'yon ni Burma. "Grabe naman 'yang bespren mo, ginawa ka pang bodyguard?! Kailangan nakasurveillance talaga jowa niya? Sus, kunwari lang 'yang nag-aalala kuno. Neknek niya! Magtransfer siya rito sa Tanso para bantayan 'yang Viggo niya!"

"Sis, ang puso mo, atakihin ka," pampapakalma ni Aiza kay Burma. "G na G ka teh?"'

"Eh kasi naman, ship ko si Remsky at Viggo, huhuhu!" napailing na lang ako nang sabihin 'yon ni Burma.

"Sigurado ka ba talagang best friend mo 'yang si Azami?" tanong bigla noon ni Honey na hindi ko nasagot.

Siguro ayoko na lang din isipin. Na mas importante na si Viggo kay Azami kaysa sa friendship namin.

Parang kailan lang noong naging magkaibigan kami ni Azami. Pero at least hindi tulad noon na loner siya, masaya siya ngayon. Kahit wala ako.

Okay na 'yun.

Heto na naman ako naglalakad papunta sa sakayan ng jeep.

Parang déjà vu (iyon 'yung tawag sa karanasan na parang nangyari na noon) dahil makakasalubong ko na naman siya.

Si Poknat.

Kasama niya 'yung barkada niya at masaya silang nag-uusap-usap.

Nang lagpasan nila ako ay may kung anong tumulak sa'kin para lumingon.

"Poknat!" buong lakas kong tawag.

Akala ko hindi siya lilingon pero dahan-dahan siyang lumingon sa'kin. Bakit, Mingming ko? Hinihintay kong sabihin niya pero... Nagpaalam siya sa mga kaibigan niya.

Akala ko rin hindi siya lalapit...

Pero siya ang unang humakbang.

"Poknat—"

"Ezequiel," iyon ang sabi niya. "O kaya Kiel. Iyon ang itawag mo sa'kin."

"H-Huh?"

"Wala na si Poknat, Remison."

Hinihintay kong sabihin niya na... joke lang!

Pero hindi eh. Seryoso siya.

"S-Sige, Kiel," sagot ko.

Bahagya siyang ngumiti. "Bakit mo 'ko tinawag?"

"Ah... Eh... Gusto ko lang malaman kung galit ka ba sa'kin?"

Umiling siya. "Hindi ako galit."

Naalala ko na ako nga pala ang may kagustuhan nito.

"Sige, babye," paalam ko sabay alis.

Mabilis akong naglakad pero lumingon ulit ako.

Pero nakita ko siyang nakapamulsa at diretsong naglalakad.

Siguro nga kahit pati si Poknat ay magbabago, tao lang din naman siya eh.

Pag-uwi ko sa bahay ay tumambad sa'kin ang delubyo.

Namatay na naman si ako sa maling akala. Ang akala ko magkakakusa man lang si Auntie na maglinis pero... Kung ano 'yung kalat na nakita ko kanina ay nandito pa rin, mas dumoble pa!

Saktong nakita ako ni Auntie na galing kusina.

"Umuwi ka na pala, magligpit ka na ng bahay, ang kalat," utos niya.

Nanatili akong nakatayo at nakatitig kay Auntie.

"Oh? Tinitingin-tingin mo?"

Huli na para mapagtanto na umiiyak...na naman ako.

"Bakit ang salbahe mo, Auntie?" mahinang tanong ko sa kanya. Sa totoo lang... nang malaman ko na may auntie ako ay natuwa ako... Kasi kahit papaano gumaan 'yung pakiramdam ko na hindi lang si Mamang ang kasama ko—na hindi ako mag-iisa sa oras na iwanan ako ni Mamang.

"Hah?"

"Sana... Sana hindi ka na lang umuwi."

Wala nang sinabi si Auntie nang sabihin ko 'yon. Kahit hindi pa 'ko nakakapagpalit ng damit ay naglinis ako ng bahay.

"Magluto ka na rin," utos ni Auntie pagkatapos.

Sumunod na lang ako kahit namamanhid na 'yung pakiramdam ko.

Noong oras na nang pagtulog nagbi-videoke na naman si Auntie at umiinom. Pinilit kong matulog pero nakarinig ako bigla ng basag ng bote.

Napabangon ako para lumabas at tingnan kung anong nangyari.

Nabasag 'yung isang bote at baso sa sahig.

"A-Auntie?" Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at sa unang pagkakataon ay hinawakan ko siya sa balikat.

Nakasubsob kasi 'yung mukha niya sa lamesita. Tubigan ang mga mata, at kulay itim ang luha niya dahil sa nalusaw na makeup, iyon ang itsura niya nang mag-angat siya ng tingin.

"Judy?" tawag niya sa'kin.

Bigla niya akong niyakap at naamoy ko ang alak sa kanyang damit.

"Judy... Nandito na si Ate..." sabi niya, wala sa sarili. "Judy...Nandito na si Ate."


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top